top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | July 4, 2025



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #357


“Nagpaalam ang aking asawa na bibisitahin niya ang kanyang pinsan, sapagkat piyesta ng barangay. Hindi ‘ko inakalang iyon na pala ang huling beses na makikita ko siya na buhay, sapagkat siya ay napatay.” Ito ang tinuran ng maybahay ng yumao; ang masayang pistang pinuntahan ng huli ay nasundan ng mapait niyang pagkasawi.


Ang kaganapang ito at mahahalagang detalye kaugnay rito ay nakapaloob sa kasong, People v. Cabili (Criminal Case No. 2016) ika-8 ng Pebrero 2024, sa panulat ni Presiding Judge Rose Marie J. Manalang-Austria.


Talakayin natin ang kasong ito sa ating artikulo sa araw na ito. Sa nabanggit na kaso, ating tingnan ang mga pangyayari kaugnay sa nabanggit na kaso na nagdulot sa kasawian ng biktimang itago na lamang natin sa pangalang Adan, at kung paano ang daing ng ating kliyente na itago na lamang natin sa pangalang Manong Apol, ay pinal na natuldukan nang siya ay napawalang-sala mula sa kasong nagmula sa akusasyon ng pagpaslang o murder.


Bilang pagbabahagi ng mga pangyayari, ating suriin ang buod mula sa mga paglalahad na nalikom ng hukuman. Noong ika-10 ng Mayo 2016, bandang alas-4:00 ng hapon, ayon kay Eva, hindi nito tunay na pangalan, diumano ay nagpaalam ang kanyang asawa na si Adan na bibisitahin lamang ang kanyang pinsan, sapagkat piyesta ng barangay.


Dagdag pa ni Eva, ayon diumano kay Boyet, hindi nito tunay na pangalan, habang kumakanta diumano si Adan sa videoke ay bigla na lamang umano lumapit si Manong Apol kay Adan at sinaksak ito sa dibdib.Ayon kay Eva, nasa bahay siya nang mabalitaan niya ang insidente.


Agad diumano siyang nagtungo sa ospital, subalit hindi na niya inabutan na buhay ang kanyang asawa. Bilang natatanging testigo ng tagausig, nilinaw ni Eva sa paglilitis na hindi niya nasaksihan ang aktuwal na pamamaslang sa kanyang asawa, at ito ay ibinahagi lamang ng kanyang pamangkin na si Boyet.


Dahil dito, kanyang kinasuhan si Manong Apol sapagkat aniya, mahal niya ang kanyang asawa na si Adan, at gagawin niya ang lahat para dito.


Matapos ang paglilitis, sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Mary Rose Purino mula sa aming PAO-Rosario, Batangas District Office, pinal na natuldukan ang daing ni Manong Apol kaugnay sa nasabing kaso nang siya ay ipawalang-sala ng hukuman.


Ayon sa naglitis na hukuman, ang kaso ng tagausig ay nakaangkla lamang sa testimonya ng testigo na si Eva. Wala nang ibang testigo na ipinakita ang tagausig.


Kaugnay nito, binigyang-diin ng naglitis na hukuman na sa bawat kasong kriminal, ang gawain ng pag-uusig ay palaging may dalawang basehan, ito ay: (1) upang patunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa ang paggawa ng krimen na kinasuhan; at (2) upang itatag na may parehong dami ng patunay ang pagkakakilanlan ng tao o mga taong responsable para du’n, dahil kahit na ang paggawa ng krimen ay naipakita, walang hatol na konbiksyon kung walang tiyak na pagkakakilanlan ang responsable rito (People v. Bacalso, 395 Phil.192, 199 (2000).


Dagdag pa ng hukuman, hindi umano matagumpay na napatunayan ng tagausig sa pagpresenta kay Eva na ang akusado na si Manong Apol, ang may kagagawan ng krimen na pamamaslang. Ang patotoo ni Eva ay itinatag lamang ang katotohanan ng pagkamatay ni Adan.


Ngunit, walang direktang ebidensya o anumang sirkumstansya na ipinakita ang tagausig, na ang krimen ng pagpatay ay nagawa, at si Manong Apol ang may-akda ng krimen.


Ayon sa hukuman, kahit na ang kasong ito ay nilitis nang walang iniharap na ebidensya ang akusado, o kahit na mahina ang depensa ng akusado, pangunahin ang tuntunin at hindi nagbabago ang burden of proof sa mga kasong kriminal—at laging nasa tagausig ang pagpapatunay na ang akusado ang responsable sa pagpatay.


Inangkla ng tagausig ang kaso nito sa testimonya ng nag-iisang testigo. Sa kasamaang palad, sa pagharap sa testigo, nabigo ang tagausig sa dalawang obligasyon nitong patunayan na ang gumawa ng krimen ay ang inakusahan, at ang katiyakan ng pagkakakilanlan ng salarin.


Sa isip ng hukuman, ang ebidensya para sa pag-uusig ay hindi nakapasa sa mahigpit na pagsubok na moral na katiyakan na hinihingi ng batas. Sa People v. Fernandez, (434 Phil, 435, 455 (2002), ang Mataas na Hukuman ay angkop na sinabi:


“Mas mabuting palayain ang isang taong nagkasala kesa sa hindi makatarungang panatilihin sa bilangguan ang isa na ang kasalanan ay hindi napatunayan ng kinakailangang dami ng ebidensya.”


Muli, bagaman ikinalulungkot natin ang malagim na sinapit ni Adan, pamilyado at isang asawa – ang hustisya ay nararapat na panatilihing kaakibat ang katiyakan, sapagkat ang hustisya ay hindi makakamit sa kapinsalaan ng inosenteng buhay, o pagbibigay kaparusahan sa mga hindi napatunayang nagkasala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | July 1, 2025



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #356


Ang salitang “napag-trip-an” o “nakursunadahan” sa konteksto ng mga insidente ng pananakit o pamamaslang ay makailang beses na nating nadidinig. 


Kaugnay nito, ating ibabahagi ang nangyari sa biktimang itago na lamang natin sa pangalang Hubert, at kung paano natulungan ng ating tanggapan ang mga akusado na siyang nadawit sa patuloy na paghahanap ng hustisya kaugnay sa pagkamatay ng biktima. 


Sa kasong People v. Aballe, et al. (CA-G.R. No. 044) na may entry of judgment noong ika-23 ng Mayo 2025, at sa panulat ni Honorable Associate Justice Nancy C. Rivas-Palmones, ating tingnan kung paano ang daing ng ating mga kliyente na itago na lamang natin sa mga pangalang Marlou, Randon, Con, at Paskal, ay pinal na natuldukan nang sila ay mapawalang-sala mula sa kasong nagmula sa akusasyon ng pagpaslang o homicide. 

Bilang pagbabahagi ng mga pangyayari, ating suriin ang buod mula sa mga paglalahad na nalikom ng hukuman. 


Noong ika-26 ng Pebrero 2023, bandang alas-9:00 ng gabi, si Jeff, hindi nito tunay na pangalan, aniya ay nakatayo sa isang sari-sari store o tindahan na pagmamay-ari ng kanilang kapitbahay dahil inaantay umano niya ang kanyang kaibigan. 


Sa kanyang pag-aantay, nakita niya si Hubert, ang nabanggit na biktima, na lumapit sa tindahan. 


Noong panahon ding iyon, ang mga akusado diumano ay naroon din sa tindahan at nag-iinuman.


Ayon kay Jeff, nakita niya si Marlou na lumapit kay Hubert at sinuntok ito ng ilang beses kahit wala naman umanong dahilan, at ito ay sinundan pa diumano ng iba pang mga akusado. 


At hinampas naman ni Randon si Hubert gamit ang helmet ng isang motor na nagdulot sa pagkatumba ni Hubert at pagkawala ng malay.


Ayon kay Jeff, halos kalahating oras diumano naganap ang pambubugbog. Matapos nito ay humingi na ng tulong si Jeff mula sa pamilya ni Hubert. 


Ayon kay Jojo, anak ni Hubert, bumili lamang ang kanyang tatay ng sardinas sa tindahan upang makapaghapunan, subalit siya ay nabugbog o nakursunadahan pa. 


Nadala diumano nila ang kanyang tatay sa ospital, subalit binawian din ng buhay dahil sa mga pinsalang tinamo nito. 


Sa kabilang banda, ayon sa mga akusadong sina Marlou, Randon, Con, at Paskal – wala silang kinalaman sa nasabing pamamaslang kay Hubert. Iginiit din nila na ang mga saksi ng tagausig na sina Jeff at Jojo ay wala sa lugar na aniya ay pinangyarihan ng krimen, at dahil dito ay wala silang kinalaman sa krimen.


Ayon kay Marlou, nag-iinuman na sila ng mga kapwa akusado sa kanilang bahay nang mapagdesisyunan nilang bumili ng karagdagang inuming alak sa tindahan. Doon ay nasaksihan nila ang biktimang si Hubert na nakikipagtalo kay Jelson, hindi nito tunay na pangalan. 


Aniya, nagtatalo sina Hubert at Jelson kung sino sa pagitan nila ang mas matapang, dahil kapwa umano silang mga ex-convicts.


Kasunod ng mga nabanggit, nakita aniya ni Marlou na hinampas ni Hubert ng Helmet si Jelson na siyang nakaiwas. Gumanti ng suntok si Jelson, at dahil matanda na ang biktimang si Hubert, ito ay bumagsak at tumama ang ulo nito sa konkreto. 


Umibabaw pa aniya si Jelson kay Hubert, at patuloy na pinagsusuntok si Hubert. Sinubukan din umanong pigilan ni Marlou ang dalawang nag-aaway. 


Dumating si Jojo na umiiyak at tinulungan ang kanyang ama upang madala sa ospital. Kasunod nito ay umalis na rin sina Marlou at mga kasama nito na siyang sinuportahan ang nasabing pahayag. 


Matapos ang paglilitis, hinatulan ng Regional Trial Court o RTC sa akusasyon ng pagpaslang o homicide sina Marlou, Randon, Con, at Paskal. 


Ayon sa RTC, napatunayan ang lahat ng rekisito sa krimeng homicide, at ang saksi ng tagausig ay positibong natukoy ang pagkakakilanlan ng mga akusado. 


Inakyat sa Court of Appeals o CA sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Beverly J. Largosa mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Service Unit (PAO-RSACU) Visayas ang kaso nina Marlou, Randon, Con, at Paskal. 


Muling itinanggi nina Marlou, Randon, Con, at Paskal ang akusasyon laban sa kanila, at muling iginiit na hindi malinaw na natukoy ng tagausig ang pagkakakilanlan nila bilang mga may-akda sa pamamaslang kay Hubert dahil aniya malinaw din na si Jelson ang nakapaslang dito, at hindi sila na mga nadawit at naakusahan lamang.


Tulad ng ating unang nabanggit, sa desisyon na may petsang Mayo 23, 2025, pinal na tinuldukan ng CA ang daing nina Marlou, Randon, Con, at Paskal nang sila ay mapawalang-sala. 


Ayon sa CA, nakatakda ang tuntunin na ang isang kasong kriminal ay umaangat at bumabagsak sa lakas ng ebidensya ng tagausig at hindi sa kahinaan ng depensa. Obligasyon ng tagausig na mapatunayan ang pagkakakilanlan ng akusado, at ang pagpalya sa gampanin na ito ay nagbibigay katwiran sa hatol na pagpapawalang-sala.

May mga pagkakataon kung saan pinanatili ng Korte Suprema ang isang hatol batay sa "positibong pagkilala" ng isang saksi sa salarin. 


Gayunpaman, sa pagtatalaga ng halaga sa mga testimonya ng mga saksi na tumutukoy sa mga salarin ng mga krimen, kinikilala ng Korte Suprema ang posibilidad ng pagkakamali ng alaala ng tao, at ang pagiging sensitibo nito sa mga nakakaimpluwensyang salik, na maaaring makaapekto sa pagiging maaasahan at wasto ng alaala ng isang saksi.


Dahil dito, ang Totality of Circumstances Test o pagsusuri ng kabuuan ng mga pangyayari ay pinagtibay na isinasaalang-alang ang mga sumusunod sa panuri kung ang isang pagkilala sa labas ng korte ay maaasahan at katanggap-tanggap : 


(1) ang pagkakataon ng saksi na makita ang kriminal sa oras ng krimen; 

(2) ang antas ng atensyon ng saksi sa oras na iyon; 

(3) ang tumpak na naunang paglalarawan na ibinigay ng saksi; 

(4) ang antas ng katiyakan na ipinakita ng saksi sa pagkilala; 

(5) ang tagal ng panahon sa pagitan ng krimen at pagkilala; at

(6) ang pagiging mapanlikha ng pamamaraan ng pagkilala.


Gamit ang nasabing pamantayan sa kaso nila Marlou, Randon, Con, at Paskal, hindi napatunayan ng tagausig ang pagkakakilanlan ng akusado nang lampas sa makatuwirang pagdududa. 


Una, ang nag-iisang saksi ng tagausig na si Jeff ay hindi magkakapareho ang salaysay sa kanyang Judicial Affidavit at testimonya sa hukuman. 


Pangalawa, bagaman sinabi ni Jeff na hinampas ni Marlou si Hubert, walang detalye sa pamamaraan, kung saan tinamaan si Hubert, at iba pang mahalagang detalye na inaasahan mula sa isang saksi. 


Pangatlo, ang hindi makatuwiran na tagal bago humingi ng tulong si Jeff sa pamilya ng biktima, dahil ayon kay Jeff makalipas pa ng tatlumpung minuto bago siya humingi ng tulong. Ito ay labis na nakapagtataka ayon sa Hukuman para sa Apela. 

At panghuli, nabigo si Jeff na magbigay ng malinaw at direktang salaysay kung ano talaga ang sanhi ng pagkamatay ng biktima. 


Kung ikukumpara sa testimonya ni Marlou, malinaw na sinabi ni Marlou na si Jelson ang pumatong sa biktima, sinuntok ng ilang beses ang biktima, at pagkatapos ay nahulog ang biktima at tumama ang ulo sa semento sa labas ng sari-sari store.


Ang mga hindi pagkakapare-parehong paglalahad ng nag-iisang saksi ay hindi maaaring basta balewalain, dahil ito ang maglalagay ng pagdududa sa tunay na pagkakakilanlan ng salarin, at makabuluhang nakasisira sa kredibilidad ng kanyang testimonya. 


Dahil ang probative value ng testimonya ng nag-iisang testigo ng prosekusyon ay lubhang nabawasan, ang alibi ng mga akusado ay dapat bigyang-halaga.

Ang lahat ng sinabi, ang pagkakakilanlan ni Jeff sa mga salarin ng krimen ay puno ng kawalang-katiyakan. 


Lahat ng nabanggit ay nagbigay ng makatuwirang pagdududa kung sina Marlou, Randon, Con, at Paskal ba talaga ang pumatay sa biktima. 


Upang ulitin, ang pasanin ng patunay sa bahagi ng tagausig ay hindi tumitigil sa pagpapatunay sa pagkakaroon ng krimen. Higit sa lahat, dapat na mapatunayan ng tagausig ang pagkakakilanlan ng mga may-akda ng krimen nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Dito, hindi nagawang ilabas ng prosekusyon ang pasanin na ito.


Bagaman ikinalulungkot natin ang malagim na sinapit ni Hubert, isang ama na nagsisikap maghanapbuhay para sa kanyang pamilya, at siyang napaslang sa paghihinala na “napag-trip-an o nakursunadahan” lamang – ang hustisya ay nararapat na panatilihing kaakibat ang katiyakan, sapagkat ang pagkamit sa hustisya ay hindi makukuha sa kapinsalaan ng mga inosenteng buhay, o pagbibigay kaparusahan sa mga hindi napatunayang nagkasala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | June 8, 2025



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #355


Ang kamatayan, hindi man natin alam kung kailan kakatok sa pintuan ng ating buhay, tiyak na mangyayari pa rin.  Sadyang darating ang punto na tayo ay tatapak sa kani-kanya nating huling hantungan. 


Ganunpaman, walang sinuman sa atin ang nararapat na makaranas ng hinagpis, karahasan o pagpapahirap. 


Nawa ang bawat isa sa atin ay maging panatag at mapayapa sa pagharap ng takipsilim sa ating buhay.


Sa nakalulungkot na pagbaling ng mga pangyayari noong ika-1 ng Setyembre 2017, hindi naging mapayapa ang pagwawakas ng buhay ni Joseph, ang biktima sa kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito na halaw sa kasong People of the Philippines vs. Sesenio Salingay y Ciudadano (CA-G.R. CR-HC No. 04798, April 28, 2025). 


Sa katunayan ay naging marahas at karumal-dumal ang kanyang sinapit. Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng mga detalye kaugnay sa insidente na nagdala kay Joseph sa kanyang huling hantungan, at ang naging pinal na paghahatol ng hukuman ng mga apela kay Sesenio, ang tao na pinaratangan na pumaslang sa biktima.


Kasong murder ang inihain laban kay Sesenio sa Regional Trial Court (RTC) ng Tagbilaran City. 


Batay sa bersyon ng panig ng tagausig, bandang alas-8:00 ng gabi, noong ika-1 ng Setyembre 2017, sa isang tindahan sa Dauis, Bohol, ay nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan nina Joseph at Sesenio. 


Si Honorato, ama ni Sesenio, ay agad umanong humingi ng saklolo kina Barangay Tanod John at Reynaldo upang awatin at pahupain ang magkabilang panig. 


Si John ang sumunggab diumano kay Sesenio. Napansin niya na merong nakaumbok sa likod ni Sesenio. Isa pala itong kutsilyo na may walong pulgada ang haba. 


Nakuha ni John ang naturang patalim at pinagsabihan si Sesenio, matapos ay hinila na umano papalayo ni Honorato ang kanyang anak. Subalit, lingid sa kanilang kaalaman, meron pa palang bitbit na isa pang kutsilyo si Sesenio. At nang makapiglas si Sesenio, bigla umano nitong sinugod ng saksak si Joseph. Sa gilid ng tiyan ng biktima tumarak ang patalim, sanhi upang umagos ang kanyang dugo at lumabas ang bahagi ng kanyang bituka. Dali-dali naman diumanong tumalilis si Sesenio.


Bagaman nadala pa sa pagamutan si Joseph at sumailalim sa operasyon, binawian din siya ng buhay. 


Si Sesenio naman ay kalaunan nadakip ng mga pulis. Not guilty” ang naging pagsamo ni Sesenio sa RTC. Bagaman hindi niya itinanggi na siya ang sumaksak kay Joseph, iginiit niya ang depensa na pagtatanggol lamang sa sarili at sa ama ang kanyang ginawa. 


Ayon sa testimonya ni Sesenio, umuwi siya sa kanilang bahay matapos ang kanyang trabaho noong hapon ng ika-1 ng Setyembre 2017. Nadatnan niya umano na wala silang bigas. Sapagkat wala rin siyang pera na maipambibili ng pagkain para sa kanyang anak, naisipan niya na bumalik sa kanyang pinagtatrabahuan upang humiram ng pera sa kanyang amo.


Nadaanan niya umano ang tindahan kung saan nakikipag-inuman si Joseph. Inalok diumano siya nito na uminom subalit siya ay tumanggi, dahilan upang magbulalas diumano si Joseph: “Unsa man ka? Isog man kaha ka?” (Ano ang tingin mo sa sarili mo? Matapang ka na, ano?). Sinuntok din diumano siya ni Joseph ng dalawang beses, isa sa balikat at isa sa leeg. Tumakbo umano si Sesenio pabalik ng kanyang bahay. Bagaman hinabol siya ni Joseph ay hindi na umano siya naabutan nito. Subalit sinigawan diumano siya nito ng, “Bumalik ka rito kung matapang ka.”


Dahil sadyang kailangan diumano ni Sesenio na makahiram ng pera sa kanyang amo, naisipan niya na bumalik muli sa kanyang pinagtatrabahuan. Subalit wala umanong ibang paraan kundi ang madaanan niya ang tindahan kung saan nakikipag-inuman si Joseph. Kung kaya’t bilang proteksyon diumano, nagbitbit siya ng dalawang kutsilyo.


Nang marating nang muli ni Sesenio ang tindahan ay nagpang-abot na naman sila ni Joseph. Nakita niya rin umano roon si Honorato at ang dalawang barangay tanod. Bago pa man siya abutan ng suntok ni Joseph ay nahila umano siya ng isang tanod at nakuha ang kutsilyo mula sa kaniya. 


Sinubukan diumano na pakalmahin ni Honorato si Joseph, subalit ipinagwalang-bahala lamang ito ng huli at sinakal si Honorato. 


Dahil diumano sa takot na makitil ang buhay ng kanyang ama, sinugod ni Sesenio si Joseph at sinaksak sa gilid ng tiyan nito. Agad din diumano siyang tumalilis.


Matapos ang paglilitis sa kaso, nagbaba ng desisyon ang RTC noong ika-18 ng Setyembre 2023 at hinatulan si Sesenio na maysala para sa krimeng murder. 


Ayon sa RTC, hindi umano napatunayan ni Sesenio ang justifying circumstances na self-defense at defense of a relative. Maliban sa kanyang testimonya na sinakal ni Joseph ang kanyang ama, wala na umanong iba pang testimonya na inilabas ang depensa na magpapatotoo sa naturang akto ng pananakal. 


Sa katunayan, taliwas diumano ang pahayag ni Sesenio sa testimonya nina John at Reynaldo na may sampu hanggang labing-dalawang metro ang layo ni Honorato. 


Kung kaya’t, para sa RTC, labis-labis diumano ang ginawa ni Sesenio sa hinihingi at hindi matatanggap ang pagdadahilan na ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili at ang kanyang ama.


Sa pagnanais na mabaliktad ang hatol ng RTC, naghain si Sesenio ng apela sa Court of Appeals (CA) Cebu City. Tumayong abogado ni Sesenio si Manananggol Pambayan M.R.V. Relucio na mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit Visayas (PAO-RSACU Visayas). 


Mariin na iginiit ng depensa na self-defense at defense of a relative ang ginawa ni Sesenio. Nagsimula umano sa panig ng biktima ang hindi makatarungan na pagsalakay at ang ginawa lamang ng inakusahan ay naaayon sa pangkaraniwan na reaksyon ng isang taong nahaharap sa napipintong panganib. 


Dagdag pa ng depensa, hindi maaaring makonsiderang murder ang ginawa ng inakusahan, sapagkat hindi umano napatunayan ng tagausig nang higit pa sa makatuwirang pagdududa ang sirkumstansya na pagtataksil. Kung kaya’t dapat umano na mapawalang-sala si Sesenio.


Giit naman ng panig ng Office of the Solicitor General (OSG), hindi maituturing na self-defense at defense of a relative ang ginawa ni Sesenio, sapagkat hindi umano nakakitaan ng pagalit o palaban na pag-uugali ang biktima na maaaring magbigay ng hudyat na meron siyang kagyat na banta ng pananakit. Wala rin umanong makatuwiran na pangangailangan upang saksakin ni Sesenio ang biktima. 


Dagdag pa ng OSG, merong pagtataksil sa parte ng inakusahan, sapagkat noong siya ay umuwi, kumuha siya ng dalawang kutsilyo, isinukbit sa kanyang bewang at bumalik sa tindahan, kung nasaan ang biktima na noon ay walang sandata. 


Wala rin umanong pagkakataon ang biktima na depensahan ang kanyang sarili sa bilis ng ginawa na pag-atake ng inakusahan. 


Sa pagdedesisyon sa apela ni Sesenio, ipinaliwanag ng CA Cebu City na bumaling sa inakusahan ang pasanin ng pagpapatotoo o burden of evidence sapagkat iginiit niya ang justifying circumstances na self-defense at defense of a relative. 


Kaugnay nito, kinakailangan na mapatunayan niya ang bawat elemento ng mga naturang depensa upang siya ay mapawalang-sala. 


Ang mga elemento ng self-defense ay ang sumusunod: 


“(1) unlawful aggression on the part of the victim; (2) reasonable necessity of the means employed to prevent or repel such aggression; and (3) lack of sufficient provocation on the part of the person resorting to self-defense.”


Ang mga elemento naman ng defense of a relative ay: 


“(1) unlawful aggression on the part of the victim; (2) reasonable necessity of the means employed to prevent or repel such aggression; and (3) in case the provocation was given by the person attacked, that the one making the defense had no part therein.”


Matapos ang masiyasat na muling pag-aaral sa kaso ni Sesenio, hindi nakumbinsi ang hukuman ng mga apela na naitaguyod ng depensa ang self-defense at defense of a relative. Hindi umano napatunayan ng Depensa na merong unlawful aggression sa parte ng biktima. Bagaman kanilang iginiit na ang biktima ang nagsimula ng gulo nang hamunin nito at suntukin ng makadalawang ulit ang inakusahan, humupa na umano ang agresyon nang makauwi si Sesenio sa kanyang bahay at hindi na nahabol pa ng biktima. 


Kung kaya’t sa punto na iyon, wala na umanong pangangailangan para ipagtanggol pa ni Sesenio ang kanyang sarili. 


Wala rin umanong iba pang ebidensya na nagpapatunay na sinakal nga ng biktima si Honorato. 


Sa katunayan, sinabi umano mismo ni Honorato na itinulak lamang siya ng biktima, habang sa pahayag naman nina John at Reynaldo, pinakakalma umano ni Honorato si Sesenio nang saksakin ng huli ang biktima.


Hindi rin umano napatunayan ng depensa na merong makatuwiran na pangangailangan ang inakusahan sa paraan na kanyang ginamit upang maiwasan o masalag ang sinasabing agresyon mula sa biktima. 


Kapuna-puna umano sa hukuman ng mga apela na walang sandata ang biktima, habang si Sesenio ay merong bitbit na dalawang patalim. Naroon din umano si Honorato, John at Reynaldo nang maganap ang insidente. Kung kaya’t hindi umano makatuwiran ang pamamaraan na ginawa ni Sesenio sa sinasabi niya na pagtatanggol lamang sa kanyang sarili at ng kanyang ama.


Ganunpaman, pinanigan ng CA Cebu City ang paninindigan ng depensa na, sa ginawa na pagpaslang sa biktima, wala ang mga sirkumstansya ng pagtataksil at malinaw na paghahanda. 


Ipinaalala ng hukuman ng mga apela na ang mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng ating Revised Penal Code ukol sa krimen na Murder, kabilang dito ang pagtataksil (treachery) at malinaw na paghahanda (evident premeditation), ay kinakailangan na mapatunayan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa tulad ng pagpapatunay sa mismong krimen.


Hindi umano nakakitaan ng CA Cebu City ng indikasyon na sadyang pinili ni Sesenio ang kanyang paraan at pamamaraan upang masiguro na makikitil niya ang buhay ni Joseph. 


Bagkus, para sa appellate court, maaaring bunsod ng bulag na galit, dahil sa hindi inaasahang daloy ng mga pangyayari, kaya binunot na lamang ni Sesenio ang kanyang patalim at tuluyang saksakin ang biktima.


Hindi rin umano naitaguyod ng tagausig kung sa ano’ng punto napagdesisyunan ni Sesenio na paslangin ang biktima. Mahalaga umano ang pagtataguyod sa alegasyon na iyon upang masabi kung meron bang sapat na panahon na lumipas na magpapakita ng determinasyon ng inakusahan na paslangin ang biktima.


Sa mga kadahilanang ito, bahagya na ipinagkaloob ng CA Cebu City ang apela ni Sesenio. Mula sa hatol para sa krimeng murder ay ibinaba sa krimeng homicide ang naging hatol sa kanya. 


Pagkakakulong ng sampung taon na prison mayor, bilang minimum, hanggang labing-apat na taon, walong buwan at isang araw na reclusion temporal, bilang maximum, ang parusa na ipinataw sa kaniya.


Ipinag-utos din ng hukuman ng mga apela ang pagbabayad ni Sesenio sa mga naulila ni Joseph ng halagang P50,000.00 bilang civil indemnity, P50,000.00 bilang moral damages, at P84,840.52 bilang actual damages, na merong karagdagan na anim na porsyentong interes bawat taon mula sa petsa na naging pinal ang naturang hatol hanggang sa mabayaran ang kabuuang halaga ng mga ito,


Ang desisyon ng CA Cebu City ay naiproklama noong ika-28 ng Abril 2025.


Maaaring merong naging kamalian si Joseph, kung totoo man na sinigawan at sinuntok niya si Sesenio noong araw ng insidente; maaaring ang espiritu ng alak ang umudyok at tumulak sa kanya para gawin ang mga bagay na iyon; maaari din na sadyang bulag na galit ang nanaig kay Sesenio upang saktan ang biktima; at, maaari na hindi inasahan ni Sesenio na siya ang magdadala kay Joseph sa huli nitong hantungan. 


Gayunpaman, hindi sapat ang alinman sa mga ito upang maranasan ng biktima ang labis-labis na karahasan na sa isang iglap.


Kahit din merong kaparusahan na pangungulungan na ipinataw kay Sesenio, hindi maalis sa aming isipan na maaaring dumadaing pa rin si Joseph sa kabilang buhay. 


Sa aming pakiwari, liban sa hinagpis ng pisikal na sakit na maaaring kanyang napagdaanan, tila ang higit na mabigat na pasakit para sa kanya ay ang tuluyan nang mawalay sa kanyang mga mahal sa buhay. Kung kaya’t sana ay kapulutan ng aral ang kuwento na ito. Huwag daanin ang anumang bagay sa init ng ulo. Hangga’t maaari, umiwas na lamang sa gulo upang tayo sa ating kapwa o sa ating mga sarili mismo ay hindi maperhuwisyo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page