top of page
SPECIAL - SERIES NINA IAN AT HARVEY TUNGKOL SA DRUG WAR, IPINA-STOP SA YOUTUBE_FB Rhein En
Search

ni BRT @News | June 25, 2026



PAO sa DBM: DOJ opinion hindi na kailangan sa usapin ng pantay na ranggo, sahod

Photo: FIle / PAO



Paulit-ulit na iginiit ng Public Attorney’s Office (PAO) na hindi na kailangan ang anumang legal na opinyon mula sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng hinihingi ng Department of Budget and Management (DBM) tungkol sa pantay na ranggo at sahod para sa mga manananggol pambayan at kawani nito.


Mismong si PAO Chief Persida Rueda-Acosta ang nagsabing hindi na nangangailangan ng anumang pagsang-ayon ng DOJ sapagkat ang PAO ay isang malaya o autonomous na tanggapan mula nang itatag ito sa ilalim ng Republic Act 9406, at “nakakabit lamang ito sa DOJ para sa layunin ng koordinasyon sa patakaran at programa.”


Ibinigay ni Rueda-Acosta ang pahayag bilang reaksiyon sa pinakahuling liham ng bagong pamunuan ng DBM na muling humihiling sa DOJ ng legal na opinyon nito tungkol sa kahilingan ng PAO para sa pantay na ranggo at sahod ng mga abogado ng bayan at kawani nito kumpara sa kanilang counterpart sa National Prosecution Service (NPS).


“Naniniwala kami na walang magiging resolusyon mula sa DOJ, kung isasaalang-alang na ang usapin ay nakabinbin nang mahigit dalawang taon (noon, at ngayon ay mahigit tatlong taon na),” ayon sa chief public attorney na nagsabing kanya na itong naipaliwanag sa isang liham kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang posisyon ng PAO.


Sa liham kay DBM Undersecretary Wilford Will Wong, sinabi nina Rueda-Acosta, Deputy Chief Ana Lisa Soriano, at PAO-Metro Manila Director Revelyn Ramos-Dacpano na inaasahan din nila na walang resolusyong magmumula sa DBM sa kabila ng paggiit ng PAO sa kasarinlan at awtonomiya nito mula sa DOJ.


Ang ganitong kawalan ng aksyon ay pumipigil sa PAO na gamitin ang angkop na legal na lunas; anila, halos nakasabit sa ere ang usapin.


“Gayunpaman, ang ganitong kawalan ng aksyon ng DOJ ay hindi dapat maging hadlang sa pagpapahalaga sa kahilingan ng PAO para sa pantay na ranggo at sahod alinsunod sa probisyong konstitusyonal tungkol sa karapatan sa mabilis na pagresolba ng mga kaso,” wika ng top PAO officials.


Bilang patunay, binanggit ng PAO ang kaso ng Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation na humingi ng kani-kanilang pagsang-ayon ng Commission on Audit (COA) at ng Office of the Government Corporate Counsel sa pakikipagkasundo ng legal advisors.


Ayon sa Korte Suprema, ang labis na pagkaantala ng COA sa kahilingan ng PSALM para sa pagsang-ayon ay katumbas ng lubhang pang-aabuso sa kapangyarihan dahil nilabag nito ang karapatan ng PSALM sa mabilis na pagresolba ng kaso nito gaya ng itinatadhana ng Saligang Batas.


“Sa katunayan, ang gayunding labis na pagkaantala ng DBM (mahigit tatlong taon) ay hindi at hindi dapat maging hadlang sa pagbibigay ng pantay na ranggo at sahod; lalo na’t ito ay nauna nang pinagtibay ng Korte Suprema en banc, ng Quezon City-Regional Trial Court, at ng Court of Appeals,” paliwanag ni Soriano.


Ayon naman kay Ramos-Dacpano, nauna nang naipagkaloob ng DBM ang mga benepisyo sa pagreretiro sa mga retirado ng PAO na katulad ng sa kanilang katumbas sa NPS.


“Wala nang ibang kailangang gawin ang DBM kundi ilabas ang nararapat na sahod ng mga concerned PAO officials,” ani Alma Latosa, pinuno ng financial planning and management service ng PAO, na isa rin sa mga pumirma sa liham.


Bukod dito, sinabi ng nangungunang mga opisyal ng PAO na lubos na hindi makatwiran para sa DBM na mag-angkin ng magkasalungat na posisyon—na ang mga abogado ng bayan ay kwalipikado sa mga benepisyo sa pagreretiro sa ilalim ng R.A. 10071 (NPS Law) ngunit hindi naman sila karapat-dapat sa mga ranggo at sahod sa ilalim ng parehong R.A. 10071, na siyang kasalukuyang posisyon ng DBM.


“Sa huli, ang mahihirap, nangangailangan, at marginalized ang magtitiis ng bunga ng pagkakaroon ng mga abogadong mababa ang suweldo, walang sigla, at dahil dito ay hindi gaanong mahusay—isang katotohanang taliwas sa prinsipyo ng katarungang panlipunan at paglabag sa garantiyang konstitusyonal ng sapat na legal na tulong sa mahihirap,” ani Rueda-Acosta.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | May 16, 2026



Department of Budget and Management (DBM)

Photo: Department of Budget and Management (DBM)



Nagsimula nang matanggap ng government employees ang kanilang mid-year bonuses kahapon.


Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), naglaan sila ng P73.456 bilyon para sa mid-year bonuses ng mahigit 1.9 milyong civilian, military, at uniformed personnel sa iba’t ibang national government agencies.


Ayon sa ahensya, ang bonus ay para sa mga empleyadong nakapagbigay ng hindi bababa sa kabuuang apat na buwang serbisyo mula Hulyo 1 ng nakaraang taon hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon.


At nananatili sa serbisyo ng gobyerno hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon at nakakuha ng hindi bababa sa satisfactory performance rating sa nakaraang rating period o naaangkop na performance appraisal period.


Sinabi ni Budget Sec. Rolando Toledo na inilabas na sa simula pa lamang ng taon ang pondo para sa bonus upang matiyak ang maagap na pagbibigay ng benepisyo.


May mid-year bonuses din ang mga empleyado ng local government units, ngunit nakadepende ang pagpapalabas ng pondo sa pag-apruba ng kani-kanilang lokal na sanggunian.

 
 

ni Lolet Abania | June 27, 2021




Pinal nang nai-release ng Department of Budget and Management (DBM) ang P9.02 bilyong pondo ng Department of Health (DOH) para sa special risk allowance (SRA) na nakalaan sa mga medical workers sa buong bansa na inaasahang maibigay nang hanggang Hunyo 30, 2021.


Ayon kay DBM Assistant Secretary Kim Robert de Leon sa interview ngayong Linggo, nai-release na ng ahensiya ang pondo para sa DOH noong Hunyo 25, kung saan matatanggap ang monthly allowance na hanggang P5,000 ng mahigit 300,000 health workers ng parehong mga pribado at pampublikong ospital na nangangalaga sa mga COVID-19 patients.


Sinabi rin ni De Leon na nakasakop ang monthly allowance ng mula Disyembre 2020 hanggang June 30, 2021. “Maaasahan ng mga health workers na maire-release ng DOH ang SRA hanggang June 30, 2021,” ani De Leon.


Sa tanong kung kakayaning matapos ito at maibigay ang mga allowance ng health workers sa natitirang tatlong araw, ani De Leon, “They (DOH staff) are starting to process na beginning Friday para masiguro na magagamit ito definitely by June 30.”


Paliwanag pa ni De Leon, ang pera para sa SRA ay nanggaling sa hindi nagamit o natirang pondo mula sa Bayanihan 2 Law o “Bayanihan to Recover as One Act,” na nakatakdang mag-expire sa Hunyo 30.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page