top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 14, 2022


“Isang tunay na guro!” “Nanay, kaibigan, kasama, katawanan, kalakbay sa paghahanap ng katotohanan at kabuluhan sa buhay!” Ilan lang ito sa maraming marubdob na katagang binitawan ng mga naging mag-aaral ni Maureen Pagaduan Bandayrel. Nagkatipun-tipon muli noong nakaraan Huwebes, ika-11 ng Agosto ang ilang kaibigan, kamag-anak, kasamang-guro sa CSWCD-UP o ng College of Social Work and Community Development ng Unibersidad ng Pilipinas. Dalawang taon nang patay si Prof. Mo at mula noong malubha pa lamang si Maureen, “Mo” para sa kanyang asawang si Jun, mga kapatid, kaibigan, kapwa guro at mga estudyante, naiimbitahan na akong dumalaw sa bahay nina Jun at Mo upang mag-alay ng misa, magdasal at humingi ng paghihilom para kay Mo. Lumubha at namatay si Mo, nagkita-kita kami muli. Ganun muli nang dumaan ang isang taon. At ngayong ikalawang taon ng kanyang pagkamatay, nagkita-kita muli ang mga nagmamahal kay Mo.


Mapalad na nakatabi ko sa handaan pagkatapos ng misa si Dr. Angelito Manalili, na mas kilala sa pangalang Ka Lito. Isa sa piling-piling Professor Emeritus si Ka Lito. Ang ibig sabihin nito ay Professor of Professors, Teacher of Teachers, isang dakila at hindi lang magaling na guro si Ka Lito. Kakaibang kausap si Ka Lito. Parang hindi ka nakikinig sa karaniwang tao, kundi sa “Katotohanan Mismo.” Dahil sa mga munti, ngunit tunay namang kakaibang karanasan noong Huwebes, naisip kong magsulat ng pagninilay at pasasalamat sa mga naging guro ko noon hanggang ngayon maging sa loob at labas ng paaralan, kolehiyo at unibersidad. Magandang serbisyo ito para sa mga haligi ng edukasyon, ilang araw bago muling magbukas ang mga paaralan sa sari-saring uri ng paghaharap-harap pagkaraan ng higit na dalawang taon ng pandemya.


Nagkataong kapwa taga-Unibersidad ng Pilipinas sina Prof Mo Pagaduan at Prof “Ka Lito” Angelito Manalili. Kung aalalahanin kong pabalik ang mga naging guro sa aking buhay, kailangan ding magsimula ako sa mga naging guro ko sa huling pormal na pag-aaral ko sa unibersidad. At ang unibersidad na ito ay ang UP. Galak na galak at puno ako ng pasasalamat sa mga sumusunod na propesor: Prospero Covar, Relly Rolda, Michael Tan, Mam Celia, Letty Lagmay, Dok Longacre, Kiko Datar, Connie Alaras, Alfredo “Yabu” Lagmay, NVM Gonzales, Manny at Amelia Bonifacio, Jose at Madelyn Maceda, Ramon Santos, Connie Paz, Adjit Rye, Dodong Nemenso, Mario at Alma Miclat, Jerome Bailen at napakarami pang iba na napakayaman at makulay na mahigit sampung taong pag-aaral ng Agham Tao (Antropolohiya) sa UP.


Magkahalong tuwa at lungkot ang naramdaman ko sa pagsisikap na alalahanin ang mga propesor na nakilala, napakinggan, nakatalakayan at nakasama sa paglalakbay tungo sa malayang kaisipan ng Katotohanan. 'Yan ang UP, ang unibersidad ng malayang pag-iisip. Ibang-iba sa mga unibersidad, kolehiyo at paaralang nakagisnan ko. Hindi naging madali ang mga unang araw, linggo at buwan ko sa UP. Ibang mag-isip, magsalita at kumilos ang mga propesor sa UP at gayundin ang mga mag-aaral nito. Pakiramdam ko sa sarili ay isang kahon na pumasok sa walang hangganang espasyo na ang mga naroroon ay walang sawa, walang tigil na humu-hulma ng bagay na tahanan ng katotohanan. Hindi naghihintay na manguna at magbigay ng halimbawa o modelo ang guro. Ikaw na mismo ang maghahanap at magsisimulang lumikha ng iyong hulmahang-katotohanan.


UP lang ba ang ganito? O, likas bang ganito ang mga tunay na guro? Malinaw na hanggang mga guro at propesor lang ng UP ang maisasama ko sa sinusulat kong ito. Napakaraming magigiting at dakilang guro. Sa dami ng naging guro at propesor ko hanggang sa mga unang hakbang ng batang musmos na pumasok sa paaralan ni Ginang San Pedro sa tabi ng simbahan sa Baryo Tugatog sa Malabon kukulangin ang munting espasyo ng alaalang ito. At kung paano rin maisusulat ang naging bunga ng pakikinig at malugod na pagsama sa malayang paglalakbay-isip, diwa at espiritu kasama ang iba’t ibang guro na may kani-kanyang ilaw, kulay, init, angas, dating at lakas… Sapat nang pasalamatan sila sa pagiging mga hiyas ng katotohanan at buhay sa gitna ng marumi at masangsang na burak ng kasinungalingan at kagaspangan. Salamat. Maraming salamat. Mga dakila’t mabubuting guro. Tanglawan ninyo ang mga bagong guro at propesor ng kasalukuyang henerasyon. Sa tulong ng inyong walang kamatayang apoy ng malaya at nagpapalayang kaisipan, nawa’y sila at ang kanilang mga estudyante ay lumaya at magpalaya sa iba.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 2, 2022



Naalala ko pa ang drama noong ipinagdiwang ang misa bago mag-eleksyon.


Ipinaliliwanag ko ang sunud-sunod na pagkakalat ng fake news at ang walang sawang pambabatikos ng mga trolls tuwing naninindigan ang sinuman para kay VP Leni Robredo. Ipinaliwanag ko rin ang kahalagahan ng patuloy na pagkukuwento tungkol sa nakaraan ng mga nakaranas ng mahahalagang yugto nito.


“Kung gusto ninyo, ikukuwento ko ang mga nangyari noong Martial Law mula 1972 hanggang 1986. Mula nang nasa unang taon ako ng kolehiyo sa seminaryo hanggang pang-apat na taong paglilingkod bilang pari. Ikukuwento ko ang mga pananakot ng mga pulis at sundalo; ang paghihigpit sa malayang pamamahayag; ang paghuli sa mga aktibista; ang tortyur at salvaging at mga pagkawala (desaparecido) ng mga itunuring na kaaway ng estado; ang pagbagsak ng ekonomiya; ang pagkagutom ng marami; ang kawalan ng trabaho; samantalang nagpapasasa ang mga pamilyang may hawak ng poder. Kung gusto ninyo ikukuwento ko ang lahat-lahat ng ito.”


At hindi pa ako nakakapagkuwento nang may tumayong sumigaw, “Respeto na lang!”


Hindi umupo ang lalaking sumigaw. Nagpatuloy ako sa paliwanag. Matigas ang mukha ng lalaki. Puno ng galit sa tingin niya sa pambabastos na nagaganap. Wala naman akong sinabi kundi ang kahalagahan ng pagkuwento sa katotohanan. Hindi ko na sinuklian ng galit ang galit. Alam ko kung saan nanggaling ang salitang isinigaw niya. Sistematikong ikinakalat ito. Marami pang salitang kumakalat: Mayabang, mapangmaliit at mapanlait.


At nang lumabas na ang mahiwagang bilang ng 31 milyong boto, lumitaw na ang salitang—panalo, marami kami.


Patay na ang katotohanan, gayundin ang katarungan. Pumasok na ang libu-libong taga-China sa ating bansa. Trilyones ang katumbas ng inutang sa China ang nakapasok sa ating pangkalahatang utang. Kakaunti ang pumapalag. Nagtagumpay na ba silang patayin ang kabayanihan?


Nababahala si Jose Montalban sa isinulat noong artikulo tungkol sa patayang naganap sa Ateneo.


Para sa kanya, hindi lang tao ang pinatay, kundi ang mahahalagang batayan at prinsipyo ng kasaysayan at pananaw bilang Pilipino. Pinapatay at sirang-sira na ang ating kultura.


Kung pinapatay at malalim na ang sugat ng ating kultura, ano pa ang natitirang buhay at bumubuhay sa atin?


 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 31, 2022



Binigyang-diin ng Pangulo ang agrikultura sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes. Aniya, kailangan nating maabot ang kakayahang pakainin ang ating sarili. Ito ang ibig sabihin ng naturang “Food Security”, kaya tama lang bigyang-kahalagahan ang agrikultura.


Ang tanong, “Kaya nga ba ng pamahalaan tapatan at lampasan ang malinaw at matinding balakid na siyang dahilan ng ating Food Insecurity, na pinalalala ang kahinaan nating pakainin nang sapat ang ating sarili.


Ang pinakaunang balakid ay ang matinding “land banking” ng malalaking korporasyon at ng mga pulitiko na ginagamit ang kanilang posisyon upang maunang bilhin ang mga lupaing may problema: ang mga loteng hindi nababayaran ang mga amelyar o tax declaration na hindi pa napatituluhan dahil sa kapabayaan o dahil nasa ibang bansa ang mga may-ari. Ang ganitong lote ang pinag-iinitan ng mga nakapuwesto upang mauna sa “bidding process” ng mga loteng hindi nababayaran ang amelyar. At dahil hawak nila ang poder ng lalawigan, siyudad, barangay, palagi silang nananalo sa naturang “Bidding Process.” Hindi man lahat ng mga gobernador, mayor ng siyudad o bayan, kahit na ang barangay captain ang mabilis makipag-bid para sa mga loteng napabayaan na ng mga may-ari, marami, napakarami sa kanila sumasali sa “bidding process” at nananalo pa.


Paano mo isusulong ang agrikultura kung nanganganib na ang kinakailangang laki at dami ng lupa o lupaing kinakailangan para sa sapat na produksyon. Paliit nang paliit ang mga lupang pang-agrikultura o lupang sakahan. Magkakaiba ang sitwasyon ng Pilipinas sa ibang bansa. Halos walang proteksyon ang magsasakang Pinoy sa mga naglalakihang “Real Estate Corporation” na kayang-kayang bilhin o piliting ipagbili ng mga magsasaka ang kanilang lupa. Pagkatapos ng pangalawang pandaigdigang digmaan (WWII), tinulungan ng pamahalaang Hapon ang kanilang magsasaka. Binigyan ng makinarya, pataba at butong itatanim; pati lupang sasakahin ang mga magsasakang Hapon. Kaya sa ngayon, isa ang mga magsasakang Hapones sa pinakamayamang mamamayan sa Japan.


Tila baliktad ang nangyayari sa ating bansa. Noong nakaraang taon, may isang mambabatas ang nagsabing, “Yung sinasabi na huwag i-convert ang farmland para magtayo ng mga bahay at huwag i-convert ang mga farmland para magtayo ng factory — mali 'yun dahil kailangan ang “land conversion” para sa ekonomiya. Ito ang problema ng Land Use Act o LAD na hindi na itinuturing ang mga lupang-sakahan bilang namumukod na uri ng lupa at ituturing na lang ito, tulad ng anumang lupang maaaring ibahin ang klasipikasyon para magamit sa mga Infrastructural Projects ng bansa.


Ano na ang ginagawa ng Department of Agrarian Reform at ng Department of Agriculture para protektahan ang mga lupang sakahan sa mga matatakaw ng korporasyon ng “Real Estate.”


Madaling saliksikin kung anu-anong korporasyon ang may-ari ng libu-libong ektarya ng lupa na ilang ektarya pa lamang ang natatayuan ng mga “subdivision” at “factory”, ngunit napakarami pang basta nakatiwang-wang, naghihintay ng pagkakataong ibenta o patayuan ang mga ito ng pabahay, mga high rise o pagawaan kapag tumaas na naman ang halaga ng lupa (o real estate).


Katatapos lang ng pambansang eleksyon. Maaari kayang magkaroon ng imbestigasyon sa lupang pag-aari ng mga opisyal ng gobyerno mula Presidente, Bise Presidente; Senador; Kinatawan ng Kongreso; gubernador, Mayor ng mga siyudad at bayan at pati na ang mga Barangay Captain. Oo, malinaw na ang yaman ng marami sa mga opisyal na malalaki ang pera sa mga bangko at napakalaki rin ng halaga at kinikita ng mga korporasyong pag-aari ng mga ito.


Maganda ang inyong layunin na palakasin at suportahan ang agrikultura ngunit handa ba kayong hamunin ang lahat ng nakapuwesto na ibulgar ang laki at dami ng pag-aari nilang lupa at tingnan kung anu-ano sa mga ito ay merong positibong kontribusyon sa agrikultura o baka mga lupang pinamamahal lang ang mga 'to na ang halaga ay kung magkano na ang mga “zonal value” ng lupa at hindi ang kakayahan ng lupa na taniman ng kinakailangan nating palay o gulay?


Sana Pangulo, na mahalaga talaga para sa inyo ang mga nasa-sakahan at handa kayong ipagtanggol ang mga ito sa mga matatakaw ng mamimili, mangla-land-grab ng lupa maging mayayamang pamilya o dambuhalang korporasyon ang mga ito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page