top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 6, 2025



Fr. Robert Reyes


Nakipaglibing noong nakaraang Martes, Disyembre 2, ang ilan sa mga pari ng Diyosesis ng Cubao sa ina ng aming Obispong Elias Ayuban na si Genara. Merong ilang naunang dumating noong Disyembre 1. Lima naman ang mga paring dumating sa araw ng libing. 


Namatay si Nanay Genara noong Nobyembre 23, sa Pista ng Kristong Hari. 

Mula noon hanggang sa libing ng kanyang ina, walang tigil ang pagtupad ng tungkulin at pakikiisa ni Obispo Ayuban sa mga nangangailangan. Sa kabila ng kanyang pagdadalamhati sa pagyao ng kanyang ina, walang nagbago sa karaniwang takbo ng kanyang buhay. 


Lumipad sa Bohol noong nakaraang Martes si Bishop Ayuban para maglamay sa burol ng kanyang ina. Kinabukasan, lumipad pabalik ng Maynila ang mabuting kardinal para maghanda sa ordinasyon ng kanyang pinakaunang ordinasyon ng pari para sa Diyosesis ng Cubao. 


Tatlong araw makaraan ang ordinasyon, nagmartsa kasama ng dalawang obispo sina Obispo Mylo Vergara ng Pasig at Obispo Eugenius Cañete ng Gumaca, Quezon. 

Sa likod ng tatlong obispo nagmartsa ang libu-libong mga parokyano mula sa iba’t ibang Parokya ng Diyosesis ng Cubao.


Bandang alas-10 ng umaga, nagsimula ang Banal na Misa kung saan nag-omeliya si Obispo Ayuban. Kinabukasan ng alas-2 ng hapon, inordenahang pari naman ni Obispo Ayuban ang limang Dominican. Kinagabihan, lumipad patungong Bohol ang obispo para ilibing kinabukasan ang inang si Genara. 


Ipinagdiwang naman kinabukasan ni Obispo Ayuban ang unang anibersaryo bilang Obispo ng Cubao kapiling ang mga pari, relihiyoso at layko mula sa 49 na Parokya. Mahigit 500 katao ang dumalo sa mahalagang anibersaryo. 


Tila nakakahilo ang takbo ng nakaraang mga araw para sa obispo ngunit tuluy-tuloy lang ang paglilingkod sa kabila ng dala-dalang bigat ng pagyao ng kanyang ina. 

Sa kanyang omeliya sa huling misa para sa kanyang ina, naibahagi niya ang sinabi ng kanyang ina noong siya’y unang naging pari: “Lagi kitang ipagdarasal at susuportahan saan ka man pumunta.” 


Kasama ng bagong pari sa simula hanggang naging Obispo ng Cubao ang panalangin at mapagmahal na suporta ng kanyang ina. 


Noong ikinukuwento ng obispo ang kanyang relasyon sa ina, bumalik ang mga panahon nang lumalaki pa lang tayo hanggang sa naging seminarista, pari at naglingkod sa iba’t ibang lugar at ministeryo. 


Naalala natin ang mga panahon na mahirap at mapanganib na magsalita ang aking ina sa akin, “Mag-ingat ka anak. Sana tumigil ka na. Hindi naman sila nakikinig sa iyo.” 

Parang hindi naniniwala ang aking ina sa mga ginagawa natin. Ngunit, hindi iyon ang kanyang mensahe. Pag-aalala sa aking kapakanan ang umiiral sa kanya. 


Sa buong pagkapari natin na hindi tumitigil ang pakikisangkot, hindi rin tumitigil ang pagpapaalala at pag-aalala ng aking ina. Ngunit, hindi natin naramdaman bilang batikos at sermon ang kanyang mga salita. Sa likod ng lahat ng pawang pagtutol sa ating mga ginagawa, naroon naman ang kanyang suporta at pagmamahal.


Hindi man naming mga pari nakikita ang Diyos, naroroon lagi ang aming mga ina para maging kamay, mukha at tinig ng Diyos sa aming buhay. Kaya ganoon na lang kahalaga ang mga ina ng mga pari sa buhay ng kanilang mga anak. 


Noong araw, pagkatapos isuot ng bagong ordain na pari ang kanyang mga bagong damit pangmisa, luluhod muli ang bagong pari sa harap ng obispo na papahiran ng banal na langis ang mga kamay nito. Pagkaraan nito, itatali ng obispo ang  kamay ng bagong pari ng puting tela (maniturgium, sa Latin manu-kamay; tergeo-pahiran). 


Matapos ang ordinasyon ng bagong pari, ibibigay nito ang puting tela (maniturgium) sa kanyang ina at sa pagpanaw nito, kasamang ililibing sa yumaong ina ng pari ang puting tela.


Hindi na ginagamit ngayon ang puting tela na itinatali sa kamay ng bagong pari. Subalit, napakalinaw ng kahulugan ng ritwal ng puting tela. Mula ordinasyon ng pari hanggang sa kamatayan ng kanyang ina naroroon, magkatali ang kamay ng pari at ang kamay ng kanyang ina sa panalangin at mapagmahal na suporta saan man madestino ang pari.


Dama namin ang bigat ng pagkawala ng kanyang ina na pasan-pasan niya. Ngunit hindi lang dalamhati ang natutunghayan ng lahat ng pari dahil pare-pareho naming nakita, naranasan at nadarama buhay man o hindi ang aming mga ina. 


Ganoon kalalim ang kaugnayan ng mga pari sa kanilang mga ina, at ganoon din sana ang kaugnayan ng bawat miyembro ng pamilya sa isa’t isa. Isa itong mahalagang paalala sa lahat ng mga pamilya na pairalin ang malalim at banal na ugnayan na dapat laging mamayani. 


Kung ganito sana ang bawat pamilya, maganda rin ang magiging hugis at takbo ng buong lipunan. Subalit nasisira ang maraming pamilya ng mali at masamang diwa ng materyalismo, ng pagkaakit sa mga materyal na bagay at sa salapi. 


Makikita ito sa masamang epekto ng mga pamilyang pumasok at ayaw nang umalis sa pulitika, ang mga dinastiya. Hindi sa kamay ng Panginoon nakatali ang kanilang mga kamay bagkus sa salapi at kapangyarihan!

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 1, 2025



Fr. Robert Reyes


Matatapos ang panahon ng bagyo at baha. Hanggang katapusan pa ng Disyembre ang hihintayin natin bago bumalik sa normal ang buhay ng lahat. 


Maalala natin ang Bagyong Sendong na rumagasa sa Mindanao noong Disyembre 16, 2011. Tinatayang mula 1500 hanggang 2500 ang namatay sa matinding hagupit ng bagyong ito. Natatandaan pa natin nang tumungo tayo sa Cagayan de Oro para dalawin ang mga sinalanta ng Bagyong Sendong. Naroroon ang kaibigan nating si Mimo Perez an direktor ng Kapuso Foundation sa ilalim ni Mel Tiangco. 


Simula na ng popular na tradisyong Pinoy, ang araw kung saan ng dumating si ‘Sendong’. Handa na ang mga parol sa mga tahanan at mga simbahan. Handa na rin ang lahat para sa Misa de Gallo, na ginaganap ng madaling-araw. Tradisyong buhay na noong panahon ng mga Kastila ang pagmimisa ng madaling-araw, alas-3 o alas-4 ng umaga sa siyam na araw bago mag-Pasko. Nobenaryo ng paghahanda sa pagdating ng Panginoon sa araw ng kanyang kapanganakan. 


Ngunit sa halip na tahimik, banal at makabuluhang pagdiriwang ng Misa de Gallo, isang trahedya ang dumalaw sa Mindanao. Imbes na Pasko ng galak, naging dalamhati ang Pasko noong Disyembre 25, 2011. 


Sa awa ng Diyos, hindi nagtapos sa dalamhati ang lahat. Sinundan ito ng matinding pakikiisa at pagmamalasakit. Ito ang tinatawag na “solidarity” sa Ingles. Ito ang panawagan ng simbahan sa lahat sa panahon ng matinding pangangailangan. 


Hindi maaaring magkibit-balikat at magsabing hindi naman kami tinamaan dito sa Maynila. Bahala na silang mga taga-Mindanao na lutasin ang kanilang problema. Ganoon ba talaga ang tao? Kanya-kanya dahil magkakaibang tinitirhan at kinikilusan?


Hindi! At malinaw ang itinuturo ng maraming simbahan at paniniwala. “Anak ng Diyos ang lahat. Magkakapatid tayo kay Kristo!” Paniniwala ito ng lahat ng mga Kristiyano. 

“Magkakaugnay ang lahat, lahat magkakaugnay!” Kinakanta ito ng isang bandang Pinoy at halos alam ito ng lahat ng mga isinilang noong dekada 70. 


Bagaman turo ito ng mga disipulo ni Buddha, isang mahalaga at malalim na prinsipyo itong ekolohikal. Magkakaugnay at iisa ang lupa, hangin, tubig, init ng araw, apoy ng bulkan, at iba pa. Iisa ang lahat ng nilikha ng Diyos. Sama-sama at sabay-sabay Niyang binubuhay ang kanyang sangnilikha na siya ring bumubuhay sa lahat ng may buhay.


Merong isang materyal na bagay na hindi Diyos kundi tao ang lumikha. Salapi! Hindi galing sa Diyos ang salapi. Nilikha ng tao ang salapi upang gawing mas madali ang palitan ng paggawa. Ito ang tinuligsa ni Karl Marx sa kanyang Das Kapital. Kung paano nagkaroon ng katumbas sa salapi ang paggawa ng tao. Tila ganoon din ang nangyari sa tao, naging isang bagay na natutumbasan ng salapi, isang bagay na nabibili. Nasaan na ang dangal ng paggawa? Nasaan na ang dangal ng tao? Ilan lang ito sa mga tanong ni Karl Marx. 


Ngunit, matagal nang tinatanong ng simbahan ito sa marami nang naisulat at napangalat na mga panlipunang turo ng simbahan o ang Church Social Teachings o CSP. Merong panlipunang katuruan (CSP) ang simbahan ngunit tila hindi ito nabibigyan ng pantay na pagpapahalaga sa opisyal na Katekismo ng Simbahang Katoliko. Ito na ang pagkakataong dapat palaganapin ang Church Social Teachings. 


Ang kasalukulang isyu ng korupsiyon ay mapayapang paksa na binubuo ng sapin-saping ibang paksa mula sa magandang pamamahala, sistema at kultura ng katarungan, ng epektibong batas na maaaring humadlang at magparusa sa mga nasasangkot sa anumang uri ng katiwalian.


Kaya naman kahapon, Nobyembre 30, ay lumabas hindi lang sa Maynila kundi sa bawat diyosesis at parokya ng Simbahang Katoliko, upang ipakita kung gaano tayo handang kumilos para sa pagtataguyod ng programang laban sa korupsiyon. Mula People Power Monument hanggang sa lahat ng mga diyosesis at parokya kung nasaan ang Simbahang Katoliko magkakaroon ng nagkakaisang panawagan at pagkilos.


Nararapat lang kumilos ang mga diyosesis at bawat parokya ng Simbahang Katoliko. Nagsimula na ring kumilos ang iba’t ibang diyosesis, at magpapatuloy na kumilos ang lahat. 


Ang naturang araw ay araw ng pagtutol at pagtuligsa sa anumang korupsiyon sa lahat ng antas at sangay ng pamahalaan hindi lang sa DPWH, Kamara at Senado. 


Sa bawat parokya ng iba’t ibang diyosesis nabubuo ang mga pagkilos na mayroong iisang diwa at tema: labanan ang korusiyon, panagutin at ikulong ang may sala. 

Nagkakaisa na rin ang lahat, at unti-unting namumulat ang matagal nang nililinlang at pinipiringang maliliit, ang masa. Unti-unting lumilinaw kung paano magkakaugnay ang lahat. 


At kung paanong magkaisa ang lahat hindi lang upang maghanda sa baha kundi upang labanan ang sanhi nito, ang maruming salapi, ang salaping isinisingit at ninanakaw, ang salaping puno’t dulo ng baha, ang baha ng maruming salapi, ang baha ng salapi’t mamahaling bato, salaping itinago sa dose-dosenang maleta, ito ang bukal, ang baha ng maruming salapi.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 30, 2025



Fr. Robert Reyes


Taong 2018, bandang Agosto nang muling bumalik tayo sa paglilingkod bilang kura paroko ng San Isidro, Labrador. Matagal-tagal tayong nawala sa Diyosesis ng Cubao nang piliin nating pansamantalang maglayag sa gitna ng mga kontrobersiya sa pulitika noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. 


Masakit at nakapanglulumo ng kalooban ang epekto ng “maruming salapi” na masaganang dumadaloy mula Malacañang hanggang simbahan. Noong mga panahong iyon nauso ang pagbibigay ng mga “brown envelopes” na may lamang salapi sa mga obispo. Saan galing? Alam na! 


Nabalita rin ang mga diumanong dinonate na mga Pajero sa ilang obispo na kagyat isinauli ng mga obispo nang pumutok ang iskandalo. Sa gitna ng iskandalo ng “maruming salapi,” madalas tayong tumanggap ng paalala sa mga nasa itaas natin na maghinay-hinay sa pagbatikos sa Pangulo. Lalo nating naintindihan ang epekto ng “maruming salapi.” Pinalalambot nito ang tapang kontra sa kasamaan ng mga tinawag upang labanan ito. Noon tayo nagpasya na pansamantalang lumayo at manahimik para higit na palakasin at palalimin ang biyayang tinanggap bilang pari, lingkod ng Diyos, ng tao, ng bayan at ng kalikasan.


Nasa 11 taon tayong nawala. Naglingkod bilang pari sa Tsina, Hong Kong, Palawan, Palanan, Isabela; Sta. Ana, Cagayan; Bagong Sirang, Catanduanes at Santiago, Isabela. Nag-apply at tinanggap ng mga Pransiskano, at naging misyonero sa loob ng limang taon. 


Pagkaraan ng pansamantalang pananahimik at paglayo, na akala ng marami ay lubusan na tayong nawala at tumahimik, nagpasya tayong bumalik sa Diyosesis ng Cubao. Pagkaraan ng halos isang taon ng programa ng “re-integration” at “re-orientation,” muli tayong binigyang pagkakataong maglingkod sa Parokya ng San Isidro Labrador sa Pinyahan, Quezon City. Pinalitan natin si Padre Arvie na ipinadala sa Roma upang mag-aral. Doon natin nakilala ang seminaristang si Bro. Arvin Zarsata. 


Masipag, matalino, madasalin at mahusay makipag-ugnayan sa lahat ng tao si Bro. Arvin. Mula sa Samar si Bro. Arvin at madalas niyang ipagpalit ang “i” at “e” na pinagmumulan ng biruan at tawanan. Tatawa lang din si Bro. Arvin na walang kapikon-pikon. 


Kasama-sama ko si Bro. Arvin sa pag-iikot sa lahat ng sulok ng parokya. Dahil sanay na kaming mag-ikot sa buong parokya, ganun pa rin ang aming ginawa nang dumating ang pandemya ng COVID 19 noong 2020. Mahirap ang buhay ng lahat. Mapanganib ang maglingkod sa Diyos pati sa tao. Ipinagbawal ang pagbubukas ng mga simbahan. Nauso ang mga misang online. 


Sa kabila nito, pinayagan pa rin natin magsimba ang mga nagnanais basta’t meron lang ginagawa nila ang social distancing. 


Simula pa lang ang pandemya nang namatay ang isang mahusay at masayahing parokyano sa katauhan ni Dok Sally Gatchalian. 


Kilalang-kilala si Dok Sally sa mga doktor. Presidente siya ng Pediatric Association of the Philippines ng bawiin ang kanyang buhay ng COVID. Dahil dito, sinimulan natin ang “Kusina ni Dok Sally,” at kasama natin si Bro. Arvin sa pagsulong ng programang ito. Halos tatlong beses sa loob ng isang linggo ang pagpapakain sa isa hanggang dalawang daang pamilya sa paligid ng Pinyahan. Salamat sa walang sawang tulong ng mga kaibigang doktor, kamag-anak at mga naniniwala at nagmamahal kay Dok Sally.


Sa mahirap na panahon ng pandemya, laging kasama at kaagapay natin si Bro. Arvin. Mabuti na lang at naroroon siya. Naalala natin ang mga gabi na naglalakad kami sa kahabaan ng kalye Malakas hanggang Heart Center at pabalik. Halos dalawang kilometro ang layo ng isang ikot ng paglalakad. Magdarasal at magbabahagi kami tungkol sa mga nangyayari sa parokya, sa mga parokyano at sa aming mga sarili.


Napakahalaga ng panahong iyon. Nakapagpapalakas ng loob at ng aming pananampalataya bilang mga pari at seminaristang tinawag ng Diyos na maglingkod sa Kanya at sa kapwa.


Natapos ang pandemya, inilipat tayo sa Parokya ng Our Lady of Perpetual Help sa Project 8. Sumama pa rin sa atin si Bro. Arvin habang tinatapos nito ang kanyang teolohiya sa Saint Vincent School of Theology. 


Nang hinirang ang bagong obispo ng Cubao na si Fr. Elias Ayuban, CMF, dali-daling tinawagan natin ang matagal ko nang kaibigang si Padre Bong Suñas na kasamahan ng bagong hirang naming obispo. Sumagot agad si Padre Bong, at tinanong natin ito, “Okey ba si Padre Ayuban?” Sagot niya sa’kin, “P’re, okey na okey ‘yan. Kaibigan ko at bata sa akin ‘yan. Misyonaryo, makatao, maka-misyon, maka-mahirap yan.”  Dagdag pa ni Padre Bong, “Punta ka rito, nagpa-party kami para kay Padre Eli sa kanyang pagkakahirang na obispo ninyo.” Pumunta kaagad kami ni Bro. Arvin sa mga Claretian sa UP Village.


Fast forward tayo. Noong nakaraang Huwebes, Nobyembre 27, inordinahan ni Bishop Eli si Rev. Arvin Zarsata bilang pari ng Diyosesis ng Cubao. Mabuhay Padre Arvin. Salamat sa mga nagdaang pitong taon na magkasamang paglilingkod sa Diyos, kapwa, bayan at kalikasan. 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page