ni Mylene Alfonso @News | August 1, 2026

Photo: File
Iginiit ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi na maaaring bawiin ng mga employer ang P60 dagdag sa arawang sahod na naibigay na sa mga manggagawa sa Metro Manila, kahit pansamantalang naantala ang implementasyon ng wage increase.
Sinabi ni Labor and Employment Sec. Francis Tolentino na may ilang employer na nakapagpatupad na ng dagdag-sahod bago pa inilabas ng korte ang status quo ante order na nagpahinto sa implementasyon ng wage hike na nakatakda sanang ipatupad noong Hulyo 25.
Sinabi ng kalihim na ang mga naibigay nang dagdag-sahod ay inaasahang papasok na sa payroll ng ilang manggagawa at hindi na maaaring bawiin o ibawas sa susunod na pasahod.



