top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 16, 2025



Fr. Robert Reyes


Kapisatahan ng ‘Pagpaparangal sa Krus’ noong Linggo, Setyembre 14. Sa gitna ng tumitinding kontrobersiya hinggil sa korupsiyon kaugnay ng mga ghost flood control projects naisipan ng kura ng isang parokya sa Batangas na magsagawa ng kakaibang Santakrusan. Hindi prusisyon kundi takbuhan. Hindi bilang pagpaparangal lamang sa krus kundi bilang pakikiisa na rin sa lumalaganap na pagkamuhi ng taumbayan sa korupsiyon ng maraming mga pulitiko.


Takbo, krus, korupsiyon. Matagal-tagal ko nang hindi nabalikan ang takbo bilang paraan ng paggising, pagmumulat kasabay ng pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Nakatutuwa na ginagamit na ng marami ang takbo bilang paraan ng paggising at pamumulat.


Noong nakaraang linggo naganap ang “Takbo laban sa Korapsyon” sa UP Diliman. Napuno ang Academic Oval ng UP Diliman ng mga karaniwang mamamayan na kadalasan ay nagpapapawis lamang ngunit sumisigaw din laban sa korupsiyon. Nakatutuwa ang pagsasama ng exercise at pagtugon sa isang mainit na isyu, na nagaganap din sa iba’t ibang lugar. Lumalabas at nakikisangkot din ang maraming kabataan. 


Salamat sa kura paroko ng isang parokya sa Batangas City na naisip gamitin ang pista ng ‘Pagpaparangal sa Krus’ upang gisingin, imulat at hikayatin ang mga kabataan na maging bahagi ng pagbabago at pagpapalaya sa lipunan sa salot ng korupsiyon. May mangyayari ba pagkatapos ng munting takbong ito sa isang bayan ng Batangas? May epekto ba ito sa kahirapan ng marami? Malinaw na hindi agad-agad magbabago ang sitwasyon dahil malaki at malawak ang problema ng korupsiyon. Ngunit, salamat sa mga kabataan na dahan-dahang namumulat, nakikisangkot at handang kumilos kasama ang ibang sektor para sa pagbabago ng lipunan.


Nagsisimula na rin ang pagmumulat at pag-oorganisa ng mga kabataan sa mga unibersidad tulad ng ‘One Taft’ o ang iba’t ibang unibersidad sa Taft Avenue. Mahalagang karagdagan ito sa atin ng mulat na kalipunan ng mga kabataang mag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) at Unibersidad ng Pilipinas (UP). 

Noong nakaraang Huwebes, daan-daang estudyante ang lumabas sa Arts and Sciences Steps ng UP upang tuligsain ang national budget (General Appropriations Act). Nabalita rin ang mga “mass walk out” ng mga mag-aaral sa ibang mga kolehiyo at unibersidad.


Namumulat kaya’t kumikilos ang mga kabataan. Sino at ano ang nagmumulat sa kanila? Salamat sa nagsimula at sa lumabas na mga video interview ng mga Discaya na pinuna ni Mayor Vico Sotto. Kumilos ang mga reporter at sinubukang mag-interview sa mga Discaya, at biglang napansin ng netizens ang kontrobersiyang nabuksan. 


Salamat din sa social media na naging plataporma para lumabas hindi lang ang video interview sa mga Discaya kundi sa mas malalim na usapin ng “wealth porn” (terminolohiyang ginagamit ng isang kolumnista sa isang pahayagan). Tulad ng karaniwang porn na usapin ay sex, ang ipinakikita ay walang preno, walang kahihiyan at walang anumang pamantayang moral. Ito ang “wealth porn”, ang walang kahihiyang pagpapakita at pagyayabang sa kayamanan. Walang kaabog-abog, walang kahiya-hiyang ipinamamalas mula 28 luxury cars at higit pa na nakaparada sa napakalaking garahe. Nakakahiya, nakakapangilabot, nakakagalit ang ganitong kayabangan sa gitna ng sukdulang kahirapan na nararanasan ng napakalaking bahagi ng ating populasyon.


Nakakatulong din ang nangyayari sa Senado sa imbestigasyon ng katiwalian at ang pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI). Kakaiba rin ang naunang kaganapan ng pagkabuwag ng dating “Majority” na napalitan ng dating “Minority” ng lima na sinalihan o nilipatan ng 10 kung kaya’t biglang naging bagong “Majority” ang dating “Minority.” 


At tila nagkakainteres na rin sa pulitika ang mga kabataan na nakikita kung gaano kahalagang isulong ang tama at mabuting pamamahala (o good governance), at labanan at wakasan ang mali o lumang pamamahala na pabor at adik sa korupsiyon.


Kung titingnan ang komposisyon ng Senado at Kamara, madaling makita kung sino ang mga busog, bundat at korap na pulitiko. Madaling makita at makilala ang mga tiwali. Dapat lang upang hindi tularan, lalo’t higit tanggalin sa legal at mahinahong paraan ang mga pulitikong korap.


Nakakatakot ang nangyayari sa Indonesia, lalo na sa Nepal.Tinutugis na ang mga opisyal na korap. Pinalalabas ng kanilang bahay, hinihiya ang mga ito at sa maraming pagkakataon, sinasaktan pa ang mga ito. Kapag napalabas na ang mga opisyal at ang kanilang pamilya, sinusunog ang mga bahay nito. Hahantong ba tayo sa ganitong senaryo? Magiging marahas at walang awa ang mga kabataan natin? Hindi ko alam at hindi ko masasabi. Dapat magdalawang-isip ang mga korap na mamamayan dahil hindi natin alam kung ano ang maaaring mangyari, gaya ng mga linya ni FPJ sa isang pelikula, “Kapag puno na ang salop, dapat ng kalusin.”


Isang krus ang korupsiyon na tinitiis ng mga maliliit na biktima nito. Binuhat ni Kristo ang krus, at dinala ito sa kalbaryo kung saan siya ipinako, sinibat sa tagiliran na patunay ng Kanyang kamatayan. 


Marahil, ito ang hinihiling ng Diyos na gawin nating lahat. Kailangang pasanin ang krus ng korupsiyon. Harapin at huwag talikuran ang pananagutan, labanan at ituwid ito ng lahat sa mahinahon ngunit matapang na paraan.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 14, 2025



Fr. Robert Reyes


“Korup… Korup… Korup. Nakakahiya, nakakagalit, nakakadiri!

Napoles: ghost NGO’s noon; Discaya: ghost flood control projects ngayon!

Kontraktor, DPWH, pulitiko, sistema = gobyerno                                       

Kultura = tao… Filipino 

Sila lang ba o tayong lahat?”

 

Lahat-lahat, mula labas hanggang loob, mula balat hanggang buto, mula mukha hanggang kaluluwa… Lahat dapat tingnan.


Nakakahiya, nakakagalit, nakakadiri: Discaya, Senate, Supreme Court, DPWH, kontraktor, Kamara, Senado. Tama na muna. Madaling magtuturo at mambintang. Madaling mag-Senate hearing, Congress investigation: mag-QuadCom, mag-impeachment kung gusto, ngunit mahirap magsimula sa dapat panimulan. Tingnan muna natin ang dapat tingnan -- ang ating sarili. Si Discaya lang ba, mga kontraktor, DPWH, mga taga-Kamara o Senado lang ba ang dapat tingnan? 


Noong nakaraang Linggo, Setyembre 7, inalala si Papa Francis, kasabay ng canonization nina Carlo Acutis at Pier Giorgio Frassati na isinagawa ni Pope Leo XIV. Si Pope Francis ang nais sana humirang na santo sa mga Kabataang Banal na sina Carlo at Pier Giorgio.


Salamat sa ating banal na Papa Francis. Salamat Panginoon, salamat sa kabanalan.

Kaakit-akit, kapuri-puri, kahanga-hanga ang kabanalan nina Carlo Acutis, Pier Giorgio Frassati. Tayong mga Pinoy, puwede, dapat, meron at marami pa gaya nina Lorenzo Ruiz, Pedro Calungsod, at naririto, nasa labas, nasa mga pamilya, pamayanan, barangay, bayan, siyudad at sa mga rehiyon.


Para kay Saint Carlo Acutis: “I am happy to die because I have lived my life without wasting a minute on these things that do not please God.”

Para naman kay Saint Pier Giorgio Frassati:“Every day my love for the mountains grows more and more. If my studies permitted, I’d spend whole days in the mountains contemplating the Creator’s greatness in the pure air.”


Banal, bawat sandali sa Diyos. Bawat sandaling paglilingkod sa kapwa, sa mahirap, sa mahina’t may sakit, sa walang-wala. Ito din ang sinasabi ng ebanghelyo ngayon:

Lucas 6:27ff: “Ngunit sinasabi ko sa inyo, mga nakikinig: ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, idalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo. Kapag sinampal ka sa pisngi, iharap mo ang kabila…”


Ano ba talaga ang kabanalan? Magtitiis na lang ba ng pang-aapi at pananamantala ng iba? Tatahimik at hindi iimik kapag inaabuso at sinasaktan? Hindi ito ang sinasabi nina Pablo at Panginoong Hesu-Kristo. Simulan muna ang pagbabago sa iyong sarili. Maging mahabagin, maganda ang kalooban, magpakumbaba, mabait at matiisin. Maging banal muna bago punahin at pabanalin ang iba. Ibigin ang sarili, ngunit, ibigin din ang iyong kaaway dahil hindi lang sila ang makasalanan kundi ikaw, tayo rin. Huwag maging katulad nila, at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo, idalangin ninyo ang umaapi sa inyo -- ang mga korup, ang mga kontraktor, ang mga pulitiko -- hindi lang sila kundi tayo rin ay may pagkukulang at pagkakasala. 


Sino at ano ba ang korup? Ang sistema ba o ang tao, ang gobyerno o ang mamamayan? Sino ba ang lumikha ng sistema at mga nasa sistema? Sino ba ang nagluklok sa mga namumuno? 


Anong sinasabi ng Pranses na si Joseph de Maistre: “We get the government we deserve.” 

Kasalanan natin at wala silang kasalanan? Hindi matatapos dito ang turuan. Sino ba ang korup, silang kumukorup o tayong pumapayag na mangurap sila? Bahagi sila at tayo ng isang sistema at kulturang laganap. Sabay at hindi mapaghihiwalay ang pagbabago ng iba at ng sarili. Ang pagbabago ng sistema, ng pamunuan at mamamayan. 

Noong napaalis natin ang diktador, nanatili pa rin ang sistema at ang kultura ng korupsiyon. Matagal na ang sistema ng tongpats, komisyon, etc, dahil sa tao at kalakaran nito – sistema, kultura at tao.


DPWH lang ba ang sinasabing korup? Naririyan din ang napakaraming ahensya ng gobyerno, opisyal at tauhan. At habang sinasabi ko ito, dapat rin bang tanungin ng bawat pari, obispo, kardinal ng bawat simbahan, hindi lang Katoliko kundi tayo nako-korup?


Kailangan ng pambansang paglilinis, pagbabago, mula tao hanggang sistema, magkasabay, magkasama, hindi mapaghihiwalay. 


Mahirap, pero dapat simulan dahil nakikita na ng lahat kung gaano kalalim, kalaganap, kasama, at manhid ang mga korup at mga nagiging biktima ng katiwalian. Tuluyan nang gamutin ang kamanhiran. Tama at dapat lang magsama-sama sa paglilinis ng marumi -- ng mga korup. 


Ngunit huwag kalimutan, na malalim ang bahid, ang mantsa ng korupsiyon, mula tao hanggang sistema, mula balat hanggang buto, mula mukha hanggang kaluluwa, hindi lang ikaw kundi ako, hindi lang sila kundi tayo ang dapat magbago.


Huwag ding mabulag at malinlang, at hindi lahat ay korup. Maraming malinis ngunit tahimik. Maraming mabuti ngunit hindi lumalabas. 


Huwag ipagkait ang kabanalan at kabutihan. Tingnan natin sina Carlo at Pier Giorgio, sina Lorenzo at Pedro, mga kabataang hindi korup. Mga kabataang banal. Salamat sa kanila, sana nga’t dumami pa ang tulad nila. Hindi ba’t ito ang tinutukoy ni Jose Rizal nang sabihin niyang, “Ang mga kabataan ang kinabukasan ng bayan”?


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 8, 2025



Fr. Robert Reyes


Taga-Abra, GI o Genuine Ilokano siya at malamang kuripot at mahigpit sa pera. Pero hindi pala, simple at hindi kuripot si Nanay Memay Estellore, isa sa pinakaunang nagpakilala at tumanggap sa akin sa dating parokya ko ng San Isidro Labrador sa Pinyahan, Quezon City. 


Sa pananamit at pag-uugali, walang arte, simple ngunit elegante si Nanay Memay. Malapit lang ang kanyang bahay sa parokya kaya madalas niya akong anyayahang kumain doon. At ano ang madalas na ihain niya sa akin? Ulo-ulo o sinigang na ulo ng salmon. Habang hinihigop namin ang sabaw at kinakain ang gulay at mga maliliit na hiwa ng salmon, kasabay nito ang masasayang kuwentong nagpapaalat, nagpapatamis o nagpapaanghang sa pagkain. 


Para sa isang kura-paroko malaking bagay ang maimbitahan sa tahanan ng kanyang parokyano. Una, mahalagang pagkakataon ito na makilala ang iyong parokyano. Pangalawa, banal na pagkakataon ding maipakilala at makilala pang higit ang Panginoon sa mga parokyano sa tuwirang paraan ng kuwentuhan at pagbabahagi ng panahon at pagkakaibigan. 


Naalala natin ang pinakaunang kura-paroko ng UP Diliman na si Padre John Delaney. Walang sariling cook at kusina sa kumbento si Padre John. Ngunit meron siyang “meal secretary” na nag-iiskedyul kung saan siya kakain ng agahan, tanghalian at hapunan araw-araw. Totoong malaking tipid ngunit hindi iyon ang pangunahing dahilan kung bakit nilikha ni Padre Delaney ang ganitong sistema. Nais niyang dalhin si Kristo sa bawat tahanan at nais din niyang iuwi si Kristo mula sa bawat tahanang kanyang nakaulayaw ang Panginoon.


Sa mga nagdaang araw, magugulat na lang tayo at mag-aabot na lang si Nanay Memay ng envelope na may lamang donasyon ng iba’t ibang halaga. “Para saan ito Nanay,” tanong natin sa matanda. Tatawa na lang ito at magsasabing, “Para sa ulo-ulo.” Hindi pala kuripot ang matandang Ilokano. Mapili lamang siya sa kanyang pagbabahaginan ng pagpapala ng Diyos. 


Ganoon din ang ginawa niya para kay Reberendo Arvin Zarsata na naglilingkod bilang seminarista sa Parokya ni San Isidro sa ilalim ni Padre Arvie Bello. 


Napakiusapan si Nanay Memay ni Padre Arvie na suportahan si Arvin sa kanyang pag-aaral sa seminaryo. Hindi nagdalawang-isip si Nanay Memay at mula noon hanggang sa matapos sa pag-aaral si Arvin, hanggang sa naordenahang diyakono ito noong nakaraang Marso, sumuporta at tumulong ng abot-kaya si Nanay Memay.

Pumanaw si Nanay Memay bandang alas-5:30 ng hapon noong nakaraang Setyembre 3, 2025. Nasa 88-taong gulang si Nanay Memay, ang akala nating kuripot na Ilokano ay matulungin at bukas-palad.


Hindi mayaman si Nanay Memay, hindi siya “contractor,” hindi siya “pulitiko.” Hindi natin alam kung gaano kalaki o kaliit ang kanyang ipon ngunit hindi ito mahalaga. Ang mahalaga ay hindi siya tumigil sa pagtulong at pagbabahagi niya. Marahil, ito ang dahilan kung bakit walang luho, walang pagmamalabis sa anumang paraan si Nanay Memay. Isang napakagandang halimbawa ng kabanalan ng kapayakan sa gitna ng iskandalo ng luho na laganap na laganap sa ating bansa.


Ibang-iba si Nanay Memay sa maraming lumalangoy sa luho at rangya. Sa biyaya at pagpapala ng Diyos siya lumulusong at nagbababad. Hindi ba ito ang dahilan ng ating buhay, ang tuklasin ang tunay na kayamanan at talikuran ang mga huwad na kayamanan at kasiyahan. 


Puno ang daigdig ng huwad na kayamanan tulad ng kapangyarihan at salapi. Ito ang lumulunod sa karamihan ng mga namumuno sa atin. Sayang at sa halip na maging halimbawa ang Pilipinas ng pananampalataya sa buhay at bumubuhay na Diyos, isa tayo sa kinikilalang pinakakorup na bansa sa bahaging ito ng daigdig.


Salamat sa mga munti’t maliliit na parokyano, mananampalatayang tulad ni Nanay Memay, hindi lubos na madilim ang himpapawid. Maningning na maningning ang mga munting bituin sa gabing madilim. Hindi maninimdim silang umaaninag sa liwanag ng mga liwanag, silang hindi nilamon ng luho at rangya sa halip laging busog sa pagkaing hindi mauubos, laging pawi ang uhaw sa tubig na hindi matutuyo. Ito ang iskandalo ng luhong kumukulong at ang pagpapala ng payak na nagpapalaya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page