ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 26, 2025

Ginanap noong Agosto 22-23 ang “Hope Conference” sa Vicariate ng Santo Niño Diyosesis ng Cubao. Ginawa ito sa bagong kapilya ng Santo Rosaryo sa SM North Tower, EDSA.
Ito ay bilang pagpapaunlak sa paanyaya ng yumaong Papa Francisco na pagnilayan, pagdasalan at isabuhay ang pag-asang mula kay Kristo. Napapanahon ito dahil sa lumalaganap na sari-saring mabibigat na krisis sa maraming bahagi ng mundo.
Mayroong giyera, diskriminasyon at rasismo, matinding gutom bunga ng matagalang tagtuyot o tuluy-tuloy na ulan at bagyo dulot ng pagbabago ng klima (climate change) na gawa ng global warming o ang lumalalang pag-init ng kapaligiran. Sa labis na hirap na dinaranas ng maraming bansa, kasama na ang ating bansa, lumalaganap ang paghina at kawalan ng pag-asa.
Pagkatapos ng misa na pinamunuan ni Bishop Emeritus Honesto Ongtioco, nagbigay tayo ng paunang salita, bago ibigay ni Obispo Mylo Vergara ng Pasig ang kanyang panayam. Ito ang paunang salita,“Sinabi ni Ninoy noong Agosto, 1980 sa New York, USA, ‘The Filipino is worth dying for’!”
Tatlong taon makaraang sabihin niya ito, umuwi si Ninoy na labag sa payo ng maraming kaibigan dahil napakalinaw ng banta sa kanyang buhay. Ngunit buo ang kanyang loob, “The Filipino is worth dying for.” At hindi pa siya nakalalayo sa eroplanong sinakyan ay binaril na si Ninoy ng isang sundalong sumundo sa kanya. At mula noong Agosto 21, 1983, higit 40 taon na ang nakararaan, si Ninoy ay naging ‘Pilgrim of Hope’, manglalakbay tungo at para sa pag-asa.
Maraming humahanga kay Ninoy mula noon hanggang ngayon, ngunit marami ring hindi siya gusto at hindi pinaniniwalaan. Kung may mga manglalakbay tungo at para sa
pag-asa, meron ding kabaliktaran nito.
Noong Linggo, sa Senado may misa ang Clergy for Good Governance at ang iba’t ibang “faith-based” groups. Humabol din ako sa Our Lady of Remedies Church, sa Malate para sa ‘Lakad, Dasal, Ayuno, Sakripisyo para sa Pagbabago’. Binasa at pinagnilayan namin ang nangyari kay Propetang Jonas. Nagsuot kami ng sako, nagbudbod ng abo, nag-ayuno at nanalangin para sa sarili, sa kapwa at para sa buong bansa. Naglakad ang mga nakadamit sako, itim ang mukha at mga braso sa abong ipinahid mula sa simbahan ng Malate hanggang Korte Suprema para ipagdasal ang mga mahistradong tila inilalagay sa panganib ang Konstitusyon tulad ng 19 na senador.
Pagkatapos mag-Jericho March at magdasal sa harapan ng Korte Suprema, nagtungo naman ang lahat sa EDSA Shrine para sa ‘Pagsisisi, Paghingi ng Tawad at Lakas tungo sa Pagbabalik-loob at Pagbabago’.
Bakit kailangang gawin ang lahat ng ito? Lumalaganap na ang kawalan ng pag-asa. Lumalakas at dumarami ang nagsasabing, “WALA NANG PAG-ASA, WALA NA TAYONG MAGAGAWA”. At hindi man binabanggit, karugtong nito ay ang damdaming tila pinabayaan na tayo ng Diyos, at baka meron pang ibang nagsasabing, “Wala ng Diyos”.
Naroon kami sa Vicariate of Santo Niño Hope Conference upang sabihing, “Merong pag-asa, laging may pag-asa. Maglakbay tayo tungo at para sa pag-asang nagmumula kay Kristo”. Salagin natin ang makamandag na tuksong mawalan ng pag-asa at sumabay sa malungkot na panaghoy ng marami na anila, “Wala nang pag-asa, wala nang magagawa.”
Ngunit kailangan din nating magdasal nang taimtim, mag-ayuno, magsisi sa kasalanan, magbalik-loob sa Diyos at magtulungan sa malalim at malawakang pagbabago at pagbabalik-loob ng buong Pilipinas sa Diyos.
Ulan at baha sa maraming lugar ang bumungad sa lahat noong nakaraang Biyernes. Maraming pakutyang nagsasabing, “’Yan ba ang flood control ng pamahalaang ito?”
Matagal nang rumaraket ang maraming nakapuwesto sampu ng kanilang kakontiyabang mga kontraktor. Malakihang racket ala-Napoles. Tunay ngang napag-aralan ang “sining ng kurakot” na walang takot at walang kurap ng mata.
Mula SM North patungong Malate, napilitan kaming mag-Skyway para iwasan ang trapikong dulot ng baha. Ngunit dinala kami ng Waze sa NAIA sa Pasay at inabot ng siyam-siyam ang biyaheng 10 kilometro lamang. Wala kaming magawa kundi maging bahagi ng gumagapang na trapiko.
Sa pagdating namin sa simbahan ng Our Lady of Remedies sa Malate, naging malinaw ang ibig sabihin ng sako at abo. Anuman ang plano at pangarap ng tao sa hulihan kailangan ang pagpapala ng Diyos upang matupad ang anuman. Kapwa kailangan ang sako, tanda ng pagpapakumbaba at pagsuko sa kalooban ng Diyos at ang abo, ang kamatayan sa sarili upang maghari ang Diyos sa buhay ng lahat.
Ngunit nang nagsimula ang aming paglalakad tungong Korte Suprema, tumigil ang ulan. Hindi nabasa at nahugasan ang mga abo sa aming ulo, mukha at braso. Naipahayag namin ang matinding pangangailangang magdasal, magsisi, mag-ayuno, magsuot ng sako at magbago ang lahat.




