top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 17, 2024


Fr. Robert Reyes

Tapos na ang Paris Olympics, tapos na rin ang parangal. Nakauwi na ang mga nanalo’t natalo. Naidaos na ang masayang parade at tinanggap na sa Malacañang. 


Unti-unti nang tumatahimik ang kapaligiran ngunit meron sa mga tagong sulok ang ‘di pansing hibik. Kanino? Hindi natin alam, ngunit malamang sa mga taong nasaktan. Sino? 


Baka alam natin dahil malapit ang kanilang kaugnayan sa mga pinalakpakan, pinagpugayan, ginantimpalaan at itinanghal na uliran at bayaning mamamayan.


Hindi ko batid kung ano ang nararamdaman ng isang ina dahil hindi naman ako ina. Ngunit dahil meron akong ina, madaling ibalik ang mga alaala ng walang sawang pagmamahal at pag-aalala ng masuyo at makulit na ina. Wala silang katulad at talagang ganoon sila, ang ating mga ina.


Kapistahan ng Pag-akyat kay Maria sa Langit (Assumption of Our Lady) noong nakaraang Huwebes. Nagkataon namang tungkol sa pagdalaw ni Maria kay Isabel ang ebanghelyo. Nakatutuwa ang larawan ng dalawang ina, isang bata (Maria) at isang nakatatanda (Isabel). Binati ng batang inang Maria ang kanyang nakatatandang pinsang magiging ina rin. Ganu’n na lang ang pagmamahal na puno rin ng paggalang. 


Alam kasi ng dalawang magiging ina kung sino at kung ano ang kanilang dinadala sa kanilang mga sinapupunan. Si Juan sa sinapupunan ni Isabel, ang pinakahuli’t pinakadakilang propetang sumigaw na, “Ihanda ninyo ang kanyang daraanan. Dumating na Siya, ang Mesiyas na matagal nang hinihintay ng lahat.” Ganyan din ang paggalang ni Maria sa batang kanyang dinadala. Pati ang mga sanggol sa loob ng sinapupunan ay puno ng sigla’t buhay. 


Noon ko rin nabasa ang isinulat ng isang abogadong nadismaya sa mga pangyayari sa panahong nanalo ng dalawang ginto ang isang atleta. 


Dismayado ang isang Atty. Joel Rodriguez Dizon dahil sa kanyang panghihinayang na hindi nabigyang kahalagahan ang mga bagay na walang katumbas sa salapi o karangalan.  Isinulat ng abogado: “Sana’y hindi na lang siya nagpunta sa Malacañang dahil wala doon ang kanyang ina. Kung ganoon ang kanyang ginawa naipakita niya sana ang kahalagahan ng babaeng nagluwal sa kanya. Ginto, lilipas, kukupas at hindi na ito pag-uusapan.” 


Malinaw sa abogado ang malalim na pagkilala ng mga likas na Pilipino sa kahalagahan ng pagtanaw sa pinanggalingan na hindi mapapantayan ng anumang bagay o kayamanan.


Dahil dito, napasulat tayo ng isang maikling tula at heto ang nilalaman:


Ang Pagdalaw ng Dalawang Ina


Lubhang paggalang, lubhang galak ang kalakip ng bati

Ng batang inang Maria sa pinsang nakatatandang ina.


Bata sa matanda, kaygandang tingnan, ang pagmamahal

Pinatingkad ng wagas na paggalang.

 

Sa lipunang silaw sa anumang kumikinang, 

mula sa bagong sasakyan hanggang sapatos 

Na sobrang kintab na masasalamin. 


Anong saysay ng mukhang tuyo’t kulubot ng tumatandang nanay?

                 

Hindi ganoon ang puso’t mata ng batang inang Maria 

Sa kanyang pinsang Isabel, dala-dala si Juan 

Ang pinakahuli’t pinakadakila sa mga propetang sumisigaw ng “Dumating na…


Naririto na Siya…”

 

Sa sinapupunan ng matandang ina sampu ng sa batang ina, 

Dama ng dalawa ang mahimbing na tulog ng mga sanggol 

Na tikom ang mga bibig,

Na walang gintong pinanggigigil.

                 

Pansamantalang walang imik hanggang dumating ang

oras ng pagbulalas na ihanda ang kanyang daraanan…


Si Kristo hindi si Yulo! Ebanghelyo hindi ginto!

 

Nagkampihan na kung sinu-sinong laban sa ina, kampi sa dalaga. Kampi sa ina at laban sa dalaga. Nakatutuwa ba o sadyang nakalulungkot? Ina o dalaga, kapwa babae na maaaring maging ina. At tiyak na hindi man maging ina, kapwa galing ang dalawa sa kani-kanilang ina.


Ina ang tawag natin sa mahal na bayan. Marami na ring tila tumatakwil sa naturang ina dahil sa kung anu-anong hindi maganda. Ngunit, anumang pagtakwil sa inang pinanggalingan, siya pa rin at wala nang iba ang kaisa-isang ina. Sana’y magising ang lahat na lawakan ang loob at isipan. Merong higit pa kay Carlos, merong higit pa sa ginto. May mga tahimik na hindi kumampi kanino man. Sa halip, sila ay nananalangin at nagsasabi ng buong tiwala. Darating ang araw, magpapatawad ang bata sa nakatatanda, ang anak sa ina at ang nakatatanda sa bata, at ang ina sa anak. Ganito ang totoong pagmamahal na tigib sa galang.




 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 10, 2024


Fr. Robert Reyes

Lumabas kamakailan ang panukalang batas mula sa Senado hinggil sa pagbabawal ng cellphone sa mga paaralang elementarya hanggang senior high school.


Ang pananaw ni Sen. Sherwin Gatchalian, malaking abala ang cellphone sa pag-aaral ng mga estudyante. Sa halip na cellphone ang hawak, higit na pakikinabangan ang paghawak at pagbabasa ng libro.


Ipinaliwanag natin sa mga mag-aaral ng isang senior high school na malapit sa ating parokya ang tila problemang idinudulot ng cellphone lalo na dahil sa social media na umaakit sa kanilang atensyon. Ipinaalam natin ang konsepto at katotohanan ng “attention economy” o ang ekonomiya ng atensyon na hawak, ginagamit at pinagsasamantalahan ng mga korporasyon. Salamat sa social media halos wala nang matatakbuhan o mapupuntahan ang sinuman, lalo na ang mga kabataan kundi ang kanilang mga cellphone na merong data para magawa nila lahat ng posible sa internet, partikular na sa social media.


Sa isang interesanteng libro na isinulat ni Jenny Odiel, halos imposibleng makawala sa makabagong paniniil o pananakop ng mga korporasyon sa pamamagitan ng social media na pipilitin tayong mamahayag (maski na ayaw natin) at dahil dito, hindi na natin nakikilala ang katahimikan mula sa pag-iisa. 


Karaniwan nang malunod at mawala tayo sa malawak na karagatan ng mga salita at imahe, at tuluyang makalimutan natin ang kahalagahan ng mga ito bunga ng katotohanan na mapipiga at mapapalabas lamang sa kapaligirang tahimik at malaya sa anumang pilit na aagawin ang ating atensyon.


Hindi masama ang bagong teknolohiya ng komunikasyon. Salamat dito at nasundan ng lahat ang mga kaganapan sa Paris hinggil sa Summer Olympics. Salamat sa socmed at nasubaybayan natin sina Petecio; Villegas, Catantan, Yulo, Obiena at ang iba pang bumubuo sa 24 na delegasyon ng mga kababayan na lumaban sa Paris Olympics. 


Salamat sa socmed at nasaksihan natin ng dalawang ulit ang tagumpay ni Carlos Yulo na nagtamo ng dalawang ginto. At tuwing sinasabitan ang batang Yulo ng gintong medalya na sinusundan ng pagpapatugtog ng ating Pambansang Awit, halos lahat ay kinikilabutan at napapaiyak dulot ng malalim na galak dahil muling nakita at napansin ng mundo ang Pilipinas, at ang mga Pilipino na tunay namang mahusay at magaling. 


Ilang taon na ring nawala tayo sa listahan ng mga matagumpay, maunlad at may integridad na bansa.  Salamat sa mga nagpapalaganap ng katiwalian, tulad ng korupsiyon, pangingikil at pagsisinungaling. At kahit na matagal na tayong kilala sa mga mabababaw at nakakahiyang mga katangian, tama lang na makilala naman tayo sa ibayong lalim, kabutihan at galing.


Ngunit, pare-pareho ring nagulat ang marami sa biglang pagsulpot ng ina ni Carlos na maraming hinanakit tungkol sa kanyang anak na atleta. Hindi magaganda ang sinabi ng ina ni Carlos at salamat naman na hindi kagyat na sumagot ito sa kanyang nanay. 


Maraming nadismaya sa ina ni Carlos, sabi nga ng isang kilalang direktor ng sine, “Sana’y huwag bigyan ng anumang puwang ang nanay ni Carlos Yulo dahil sa halip na makatulong ito ay nagkalat lang ng maitim na usok na kinukublihan ang luningning ng ginintuang tagumpay ni Carlos.” 


Hindi maganda ang mga binitawang salita ng ina ni Carlos. Ngunit, sa halip na makuha ng ina ang simpatiya ng mga mamamayan, umani ito ng isang katutak na panlalait mula sa karamihan. Tuloy maraming ina ang nagsabing, “hinding-hindi namin gagawin at tutularan ang pagkilos, maging ang pag-uugali ng nanay ni Carlos Yulo”.


Hindi rin nagtagal sinamahan si Angelica Yulo, ina ni Carlos, ng isang sikat na abogado upang magsagawa ng presscon. Pinanood siyempre ito ng lahat, kung saan humingi ng tawad si Angelica sa kanyang anak.


Ikinuwento natin ang mga pangyayaring ito sa mga mag-aaral ng senior high school na malapit sa aking parokya. Napansin natin ang kanilang pagtango at pagsang-ayon sa ating mga sinabi. Kailangan pa bang itanghal sa publiko ang away ng mag-ina? Ngunit, gusto ito ng social media na pinalalaganap ang anumang balita, maganda man o pangit, at sa kasawiang palad sampu ng totoo at kasinungalingan. Hindi talaga mahalaga kung totoo o hindi, basta’t kakagatin ng karamihan. Kaya maski na maraming nagkokomentaryo at naglalabas ng “baho” ng pamilya ng atleta o ng mismong atleta, hindi problema ito dahil tiyak na mabibili at magpapasikat sa sinumang magsasalita para rito.


Makapagbibigay ba ng positibong epekto ang intrigang bumabalot ngayon kay Carlos Yulo? Aba’y oo, totoo man o hindi, basta gusto ng masa, gusto ng nakararami, magandang ilabas at tiyak na pagkakakitaan ang mga ipahahayag sa social media.

Pero, nasaan na ang disiplina at direksyon? Posible ba ito? 


Huwag na tayong maghanap ng sagot dahil malinaw na merong disiplina at direksyon si Carlos Yulo.


Sa pagtatapos ng misa, hinimok kong sabihin ng lahat ng nagsimba, mula sa katabi sa kaliwa at sa kanan, tulad ni Carlos Yulo, ako, ikaw, tayo ay may direksyon at disiplina.



 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 5, 2024


Fr. Robert Reyes

Gaano kahalaga ang kalusugan? Alam ng lahat ang kasabihang, “When wealth is lost, something is lost but when health is lost everything is lost!” 


Ganyang kahalaga ang kalusugan sapagkat kung merong kalusugan o malusog tayo, marami tayong magagawa. Maaalagaan din natin ang sarili at ating pamilya, at ang ibang tao, kaya kailangan nating bigyan ng atensyon.


Makapaghahanapbuhay tayo at makakaya natin ang napakaraming nagagawa ng sinumang malakas at walang karamdaman. Subalit, kung tayo ay may sakit, mahina at nakaratay na sa banig ng karamdaman, tiyak na wala tayong magagawa. Darating tayo sa punto na maski na ang ating sarili ay hindi na natin kayang alagaan. Kakailanganin natin ang iba para tulungan tayong gawin ang mga personal na bagay katulad ng pagligo, pagpunta sa toilet, pagbihis at marami pang iba.


Kaya ganito na lang ang hinagpis ng taumbayan nang nabalitaang ililipat ang P90 bilyon na “labis” sa pondo ng PhilHealth sa kaban ng bayan (National Treasury). Napakahalaga ng PhilHealth maski na kaunti ay nakakatulong pa rin ito. Ang lahat ng may sakit na nakapila sa mga public hospital tulad ng East Avenue Medical Center, Philippine General Hospital, Quirino General Hospital, at iba pang ospital ng bayan sa iba’t ibang lalawigan at siyudad. 


Sinumang mahihirap na pumipila sa mga ospital ng bayan ay maraming dalang papeles, mula PhilHealth ID, guarantee letters ng mga senador, guarantee letter ng mayor, pati na marahil ng barangay captain. Halos walang perang dala ang mga ito kundi mga papeles na nagpapatunay na “indigent” o talagang walang-wala ang mga pasyente.


Pati ang kahirapan ay kailangang patunayan. Ito naman ang kahalagahan ng indigency certificate mula sa barangay na laging bitbit ng pasyenteng mahirap kahit saan magpunta.


Noong nagtatrabaho pa ako sa Hong Kong bilang overseas Filipino worker (OFW), nakita ko ang tuwa ng ating mga kababayang domestic helper sa pagtanggap nila ng medical assistance na halos kumpleto na at wala na talaga silang babayaran. Napakaimportante ng ‘medical insurance’ higit sa medical assistance. Sa Hong Kong at sa iba’t ibang maunlad na bansa, pati ang mga Pinoy o sinumang taga-ibang bansa, basta merong malinaw na working visa ikaw ay makatatanggap ng medical insurance na gagarantiya sa libreng operasyon at gamot. Kaya nabuo namin sa Hong Kong ang Buhay Ka (Buo, Bukas, Laging Handang Umalalay sa Kapwa) Cancer Support Group. 


Maganda noong 2007 hanggang 2010 (panahon na nagtrabaho tayo sa HK) ang Universal Health Care para sa lahat ng residente mula sa mga taga-HK hanggang sa mga dayong OFW at DH. Napakaliit ng singil sa ating mga kababayan mula diagnosis hanggang operasyon at chemotherapy sa hulihan. Ang mahalaga rin para sa ating mga kababayan ay makatagpo ng mabait na amo na hindi sila ite-terminate o isesesante kapag nagkasakit sila, nagka-cancer o anumang maselang sakit. At kung hindi masyadong mabait ang amo, kung malaman nitong may cancer ang kanilang DH, walang dalawang salita, pauuwiin na ito sa ‘Pinas.


At bakit nagkaroon ng Universal Health Care ang Hong Kong? 

Una, malinaw ang batas hinggil sa Universal Health Care at sinusunod ito. Pangalawa, hindi pinaglalaruan ang pondo ng Universal Health Care program. Pangatlo, kontrolado ang korupsiyon o pagnanakaw ng kaban ng bayan sa HK. Kapag nahuli ang opisyal na korup sa pera ng bayan, mabilis ang kulong nito. Pang-apat, merong programa ang pamahalaan para itaguyod ang kalusugan kaya kung may nararamdaman ang OFW o DH, malaya itong magtungo sa anumang ospital na pampubliko para magpatingin.

May idinagdag si Billy Graham sa binanggit nating kasabihan. Sabi ni Graham, “When wealth is lost, nothing is lost; when health is lost, something is lost; when character is lost, all is lost.”


Salamat kay dating Usec. Cielo Magno ng Department of Finance, Dr. Minguita Padilla at mga kasama sa inyong paghain ng petisyon sa Korte Suprema na pigilin ang paglipat ng P90 bilyon mula sa pondo ng PhilHealth tungo sa kaban ng bayan o ng DoF.


Alam namin na hindi lang ninyo pinipigilan ang paglipat ng napakalaking pondo mula PhilHealth tungo sa DoF, pinipigilan din ninyong mapunta sa mali o bulsa ng kung sinumang mataas at malakas ang pera para sa mga may karamdaman at nangangailangang mga kababayan nating mahihirap. Tama si Billy Graham na kapag nawala ang pera, mayroong nawala, pero kapag nawala ang kalusugan, malaki o lahat ay nawawala. At tamang-tama ang kanyang idinagdag, kung mawala ang katinuan ng pagkatao (character) lahat ay mawawala.


Hindi ba’t parang ganito ang tila mga walang katinuan sa pamahalaan kung bakit napakalaking pondo ang nawawala, nasasayang at napupunta sa hindi dapat mapuntahan?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page