top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 10, 2026



Fr. Robert Reyes


Tiyak na tapos na ang pagdiriwang ng Pista ng Nazareno sa Quiapo sa pagsulat ng artikulong ito. Tunay na tumutugma ang mga titik ng kantang “Pasko Na Naman—kay tulin ng mga araw.” 


Ang Paskong nagdaan ay tila kailan lang, gayundin ang apat na buwang paghahanda at pagdiriwang mula Setyembre hanggang Disyembre, pati ang siyam na madaling-araw at gabi ng Misa de Gallo at Simbang Gabi. Dumaan na rin ang huling araw ng nagdaang taon at sinalubong natin ang Bagong Taong 2026. Katatapos lang din ng pinakahihintay na Traslacion ng mga deboto ng Itim na Nazareno ng Quiapo.


Noong mga nakaraang araw, naibahagi sa mga homiliya ang seryoso at malalim na kakulangan ng marami sa tatlong anyo ng pag-ibig: pag-ibig sa Katotohanan, sa Katarungan, at sa Inang Bayan.


Kitang-kita ang kahinaan ng marami sa pag-ibig sa katotohanan. Hindi na ito ang pangunahing pinahahalagahan; mas mahalaga ang mailabas ang sariling opinyon, damdamin, o anumang nais ipahayag. Kaya napakahalaga ng paalala sa mga gumagamit ng social media: “Think before you post.” Napakaraming alitan, away, at maging kaso ang nag-uugat sa mga nabasa at nakita online. Malinaw na sa maraming pagkakataon, ang social media ay naging sandata—at minsan, isang mapanganib na sandata.


Sa gitna ng bangayan, pasaringan, at hamunan, kakaunti ang gumagamit ng social media sa masusing paghahanap at pagpapahayag ng katotohanan. May mga vlogger at social media pages na naninindigan sa katotohanan at pananagutan, ngunit mas nahihilig ang nakararami sa mga site na kontrobersyal, puno ng galit at maging malaswang nilalaman.


Mahigit tatlong linggo nang nilalait ang ating kapatid na pari na si Padre Flavie Villanueva, SVD. Gayunman, malinaw, matapang, at hindi siya umuurong sa pagsagot. Sulong, Padre Flavie—ipagpatuloy ang pagtatanggol sa katotohanan. Nawa’y maging ganito rin ang marami sa atin.


Mahina rin ang pag-ibig sa katarungan. Matapos ang ilang buwang mainit na sigawan laban sa korapsyon, tila humuhupa na ang galit at panawagan. Ito na ba ang tinutukoy ni Kuya Kim na “weather-weather lang”?


Kasama ko si Padre Flavie sa paghahain ng kasong plunder laban kay Bise Presidente Sara Duterte. Hindi natin inaasahan ang agarang pag-usad ng kaso sa Office of the Ombudsman, ngunit hindi rin ito dapat patagalin. Babalik kaya ang mga kilos-protesta ng kabataan, ng iba’t ibang kilusan—mula kanan, gitna, hanggang kaliwa—pati ng mga simbahan at sektor ng lipunan?


Mahina man, unti-unti namang lumalakas ang pag-ibig sa Inang Bayan. Sa nagdaang administrasyon, maaga ang pagsuko sa harap ng panghihimasok ng Tsina—hindi lamang pagsuko kundi paglarawan pa sa mananakop bilang “kaibigan.” Gayunman, dahil sa mga grupo, indibidwal, at sa kilusang “Atin ’To,” unti-unting nagbabago ang kalagayang ito. Dumarami ang muling nagmamahal at naninindigan para sa bayan.


Malaki ang aral na hatid ng debosyon sa Poong Hesus Nazareno. Kitang-kita ang wagas, malalim, at ganap na debosyon ng mga deboto. Ito ang ating ibinahagi sa misa noong Biyernes ng umaga: sa anumang gawain, kailangan ang lakas ng pag-ibig. Kung walang pag-ibig, hindi lilitaw ang tunay na galing at husay.


Dahil sa pag-ibig, ginagawa natin ang lahat nang buo, tapat, at may pananagutan. Ito ang diwa ng debosyon—pag-ibig na ipinahahayag sa diwa, damdamin, salita, at gawa, hindi minsanan kundi pangmatagalan.


Ito ang itinuturo sa atin ng mga deboto ng Poong Hesus Nazareno. Taun-taon man itong nakikita sa pista, tiyak na araw-araw at sa bawat sandali ay isinasabuhay ng marami ang debosyong ito.


Poong Hesus Nazareno, ituro po Ninyo sa amin ang matatag, malalim, at panghabambuhay na pag-ibig, debosyon, at pananagutan sa Katotohanan, Katarungan, at sa Inang Bayan. Amen.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 3, 2026



Fr. Robert Reyes


Tuwing magbabagong taon, nasanay na tayong gumawa ng mga pangako na tinatawag nating “New Year’s wishes.” Madalas din nating marinig ang kasabihang: “Ang gaganda ng mga pangako, pero halos lahat ay napako.” Napakadaling mangako. Ginagawa ito ng lahat—mula bata hanggang matanda. Ngunit iilan lamang ang tunay na tumutupad. Bakit nga ba ganito ang marami sa atin?


Alam din ng lahat ang naging pangako ng Pangulo: may makakasuhan at makukulong bago mag-Pasko—hindi raw sila magkakaroon ng “merry, merry Christmas.” Mayroon ngang nakulong, ngunit hindi ang malalaking isda, hindi ang mga “big fish,” ika nga.


Puro mga dulong (Laguna Lake) at sinarapan (Danao Lake, Albay). Lumabas na ang mga pangalan ng mga senador at kongresistang sangkot sa mga “ghost flood control projects.” Kilala na natin sila, ngunit walang nangyari. Dumaan ang Pasko, papalapit na ang Bagong Taon, at malaya pa rin silang gumagalaw hanggang ngayon.


Sagot ng Palace Press Officer na si Claire Castro sa mga batikos: “Konting pasensiya pa po. Nagtatrabaho po kami at may unti-unti nang nangyayari. Naire-refer na po ang mga kaso sa Office of the Ombudsman.” Opo, magpapasensiya po tayo—sanay na sanay na naman ang mga mamamayan sa ganyan. At iyan nga po ang problema. Sobra-sobra ang pasensiya ng karamihan, kaya lalong tumitibay ang loob ng mga tiwali.


Sa darating na ika-25 ng Pebrero 2026, ipagdiriwang natin ang ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Isang napakalaki at napakahalagang pagdiriwang ito—at nararapat lamang. Ngunit nakalulungkot balikan ang mga nangyari sa ilalim ng pitong administrasyon mula kina Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, Noynoy Aquino, Rody Duterte, hanggang kay Bongbong Marcos.


Lahat ay nangako. Marami sa mga pangakong ito ang napako. At mas nakalulungkot, nasanay na ang marami na makinig sa mga pangako—at tuluyan na ring nasanay na tanggapin ang kabiguang dulot ng mga ito.


Oo, nasanay na tayo sa mga pangakong napako ng mga pulitiko at makapangyarihang opisyal ng ating bansa. Nasanay na tayo sa mga salitang walang dangal na nagmumula sa mga pagkataong wala ring dangal.


Ngunit panahon na upang labanan ang maling kasanayan at maling ugaling ito. Hindi dapat masanay at hindi dapat tanggapin ang mga pangakong napako ng mga pulitiko. Hindi dapat tanggapin ang pulitikang walang dangal, walang prinsipyo, at walang katiwa-tiwala. Lumalaban na ang marami, lalo na ang kabataan. Sa tingin ng marami, hindi na lalamig at hindi na huhupa ang galit—sapagkat ayaw nilang makita ang sarili nilang lulubog sa burak ng pangakong napako, ng salitang walang dangal, ng pagkataong walang lalim, walang kabuluhan, at walang laman.


Ano ang kabaligtaran ng pangakong napako? Buhay na marangal. Hindi na kailangang magsalita at mangako. Ang buhay na marangal ay hindi nasusukat sa salita kundi sa gawa at sa halimbawang nakikita.


Tapos na ang Pasko. Lumipas na rin ang huling araw ng taon at ang bisperas ng Bagong Taon. Nasaan na ang mga ipinangako nila? Sa panahong ito, mahirap at maselan nang mangako. Galit at gising na ang marami, lalo na ang kabataan. Mulat na ang sambayanan sa sukdulang kabulukan ng sistema ng pamamahala. Oo, maraming bulok na opisyal—ngunit kailangan nila ng sistemang susuporta at magtatanggol sa kanilang kabulukan. Kaya pala madaling magpayaman ang mga pulitiko. Kakampi nila ang sistemang nagdadala sa kanila sa rurok ng kayamanan, na siyang sukatan ng kanilang tagumpay. Pumasok sila sa pulitika hindi upang maglingkod, kundi upang magnakaw at magpayaman.


Kaya pala galit na ang marami. Sawa na. Ubos na ang pasensiya. Hindi na katanggap-tanggap ang mga pekeng pangako na karugtong ng pekeng paglilingkod. Hindi na kahanga-hanga ang kayamanan ng mga naglilingkod dahil malinaw na hindi nila ito kinita—kundi ninakaw. Huwag ninyong maliitin at bale-walain ang galit ng sambayanan. Hindi na ito bunga ng pang-uudyok ng mga sanay manlinlang. Mahirap linlangin ang mulat. Hindi na maaaring patulugin ang gising.


Apatnaput taon na ang EDSA People Power Revolution (Pebrero 1986–2026). Hindi maaaring nanghina o tuluyang namatay ang diwa ng EDSA. Sa halip, ito ay nahinog—at makikita natin ang bunga ng paglago at pagkahinog ng diwa at espiritung pilit nilang pinapatay. Hindi lamang Bagong Taon ang 2026; ito ang Taon ng Pag-asa at ng

Mapayapang Pag-aalsa. Dadami pa ang mulat, ang galit, at ang sawang maniwala at magtiwala sa mga sanay mangako o mahilig mamudmod ng regalo, manuhol, at magbahagi ng ayuda.


Hindi na ninyo kayang bilhin at lokohin ang sambayanang nakita at naramdaman ang matinding paghihirap ni Inang Bayan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 28, 2025



Fr. Robert Reyes


Katatapos lamang ng pagdiriwang ng Pasko. Kay bilis ng apat na buwang nagdaan—mula Setyembre hanggang ngayon. Ito ang Paskong Pinoy: apat na buwang pag-awit ng mga awiting pamasko, apat na buwang paghihintay sa pagdating ng Sanggol sa Belen.


Sino nga ba ang Sanggol na ito? Alam ng lahat ang Kanyang pangalan. Alam ng lahat kung bakit Siya mahalaga—napakahalaga. Siya ang Anak ng Diyos, ang ipinangako, ipinadala, at dumating na Manunubos. Hindi lamang Siya basta dumating. Inihanda ang


Kanyang pagdating ng maraming propeta, daan-daang taon bago Siya isinilang, sa malinaw at tiyak na pagpapahayag tungkol sa Manunubos ng lahat.


Ngunit hindi Siya dumating bilang isang makapangyarihang hari. Hindi Siya dumating sakay ng maringal na karwahe na may kasamang libu-libong mandirigma. Totoo, Hari Siya—tinawag nating Hari ng mga Hari noong huling linggo ng Karaniwang Panahon sa Pista ni Kristong Hari—ngunit hindi Siya haring dumating upang paglingkuran. Siya ay Haring Lingkod: Haring kaisa ng mga dukha at maliliit, ng mga karaniwang nililimot at inaapi ng lipunan.


Ito ang dahilan kung bakit pinili ng Ama na isilang Siya bilang tao sa pamamagitan ng isang mahirap ngunit banal na babaeng Hudyo. Pinili ng Diyos si Maria—isinilang na malinis, walang bahid ng kasalanan—upang dalhin sa sinapupunan ang Kanyang Anak sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Pinili rin Niya si Jose, isang mabuti at banal na lalaki, upang maging Kanyang ama sa lupa. Isang pamilyang dukha ngunit may dangal, hinubog ng likas na kabutihan at halimbawa ng mapagmahal na mga magulang.


Ito ang Sanggol sa Belen: karaniwan ngunit dakila, mahina ngunit puspos ng kapangyarihan ng Diyos. Hindi pa kilala, ngunit hinanap ng marurunong—ang Tatlong Pantas—at pinaghinalaan ng makapangyarihan—si Herodes. Sa halip na ipagsabi kung saan Siya isisilang, naghanap pa sina Jose at Maria ng matutuluyan sa loob ng maraming araw, kung saan maisisilang nang maayos ang Sanggol. Sa huli, wala nang ibang lugar kundi ang hamak na Belen.


Malinaw ang kahulugan nito. Pinili ng Diyos hindi lamang ang isang karaniwang lugar kundi ang pinakamahirap na lugar bilang duyan ng Kanyang Anak. Doon, sa isang sabsaban, sa higaan ng dayami, pinaligiran ng mga hayop, Siya ay isinilang. Ang mga unang sumaksi ay mga karaniwang pastol, habang ang mga anghel ay nagpuri at umawit: “Gloria in Excelsis Deo!”


Sa loob lamang ng ilang linggo, isa na namang pagdiriwang ang magaganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Muling papupurihan ang Banal na Sanggol—ang Santo Niño—sa Cebu, Bacolod, Kalibo, Tondo, at sa lahat ng parokya sa buong bansa. Bakit ganu’n na lamang ang pagpapahalaga natin sa Sanggol? Ano nga ba ang magagawa ng isang sanggol? Hindi ba’t sanggol lamang Siya?


At dito matatagpuan ang mahalagang paalala ng Diyos sa lahat: kayo ay sanggol at mananatiling sanggol, sapagkat kayo ay tao lamang. Nilikha ko kayo sa Aking larawan. Ibinahagi Ko sa inyo ang karunungan, kakayahan, galing, lakas, at buhay. Ngunit may hangganan ang inyong pananatili sa daigdig. Huwag ninyong kalilimutan na kailangan ninyo Ako. Kapag nakalimutan ninyo ito, matutukso kayong sambahin ang ibang diyos—hanggang sa sambahin ninyo ang inyong mga sarili.


Dito nagsisimula ang sari-saring suliranin: kahirapan, kasakiman, at digmaan. Iiral ang pagsamba sa kapangyarihan. Mag-aagawan sa yaman at ari-arian, at ang lahat ng ito’y mauuwi sa karahasan at giyera.


Bakit? Dahil nakalimutan ninyong kayo’y sanggol—mga anak Ko lamang. Ito ang isa sa pinakamahalagang mensahe ng Sanggol sa Belen. Ibinigay Ko sa inyo ang Aking Anak upang ipaalala sa inyo ang pagiging mapagkumbaba at magalang sa isa’t isa. Ganyan ang bata: walang kayabangan, walang kabastusan, walang pananamantala. Sa kanyang mura at malinis na pagkatao, bukás ang kanyang buong sarili sa tunay na liwanag—sa tunay na bukal ng lahat.


Marami na ang nakalimot na sila’y minsang naging, at nananatiling, mga sanggol—mga anak ng Diyos. Marami na ang sumamba sa salapi at kapangyarihan. Ginagamit ng ilan ang kanilang posisyon upang pagharian ang kapwa. Mahigpit nilang hinahawakan ang mga bagay na lumilipas at kumukupas—kayamanan, ari-arian, at kapangyarihan—habang nakakalimutan nilang hawakan ang kamay ng Amang lumikha at nagbigay-buhay sa kanila.


Ito ang mga taong naging sanggol ng ibang diyos; mga taong nakalimot sa Sanggol sa Belen; mga taong nakalimot na sanggol tayo—anak tayo ng Diyos, ngayon at magpakailanman.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page