top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 6, 2025



Fr. Robert Reyes

Tatlongpu’t tatlong taon na nang sinimulan ng Parokya ng Transfiguration of our Lord sa Murphy, Cubao ang kampanya laban sa “Sugal Bata”. Mula noon hanggang ngayon, malayo na ang narating ng “Sugal Bata”. 


Noong araw bagama’t hinahaluan ng tayaan, karamihan ng mga “Sugal Bata” ay mga simpleng laro na masaya at nakapapawis maski na walang tayaan ng pera. Kabilang sa ilan sa mga larong ito ay dyolens, gulong-goma, sabong-gagamba, POGS at marami pang iba. 


Idagdag pa natin ang basketball na karaniwang sinasamahan ng mga magkalabang panig ng tayaan o librehan ng meryenda pagkatapos ng laro. At ang pawang inosenteng basketball ng mga nakatatandang may perang pantaya ay naging sugal na rin sa mga teenager at sa mga mas bata pa. Ano nga ba ang problema? Ang sugal ba o ang kultura ng sugal?


Malalim at matagal na ang kultura ng sugal sa ating bansa. Siguradong merong literature tungkol sa kultura ng sugal, kung kailan at paano nagsimula ito at ang iba’t ibang mga puwersa lokal o global na maaaring nakatulong na palaganapin at palalimin pa ito. Pero, sa ibang panahon na lamang natin pag-ukulan ng pansin ang kasaysayan ng sugal sa ‘Pinas.


Magandang hakbang ni Senador Win Gatchalian na usisain ang e-gambling sa ating bansa. Sana lang hindi ang e-gambling ang imbestigahan nila kundi ang lahat ng uri ng sugal, lalo na ang mga lubhang nakakaadik sa marami lalung-lalo na sa mga kabataan.


Sinamahan din ni Cardinal Ambo David ang kampanya ni Gatchalian laban sa e-gambling sa pagpuna nito na: “Tila walang ginagawa ang gobyerno upang protektahan ang mga mamamayan, lalo na ang mga kabataan na huwag maging mga adik sa sugal.”


Hindi lang ang mga e-gambling ang problema kundi ang mga korporasyong nagpapatakbo ng mga ito. Dahil sa panukala ni Gatchalian biglang nagkaroon ng malawakang bentahan ng “stocks” ng isang korporasyon. Ano ang ibig sabihin nito? 


Tungkol sa pera ang sugal, mula sa nagsusugal, sa nagpapasugal hanggang sa nagpopondo at nagmamay-ari ng korporasyon ng e-sugal. Napakalaking pera ang kinikita ng araw-araw na pasugal gamit ang mga mobile phone at mga computer. At lalo na’t napakadaling tumaya gamit ang mga e-wallet tulad ng GCash at PayMaya. 


Patungkol talaga sa pera ang sugal. Tingnan na lang natin ang naabot na kapital ng isang korporasyon sa halaga ng P 222.68 bilyon, at hindi lang ito tungkol sa pera kundi sa kultura ng sugal mismo! Kung ganito kalaki na ang salaping pumasok dahil sa e-sugal, isa lang ang ibig sabihin nito, maraming-marami na ang nag-o-online gambling.


Ayon kay Gatchalian, tunay na mapanganib ang sugal, lalo na ngayon ang e-gambling o e-sugal dahil ito ay online at madaling-madali na maski kanino. 


Kapag naging sugarol na ang sinuman madali nang malusaw ang moralidad, magkaroon ng mental health issues (‘masiraan ng bait kaiisip kung paano babayaran ang utang sa pagkatalo’), matinding problemang pinansyal ng pamilya, pagkaadik sa sugal na kailangang ipa-rehab, ang pagkakaroon din ng mga bisyong kakambal ng sugal at ang krimen dahil sa desperasyon.


Dagdag naman ni Cardinal Ambo, “Dahil sa sugal, goodbye pag-aaral, goodbye disenteng trabaho, goodbye pag-asa ng mga masisipag na pamilya. At hello, hello sa bagong generasyon ng mga adik sa sugal.”


Kung isang kultura ang sugal, kailangang lumikha ng kontra-kultura (counter-culture) para palitan ito. 


Tingnan natin ang mga sektor na pinakaapektado nito: mga kabataan mula elementarya hanggang hayskul at kolehiyo, mga kalalakihan -- mga kuya at ama na may konting pantaya sa e-sabong, e-bingo at iba pa, mga kababaihan at kalalakihan din na adik na sa jueteng at tong-its. Pero ano nga ang bago at kapalit na kultura na maaari kontra sa nakakaadik at nakakasirang mga sugal?


Sikat ngayon ang tennis dahil kay Alex Eala. May bagong larong sumisikat din, pickleball. Marami na rin ang nagba-badminton, at mas maraming sumasali sa mga running events. Sports ang gusto ng marami, maging ng kabataan. Trabaho, hanapbuhay, kailangan ng mga magulang imbes na sa sugal na umaasa ng panggastos. Bagong ugnayan sa kalikasan, sa Diyos, sa pamayanan at sa bayan.


Sa halip na hayaan ang maraming malulong sa masamang bisyo at puwedeng ikamatay na adiksyon, maaaring akayin ang lahat sa makabuluhang gawain o libangan mula sports tungo sa hanapbuhay at sa pagpapalalim ng pagmamahal sa Diyos at sa bayan.


Ang tawag dito sa Ingles ay ang pagtataguyod ng mga “mabubuting adiksyon” o positive addictions na pabor sa kalusugan, sa pag-unlad ng kaalaman at personalidad, sa pagpapalalim ng pagmamahal at pagmamalasakit sa kalikasan at sa Inang Bayan.


Posibleng simulan at palaganapin ang bago at positibong kultura na malinis, habang malayo at tutol sa bisyo at adiksyon. Magsisimula ito sa bawat indibidwal ngunit napakaganda kung kasama ang lahat ng sektor at higit sa lahat kasama at suportado ng pamahalaan!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 30, 2025



Fr. Robert Reyes

Giyera, ito ang mainit na usapin ngayon. Nauna ang isa, gumanti ang ikalawa, at gumanti rin ang nanguna. Ngunit merong pangatlo at iba pang nais ding makilahok. 

Ito ang problema sa giyera, parang mitsa sa mahabang banig ng paputok. Kapag pumutok ang isa, susunod ang pangalawa at pangatlo. Hindi ito magtutuluy-tuloy kung mahahadlangan ang unang dalawa na umakit pa ng iba. 


Mabuti na lang at maski na mahigit dalawang taon na ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, hindi pa lantarang nakikilahok at nakikialam ang mga kakampi ng magkabilang panig. Kaya’t ito ang pinagsisikapan ng marami na huwag nang lumawig pa ang namumuong alitan sa pagitan ng Israel at Iran.


Noong simula, mapayapang namumuhay ang tao kasama ang lahat ng nilikha ng Diyos. Wala siyang inaaring sa kanya. Tulad ng mga hayop, isda, mga bulaklak, puno, batis, bundok, kagubatan at iba pa lahat ay iisa, walang kanya-kanya.


Ngunit iba ang tao, nag-iisip, malikhain. Ika nga’y, “Nilikhang kawangis ng Diyos.” Pero hindi naunawaan ng ilan ang ibig sabihin ng “kawangis ng Diyos.” Kawangis, larawan, katulad ngunit hindi kapantay ng Diyos. 


Noong simula na namumuhay ng payak at sapat ang tao tulad ng lahat ng nilikha ng Diyos, hindi niya hinangad ang anumang hindi niya kailangan. Namuhay siya ayon sa tama at sapat lang sa payak at makabuluhang buhay.


Kaya’t inutusan ng Diyos sina Adan at Eva na huwag kumain ng bunga ng puno ng karunungan. Tama at sapat na ang lahat ng pagkaing bumubuhay sa kanila, at wala silang kailangang higit pa rito. Ngunit, tinukso sila ng demonyo na nagsabing, “Hindi kayo mamamatay kapag kumain kayo ng bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama. Subukan ninyo.” Sinubukan nilang kainin, una ang babae, sumunod ang lalaki.


Hindi sila namatay ngunit biglang nabuksan ang kanilang mga mata, nakita nilang hubad pala sila. At nang kinausap sila ni Yahweh, tinanggap nila ang masakit na hatol na kailangan nilang umalis sa paraiso. Sa lupa, kailangan nilang magbata ng buto dahil hindi na kasing dami at hitik ang mga punongkahoy na may bunga at iba pang dating sagana sa bungang makakain. Sa labas ng paraiso, kailangan nang magtrabaho sina Adan at Eva. Kailangan na nilang gamitin ang isip, diwa, imahinasyon sampu ng kanilang mga kamay at paa. Kakailanganin na nilang matutong magtanim at umani sa bunga ng kanilang tinanim, hindi mamimitas lang. 


Bunga ng kanilang gawa ang masaganang ani na higit sa kanilang simpleng pangangailangan. Nagpatuloy silang gumawa at patuloy din ang pagdami ng kanilang ani. Anong gagawin nila sa sobra? Ito ang mabuting balita ng paggawa. 


Dahil higit sa pangangailangan ang bunga ng kanilang gawa, unti-unting isinilang ang pakikipagpalitan ng produkto sa produktong ginagawa ng iba. Pagtagal-tagal, hindi lang produkto kapalit ng produkto, dumating ang pera na puwedeng ipagpalit sa produkto.


Hindi rin tumagal dumating ang mga bangko at mga korporasyon. Dumating din ang mga makina at ang pagbilis ng produksyon.


Sunud-sunod ang kaunlaran, at isinilang ang iba’t ibang klase sa lipunan: ang mahihirap at lubhang mahirap, at ang mayayaman at ang lubhang mayayaman. Natutunan ng tao kung paano magpalaki ng kapital, ng kinikita at iniipon sa bangko. Natutunan din kung paano maging patas o abusado sa pagkita. 


Sa simula pa’y naroroon na ang pangangailangan sa maayos na sistema ng pamamahala, ng regulasyon ng lahat. Mula sa maliliit na grupo ng mga mangangalakal at mga grupo ng mga namamahala sa kaayusan at kaligtasan, isinilang ang mga maliliit na pamahalaan na kalaunan lumaki at nagsilang sa mga kaharian at mga imperyo.


Paano lumaki ang maliliit na kaharian tungo sa mga dambuhalang imperyo? Kundi sa pangangamkam at madalas na pakikipaggiyera. Nasaan na ba tayo ngayon? Umusad ba tayo o pabalik-balik na tayo sa pagpigil sa namumuong giyera, at sa pag-aayos, muling pagbubuo at pagkakasundo pagkatapos ng giyera?


Hindi napag-uusapan at napapansin ng lahat, ang pagbagsak na ito ang sinapit ng kalikasan na kinikilala rin nating Inang Kalikasan. Ito ang tinutukan ng yumaong Papa Francisco: ang trahedya at hamon ng kalikasan (Laudato Si); ang trahedya at hamon ng giyera, at ang sari-aring pagtutunggalian ng tao (Fratelli Tutii).


Mahalaga, maselan, makabuluhan at mahirap na hamon ang ipagtanggol ang kalikasan sa giyera, o ang wakasan ang giyera para sa kalikasan. Ang ganid, ang walang hanggang pagkauhaw sa kita (pera) at kapangyarihan (pulitika, lokal at global) ang nagtutulak ng giyera at ang pagkabulag din sa pagkasangkot ng kalikasan sa lahat ng ito.


Ito ang mahalaga at seryosong hamon hindi lang sa aming munting parokya kundi sa buong simbahan, sampu ng Diyosesis ng Cubao. Hindi lang sa simbahan kundi sa lahat ng bansa sa buong mundo. Wakasan lahat ang giyera at ingatan nating patuloy na maging biktima si Inang Kalikasan. Amen.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 29, 2025



Fr. Robert Reyes

Pansamantalang tumigil ang bombahan sa pagitan ng Israel at Iran. Hanggang kelan? Ano ang nasa isip ng mga magkatunggaling bansa at ng kani-kanilang mga kakampi? May magagawa ba ang simbahan para mapigilan ang paglaganap ng giyera sa buong mundo?


Ginagawa ngayon ni Papa Leo XIV ang ginawa ni Kristo. Ang makilahok at magsalita para sa kapayapaan at paggalang sa buhay ng lahat. Sa kanyang pinakahuling pahayag, ito ang sinabi ng Papa:“Hindi lumulutas ng problema ang giyera. Lalo nitong pinatitindi at nag-iiwan ng malalalim na sugat sa kasaysayan ng mga tao na hindi madaling hilumin.


Walang armadong tagumpay ang makapapawi sa dalamhati ng mga ina, takot ng mga bata at sa pagkawala ng kinabukasan. Nawa’y tahakin ng mga bansa ang kinabukasan sa pamamagitan ng mga gawain ng kapayapaan at hindi sa marahas at madugong alitan.”


Nang muling nabuhay si Kristo, ilang ulit siyang nagpakita sa kanyang mga nagtatagong disipulo na nanginginig sa takot. At sa bawat pagpapakita, ang kanyang mga unang salita ay, “Sumainyo ang Kapayapaan!” 


Alam ni Kristo ang epekto ng pag-uusig at karahasan. Nawawala ang kalayaan ng tao, nababawasan ang kanyang pagkatao dahil nilalamon ito ng takot. Hindi ba ito ang layon ng giyera? Bago pa tuluyang matalo ang sinumang kaaway, sisikaping sirain at pahinain ang loob ng kaaway para unti-unting mawalan ng lakas at tapang na lumaban ito. Kaya’t kung kakayanin, gagamitin ang matinding puwersa upang lumikha ng nakaririnding takot at pagkatulala sa kaaway (shock and awe).


Dagdagan pa ng kasalukuyang puwersa ng pagkakalat at pagpapalaganap ng propaganda sa social media. Napakadaling lumikha ng mga pekeng video na pabor sa isang panig at laban sa kabila. Kanya-kanyang propaganda, estratehiya para manalo at tuluyan nang magapi ang kaaway. Ngunit sino ba talaga ang kaaway? Sinu-sino ba ang nag-aaway? Iilan lang ba o maraming naghihintay at naninimbang kung kelan at paanong makikialam?


Kahapon, ika-28 ng Hunyo 2025, ipinagdiwang ng Ina ng Laging Saklolo, Project 8 ang ika-59 na taon ng pagkakatatag. Pagkaraan ng pitong kura at pitong konseho pastoral dumaan ang parokya sa maraming pagsubok at unti-unting nakarating sa kinaroroonan nito ngayon.


Dumating tayo sa parokya noong Hunyo 2021. Hindi pa natatapos ang pandemya, habang kagagaling ko lang sa ospital dahil sa COVID 19. Naospital din ang aking ina at sa kasawiang palad ay hindi niya nalabanan ang COVID, na pagkaraan ng 23 araw ay binawian ng buhay. 


Nasubukan ang lahat sa panahon ng pandemya. Napilitang manalig at manalangin sa higit na matinding paraan sa harap ng mahigpit na banta na mahawa, manghina at mamatay. Meron ding ibang uri ng giyera na naganap noong panahon ng pandemya.


Makatutulong na balikan ang ilang aral na tumulong na lumigtas sa marami.

Una, huwag magpabaya at huwag balewalain ang banta ng hawa ng COVID-19.


Pangalawa, linisin ang paligid at higit sa lahat panatilihing malinis ang sariling katawan at maging maingat na hindi lumantad sa mga lugar at taong nakakahawa.

Pangatlo, kumain, mag-exercise at magpahinga ng sapat para may panlaban ang katawan.


Pang-apat, magdasal, magdasal, magdasal. Napakaraming nagsimula ng on-line Masses, prayer sessions, at pagrorosaryo.

Panglima, magsimula ng “support group” ng mga taong handang makinig at makipag-usap sa isa’t isa.


Pang-anim, tumulong, tumulong, tumulong sa mga nangangailangan. Isa ito sa pinakamahalagang leksyon ng pandemya: ang pakikipagkapwa-tao, pagdamay sa mga nangangailangan, nahihirapan at lalo na sa mga nawalan o namatayan.


Salamat sa pandemya, nagkaroon ng pag-igting ng pakikipagkapwa-tao ang marami. Bagama’t naka-lockdown, maraming nagtangka at nagtaya na tumulong at maglingkod sa kapwa. 


Makikita ang pag-asa at kapayapaan sa buhay ng ating Panginoon. Sa kanyang walang tigil, walang pagod na pagtulong sa kapwa, pinalaganap ni Kristo ang pag-asa. Saan man siya magpunta, sinikap niyang makipag-usap at lumikha ng kapaligiran ng pag-uusap, pagbabahaginan at pagtutulungan.


Sa halip na pairalin natin ang takot at pag-aalala, mas magandang magsimula na tayong lumikha ng mga programa ng pagtulong at pakikipag-usap upang mapawi ang takot at kawalan ng pag-asa. Ito ang buhay ng ating Panginoong Hesus Kristo. Ito ang hamon na ibahagi at patatagin sa lahat ng mga grupo, pamayanan at parokya. Amen.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page