top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 27, 2025



Fr. Robert Reyes

Bagyong sunud-sunod. Dumaan na sina ‘Crising’, ‘Dante’ at ‘Emong’. Parating pa ang apat, lima, anim, pito at marami pang bagyo mula ngayon hanggang Nobyembre ang pinakahuling buwan ng matitinding bagyo. At tulad noong isang taon sa aming munting parokya sa Barangay Bahay Toro, ilang ulit din kaming kumilos para tulungan ang mga parokyanong kailangang lumikas mula sa kanilang mga tahanang nakatayo sa tabi o ibabaw ng estero.


Taun-taong kailangang gawin ang maaari namang hindi na kung magkakaroon ng tunay at seryosong solusyon ang problema ng lumalalang pag-ulan at bagyo bunga ng climate change dahil sa global warming. 


Ano na ang nangyayari? Bakit pawang kaaway na ang dating kaibigan? Mula sa langit, dumarating ang tubig-ulan na kailangan ng mga tanim, hayop at tao. Kadalasa’y sapat ang tubig-ulan para sa mga pananim -- palay, mais at gulay. Paminsan-minsan, lumalakas at nagiging matinding bagyo na sumisira sa malaking bahagi ng mga bayan at lalawigan. Naroroon ang malalakas na bagyong naranasan ng marami noong dekada sisenta at sitenta (1960-1970). Matunog ang mga pangalang ‘Dading’ at ‘Yoling’ na rumagasa sa NCR at buong Central Luzon. Siyempre walang pasok, ngunit sa halip na kami ay matulog nang mahimbing sa panahon ng bagyo, naging bahagi kaming mga seminarista ng mga relief and rescue teams na naghahatid ng ayuda at tumutulong ding magligtas sa mga nasa mapanganib na kalagayan. Subalit, hindi ganoon kadalas noon ang mga matitinding bagyo.


Ngunit dumating ang mababangis at nakamamatay na mga bagyo. Walang sinabi ang Bagyong Dading (June 19-July 3, 1964) at Bagyong Yoling (November 14, 1970). Ito ang mga bagyo ng aking kabataan na hindi ko makakalimutan. Nasa 70 taon na tayo ngunit kapag inisip ko ang bagyo, biglang lulundag sa aking harapan ang mga pangalang Dading at Yoling. Pero talung-talo na ang mga ito nina ‘Ondoy’ (September 24, 2009) at ‘Yolanda’ (November 9, 2013). 


Wala pang global warming at climate change noong mga dekada sisenta at sitenta, ngunit paglipas ng 40 taon, iba na ang mga bagyo. Sobrang tindi ng hangin at labis-labis ang ulan. Hindi pa binubuo ang National Disaster Risk Reduction and Management Council, ngunit ngayon, dahil sa paglubha ng panahon, bahagi na ng istraktura ng lahat ng antas ng pamamahala mula pambansa hanggang sa kaliit-liitang barangay ang pagkakaroon ng Disaster Risk Reduction and Manangement Council, at siyempre merong pondo ito sa lahat.


Isa pang kataga ang isinilang sa mga nagdaang dekada ng matitinding bagyo, ito ang flood control projects na paborito ng mga pulitiko. Pondo ito at napakalaki na madaling maipagtanggol at makuha tuwing national at local budgeting dahil sa malinaw at matinding pangangailangan. 


Sa isang panayam ni Senador Tito Sotto, inilabas niya ang “budget insertions” ni Senador Chiz Escudero at mga kasama nito na umaabot sa P 142.7 bilyon. Para saan ang salaping ito? Para sa mga paboritong “infrastructure projects” ng mga senador, tulad ng mga flood control project, paggawa ng mga tulay, kalye at health facilities. Ayon kay Sotto, “Grabe ito. Hindi umaabot ng bilyon ang mga “amendments” ng Senado sa mga nagdaang taon. Iskandaloso pa ito dahil galing ang mga “amendments” sa budget cuts sa Department of Education at Department of Health.” 


Pag-aaralan daw ni Sotto ito. Sang-ayon tayo na pag-aralan nang maigi at tingnan ninyo kung magkano sa budget ang napupunta sa flood control.


Nakausap natin noong isang araw ang kilalang environmental architect na si Jun Palafox. Sinabi ni Palafox, halos 70 taon na ang tanda ng marami sa ating mga “flood-control, drainage infrastructure.” Ayon pa sa kanya, matagal na niyang iginigiit na palitan na ang marami nito kundi lahat ng mga tubo para sa drainage at flood control masisira. Matatanda at maliliit na ang maraming mga drainage pipes. Literal na panahon pa ng giyera. Anong nangyari sa payo o mungkahi ni Palafox? Wala. Bakit naapektuhan ang pondo ng flood control? Kung gagastusan nang tama ang flood control napakalaking salapi ang mapupunta at dapat lang para sa flood control.


Masama ba ito? Bakit tila ayaw ng maraming pulitiko?


Kung ginagastos lang sa dapat at kailangan ang ating pondo, hindi magkakaganito ang baha sa maraming bahagi ng bansa. Lalong hindi rin makakaranas ng delubyo at maghihirap ang marami sa atin.


Bagama’t hindi nito mapipigilan ang global warming at climate change, unti-unti namang magkakaroon ng pagbabago. Totoo ba ang sinasabi tungkol sa Marikina. Hindi na ganoon kataas ang tubig-baha dahil tuluy-tuloy ang dredging at paggamit sa flood control funds nang maayos? Kaya naman kung gusto, at ayon sa laging napapanahong payo ni Jun Lozada, aniya, “Kung imo-moderate ang greed… may magandang mangyayari”.


Parang sinusumpa na tayo ng langit sa pamamagitan ng tila walang humpay na pag-ulan. Hindi ganoon kadaling ibalik ang klima at normal na temperatura sa dati. Ngunit kung gugustuhin natin, kayang mabawasan ang sumpa sa pulitika, ang sumpa ng korupsiyon, at ang sumpa ng pagiging ganid.

 
 
  • BULGAR
  • Jul 21

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 21, 2025



Fr. Robert Reyes

Ano ang pagkakatulad ng tari at tawilis liban sa unang titik? Walang pagkakapareho kung maingat na tutuusin. Ang tari ay suot ng manok na panabong at ang tawilis ay isdang natatagpuan sa lawa ng Taal.


Ngunit kung totoo ang sinasabi ni Julie Patidongan, ang bagong whistleblower na nagbulgar na itinapon ang mga bangkay ng mahigit na 30 katao sa gitna ng lawa ng Taal, naroroon kasama ng mga tawilis ang mga labi ng mga sabungero araw at gabi.


Hindi ang mga manok panabong ang itinapon kundi ang mga sabungerong humahawak sa mga manok panabong ang pilit na pinatahimik sa kalalima’t kadiliman ng lawa ng Taal. Kung totoo ang sinasabi ng whistleblower, matagal-tagal na ring nagsasama ang mga tawilis at ang mga bangkay ng nasawing sabungero.


Nang mananghalian tayo sa isang kainan sa Tagaytay noong nakaraang linggo, pritong tawilis at sinigang na baboy ang inorder ng nag-imbita sa amin. Nagdadalawang-isip tayo kung kakainin natin o hindi ang tawilis. Bakit? Alam na ng lahat ang dahilan ‘di ba? 


Naalala tuloy natin ang trahedya ng paglubog ng Princess of the Stars sa pampang ng San Fernando, Romblon noong Hunyo 21, 2008, na higit 800 pasahero ang nasawi sa trahedya. Nangyari ang hindi dapat nangyari, salamat sa pagsuway ng kapitan sa babala ng Coast Guard na huwag nang tumuloy sa kanilang biyahe patungong Cebu dahil sa Bagyong Frank. Hindi linggo kundi buwan ang inabot ng paghahanap sa mga bangkay ng mga nasawing pasahero. 


Naalala pa natin ang pagtulong natin sa Public Attorney’s Office sa mga panahong iyon. Ganoon din ang kumalat na mga kuwento tungkol sa mga isda sa lugar na iyon. Sabi ng ilan, “Malulusog at malinamnam ang mga isdang huli sa lugar ng trahedya ng paglubog ng Princess of the Stars.”


Samantalang nagpapatuloy ang paghahanap sa 34 na nawawalang sabungero sa lawa ng Taal, nagsimula na rin ang ingay tungkol at laban sa salot ng online sabong.


Lumalalim ang kuwento sa paghahain ng ‘administrative case’ laban sa isang retiradong heneral, dalawang aktibong colonel at 12 pulis na sangkot umano sa pagpatay (sinakal) at pagtapon ng mga bangkay ng mga sabungero sa Taal Lake. Dagdag naman ng Department of Justice na maaaring ang mga natagpuang magkahalong buto ng tao at hayop ay mula pa sa war on drugs ng nagdaang administrasyon.


Hindi lang tungkol sa nabubulok na mga bangkay at ang mga isdang kumakain nito ang istorya. Meron iba pang nabubulok na lumilitaw. Ang bulok na sistema ng katarungan at ang sistema ng kapulisan. Bakit nasasangkot na naman ang mga pulis sa kaso ng nawawalang mga sabungero? Talaga bang may kinalaman ang sila sa pagdukot, pagpatay at pagkawala ng mga sabungero? Sana hindi, ngunit kung mapapatunayang sangkot ang ating kapulisan, malungkot na kuwento na naman ito ng kabulukan. Kung may kinalaman ang malalaking businessmen na malapit sa nakaraang administrasyon, ano ang sinasabi nito tungkol sa sistema ng pulitika at ng business o pangangalakal sa ating bansa? Hindi ba’t bulok din?


Huwag na tayong magugulat kung bakit laganap ang online sabong at ang lahat ng uri ng legal at ilegal na sugal. Mabilis ang pera sa sugal, ilegal man o legal. 

Dito sa aming parokya, naririyan ang isang casino hotel, ang langit ng mga “highroller” ‘ika nga. At sa buong paligid naririto rin ang lahat ng uri ng sugal mula online sabong, jueteng, mahjong, bingo at napakarami pang iba.


Nasa Madrid tayo noong nakaraang buwan kasama ng ilang mga peregrinong nagsagawa ng Camino de Santiago de Compostela. Bago kami umuwi, dumalaw kami sa harap ng Las Ventas Bullring sa Madrid. Napakakapal ng tao noong linggong iyon.


Merong Corrida de Toros o laban ng mga toro (lalaking baka) at matador (pumapatay ng toro). Malaking pera ang sangkot sa Corrida de Toros. Mahal manood dito at ang mga pumupunta ay hindi lang nanonood kundi pumupusta, nagsusugal din. Hindi nadala ng mga Kastila ang Corrida de Toros sa Pilipinas, ngunit merong papel ang mga Kastila sa pagpapalaganap ng sabong.


Dati na ang sabong sa ating bansa, wala pa ang mga Kastila. pero malaki ang papel ng mga Kastila sa pagbibigay hugis (porma at sistema) at pagpapalaganap ng sabong sa Pilipinas. 


Kung merong espadang gamit ng matador sa pagpatay sa toro, merong tari na gamit ng sabungero para magpatayan ang kanilang mga manok panabong. 


Maraming nagpoprotesta sa Corrida dahil laban ito sa dangal at karapatan ng mga hayop. Hindi ba’t ganoon din ang sa sabong? Baka dapat na ring iprotesta mismo ang sabong.


Sa halip na mga sabungero o manok panabong ang itapon sa lawa ng Taal ay mas magandang kolektahin ang lahat ng tari at itapon ang mga ito roon. Hindi ito papansinin ng mga isda at maaaring hindi sila maapektuhan nito. Ngunit tiyak na malaki ang magagawang kabutihan ng pagkawala o pagtigil ng gamit ng tari, ang paghinto sa kultura ng sugal na bumubulok sa pulitika, sa kapulisan, sa mga korte, at sa mga mamamayan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 19, 2025



Fr. Robert Reyes

Dumalo tayo noong nakaraang Huwebes sa isang parangal na ibinigay kay Richard “Chardy” Reyes, ang pumanaw sa edad na 25, na kilalang photojournalist ng Philippine Daily Inquirer. 


Sa aking maikling mensahe, dumaloy ang maraming magaganda ngunit masasakit na kaisipan tungkol sa dalawang batambatang lalaki na binawian ng buhay sa mga nagdaang buwan at araw.


Dalawang lalaki na mula sa dalawang magkaibang mundo ang pumanaw kamakailan, sina Padre Mateo Balzano, edad 35, at Richard Reyes. Italiano ang una, Pinoy naman ang pangalawa. 


Maituturing na trahedya ang pagkamatay ng dalawa. Ang una ay nagpakamatay at ang pangalawa ay biglang pumanaw dahil sa atake ng puso. Nabigla ang lahat ng malapit sa dalawang ito. 


Ganoon na lang ang malalim na lungkot at panghihinayang ang naramdaman ng mga kabataan sa isang parokya sa bayan ng Cennobio, Piedmontesa, Italya. Pari si Mateo Balzano, na ang kanyang ministeryo ay ang maglingkod sa mga kabataan ng parokya.


Nakinig sa mga kabataan si Padre Mateo. Narinig at sinuportahan niya ang mga pangarap at panaginip ng mga kabataan. Tumawa at lumuha siya kasama ng mga ito.


Nakita at nadama ng mga kabataan ang pagsisikap ni Padre Mateo na pumasok at maging bahagi ng kanilang mundo. Kaya ganoon na lamang kabigat ang epekto ng pagkawala ng batang paring si Mateo sa Parokya at Diyosesis ng Novarra. Higit pa sa biglang pagpanaw ng pari ay ang paraan ng kanyang pagpanaw. Hindi siya namatay sa ibang dahilan, kundi nagpakamatay.


Noong Abril 9, 2025, tatlong buwan ang nakararaan, pagkatapos mag-usap ang magkasintahang Madel at Richard, mangarap at magplanong magpakasal sa mga darating na buwan, biglang inatake sa puso si Chardy. Itinakbo ito sa ospital ngunit tuluyang pumanaw ang magaling at kilalang photojournalist. 


Matapang, maka-mahirap, matiyaga at puno ng pagmamahal sa piniling propesyon, sinuong ni Chardy ang mga mapanganib na sitwasyon upang maging instrumento ng pamamahayag ng katotohanan laban sa inhustisya, karahasan at kasinungalingan.


Makikita ang maraming magagandang larawan na kuha ni Chardy noong panahon ng COVID19; ng matindi, madugong panahon ng drug war; at ng matinding banta ng pananakop ng Tsina sa West Philippine Sea (sumama si Chardy sa biyahe ng Atin To sa WPS). 


Damang-dama ang mga obra ng mga kasama ni Chardy at ang mga nakilala niyang lumalaban at naninindigan para sa maliliit at sa bayan. Masasabing magaling at mabuti si Chardy bilang photojournalist, na nagsisimula pa lang ay punumpuno ng pangarap.


Hindi pa siya dapat mamatay, napakarami pa niyang magagawa para sa mga nangangailangan at nahihirapan sa lipunang tila ‘di makatarungan at walang pagkakapantay-pantay.


Sa gitna ng trahedya ng pagkawala, nagsalita si Papa Leo XIV tungkol kay Padre Mateo Balzano, gayundin maraming nagsalita tungkol kay Chardy. 


Mula kay Papa Leo XIV: “Nagdurugo ang puso ko sa balitang nagpakamatay si Padre Mateo Balzano, isang napakabatang-batang pari, 35 taong gulang, masayang naglingkod at kasama ng mga kabataan ng kanyang parokya. Nagdudurog ang aking puso dahil sa kultura ng katahimikan sa buhay ng mga pari na nag-iisa at marahil nalulunod sa mga palaisipan at alalahanin… Nadarama ko ang matinding init ng isang tahimik na epidemya ng kalungkutan at pagkawala ng pag-asa na lumalamon sa maraming pari. Hindi tayo naging tunay na Kristiyano sa ating ‘di makatarungang pagluklok sa matataas na pedestal sa mga pari. Inaasahan natin na magagawa nila ang lahat, hindi sila magkakamali at hindi sila manghihina. Sila’y ginawa nating mga katha mula sa tao (from men into myths); ginawa natin silang mga mandirigma ng espiritu na lumalaban sa gitna ng mga kasamaan at kasalanan ng tao at lipunan, ngunit hindi natin sila nakikitang umuuwing nag-iisa at sugatan sa kani-kanilang mga silid… Tao pala sila. Nais kong pag-isipan natin na merong tahimik na krisis na tumatama sa maraming kaparian. Merong “mental health crisis” ang maraming pari. Ngunit kasalanan ba nila ito? Kung itinulak natin sila sa pedestal ng malamig na katatagan (stoic perfectionism). Ipagdasal ninyo sila sa halip na patuloy na panunuligsa. Kausapin at imbitahin ninyong kumain sa inyong mga tahanan. Kaibiganin ninyo sila at tulungan ninyo silang maglingkod kasama kayo… ‘di nag-iisa.”


Dalawang batambatang lalaki, dalawang larawan. Chardy, kumuha ng maraming larawan para panatilihing buhay ang mahahalagang yugto ng kasaysayan. Fr. Mateo, naging larawan ng buhay ng Diyos, sumama, umalalay at humubog sa mga kabataan, buhay at kinabukasan ng lipunan. 


Wala na sina Chardy at Padre Mateo, ngunit mananatiling buhay ang larawan ng kanilang pagkatao at kabutihan sa kapwa. Sila ang mga larawan ng kasaysayan at larawan ng buhay ng Diyos!



 
 
RECOMMENDED
bottom of page