top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | August 16, 2025



ISSUE #362


Bahagi na ng buhay ng mag-asawa o pamilya ang pagkakaroon ng mga hindi pagkakaunawaan o problema. Subalit, anuman ang kanilang pagdaanan, dapat manatili lamang sa kanilang pagitan ang mga ‘di pagkakasundo upang ‘di na makasakit o makapandamay pa ng iba. 


Sa hindi inaasahang tagpo ng mga pangyayari, ang biktima sa kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito na hango sa kasong People of the Philippines vs. Mark Anthony Neri y Solomon (G.R. No. 270757, October 30, 2024), nadamay ang biktima sa away na nagsimula sa pagitan ng mag-asawa na kanyang kapitbahay. 


Ang biktima ay si Lorenzo, nalagay siya sa kapahamakan, hanggang sa nauwi sa hindi inaasahang kamatayan.


Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng sinapit ni Lorenzo, at alamin natin kung naihatid ba sa kanya ang karampatang hustisya.


Kasong murder ang isinampa sa Regional Trial Court (RTC) ng Olongapo City bunsod ng pamamaslang, nang merong pagtataksil sa biktima na si Lorenzo, at si Mark ang pinaratangang salarin sa naturang krimen. 


Naganap ang malagim na insidente ng pamamaslang bandang alas-8:00 ng gabi, noong ika-18 ng Hunyo 2016, sa isang barangay sa Subic, Zambales.


Batay sa bersyon ng Tagausig, bandang alas-7:00 ng gabi, noong ika-18 ng Hunyo 2016, narinig ng saksi na si Rolinda na nagtatalo sina Mark at ang asawa nito. 

Si Rolinda ay kapitbahay ng nabanggit na mag-asawa at siya umano ay naglalaba noong oras na iyon. 


Napansin niya rin na meron diumanong hawak na bolo ang asawa ni Mark at narinig na pasigaw nitong sinabi na, kaya nitong tagpasin ang ulo ni Mark sa harap ng maraming tao. Tahimik lamang diumano si Mark, ngunit kinuha niya ang bolo at dinala sa kapitbahay. Sapagkat naalarma na umano si Rolinda na maiskandalo ang pagtatalo ng mag-asawa, sinabihan niya si Lorenzo na tumawag ng kagawad upang pahupain ang pagtatalo sa pagitan ng mag-asawa.  


Ang saksi ng tagausig na si Kag. Christopher, ang sumama kay Lorenzo sa bahay nina Mark. 


Naiwan diumano si Lorenzo na nakaupo sa tricycle, habang hinanap ni Kagawad Christopher si Mark mula sa asawa nito. Laking gulat na lamang diumano ni Kag. Christopher nang marinig ang sigaw ng mga tao sa kalsada ng, “Sinaksak na siya! Ayon na, tinakbo na! Sinaksak na siya!” 


Pagkalingon diumano ni Kag. Christopher, nakita niya si Mark na merong hawak na kutsilyo, katabi ang duguang si Lorenzo na merong saksak sa likod. 


Sinubukan pa umano na tumakbo palayo ni Lorenzo, subalit hinabol pa rin siya ni Mark, at ilang ulit pang pinagsasaksak sa dibdib.


Agad na humingi ng saklolo si Kag. Christopher, at agad namang nagtungo sa pinangyari ng insidente ang barangay tanod na si Efren. 


Duguan na ng maabutan ni Efren ang biktima, habang si Mark nama’y napaliligiran na ng mga tao at nakahandusay sa lupa. Nang bitiwan ni Mark ang kutsilyo, kinuha ito ni Efren at kanyang iniabot kay Kag. Christopher. Nang mahawakan nila si Mark, agad itong dinala sa himpilan ng pulisya. 


Gayunpaman, nadala man sa pagamutan si Lorenzo, subalit hindi na naisalba ang kanyang buhay. 


Batay sa pagsusuri ni Dr. Afable, saksi para sa tagausig, agad na binawian ng buhay si Lorenzo matapos ang pananaksak.


Mariing pagtanggi naman ang iginiit ni Mark sa hukuman ng paglilitis. Diumano, nang humupa ang pagtatalo sa pagitan nilang mag-asawa, noong ika-18 ng Hunyo 2016, pumasok na siya ng kanilang bahay at nagpahinga. 


Pinuntahan na lamang diumano siya sa kanyang bahay ni Kag. Christopher at inaresto kaugnay sa pamamaslang kay Lorenzo.


Nagbaba ang RTC ng hatol noong ika-22 ng Hulyo 2019. “Guilty beyond reasonable doubt” si Mark para sa krimen na murder. 


Batay sa desisyon ng hukuman ng paglilitis, napatunayan ng panig ng tagausig na merong pagtataksil ang ginawang pananaksak ni Mark, na kagyat na nagdala sa biktima sa kanyang huling hantungan. 


Paliwanag ng RTC, ang biglaang pananaksak ng salarin habang nakatalikod ang biktima ay nagbigay ng kasiguraduhan na hindi makakaganti o maipagtatanggol ng biktima ang kanyang sarili. 


Parusa na reclusion perpetua ang ipinataw kay Mark, at ipinag-utos ng hukuman ang kanyang pagbabayad-pinsala ng halagang P100,000.00, P100,000.00 para sa moral damages, P100,000.00 para sa exemplary damages, at P50,000.00 para sa temperate damages.


Iginawad ang mga nabanggit na halaga para sa mga naulila ni Lorenzo, na may 6% interes bawat taon, mula sa petsa na maging pinal ang nasabing hatol hanggang sa mabayaran ang kabuuan ng mga nasabing halaga.


Inapela ni Mark ang nabanggit na desisyon sa Court of Appeals Manila. 

Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan C.J.V. Soriano-Ellema, mula sa aming PAO-Special and Appealed Cases Service (PAO-SACS), hiniling ng depensa na mabaliktad ang hatol kay Mark, sapagkat hindi umano napatunayan ng panig ng tagausig ang lahat ng mga elemento ng murder, partikular na ang sirkumstansya na pagtataksil o treachery. Wala rin umanong ebidensya na nagpapatunay ng pagkakasala ni Mark.


Hindi ipinagkaloob ng CA Manila ang hiling ni Mark sa kanyang apela. 


Para sa appellate court, sapat na naitaguyod ng tagausig ang lahat ng mga elemento ng murder, maging ang sirkumstansya na pagtataksil o treachery. 


Binigyang-halaga ng CA Manila ang testimonya ni Kag. Christopher, na nakaupo lamang umano ang biktima, walang armas o sandata, nang bigla na lamang salakayin ng inakusahan at saksakin sa likod nito. Nang subukang lumayo ng biktima ay hinabol pa ito ng inakusahan at makailang ulit pang pinagsasaksak.


Iniakyat ni Mark ang kanyang hiling na mapawalang-sala sa Kataas-taasang Hukuman. 

Bilang paalala, binigyang-diin ng Second Division ng Kataas-taasang Hukuman na sa pamamagitan ng pag-aapela ay nabubuksan ang buong kaso para sa muling pag-aaral at pagsusuri. 


Sa sitwasyon ni Mark, naging kapuna-puna sa Kataas-taasang Hukuman ang paratang laban sa kanya. “Merong pagtataksil” o “with treachery” lamang ang isinaad sa naturang paratang; at hindi inilahad ng tagausig kung ano ang mga partikular na akto na bumubuo sa nasabing sirkumstansya kaugnay sa insidente ng pananaksak. 


Sa kabila nito, hindi kinuwestiyon ni Mark ang naturang depekto hanggang natapos ang paglilitis. Dahil sa kapabayaan na iyon, naipaubaya na ni Mark ang kanyang karapatan na kuwestyunin pa ang naturang depekto.


Gayunpaman, sang-ayon ang Kataas-taasang Hukuman sa iginiit ng depensa na hindi napatunayan ng tagausig ang sirkumstansya na treachery o pagtataksil. 


Binigyang-linaw ng Kataas-taasang Hukuman na maaari lamang masabi na merong pagtataksil kung mapatunayan ang parehong kundisyon na ito; Una, na gumamit ang inakusahan ng paraan o pamamaraan na nagbigay ng kasiguraduhan ng pagsasakatuparan ng krimen, at kanilang kaligtasan mula sa anumang maaari na pagdedepensa ng biktima. Ikalawa, na sadyang pinili ng inaakusahan ang naturang paraan o pamamaraan. 


Ipinaliwanag ng Kataas-taasang Hukuman na sa kaso ni Mark, hindi maituturing na merong pagtataksil sa nangyaring pananaksak sa biktima. Bagama't nasaksihang sinalakay ni Mark ang biktima, hindi umano malinaw na naitaguyod ng tagausig kung sadya ba na pinili ni Mark ang naturang paraan o pamamaraan ng pananalakay bilang pagsiguro ng pagsasakatuparan ng krimen at ng kanyang kaligtasan.


Ipinaliwanag din ng Kataas-taasang Hukuman na kinakailangan na mapatunayan ang sirkumstansya ng pagtataksil sa umpisa pa lamang ng pananalakay upang mabigyang-halaga ito bilang elemento ng krimen na murder. Sa kaso umano ni Mark, hindi naitaguyod ng tagausig kung paano nagsimula ang sinasabing pananalakay ng inakusahan sa biktima. 


Ang mga sigaw ng mga tao na nasa kalsada nang maganap ang insidente ay nagpakita lamang ng katotohanan na nasaksak na ang biktima, subalit hindi kung papaano nagsimula ang pananaksak. Maging si Kag. Christopher ay nakita na lamang na meron nang saksak at duguan na ang biktima, ngunit hindi niya nasaksihan kung paano nagsimula ang pananalakay sa kaawa-awang biktima.


Sapagkat hindi umano maaari na isapantaha ng Kataas-taasang Hukuman na sadyang pinili ni Mark ang paraan ng pananalakay, kulang ang mga elemento upang mahatulan si Mark para sa krimen na murder. 



Gayunpaman, napatunayan ng tagausig na pumanaw ang biktima at ang kanyang pagpanaw ay bunsod ng makailang ulit na pananaksak na ginawa ni Mark, maaari siyang hatulan para sa krimen na homicide. 


Kung kaya’t noong ika-30 ng Oktubre 2024, naglabas ng resolusyon ang Second Division ng Kataas-taasang Hukuman at bahagyang binago ang desisyon ng CA Manila. “Guilty beyond reasonable doubt” si Mark para sa krimen na homicide. 


Parusa na pagkakakulong ng 8 taon at isang araw na prision mayor bilang minimum, hanggang 14 na taon, 8 buwan, at isang araw na reclusion temporal bilang maximum, ang ipinataw na parusa sa kanya. 


Ipinag-utos din ang kanyang pagbabayad-pinsala sa halagang P50,000.00, moral damages na halagang P50,000.00, at temperate damages na halagang P50,000.00, sa mga naulila ni Lorenzo, na merong karagdagan na 6% interes bawat taon, mula sa petsa na maging pinal ang nasabing hatol hanggang sa mabayaran ang kabuuan na mga nasabi na halaga.


Ang nasabing resolusyon ay naging final and executory noong ika-12 ng Pebrero 2025.

Ang kuwento sa kaso natin ngayong araw ay isang paalala na tayo’y dapat mag-ingat sa bawat galaw at pakikisalamuha, sa loob man ng ating tahanan o labas. 


Hindi man natin maiwasan na mailabas ang ating mga personal na alitan o hindi pagkakaunawaan, ating pagsikapan na iwasang ilagay ang kapakanan ng ibang tao sa alanganing sitwasyon o sa anumang uri ng kapahamakan.


Hindi na maibabalik pa ang buhay ni Lorenzo. Kaya naman, ang kanyang pamilya ay patuloy na nangungulila bunsod ng pagkawala niya sa mundong ito. 


Kahit bahagyang nabago ang desisyon ng hukuman at bumaba ang hatol laban sa taong pumaslang sa kanya, nagkaroon naman ng katahimikan ang kanyang kaluluwa sa naihatid na hustisya.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | August 10, 2025



ISSUE #361


Kadalasan, ang mga krimen ay nagaganap at nasasaksihan lamang ng salarin at ng biktima. 


Madalas, dis-oras ito isinasakatuparan, o kaya nama’y ang lugar at iba pang sirkumstansya ay nagsisilbing hadlang upang may ibang tao na makasaksi.


Dahil dito, sa maraming pagkakataon, nagiging mahirap para sa mga biktima o sa kanilang mga naulila ang makibaka para sa hustisya—lalo na’t ang hinihinging katibayan sa ilalim ng ating batas ay yaong magpapatunay sa krimen at sa may-akda nito nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Ganyan mismo ang sinapit ng biktima na si Emelito—walang-awang pinaslang, at wala kahit isa ang nakasaksi sa karumal-dumal na insidenteng kumitil sa kanyang buhay.

Makakamtan pa kaya ni Emelito ang hustisya, gayung walang saksi sa pangyayaring naging sanhi ng kanyang kamatayan?


Sama-sama nating tunghayan ang kasong aming ibabahagi sa araw na ito—People of the Philippines vs. Jonifer Oydoc y Las-eg (CA-G.R. CR No. 47736, May 31, 2024) para sa mga kasagutan at higit pang kaliwanagan. 


Si Emelito ay natagpuang wala nang buhay sa loob mismo ng kanyang tahanan sa Baguio City, noong ika-17 ng Hulyo 2018. 


Ang itinuturong salarin, na pinaratangan ng paggamit ng kataksilan at pang-aabuso sa pamamagitan ng higit na lakas sa pagsasakatuparan ng pamamaslang ay si Jonifer. 

Kasong murder ang isinampa laban kay Jonifer sa Regional Trial Court (RTC) ng Baguio City. 


Batay sa bersyon ng Tagausig, bandang alas-6:00 ng umaga noong nabanggit na araw, nakatanggap ng tawag si SPO1 Luis, na noon ay naka-duty sa Police Station 2 ng Baguio City, mula sa isang nagngangalang Miriam kaugnay ng pamamaslang kay Emelito. Si Miriam ay ang kasambahay ng biktima.


Nang magsagawa ng imbestigasyon si SPO1 Luis sa bahay ng biktima, ipinabatid ni Miriam na hindi niya nakita ang mukha ng salarin. 


Mga bakas lamang ng paa ng tao na pumasok sa loob ng nasabing bahay ang kanyang napansin. Maging ang mga kapitbahay ay hindi rin umano napansin na may naganap na insidente, sapagkat malakas ang ulan noong gabi ng ika-16 ng Hulyo 2018.


Nang matagpuan ni SPO1 Luis ang walang-buhay na katawan ng biktima, ito ay nakatagilid at nadaganan ng mga damit, kahon, at maleta. Meron din umanong mga sugat sa mukha at mga kamay si Emelito, bunsod ng pagkakataga. Ang kama, sahig, at iba pang bahagi ng bahay ay nakita ring may mga mantsa ng dugo.


Diumano, noong araw ding iyon, nakatanggap ng ulat si SPO1 Amoy na may pasyenteng biktima ng pananaksak na nasa isang ospital sa Baguio City. 


Ipinaalam ni SPO1 Amoy kay PMSgt Dangli ang naturang ulat, at nagtungo naman si PMSgt Dangli sa nasabing ospital noong ika-19 ng Hulyo 2018 upang magsagawa ng karagdagang imbestigasyon.


Nang mabatid nina PMSgt Dangli, kasama si PO3 Bagtawa, na nailipat na sa ibang ospital ang naturang pasyente, agad silang nagtungo ru’n. Nauna umanong nakarating ang kanilang mga senior officer, na siya ring kumilala sa pasyente bilang si Jonifer.

Sa isinagawang imbestigasyon, ipinaalam ni Jonifer kay PMSgt Dangli na siya ay sinaksak umano sa parehong kamay bandang alas-3:00 ng madaling araw, noong ika-17 ng Hulyo 2018, sa Bokawkan Road. Boluntaryo umanong pumayag si Jonifer na sumailalim sa buccal at blood swabbing.


Ang mga specimen na nakuha mula kay Jonifer at sa iba pang mga suspek ay isinumite noong ika-20 ng Hulyo 2018, sa Serology Section ng Crime Laboratory Service sa Baguio City upang sumailalim sa pagsusuring Deoxyribonucleic Acid o DNA. 


Batay sa DNA Laboratory Report na inihanda ni PCI Amangan, tumugma ang mga sample ng dugo ni Jonifer sa mga sample ng dugong nakuha mula sa tahanan ng biktima. 


Mariin namang itinanggi ni Jonifer sa hukuman ang mga paratang laban sa kanya. 

Ayon sa kanya, bandang alas-4:00 ng hapon, noong ika-16 ng Hulyo 2018 ay nagtungo siya sa Baguio City upang makipagkita sa kanyang katrabaho. 


Subalit, hindi umano ito sumipot, kaya’t nagtungo na lamang siya sa kainan ng kanyang tinuturing na nanay-nanayan. 


Doon, kasama ang ilang kaibigan, sila ay nag-inuman hanggang bandang alas-8:00 ng gabi. 


Pagkaraan, lumipat umano sila sa isang bar upang ipagpatuloy ang pag-iinuman hanggang alas-9:30 ng gabi. 


Bandang alas-10:00 ng gabi ay nagpaalam si Jonifer na mauuna na siyang umuwi upang makipagkita sa kanyang katrabaho, at idinahilan na meron pa siyang pasok kinabukasan.


Habang naghihintay siya ng taxi sa Bokawkan Road ay sinundan diumano siya ng tatlong lalaki, hinawakan ang kanyang mga balikat, at ang isa sa mga ito ay tinangka umano siyang saksakin. Nanlaban diumano siya, dahilan ng pagtamo niya ng mga sugat sa kanyang mga kamay. Tumalilis diumano ang mga nasabing lalaki bitbit ang kanyang wallet at cellphone habang siya ay naiwang nakadapa sa lupa at nauulanan.


Diumano, bumalik na lamang si Jonifer sa kanyang mga kaibigan at ipinaalam ang nangyari sa kanya. Pinapunta umano siya ng kanyang tinuturing na nanay-nanayan sa ospital upang magpagamot, subalit nagtungo muna siya, kasama si Hilda na kanyang kaibigan, sa bahay ng kanyang kapatid. Nang hindi siya makapasok dahil wala pa umano ito at nakakandado ang gate, nagpasya silang magpunta na lamang sa boarding house ni Hilda. Doon ay nakapagkape siya at nakapagpalit ng damit. 


Bandang alas-2:00 ng madaling araw, noong ika-17 ng Hulyo 2018, nagtungo sila ni Hilda sa ospital upang ipagamot ang kanyang mga sugat. Nakalabas umano siya sa nasabing pagamutan nang tanghali ring iyon at nagpalipas ng araw sa boarding house ni Hilda, sapagkat wala pa rin umano ang kanyang kapatid sa bahay nito.


Noong ika-18 ng Hulyo 2018, nagpunta umano sila ni Hilda sa isa pang ospital upang muling magpagamot. 


Kinabukasan, dumating umano ang ilang mga pulis na kumuha ng kanyang pangalan at nagsabi na siya ay isasailalim sa buccal at blood swabbing. Puwersahan umano nilang kinuha ang kanyang mga sample, at nang tanungin niya kung saan gagamitin ang mga ito, hindi siya sinagot. Sa halip, sinabihan umano siya ng mga pulis na, “Makisama ka na lamang.” 


Nang makalabas umano siya sa nasabing ospital noong araw ring iyon, agad siyang nagtungo sa himpilan ng pulis upang i-report ang umano’y pagnanakaw na naganap sa kanya noong ika-17 ng Hulyo 2018. 


Matapos iyon ay bumalik umano siya sa Acupan. Laking gulat na lamang umano niya nang malaman na siya ay pinaparatangan ng pamamaslang.


Sa inilabas na desisyon ng Regional Trial Court (RTC) noong ika-30 ng Hunyo 2022, hinatulang guilty beyond reasonable doubt si Jonifer sa kasong homicide. 

Ipinataw sa kanya ang indeterminate penalty na 12 taon na prision mayor bilang minimum hanggang 17 taon at 4 na buwan ng reclusion temporal bilang maximum. 

Inatasan din siya ng hukuman na magbayad ng civil indemnity na P50,000.00, at moral damages na P50,000.00.


Agad na inakyat ni Jonifer ang nasabing desisyon sa pamamagitan ng apela. 

Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan M.L.C. Pilimpinas mula sa Public Attorney’s Office – Special and Appealed Cases Service (PAO-SACS), iginiit ng depensa na nararapat siyang mapawalang-sala dahil sa kawalan ng circumstantial evidence na magpapatunay na siya ang may-akda ng pamamaslang.  


Bagaman may DNA evidence na iniharap laban sa kanya, ang naipakita lamang umano nito ay ang presensya ni Jonifer sa bahay ng biktima, at hindi ang aktuwal na pamamaslang. 


Dagdag pa ng depensa, nabigo umano ang tagausig na patunayang mahigpit na nasunod ang mga panuntunan sa pangangalap ng DNA evidence, dahilan upang magkaroon ng makatuwirang pag-aalinlangan sa integridad ng mga nakuhang samples. Hindi rin umano napatunayan ng tagausig ang lahat ng elemento ng krimeng homicide. 


Giit pa ng depensa, nagkamali ang RTC sa hindi pagbibigay-halaga sa pagtanggi at alibi ng inakusahan, lalo’t ang mga ito ay pinagtibay ng testimonya ng dalawa pang saksi.

Matapos ang masusing muling pag-aaral sa apela ni Jonifer, pinagtibay ng Court of Appeals (CA) Manila ang pasya ng RTC na hindi napatunayan ng tagausig ang lahat ng elemento ng krimen na murder, partikular ang qualifying circumstances na treachery at abuse of superior strength. 


Ipinaliwanag ng appellate court na walang malinaw at tiyak na ebidensya na nagpapakita na sinadya ng inakusahan ang pagpili ng paraan ng pag-atake upang matiyak na wala siyang magiging panganib mula sa anumang pagtatanggol ng biktima. Wala rin umanong saksi sa naturang insidente na nagpatunay ukol sa antas ng puwersang ginamit, uri ng sandatang ipinantay sa pamamaslang, at bilang ng mga salarin na sangkot sa krimen.


Pinagtibay rin ng CA Manila na merong probative value ang resulta ng isinagawa na DNA testing sa mga nakuha na samples. 

Si PCI Amangan ay kuwalipikado umano na expert witness bilang siya ay Forensic DNA

Analyst mula sa Philippine National Police, Regional Crime Laboratory Office ng Cordillera. 


Batay sa kanyang DNA Laboratory Report, tumugma ang mga specimens ni Jonifer sa mga specimens na nakuha mula sa tahanan ng biktima. 


Para din sa hukuman ng mga apela, naitaguyod ng tagausig sa pamamagitan ng mga ebidensya at saksi, na naingatan ang integridad ng mga nakuha na DNA samples batay sa dokumentasyon ng pagsasalin ng mga ito.


Binigyang-diin din ng CA Manila na ang mga pulis ay walang nalabag na karapatan ni Jonifer. 


Paglilinaw ng appellate court, ang karapatan ng bawat tao laban sa pagsasangkot sa sarili o self-incrimination, na ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas, ay hindi tumutukoy sa lahat ng uri ng pamimilit o pamumuwersa. Bagkus, ang proteksyon na ipinagkakaloob ng ating Saligang Batas ukol dito ay iyong para lamang sa mga puwersahan o sapilitan na pagtetestigo o testimonial compulsion sa sarili.


Sa depensa naman ng denial at alibi, binigyang-linaw ng appellate court na kinakailangan na sapat na nakumbinsi ang pagtatanggi at pagdadahilan upang ang mga ito ay bigyang-halaga ng hukuman. 


Kinakailangan na maitaguyod ng inakusahan na sadyang imposible na siya ay nasa lugar ng pinangyarihan ng krimen sa oras na naganap ito. 


Sa sitwasyon ni Jonifer, batay sa desisyon ng CA Manila, bagaman pinatotohanan ng dalawa pang mga saksi ng depensa na kasama nila si Jonifer noong gabi ng ika-16 ng Hulyo 2018, hindi nawaglit sa mapanuri na isipan ng hukuman ng mga apela na umalis ang inakusahan bandang alas-10:00 ng gabing iyon at bumalik lamang sa kanyang mga kaibigan makalipas ang dalawampung minuto. Wala umanong nakakaalam kung saan nagpunta ang inakusahan noong punto na iyon. Bumalik na lamang siya na basang-basa na ng ulan at sugatan na ang mga kamay.


Gayunpaman, binago nang bahagya ng CA Manila ang ipinataw ng hukuman ng paglilitis na parusa kay Jonifer bunsod ng kawalan ng sirkumstansya na magbabago sa bigat ng krimen. 


Pangungulungan ng 8 taon at isang araw na prision mayor, bilang minimum, hanggang 14 na taon, 8 buwan at isang araw na reclusion temporal, bilang maximum, ang ipinataw na parusa sa kanya. 


Ipinag-utos din ng CA Manila ang pagbabayad-pinsala ni Jonifer ng P50,000.00, P50,000.00 naman bilang moral damages, at P50,000.00 bilang temperate damages para sa mga naulila ni Jonifer, na merong karagdagan na 6% na interes bawat taon mula sa petsa na naging pinal ang nasabing hatol hanggang sa mabayaran ni Jonifer ang kabuuang halaga ng mga ito. 


Ang nabanggit na desisyon ng CA Manila ay ipinroklama noong ika-31 ng Mayo 2024 at naging final and executory noong ika-29 ng Hunyo 2024.


Napakalaki ng ambag ng siyensya sa pagreresolba ng mga krimen at paghahatid ng hustisya sa mga partido na karapat-dapat na mapagkalooban nito. 


Tulad na lamang sa nangyari kay Emelito, naging mahalaga na susi ang mga natuklasan mula sa DNA samples na nakalap ng mga kapulisan.


Sa pagwawakas ng kaso na ito, nawa ay tuluyan nang nakamit ng nagtangis na kaluluwa ni Emelito ang hustisya mula sa malagim niyang sinapit may pitong taon na ang nakararaan. Ang hatol ng hukuman ng mga apela, hindi man maibabalik ang buhay ni Emelito, nawa ay katahimikan naman ng kaluluwa at kalooban ng kanyang pamilya ang madala niya.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | August 3, 2025



ISSUE #360


Sa sitwasyon kung saan inabot ng dekada bago maaresto ang isang pinaghihinalaang may-akda ng krimen ng pagpaslang o homicide – sapat na ba ang pagpapatunay ng pagkakakilanlan ng may-akda ng krimen ang tinatawag na stipulation o kasunduan sa pagkakakilanlan ng akusado sa panahon ng pre-trial?


Sa araw na ito, ating silipin ang naging tugon ng hukuman ukol sa nasabing katanungan kaugnay sa isa sa mga kasong nahawakan ng ating tanggapan. 


Sa kasong People v. Millo (Criminal Case No. 01-xx80) noong ika-10 ng Hunyo 2022, sa panulat ni Honorable Presiding Judge Encarnacion Jaja G. Moya (Regional Trial Court-Branch 146, Makati City), ating balikan ang mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Jobert, hindi niya tunay na pangalan, at kung paano ang daing ng ating kliyente, na itago na lamang natin sa pangalang “Gooding,” ay pinal na natuldukan nang siya ay napawalang-sala mula sa kasong pagpatay o homicide.


Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay na inilahad sa hukuman. 


Si Bowie, hindi niya tunay na pangalan, ay tumestigo noong ika-1 ng Abril 2001, bandang alas-11:00 ng gabi, naka-duty siya sa parking area ng Makati Medical Center. Ayon sa kanya, pagkatapos niya gawin ang logbook, nakita niya si Gooding, Chief-in-Charge sa gabi, na papasok sa parking area kasama si Jobert, na isang kasamahan. 


Lumapit umano si Bowie sa dalawa na tila nag-aaway at naghahamunan. Sa puntong ito ay hindi marinig ni Bowie ang kanilang pinag-uusapan. Subalit, sinubukan ni Bowie na pigilan ang pagtatalo, ngunit ang dalawa ay hindi nag-abala sa pakikinig kay Bowie. 

Nakita naman ni Bowie na lumapit si Jobert kay Gooding na sa puntong iyon ay bumunot ng baril, at itinutok kay Jobert.


Ikinuwento ni Bowie na binaril ni Gooding si Jobert na tumakbo patungong barracks. Sa puntong ito, hinabol ni Gooding ang sugatang si Jobert. Hindi na hinabol pa ni Bowie ang dalawa, sa halip ay tumakbo siya sa gilid. Nang pumasok si Gooding sa kuwartel, narinig ni Bowie ang tatlong putok ng baril. 


Nakita ni Bowie na umalis si Gooding sa barracks at tumakbo patungo sa direksyon ng ospital. Nalaman na lamang ni Bowie ang pagkamatay ni Jobert noong sumunod na araw. 


Nang tanungin si Bowie sa open court o hukuman na naglilitis kung maaari niyang tukuyin ang akusado mula sa isang line-up ng mga tao, sinabi ni Bowie na hindi na niya matukoy ang akusado kung isasaalang-alang na ang mga pangyayari ay naganap isang dekada na ang nakakaraan, at ang salarin ay walang anumang mga marka ng pagkakakilanlan.


Dagdag pa, nang tanungin ng hukuman noong panahon ng paglilitis, nilinaw ni Bowie na bukod kay Gooding ay meron pang isang tao na nasa loob ng barracks bago pa pumasok sina Gooding at Jobert dito. Aniya, ang taong ito ay si Paloma, na matapos aniya niyang marinig ang ika-apat na putok ay nakita niyang lumabas din mula sa barracks, na sinundan ni Gooding.


Sa memorandum ng depensa, ikinatuwiran ng akusado na ang kabiguan ng pangunahing testigo ng tagausig na positibong kilalanin ang akusado ay nangangahulugan ng pagpapawalang-sala sa akusado. Alinsunod dito, aniya ay walang paghatol sa akusado kapag walang patunay ng pagkakakilanlan sa kanya na lampas sa makatuwirang pagdududa. Bagaman meron diumanong stipulation o kasunduan sa pagkakakilanlan ng akusado sa panahon ng pre-trial, ito ay tumutukoy lamang sa patunay na siya ang akusado na kasalukuyang nililitis at hindi ito pag-amin o kasunduan sa akusado bilang may-akda ng krimen.


Matapos ang paglilitis, sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Margie M. Consulta, mula sa aming PAO-Makati City, District Office, pinal na natuldukan ang daing ni Gooding, kaugnay sa nasabing kaso nang siya ay ipawalang-sala ng hukuman.

Ayon sa hukuman, pagkatapos suriin ang testimonya pati na ang dokumentaryong ebidensya na isinumite, ang hukuman ay nagdesisyon pabor sa akusadong si Gooding.


Gamit ang desisyon sa kaso ng People v. Caliso (G.R. No. 183830, Oktubre 19, 2011, sa panulat ni dating Mahistrado na naging Kagalang-galang na Punong Mahistrado at ngayon ay Executive Secretary Lucas P. Bersamin), ibinahagi ng hukuman na nagkaroon ng pagkakataon ang Korte Suprema na talakayin ang kahalagahan ng isang positibong pagkakakilanlan, na sinasabi:


“Sa katotohanan, ang isang matagumpay na pag-uusig ng isang kriminal na aksyon ay higit na nakasalalay sa patunay ng dalawang bagay: ang pagkakakilanlan ng may-akda ng krimen, at ang kanyang aktuwal na paggawa. Ang isang sapat na patunay na ang isang krimen ay nagawa ay walang silbi kung sa pag-uusig ay hindi makakakumbinsi na patunayan ang pagkakakilanlan ng nagkasala.”


Sa kasong ito ni Gooding, walang positibong pagkakakilanlan sa akusado, sa kabila ng pagkakataon tulad noong paglilitis o sa open court ng pangunahing saksi ng tagausig na kilalanin ang akusado.


Iginiit ng tagausig na hindi kailangan ang isang positibong pagkakakilanlan sa kondisyon na walang duda sa pagkakakilanlan ng akusado alinsunod aniya sa isang kaso ng Korte Suprema na People vs Quezada. Bagama't sumasang-ayon ang hukuman sa nasabing jurisprudence o desisyon na binanggit ng tagausig, aniya hindi maaaring sumang-ayon ang hukuman, batay sa ipinakitang ebidensya, kinuhang testimonya, at mga pangyayari na nakapalibot sa kaso, na ang pagkakakilanlan ng akusado ay naitatag nang walang makatuwirang pagdududa. 


Para isalaysay ang mga pangyayari sa kasong ito, ang impormasyon ay inihain sa Tanggapan ng Tagausig noong unang bahagi ng taong 2001, laban sa isang nagngangalang Gooding, para sa diumano'y pagkamatay ng isang Jobert. Subalit, dahil hindi naaresto ang pinaghihinalaan, ang kaso ay na-archive noong taong 2003. Sa panahong ito, dahil ang katunayan na ang akusado ay hindi kailanman naaresto, walang larawan ang nasabing akusado. Noong 2021, isang Gooding ang naaresto sa Tarlac. Isang yugto ng dalawampung taon ang lumipas mula noon hanggang ngayon, bago umusad ang paglilitis ng kaso. Sa panahon ng pre-trial, ang mga partido ay itinakda ang pagkakakilanlan ng akusado.


Hinggil sa mga nabanggit, ayon sa hukuman ay walang kahalagahan na gumawa ng takda ang mga partido tungkol sa pagkakakilanlan ng akusado noong pre-trial. Idinagdag ng hukuman na ang itinatakdang ito ay nauukol lamang sa katotohanan na siya ay isang taong nagngangalang Gooding, na kasalukuyang kinasuhan ng pagkamatay ni Jobert. Binigyang-diin ng hukuman na kailangan pa ring patunayan ng tagausig nang lampas sa makatuwirang pagdududa, na ang akusado nga ang may kagagawan ng krimen na kinasuhan.


Gayunpaman, sa pagpapasya ng hukuman, sinabi nito na nabigo ang tagausig na magsumite ng anumang ebidensya o testimonya na magpapakita na ang akusado sa kasong ito na pinangalanang Gooding ay ang parehong Gooding na bumaril sa biktimang si Jobert mga dalawampung taon na ang nakararaan. Ito ay sa kadahilanan na walang mga larawang nakunan ang akusado noong 2001 na isinumite bilang ebidensya, kung saan matutukoy ng korte na ang taong kinasuhan ilang taon na ang nakararaan ay ang parehong taong inaresto, at ang parehong tao na nakita ng testigo ng tagausig sa parking place na binaril ang biktima. Ang tanging paraan upang malaman na ang akusado ay ang taong bumaril kay Jobert ay sa pamamagitan ng positibong pagkakakilanlan ng testigo ng tagausig. Gayunpaman, nabigo ang testigo ng tagausig na gawin ito sa open court.


Kung wala ang positibong pagkakakilanlan ng pangunahing saksi ng tagausig, imposible na ngayon, dahil sa mga kalagayan ng kasong ito, na idiin ang krimen kay Gooding, ang taong inaresto at nilitis. Dahil dito, ang pagpapawalang-sala sa akusado batay sa makatuwirang pagdududa ay kinakailangan sa kasong ito.


Muli, bagama't ikinalulungkot natin ang malagim na sinapit ni Jobert, ang hustisya ay kailangang manatiling makatarungan at tiyak. Hindi ito dapat makamit sa pagbibigay kaparusahan sa mga hindi napatunayang nagkasala nang higit sa makatuwirang pagdududa tulad ni Gooding.


Sa pagkamatay ni Jobert, at sa pagkakaabsuwelto kay Gooding – muling pinatotohanan ng hukuman na ang parehong tinig ng biktima at inaakusahan ay dapat marinig. 

Natuldukan na ang daing ni Gooding, habang sa bahagi naman ni Jobert, nawa’y patuloy na dinggin ng Lady Justice ang kanyang sigaw mula sa kabilang buhay. 

Hangad nating maiharap sa hukuman at mapanagot ang tunay na salarin.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page