top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 18, 2026



Fr. Robert Reyes


Ika-24 ng Enero 2011, labinlimang taon na ang lumipas mula nang paslangin si Dr. Gerry Ortega sa isang ukay-ukay sa tabi ng kanilang veterinary clinic sa Puerto Princesa. Nahuli na ang lahat ng sangkot sa krimen, kabilang ang itinuturong “mastermind.” Bagama’t mabagal, umusad na ang kaso sa korte. Ang problema: nananatiling napakakupad ng proseso ng hustisya.


Nakalaya na ang akusadong mastermind at kalauna’y muling ibinalik sa kulungan. Hanggang ngayon, hindi malinaw kung siya ba’y kasalukuyang nakakulong o pansamantalang nakalaya muli sa kung anong dahilan.


Sa loob ng isang linggo, babalik na naman sa Maynila ang pamilya ng pinaslang na beterinaryo. Taun-taon, lumuluwas si Patty Ortega, biyuda ni Dr. Gerry, kasama ang ilan sa kanilang mga anak upang kalampagin ang pamahalaan na tila walang malasakit sa mabagal na takbo ng hustisya. Ilang abogado na ang humawak sa kaso, ngunit nananatiling mabagal ang usad nito. Hindi pa natin nakakausap nang masinsinan si Patty o ang kanyang mga anak tungkol sa kasalukuyang estado ng kaso, ngunit malinaw ang isang bagay: nakaka-eskandalo ang tagal ng paghihintay para sa hustisya.


Hindi na inabutan ni dating Mayor Edward Hagedorn ang resolusyon ng kasong ito. Malapit siya kay Dr. Gerry, gayundin si dating Gobernador Jose Ch. Alvarez. Gayunman, tila wala pa ring nagagawa ang sinuman upang pabilisin ang proseso. Ayon sa isang kaibigan nang tanungin kung bakit ganito kabagal ang usad ng kaso: “Wala tayong masyadong magagawa hangga’t naririyan ang mga dinastiya.”


Hawak ng mga dinastiya ang halos lahat—mula pulitika at ekonomiya hanggang kultura, edukasyon, kalusugan, at maging sa media at simbahan. Mula lokal hanggang pambansang interes, mula munting negosyo hanggang dambuhalang korporasyon, naroroon ang lantad at lihim na impluwensiya ng mga dinastiya sa bawat sulok ng lipunan.


Ngayon, nasasaksihan natin ang banggaan ng malalaking korporasyon at makapangyarihang pamilya, pati ang mga sigalot sa pagitan ng mga dinastiyang nasa magkaibang panig ng pulitika. Sa gitna nito, ano ang laban ng maliit na pamilya ni Dr. Gerry Ortega laban sa mga dambuhalang pamilyang humahawak sa kapangyarihan sa Palawan?

Kung susuriin nang mas malalim, hindi lamang ito tunggalian ng mahihirap at makapangyarihan. Isa itong labanan ng katotohanan at kasinungalingan—ng katotohanang ginagapos ng kapangyarihan at ng katotohanang hawak ng mga walang tinig at impluwensiya.


Mahaba ang pisi ng mga nagpaslang kay Dr. Gerry at ng kanilang mga kakampi. Samantala, halos wala nang mahawakan ang mga maliliit na biktima ng pang-aabuso at krimen. Sa loob ng labinlimang taon, ilang abogado na ang humawak sa kaso? Ilang pagdinig na ang nagdaan? Ilang korte pa ang dadaanan bago tuluyang lumabas ang katotohanan at makamit ang hustisya?


May mangyayari kaya sa mga pangakong papanagutin ang mga kurakot sa Senado at Kongreso? Lumipas na ang panahong sinabing may mangyayari bago mag-Pasko. Sa darating na Pebrero, ika-40 anibersaryo na ng People Power Revolution. May kaugnayan ba ang apat na dekadang ito ng demokrasya sa sinapit ng kaso ni Dr. Gerry Ortega?


Sa paligid ng mga dinastiya ay naroroon ang mga sistemang kanilang pinakikilos—ang media mula telebisyon at radyo hanggang social media at AI, at ang sistema ng katarungan mula piskalya hanggang Korte Suprema. Ngunit kanino ba talaga nagsisilbi ang mga sistemang ito: sa maliliit at karaniwang mamamayan, o sa makapangyarihan?


Ano ang ibig sabihin ng sinabi ni Kristo sa Mateo 18:5–6: “Malibang kayo’y maging tulad ng maliliit na bata, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit”? Patuloy na sinasamantala ng makapangyarihan ang mahihina, at patuloy namang umaasa ang maliliit sa gabay at hustisya ng Diyos.


Noong nabubuhay pa si Dr. Gerry, araw-araw silang nagdarasal ni Patty. Ngayong wala na siya, walang nagbago. Patuloy pa ring nagdarasal si Patty—kasama ang lahat ng naniniwala—na balang-araw, ang katotohanan at katarungan ay magwawagi rin.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 17, 2026



Fr. Robert Reyes


Puerto Princesa, Palawan – Naglingkod tayo dito mula 2010 hanggang 2012. Tumira tayo sa simple ngunit magandang tahanan ni Bishop Pedro Arigo, Obispo noon ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa. Hindi natin kilala ang Palawan noon, ngunit salamat sa Diyos na pinadala Niya tayo roon. Bahagi iyon ng ating “Years of Exile.”


Sa panahong iyon rin, naganap ang malagim na pagpaslang sa kaibigan nating mamamahayag na si Dok Gerry Ortega noong Enero 24, 2011. Kay bilis ng panahon – labinlimang taon na ang nakalipas mula nang mangyari iyon. Labinlimang taon na rin ang pagtakbo ng kaso laban sa itinurong mastermind, ang dating Gobernador ng Palawan.


Nakadate tayo sa Puerto Princesa noong nakaraang Miyerkules, Enero 14, 2026, upang dalawin si Patty Ortega, biyuda ni Dok Gerry. Masayang malungkot ang pagtatagpo namin ni Patty at ng kanyang anak na si Joaquin. Pinag-usapan namin ang mga nagdaang taon mula sa kamatayan ni Dok Gerry hanggang ngayon. Sa susunod na Biyernes, muling kikilos ang pamilya at mga kaibigan ni Dok Gerry upang ipaglaban ang katarungan sa Korte at sa Gobyerno. Kay kumplikado, kay kupad ng sistema ng katarungan… at kay kupad din ng ating gobyerno.


Mahalaga sa atin ang Puerto Princesa, ang “Last Ecological Frontier” – huling paraiso ng kalikasan. Sa kayamanang likas na pampang, dagat, gubat, at kabundukan, hindi ordinaryong lugar ang Palawan. Sinuman ang Gobernador, Mayor, o kahit Barangay Captain ay may kakayahang mag-ambag sa proteksyon ng kalikasan o sa pagyaman ng lugar. Subalit, hindi ito ang pangunahing layunin ng aming pagbisita.


Nagtungo tayo rito para dumalo sa Ordinasyon ng mahal kong kaeskwela sa seminaryo, si Atty. Bienvenido Salinas. Kakaiba at mahiwaga ang kuwento ng buhay ni Atty Bien.


Nagkakilala kami noong 1972 sa San Jose Major Seminary bilang mga batang seminarista. Dahil malayo ang bayan ni Bien, inimbitahan namin siyang makasama sa aming pamilya tuwing bakasyon. Naging bahagi siya ng aming pamilya – tinatawag niyang Daddy at Mommy ang aking mga magulang, at kapatid ang aking mga kapatid.


Lumipas ang panahon at nahirapan si Bien sa disiplina ng pagiging pari. Noong 1979, dalawang taon bago maging pari, napagpasyahan niyang lumabas ng seminaryo. Naging abogado siya, nag-asawa, at nagkaroon ng tatlong anak. Nang pumanaw ang kanyang asawa dahil sa kanser, bumalik siya sa atin na parang tinatawag muli ng Diyos: “Parang gusto kong magpari muli.”


Tinulungan namin si Bien. Maraming pagsubok ang kanyang pinagdaanan, ngunit iba ang Diyos – kapag tumawag Siya at tumugon tayo, may mangyayari. Walang sawa at walang tigil ang tawag ng Diyos sa atin.


Ngayong Biyernes, nasaksihan namin ang makulay na yugto sa buhay ng pitong-pung taong gulang na seminaristang si Bien – bilang Diakono at magiging pari sa mga susunod na buwan. Sa aming pag-uusap, madalas naming pag-usapan kung paano walang sawa at walang panghihina ang tawag ng Diyos – tunay na pag-ibig na nagmamahal at lumiligtas.


Congrats, Reverend Deacon Bienvenido Salinas, Apostolic Vicariate of Taytay.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 11, 2026



Fr. Robert Reyes


Nagulat ang marami nang kumalat kamakailan ang larawan ng tatlong batang mambabatas na may nakasulat sa ilalim ng kanilang pinagsamang imahe ang katagang “Makabagong GomBurZa.”


Sa nasabing paglalarawan, tila ipinantay nina Kiko Barzaga, Leandro Leviste, at Eli San Fernando ang kanilang mga sarili kina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora—ang tatlong paring martir na naging inspirasyon ng ating pambansang kamalayan at ng ating pambansang bayani.


Sino ang nag-isip na gawin ito? Sila ba mismo, o may iba pang nag-akala na maaaring ipantay ang tatlong batang mambabatas sa tatlong paring nagbuwis ng buhay alang-alang sa katotohanan at katarungan?


Maaari bang ihambing ang kanilang danas sa dinanas ng GomBurZa—ang pag-uusig, maling paratang, at ang malagim na kamatayan na ginamit ng Rehimeng Kastila upang higpitan at apihin ang mga mamamayang Pilipino? Ang tatlong pari ay kinilalang martir hindi dahil sa sariling deklarasyon kundi dahil sa kanilang buhay ng pagsasabuhay ng Ebanghelyo ng Katotohanan, Katarungan, at Kalayaan. Ipinaglaban nila ang pagkakapantay-pantay ng mga paring kayumanggi at Pilipino laban sa sistemang kolonyal na nagkakait ng tiwala at mataas na tungkulin sa mga katutubo.


Lalo itong isinulong ni Padre Jose Burgos, na matapang na ipinaglaban ang dangal at kakayahan ng mga paring Pilipino bilang kapantay—hindi bilang pangalawa—sa mga paring Kastila at puti.


Sa kontekstong ito, mahalagang balikan ang mga salitang madalas abusuhin: “anointed,” “appointed,” at “entitled.” Naalala natin ang pastor na tumawag sa sarili bilang “Anointed Son of God,” isang makapangyarihan at mayamang lider ng grupong Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name, Inc. Ang kanilang punong himpilan ay tila isang palasyo. Subalit gumuho ang imaheng ito nang kasuhan siya sa Estados Unidos ng immigration fraud at sex trafficking. Sa kasalukuyan, nakakulong siya sa Pasig City Jail.


Sino ang humirang sa kanya bilang “anointed”? Ganoon din ang tanong sa isa pang grupo kung saan ang isang ina ang nagtalaga sa sariling anak bilang pari, hanggang sa kilalanin itong “Supreme Pontiff”— mas mataas pa umano kaysa Papa. Nang mamatay siya noong Enero 19, 2021, agad siyang idineklarang santo noong Agosto 1 ng parehong taon. Sino ang nag-orden, naghirang, at nagtalagang santo sa kanya?


Maraming grupo at sekta—na maituturing ding kulto—ang may ganitong kasaysayan ng sariling paghirang at pagbibigay ng kadakilaan. Hindi nalalayo rito ang ginawa ng tatlong batang mambabatas sa pagtawag sa kanilang sarili bilang “Makabagong GomBurZa.”


Sa totoo lang, ang tunay na kadakilaan ay hindi ipinapahayag ng sarili. Ito ay iginagawad ng kasaysayan. Bilang dating nag-aral at naglingkod bilang kura paroko sa pamayanang Katoliko ng UP Diliman, marami tayong nakilalang tunay na dakilang propesor—mga National Scientist at National Artist tulad nina Alfredo Lagmay, Jose Maceda, N.V.M. Gonzalez, at Ramon Pagayon Santos. Walang dudang kahanga-hanga ang kanilang talino at ambag.


Ngunit minsang natanong natin ang isang propesor kung paano nagiging “Professor Emeritus” sa pagreretiro. Ang sagot niya: “Medyo mahiwaga ang proseso. Maraming karapat-dapat ang hindi napipili, at may mga napipili ring hindi karapat-dapat.”

Patunay lamang ito na sa huli, ang tao at ang kasaysayan pa rin ang huhusga kung sino ang tunay na dakila. Hindi maaaring hirangin ng magulang, ng kapangyarihan, o ng sarili ang sarili bilang pinakabanal, pinaka-magaling, o pinakadakila. Ito ang malubhang sakit ng ating lipunan—ang walang kahihiyang sariling pagbubunyi ng mga may yaman at kapangyarihan.


Mabuti’t tila tumatahimik na ang mga tinaguriang “nepo babies” na lantad na ipinagyayabang ang luho sa gitna ng kahirapan ng nakararami. Marahil dahil unti-unting nalalantad na hindi pala sa kanila ang mga ipinagmamalaki—kundi bunga ng mga “ghost flood control projects.”


Ngayong Linggo ay ipinagdiriwang ang Pista ng Pagbibinyag ni Hesus. Kakaiba ang kanyang kuwento: sa halip na magpadakila, pinili niyang magpabinyag kay Juan Bautista. Nang sabihin ni Juan, “Ako ang dapat magpabinyag sa inyo,” tumugon si Hesus, “Hayaan mong mangyari ito ngayon upang matupad ang kalooban ng Diyos.” Isang malinaw na aral ng pagpapakumbaba at paglilingkod.


Oo, hinirang si Hesus—ngunit hindi ng tao. Pinahiran siya hindi ng papuri kundi ng sariling dugo, pawis, pagdurusa, at kamatayan. Ganoon din ang naging kasaysayan ng GomBurZa. Hindi sila hinirang ng sarili, ng pamilya, o ng kakampi, kundi ng kasaysayan at ng Diyos na tumawag sa kanila na maglingkod—hindi lamang sa buhay, kundi maging sa kamatayan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page