top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 28, 2025



Fr. Robert Reyes


Malapit na ang Halloween at nagkalat na ang mga nakakatakot na dekorasyon kung saan-saan. Kakain ka na lang sa mga resto ay nakatingin sa iyo ang mukhang zombie.


Maglalakad ka sa gabi at makikita mo ang mga babaeng nakaputi na pawang walang mga mukha at gusot ang mga buhok na nakatayo sa tabi ng mga swing at seesaw. 


Hindi naman natatakot ang karamihan dahil nagkalat na mga dekorasyong inihahanda sa paglabas ng mga batang naka-make-up at nakadamit multo, vampire, zombie at iba pang mapapanood sa mga nakakatakot at kathang-isip lang na pelikula. 


Ngunit, hindi kathang-isip ang ating mga problema, hindi rin pelikula. Kung pelikula man ay kaumay-umay na ang mga ito dahil paulit-ulit na. Hindi lang umay kundi galit, sobrang galit na ang marami. Kung ramdam ito ng mga nakatatandang naghihintay dumalo sa malalaking rally kapag Linggo, halos araw-araw sa mga unibersidad at kolehiyo, naglalabasan at nagwa-walk-out ang mga mag-aaral bilang pagtutol sa malalang katiwaliang nagaganap sa bansa. Iisa ang malakas na isinisigaw paulit-ulit ng ating mga kabataan: “Mga kurakot, ikulong na ‘yan!”


Noong nakaraang Miyerkules, Pista ni Santo Papa Juan Pablo II, nakausap natin ang isang kilalang lider ng oposisyon. Mahaba ang aming usapan at iisa ang tema -- ang mga dinastiya. Sabi niya, maski na mag-rally at mag-rally ang mga mamamayan laban sa sari-saring abuso mula korupsiyon hanggang extra-judicial killings, wala pa ring magbabago dahil hawak ng mga dinastiya ang lahat ng sangay ng pamahalaan. Sino ang mga korup, ang mga kurakot? Sino ang mga korup na senador at kongresista? Hindi ba’t lahat sila ay bahagi ng mga dinastiya? 


Nang pinalitan si Rep. Martin Romualdez ni House Speaker Bojie Dy noong nakaraang buwan, napangiti na lang tayo. Naalala natin ang dating Gov. Grace Padaca na tinulungan at ipinaglaban noong siya ay gobernadora ng Isabela. Dahil sa kanyang sipag, tatag at integridad dalawang beses nanalong governor si Padaca, ngunit sa eleksyon para sa kanyang pangatlong termino, pinaghandaan na siya nang todo. Ibinuhos nang husto ang pondo at pangangampanya ng mga Dy upang bawiin kay Grace ang kanilang trono. Natalo si Padaca at mula ngayon parang anay na kumalat ang dinastiya ng mga Dy sa buong Isabela mula gobernador pababa sa mga mayor at barangay captain.


Hindi lang si Speaker Bojie Dy ang miyembro ng dinastiya. Napakalaking porsyento ng mga Kinatawan ng bayan ang dinastiya. Iilan lang ang hindi dinastiya sa Kongreso. Kaya anumang kampanya para sa “Anti-Dynasty Law” ay inilalagay lang sa arkibyo ngunit hinding-hindi nakararating sa susunod na bahagi ng proseso sa pagpasa ng anumang batas -- ang first reading o unang pagbasa ng anumang panukalang batas.

Halos magdamag tayong gising noong Huwebes. Anumang pikit at pihit natin sa higaan, hindi na tayo makatulog uli. Umupo na lang ako at binuksan ang ilawan sa aking tabi. Kinuha ko ang cellphone at nagsimulang magsulat. Hindi ko alam kung bakit naisip ko ang mga katagang bukas-palad. At mula rito ay isinulat natin ang sumusunod na tula:


Bukas-palad isinilang

Diyos ang tanging sandigan

Mamulat sa paglaki

Sa salot ng walang paki.

 

Lipunang pantay-pantay

Dangal, karapata’y

Unti-unting kinakatay.

 

Salapi’t posisyon

Kanilang diyos-diyosan

Dinastiya kinalabasan.

 

Korupsiyon at inhustisya

Binalot sa ayuda

Hungkag na pag-asa

Tinatamasa

 

Malacañang at Senado

Hanggang Kongreso

Korte Suprema

Walang Sorpresa.

 

Mga hari-hariang

Gintong nakaw ang trono

Susuko sa Kanya

Magwawakas pagkakanya-kanya.

 

Hindi kayo, Siya lang

Hindi pamilya, yaman o ari-arian.

Siya ang iisang hari

Si Kristo lang.

 

Bukas-palad isinilang

Bukas-palad uuwi

Sa bayang walang dinastiya

Sa kahariang walang inaapi.


Nang matapos nating isulat ang munting tula, unti-unting luminaw ang kahulugan ng pamagat nito, “Bukas-Palad, Bukas Pilipinas Lalaya sa Dinastiya!”


Hindi pa tapos ang Jubilee Year na inilunsad ni Papa Francisco noong nakaraang taon. Magandang balikan ang titulo ng isang taong pagdiriwang na ito: Spes Non Confundit! Ang Pag-asa ay Hindi Dumidismaya! Para ito sa maraming dismayadong-dismayado sa mga kurakot na pulitiko.


Malapit na ang Pista ni Kristong Hari. Oo, ang Diyos, si Kristo ay bukal ng walang hanggang pag-asa. Hindi sila (mga dinastiya) ang hari, kundi ang Diyos, si Kristo, ang nag-iisa nating pag-asa!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 26, 2025



Fr. Robert Reyes


Msgr. Jose Menphin, Msgr. Jose Jovellanos, Fr. Ben Villote, Msgr. Antonio Benedicto, Msgr. Antonio Mortillero, Msgr. Clemente Lopez, Msgr. Nico Bautista, Msgr. Jose “Jing” Silverio at napakarami pang hindi ko maalala sa ngayon. Sila ang ilan lang sa mga naging kilalang paring nagtapos sa Seminaryo ng San Jose. Mga mabubuti, magigiting at banal na pari na naging haligi ng kani-kanilang mga diyosesis. Nakilala at nakasama natin ang karamihan sa kanila noong batang pari pa lang ako, na ang mga ito ay bumalik na sa tahanan ng Ama.


Sina Bishop Honesto Ongtioco (Cubao), Bishop Teodoro Bacani, Cardinal Gaudencio Rosales, Cardinal Quevedo OMI, Cardinal Chito Tagle, Cardinal Ambo David, ay mga kilalang pinuno ng simbahan na galing sa Seminaryo ng San Jose. Buhay pa silang lahat, retirado ang ilan, ngunit aktibo pa rin. Marami pang kabutihang magagawa ang mga aktibo, at inaasahan sila ng marami lalo na sa kasalukuyang krisis na pinagdaraanan natin.


Wala ang mga nabanggit na kardinal sa pagdiriwang ng ika-96 na Alumni Homecoming ng Seminaryo ni San Jose, ngunit naroroon sina Obispo Nes Ongtioco, retiradong Obispo ng Diyosesis ng Cubao, Obispo Marvin Maceda ng Diyosesis ng Antique at Obispo Ted Bacani, retired na Obispo ng Novaliches.


Si Obispo Ted Bacani ang nagbigay ng pagninilay noong nakaraang Huwebes ng hapon. Sa kanyang pagninilay sa temang “Josefino Iisa Tayo sa Isang Kristo”, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa hindi lang sa salita kundi sa buhay. Ano ang pinagmumulan ng pagkakaisa ng mga pari? Walang iba kundi ang pagsunod, pagiging malapit ng mga pari kay Kristo. Kung si Kristo ang nasa sentro ng buhay ng pari at ganoon ang lahat ng pari hindi maaaring magkawatak-watak at mag-away-away ang mga ito. Nagbigay ng mga halimbawa si Bishop Ted ng mga paring hindi nagtutulungan, hindi nagsusuportahan. Meron ding mga paring nagsisiraan at nagtsitsismisan tulad ng karaniwang tao. Ngunit maiiwasan ito kung babalik at muling magiging malapit ang mga pari sa Panginoong Hesu Kristo.


Kinagabihan sa hapunan at programa, nagkasama-sama ang mga magkakaeskwela. Sa anim na magkakaeskwela sa Batch 82, dalawa lang kami ni Padre Edwin Mercado ng Maynila ang nakarating. Wala roon sina Padre Jun Aris ng Bukidnon, Bobboy Colon ng Butuan at Cardinal Chito Tagle na ngayon ay nasa Roma na. 


Wala na ang pang-anim naming kaeskwela, si Danny Bermudo na namatay bago mag-COVID 19 noong Pebrero 2020. Puti ang buhok ni Padre Edwin. Ako naman ay walang buhok dahil araw-araw ay inaahit ko. Sa paligid namin napakaraming mga dating kasama sa seminaryo na nagpuputian na rin ang mga buhok. Marami-raming mga batang pari na puno ng sigla at pag-asa.


Sa misa kinabukasan, napuno ang kapilya ng seminaryo ng mga pari. Namuno sa misa si Padre Elmer Dizon ng Pampanga. Si Padre Rey Raluto naman ng Cagayan de Oro ang nagbigay ng omeliya. Taimtim na nakinig, nagdasal at nakiisa ang lahat sa pagdiriwang ng Eukaristiya. Nasa puso ng lahat ang pagninilay ni Obispo Ted Bacani tungkol sa pagiging isa kay Kristo na siya ring daan upang magtulungan, magmahalan at magkaisa ang lahat ng pari. 


Bago matapos ang misa, ipinagdasal ng lahat ang mga yumaong ‘Josefino’. Ipinakita sa screen ang mga mukha ng mga kapatid naming nauna. Napansin kong naglalabas ng mga panyo ang ilang pari. Ganoon din ang ginawa ko dahil kusang dumaloy ang luha sa aking mga mata. Marami sa mga mukha ng pumanaw ay nakasama, nakatrabaho at naging kaibigan ngunit wala na sila.


Marami sa kanila ay nanatiling simple at dukha. Namumukod tangi si Padre Ben Villote na lagi nating dinadalaw noon sa kanyang Dambanang Kawayan at sa Sentro ng mga Migrateng Kabataan. Tahimik, malalim, makatang tapat na disipulo ni Kristo at lingkod siya ng sining. Laging masaya ang mga misa ni Padre Ben Puno ng musikang Pilipino at ang magandang halo ng ebanghelyo at makabayang pagninilay.  


Naalala ko rin si Padre Tony Benedicto na siyang nagpasok sa akin sa Seminaryo ng San Jose. Barkada ng aking ama si Padre Tony. Masayahin at batikan na taga-omeliya si Padre Tony tuwing Siete Palabras sa telebisyon. Siya ang nagtayo ng kauna-unahang simbahan sa aming parokya sa Barangay Tugatog sa Malabon. Doon din naganap ang aking pinakaunang misa. Matagal kaming nagsama sa seminaryo nina Kardinal Ambo at Chito. Kaeskwela natin si Kardinal Chito at dalawang taon ang agwat namin ni Kardinal Ambo.


Mabilis ang pagtakbo ng panahon. Tumatandang unti-unti ang mga anak ni Tata Jose (San Jose). Dalawa na sa aking kasabayan ay kardinal at senyales na tumatanda na talaga tayo na kasing tanda ko na rin si Papa Leo XIV. Ngunit aanhin mo ang pagtanda kung wala ka namang pinagkatandaan?

Sana, kaming mga anak ni San Jose ay matulad sa kanyang anak na tumawag sa aming ibigay ang buong buhay namin sa paglilingkod sa kapwa, sa bayan at sa Kanya! Maraming salamat Seminaryo ng San Jose!

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 20, 2025



Fr. Robert Reyes


Sa darating na Miyerkules, Oktubre 22, ipagdiriwang ng simbahan ang kapistahan ni Santo Juan Pablo II (dating Papa Juan Pablo II). 


Maalala ang epekto sa pandaigdigang pulitika ng pamumuno ni Papa Juan Pablo II. Tuluy-tuloy itong nakipag-usap sa kilusang Solidarnos ng Polonya at hinikayat itong magpatuloy sa mapayapang pagtatanggol ng karapatan ng mga manggagawa. 


Sinubukang magdeklara ng batas militar ang pamahalaang komunista ng Polonya ngunit hindi nagtagal at nagkaroon ng pambansang demokratikong halalan kung saan nanalong presidente si Lech Walesa, ang lider ng Solidarnos na kaibigan ni Papa Juan Pablo II. 


Nagpatuloy ng pakikipag-usap sa mga lider ng Polonya at Russia ang papa hanggang sa tuluyan na ring gumuho ang dating Union of Soviet Socialist Republics o USSR noong Disyembre 1991. Bago mangyari ito gumuho muna noong Nobyembre 9, 1989 ang kilalang Berlin Wall.


Kailangan ng buong mundo ang pamumuno ni Papa Juan Pablo II. Nang mamatay ito, iba ang naging pamumuno ni Papa Benedicto XIV na binigyang-diin ang tradisyon at teolohiyang Katoliko na siyang naging batayan ng pagsilang ng Europa. Nang nagbitiw si Papa Benedicto XIV, pinalitan ito ni Papa Francisco I, ang kinilalang “luntiang papa” na pinaglaban ang integridad at karapatan ng kalikasan sa mahalagang liham nitong ‘Laudato Si.’ 


Ngunit hindi tumigil si Papa Francisco sa pagsulong ng pandaigdigang pagbabago tungo sa kalikasan, ipinaglaban din nito ang makabagong pakikitungo sa maliliit at mahihirap sa pamamagitan ng panibagong pulitika ng pakikipagkapwa at pakikipagkaibigan na ipinaliwanag niya sa kanyang liham na ‘Fratelli Tutii.’


Bakit “huwag matakot” ang mensahe hindi lang ni Papa Juan Pablo II kundi ng lahat ng mga pope? Ano ba ang nakakatakot sa pananampalataya sa Diyos? Nakakatakot bang magmahal? Nakakatakot bang magsabi ng totoo at ipaglaban ang katarungan at pagkakapantay-pantay ng lahat? Nakakatakot bang ipaglaban ang dangal at karapatan ng mahihirap at mga nasa gilid-gilid ng lipunan?


Ito ang dahilan kung bakit mag-aapat na buwan pa lamang si Papa Leon XIV ay naglabas na ito ng kanyang liham, ‘Dilexi Te.’ Dito niya ipinakita ang isa pang hindi popular at medyo nakakatakot na pananaw, paninindigan at pag-uugali ng isang tunay na mananampalataya at alagad ni Kristo.


Ito ang batayang turo ng ‘Dilexi Te’: Tinatawag ng Diyos ang bawat Kristiyano na mahalin at pangalagaan ang mahihirap dahil ito ay matalik at malalim na nakaugnay sa pananampalataya at hindi “optional”. Meron itong apat na mahahalagang sangkap.

Una, dapat maging pangunahin ang pangangalaga sa mahihirap na siyang pinakapuso o buod ng misyon ng simbahan.


Pangalawa, iisa ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa mahihirap, at ang mga gawain ng pagkalinga at pagmamahal sa mahihirap at nasa sentro ng buhay Kristiyano at mahalaga para sa huling paghuhukom.


Pangatlo, pinalawak ang kahulugan ng kahirapan, hindi ang materyal kundi kahirapang panlipunan, moral at espirituwal sampu ng kalagayan ng mga migrante at matatanda.

Pang-apat, ang pagpapahalaga sa kasaysayan: ang Social Teachings of the Church mula simula hanggang ngayon, sampu ng mga itinuro ni Papa Francisco at ang lahat ng itinuro tungkol sa pagmamahal sa kapwa.


Panglima, mga kongkretong pagkilos ng pagtulong at pakikiisa at pananagutan na buwagin ang mga sistema at istrakturang nagpapalaganap sa kahirapan.

Ito ang malinaw na rason kung bakit kailangan ng tapang ang pananampalataya sa Diyos, dahil hindi ito buo kung hindi ito ipinapahayag sa pamamagitan ng pagmamahal at pagkalinga sa mahihirap.


Ngayong umiinit at umiigting ang galit ng marami sa panlilinlang at pagnanakaw ng mga makapangyarihan sa salaping nakalaan para sa lahat ng mamamayan lalo na sa mga mahihirap, napapanahon ang paggunita sa mga itinuro ng mga Papa hinggil sa kaugnayan ng pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa, lalo na sa mga maliliit at mahihirap. Anong klaseng Kristiyano ang naghahangad at nagtatagumpay na maging malaki, mayaman at makapangyarihan, at malayong-malayo sa mga mahihirap? Hindi siya o sila Kristiyano dahil taliwas ito sa itinuturo ng simbahan.


Kaya tama lang katigan ng simbahan ang sigaw ng lahat: Litisin, ikulong, singilin ngayon na ang lahat ng nagnakaw, lahat ng korap! 


At nakatutuwa at nakapagpapataba ng puso na makita at marinig ang mga kabataan at

mag-aaral na sumisigaw na walang kaba, walang takot: “Ikulong na ‘yan mga kurakot! Ikulong na ‘yan mga kurakot!”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page