top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 17, 2024


Fr. Robert Reyes

Nami-miss ko ang aking yumaong Nanay Naty. Totoo ang madalas niyang sabihin sa aming magkakapatid kapag ‘pinagagalitan’ namin siya sa sobrang pangaral na paulit-ulit. 


“Mommy, huwag pong masyadong makulit. Nababawasan ang bisa ng inyong pangaral,” yan ang madalas naming magkakapatid sabihin sa aming mahal na nanay. Ganito lagi ang kanyang sagot, “Mami-miss niyo rin ang aking ingay mga anak. Huwag kayo mag-alala, hindi ito forever!”


Totoo ang una at huling bahagi ng kanyang sinabi na mami-miss namin ang kanyang ingay. Sobrang tahimik na ng aming bahay dahil wala na ang aking nanay doon. Wala na rin ang aking tatay at pangalawang kapatid na lalaki, gayundin ang nakatatandang kapatid ng aking nanay. Tatlo na lang kaming natitirang buhay pero wala sila sa ‘Pinas, kaya ako na lang ang dumadalaw, nagpapaayos, nagpapalinis ng aming dating masaya’t masiglang tahanan.


Madalas kong balikan ang masasayang sandali ng aming palitan at diskusyong mag-ina matapos niyang magsermon at mangulit. Kung tutuusin, hindi na kailangang magsalita ng mommy dahil napakalinaw ng kanyang pagkatao, mga prinsipyo, paniniwala at mga values na bumubuo nito. Dahil guro ang aking ina, alam niya ang kahalagahan ng pag-uulit para hindi talaga malimutan ang kanyang itinuturo.


Kung ano ang ingay at kakulitan ng aking nanay, may katahimikan naman ang aking ama. Maliban itanong ko ang kanyang opinyon sa mga bagay-bagay, likas na tahimik ang aking tatay. Naalala ko ang isa pang naging ama ko, nang sumapi ako sa mga Fransikano na tinatawag na si San Francisco, Amang Francisco.


Sabi ni Saint Francis ng Assisi, “Ipahayag ang mabuting balita sa lahat ng panahon, at kung kinakailangan gumamit ng salita.” Napapaloob dito ang paniniwala na ang pinakamabisang sermon ay hindi gumagamit ng salita. Kapag malinaw at matatag ang ating paniniwala, prinsipyo, paninindigan at mga buting pinanghahawakan ay mapapansin, hahangaan at hindi malayong gayahin ng iba ang mga ito. Kaya mas mahalaga ang mabuting halimbawa kaysa mabuting salita. 


Mas mabuti rin ang pagsaksi kaysa pagsabi. Mahalaga ang salita dahil ito ang likas at tahasang paghahatid ng anumang kaisipan, damdamin at mensaheng nais ibahagi o palaganapin sa marami.


Merong binitiwang pangaral sa mga pari si Pope Francis noong nakaraang Miyerkules sa St. Peter’s Square. Ayon sa Santo Papa, ‘kailangang maikli at hindi lalabis ng walong minuto ang mga sermon ng mga pari dahil tutulugan lang ito ng mga nagsisimba.’ Binulabog ng simpleng payo ng Papa ang buong mundo. Maski saan ay pinag-uusapan na ang sermon ng mga pari. Kaya pati ang CBCP, ang grupo ng mga Katolikong obispo sa Pilipinas ay nagpalabas ng paalala na hindi naman masama ang medyo mahabang sermon basta’t huwag lang sobrang haba. Sinabi ni Fr. Jerome Secillano, ang tagapagsalita ng mga obispo, “Posible namang paikliin ang omeliya kung iiwasan ang mga kuwento (anecdotes).”


Sa gitna ng lahat ng mga payo at kritisismo sa haba ng sermon ng mga pari, tama lang na gayahin natin ang sinabi ni Saint Francis. 


Hindi ang haba ng sasabihin, kundi ang laman nito ang mahalaga. At hindi lang sa mga salita maipapahayag ito.


Sa hinaba-haba ng aking paglilingkod bilang pari, na mahigit nang 42 taon, malinaw ang paulit-ulit na mensaheng ipinapahayag ko sa iba’t ibang paraan maliban sa salita. Sa pamamagitan ng pagtakbo, pagbibisikleta, pagtatanim ng puno, gulay at halaman, pakikipamuhay sa mga maralitang taga-lungsod, magsasaka, mangingisda, pakikipiket sa mga manggagawa, pag-akyat at pagyakap sa mga punong puputulin dahil sa patuloy na “road widening projects” ng pamahalaan, sa paglalayag sa dagat kasama ang mga tumututol sa panghihimasok at pananakop ng China sa ating katubigan at teritoryo, at iba pa, sinisikap kong ipahayag ang ebanghelyo ng ating Panginoon.May halong salita at pangaral ang marami nating mga adbokasiya, ngunit sinisikap din natin at ang mga naging kasama na ipahayag ang anumang mensahe sa malikhaing paraan, katulad ng mga binanggit ni San Francisco, kung kakailanganing gumamit ng salita.


Ngunit, haba lang ba ng sermon ang problema? Karamihan ng mga misa ay natatapos sa loob ng isang oras at pagkatapos, uwian kaagad ang mga dumalo. Tila nagmamadali rin ang mga nagsisimba at hindi lang omeliya, kundi ang buong misa ang nais na paikliin. Maaari bang tingnan natin hindi ang haba kundi ang laman at dating ng bawat misang ating dadaluhan?


Hindi ba’t isang pagdiriwang ang unang misa? Kumakain at nakikipagsayahan si Kristo sa kanyang mga alagad. At habang sila’y nasa paligid ng isang malaking mesa, doon niya ginawang “hawakan ang tinapay, magpasalamat, paghati-hatiin ito at ibigay sa mga alagad. Nang kakain na sila ay kanyang sinabi, “Gawin ninyo ito bilang pag-alala sa atin.”


Hindi sa haba ng sermon, ang mahalagang puntong ito, ang misa ay isang masaya at buhay na pagdiriwang na nagbibigay buhay at kaligtasang pangyayari. Ang pakikipagkaibigan at pagmamahal ni Kristo sa kanyang mga alagad, kung kanino inialay niya ang sarili bilang kanilang pagkain at inumin.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 21, 2024



ree


DUMALO tayo noong nakaraang Huwebes sa kakaibang re-union ng alumni ng isang “all girls school.” 

Sino ang kanilang panauhing pandangal? Ang kilalang manunulat at mamamahayag na si Patricia “Pat” Evangelista. 

Nagtipun-tipon sa isang malaking bulwagan ang mga kababaihang mag-aaral, ang kanilang guro at ang iba’t ibang bisita na nais pakinggan ang kakaibang talumpati ni Pat.

Bandang alas-2 ng hapon nang nagsimula ang programa. Pagkaraan ng maikling pagbati at pagtanggap sa lahat ng naroroon ng punong-guro ng naturang paaralan, tumahimik ang lahat at lumabas na si Pat at naglakad sa gitna ng entablado. Tumingin sa paligid at nagtungo sa lectern at nagsimulang magsalita. 

Hindi isang talumpati ang kanyang ginawa kundi nagkuwento. Ilang kuwento ang kanyang ibinahagi. Anong uring kuwento? Hindi romantiko, hindi ala-K-drama, hindi horror ngunit may pagka. Hindi kathang-isip kundi mga totoong pangyayari na personal niyang nasaksihan at ngayon ay nakatala na sa librong halos anim na taon niyang isinulat, “Some People Need Killing,” ang pamagat ng aklat. 

Kakaibang libro rin ito dahil ang tinutukoy nito ay ang libu-libong pinatay na mga inosente at walang labang indibidwal noong panahon ng war on drugs na paboritong program ng nagdaang pangulo.

“Mga ipis, walang kuwenta, walang utak, walang magagawang matino. Kailangang patayin at lipulin parang mga ipis, langaw, kuto, at kung ano pang walang silbing peste ng lipunan.” Ito ang madalas laman ng bibig ng nakaraang presidente. 

At sa akala natin ay tapos na, hindi pala dahil ipagpapatuloy ng kanyang mahal na anak na mayor ng bayang pinanggalingan din niya. Tuloy ang giyera laban sa droga at malinaw din kung ano pa ang itutuloy.

Napakagaling ni Pat at kakaiba dahil napakalinaw ng kanyang pananalita at higit pang malinaw ay ang kanyang paninindigang dapat at tungkulin ang pagkuwento ng kuwento ng hindi makapagkuwento. 

Pinalakpakan nang todo ang magaling na manunulat. Binili ang kanyang libro at daan ang nagpa-autograph. Mayroong nagtanong sa akin pagkatapos ng kakaibang pagtitipon, “Delikado po ba ang buhay ni Pat?” Tumingin ako sa nagtanong at marahang sumagot, “Delikado po talaga ang magsabi ng totoo sa panahong ito. Kailangan nating ipagdasal si Pat at kailangan din natin sa ating maliliit na paraan na ipahayag ang totoo. Kailangang maging tagapagkuwento rin tayo ng katotohanan.”

Nang sumunod na araw, Biyernes, naanyayahan tayo na magbasbas ng isang batang mag-aaral. Ike-cremate na ang batang estudyante. Nang dumating ako sa punerarya, tumuloy ako sa kabaong ng bata at sa malayo pa lang nakita ko na ang maraming mga larawan nito. Malalaki, bilog na bilog ang kanyang mga mata. Malinaw na student leader ito sa kanyang paaralan. 

Nang nakarating ako sa harap ng kanyang kabaong, nakita ko ang isang drawing ng mukha. Wala na kasing mukha ang babaeng mag-aaral. Sumabog ang kanyang mukha sa putok ng bala ng baril. Ilan? Hindi ko alam. At nang tingnan ko ang kanyang kaliwang braso, nagulat na lang ako dahil wala sa dapat niyang kalagyan. Putol ang kanyang braso. Paano? Bakit?

Nalaman ko nang kausapin ko ang kanyang ama na nagpaliwanag ng ganito, “Hindi namin siya mapigilan. Mahal niya ang pag-aaral ngunit mas mahal niya ang kanyang ginagawa para sa mga maliliit at inaapi. ‘Masaya po ako dito ama. Masayang masaya ako dito,sabi ng aking mahal na anak.”

Dinasalan at binasbasan ko ang 24 taong gulang na aktibista’t rebolusyonaryo na namatay para sa kanyang paniniwala at sa mga maliliit niyang kababayan. 

Nitong Abril 20, 2024, nagkaroon ng martsa at parangal para sa batang aktibista’t rebolusyonaryo sa kanyang paaralan. Hangang-hanga ang maraming mag-aaral sa kanya. 

Takot sa mga katulad niya ang mga nasa puwesto dahil matapang at may paninindigan siya. Wala silang magawa kundi magpadala umano ng sundalo at ipagpatuloy ang paggamit ng dahas at lakas. Samantalang nasa kanila ang lahat, ang pera at ang kapangyarihang pagandahin at baguhin ang buhay ng lahat. Ngunit, hindi nila gagamitin ang mga ito, lalo na para sa maliliit at naaapi. 

Kakaibang linggo ito dahil sa dalawang babaeng matapang. Ang isa ay buhay pa pero ang isa ay patay na. 

Kakaiba ang kanilang pamamaraan. Ang una ay mapayapang pamamahayag at ang pangalawa ay ang rebolusyon. Ano ang mas tama? Hindi ito ang nararapat na tanong. Hanggang kailan pa? Ito ang kuwestiyon ng lahat. Subalit ang iilan ay hindi lang nagtatanong kundi sumasagot. Gagawin namin ang lahat para dumating ang araw ng paglaya, ang pagtatagumpay ng katotohanan at katarungan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 20, 2024



ree


MAHIRAP makilala agad ang lahat ng mga parokyano sa isang parokya. 


Maski sa daan lang ang dami ng parokyano, panahon din ang kailangan upang makilala nang husto ang lahat ng parokyano. Malungkot lang na hindi ko pa nakikilala ang mga parokyano at meron nang mga kaso ng naghihingalo o nag-aagaw-buhay at malapit nang sumakabilang buhay. 


Mag-iisang buwan nang dalawin ko si Tita Vicky sa ospital na hindi na maganda ang kanyang kalagayan. Hirap nang huminga kaya’t tinubuhan (intubate) ang matanda.


Naroroon sa ospital ang pamangkin ni Tita Vicky na anak ng kanyang kapatid na babae, na nagpakilala sa akin na si Ron. 


Noon pa ay ikinuwento na ni Ron ang mabigat na karanasan niya nang siya’y binatilyo pa. Paakyat ng Baguio ang buong pamilya ni Ron, sa bandang Pozorrubio, La Union, sa zigzag ng Kenon Road, nagkabanggaan ang dalawang sasakyan at halos lahat ng sakay sa kotse nina Ron ang namatay. 


Namatay ang kanyang tatay, nanay at dalawang kapatid. Buhay si Ron, ngunit nagkabali-bali ang kanyang mga kasu-kasuan. Habang nagpapagaling si Ron, naiburol at nailibing na ang kanyang buong pamilya.


Nang mag-aapatnapung araw na makaraan ang trahedya ng pagkawala ng buong pamilya ni Ron, naatasan ng buong angkan ni Ron ang kanyang Tita Vicky na sabihin sa binatilyo ang mapait na katotohanan. Hindi nakayang sabihan ni Tita Vicky ang kanyang pamangkin, kaya ibang kamag-anak ang nagsabi kay Ron na wala na ang kanyang buong pamilya, at siya lang ang natira.


Walang ibang naisagot si Ron kundi, “Bad trip naman!” Umiyak ang binatilyo at mula noon nagsimula na ang mapait na kalbaryo na pagharap at pagtanggap sa trahedya.


Doon, unti-unting nadiskubre ni Ron ang kakaibang pamamaraan ng paghihilom sa mapait na trahedya. Tawa, panalangin at ang bunga nitong pag-asa ang natuklasan ni Ron na tatlong pamamaraan ng paghihilom ng kanyang mga sugat. At habang unti-unting natututunan ni Ron na harapin at tanggapin ang mapait na trahedya, natuklasan din niya ang kagandahan ng pagsusulat.


Natapos ang pagpapagaling ni Ron. Lumipas ang halos dalawang dekada. Lumaki si Ron sa kanyang Tita Vicky hanggang sa naisipan nitong kausapin ang kanyang tiyuhing si Jose Mario Bautista Maximiano. Ipinakita rin ni Ron sa kanyang tiyuhin ang manuskrito ng kanyang isinulat. Nagulat na lang ang tiyuhin ng bata at nasabing, “This will be a good book. I will help you to write it.”


Ganoon nga ang nangyari at noong bandang 2022, nailimbag ang aklat ni Ron Magsakay na “I Got Humor.”


Mahigit isang buwan makaraan kong dalawin at basbasan ang nag-aagaw-buhay na Tita Vicky, namayapa na rin ito. Noong nakaraang Miyerkules, napakiusapan ako ng pamilya ni Tita Vicky na mag-alay ng misa para sa kanyang kaluluwa. At doon sa misa ko pinagbahagi si Ron tungkol sa kanyang Tita Vicky. Ito ang kanyang ibinahagi: “Salamat sa dalawang kapatid ng aking ina, na sina Tita Lydia, lalo na si Tita Vicky, nakaahon ako sa mapait na kumunoy ng pagkawala. At mula noon natutunan ko ring tumulong sa napakaraming dumaraan sa mapait na pagkawala ng mahal sa buhay. At mula sa libro, nabuo ko ang limang minutong “stand up comedy” tungkol sa tawa, luha, pananampalataya at pag-asa ng buhay. At naikot ko na sa maraming mga paaralan upang ibahagi sa mga kabataan ang mabuting balita ng pag-asa.”


Hindi malungkot at mabigat ang misa para kay Tita Vicky. Napakaganda ng mga ibinahagi ng mga kamag-anak at kaibigan ni Tita Vicky. At ang pinakatampok sa lahat ng nagbahagi ay si Ron na larawan ng naging buhay ni Job sa Lumang Tipan. Nawala ang lahat-lahat kay Job, kalusugan, bahay, libong baka at tupa, pera, reputasyon. Sinabi ni Job nang nawala na ang lahat maliban sa kanyang buhay ang ganito: “Nagbibigay at bumabawi ang Diyos. Hubad akong dumating sa mundo, hubad naman akong babalik sa Ama.” -- Job 1:21. 


Sa sobrang lapit ni Job sa kanyang Panginoon, hindi nalunod sa kapighatian ang buhay nito. Ito ang istorya ng sinumang nasawi at nawalan ngunit natuklasan ang tunay na buhay. Ito ang istorya ni Ron, ang istorya ng nawalan ngunit humarap at tumanggap sa mapait na pagkawala. 


Sa iba’t ibang paraan, basta’t matutunan nating buong tapang at tiwalang pumasok sa pait at dilim ng kawalan, ating matutuklasan ang walang hanggang mayroon, ang Diyos ng buhay, paghihilom at pag-asa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page