top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Jan. 26, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #381


Ang kuwento na aming ibabahagi ay hango sa kasong kriminal na merong pamagat na People of the Philippines vs. Roderick Pulla y Clarete alias “Itik” (Criminal Case No. 2958, June 10, 2020), ay tungkol sa marahas na pagkakapaslang sa biktima na nagngangalang George, habang si alyas “Itik” naman ang pinaratangang may-akda sa naturang pamamaslang.


Batay sa paratang para sa krimen na Homicide na inihain sa Regional Trial Court ng Nasugbu, Batangas (RTC Nasugbu, Batangas), sinalakay at pinagsasaksak ni Itik si George gamit ang isang kutsilyo na pangkusina. Naganap ang malagim na insidente bandang alas-6:00 ng gabi, noong ika-30 ng Agosto 2011 sa Lian, Batangas. 


Ang mga tinamong sugat ni George sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang direktang naging sanhi ng kanyang kamatayan.


Sapagkat walang abogado si Itik noong araw na siya’y babasahan ng sakdal, si Mananaggol Pambayan A.L.S. Bearneza ng PAO-Nasugbu, Batangas District Office ang itinalaga bilang kanyang counsel de officio. Pagsamo ng kawalang kasalanan ang ipinaabot ni Itik sa hukuman ng paglilitis.


Isang nagngangalang Allan ang tumayo bilang natatanging saksi sa naturang krimen. Batay sa kanyang testimonya, siya at si George ay nasa bahay ni Itik noong ika-30 ng Agosto 2011. Bandang alas-6:00 ng gabing iyon, nagpunta umano si Allan sa isang tindahan upang bumili ng alak. Noong siya ay makabalik sa bahay ni Itik, nakita niya umano si George at ang isa sa mga kapatid ni Itik. Diumano, nakahandusay na sa lupa at merong mga sugat mula sa pagkakasaksak. Hindi umano nakita ni Allan kung ano’ng aktuwal na nangyari, ngunit wala na umano roon si Itik. Hindi niya rin umano alam kung ilan ang tinamong sugat ni George, subalit napuna niya ang malaking hiwa ng biktima sa tiyan. Humingi umano siya ng saklolo sa mga opisyal ng barangay upang madala sa pagamutan si George. Kasama umano ang kapatid ni Itik na nagdala kay George sa pagamutan.


Diumano, ang kapatid mismo ni Itik ang nagsabi kay Allan na si Itik ang sumaksak kay George. Sinabihan pa umano nito si Allan na huwag nang tumuloy at baka madamay pa siya. 


Kinilala ni Allan si Itik sa hukuman. At kinilala rin niya ang kanyang naging salaysay sa himpilan ng pulis na merong petsang ika-2 ng Setyembre 2011, kung saan isinaad niya na nakita niya nang pagsasaksakin ni Itik si George. 


Gayunman, aminado si Allan na merong malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng kanyang testimonya sa hukuman at ang naging pahayag nito sa himpilan ng pulis. Ang kanya umanong naging pahayag ay bunga ng nerbiyos at kawalan ng tulog.


Batay naman sa sinumpaang pahayag ni PInsp. Ramon G. Ancheta, na noo’y may ranggong SPO4 sa Lian Municipal Police Station, dumating at sumuko sa kanilang himpilan si Itik bandang alas-6:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng umaga noong ika-31 ng Agosto 2011. Hindi umano alam ni PInsp. Ancheta kung merong bitbit si Itik noong mga oras na iyon. Gayunman, inamin umano ni Itik ang pananaksak kay George na naganap noong umaga ng ika-30 ng Agosto 2011 habang sila ay nag-iinuman. Bunsod ng naturang impormasyon, ipinaalam diumano ni SPO2 Ernesto Layosa Ednaco kay Itik ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Saligang Batas, matapos ay ikinulong na ito. 


Makalipas ang dalawa o tatlong araw, meron diumanong mga indibidwal ang pumunta sa kanilang himpilan at ipinaalam na binawian na ng buhay si George. Hindi umano maalala ni PInsp. Ancheta ang pangalan ng mga naturang indibidwal. At bagaman nandu’n siya nang magbigay ng pahayag ang mga ito, hindi niya umano nabasa ang kanilang salaysay. Hindi niya rin umano alam kung may iba pang ebidensya na nakalap kaugnay sa nasabing insidente sapagkat si SPO2 Ednaco ang nag-imbestiga rito.


Sa naging cross-examination kay PInsp. Ancheta, sinabi nito na normal ang itsura, pananamit at pananalita ni Itik noong dumating ito sa kanilang himpilan at wala siyang nakitang anumang bakas ng dugo sa akusado. Wala rin umanong kasamang abogado si Itik noon. 


Diumano, ipinaalam ni SPO2 Ednaco kay Itik ang karapatan nito na mairiprisinta ng isang abogado at na siya ay bibigyan ng abogado kung wala siyang sariling abogado na tutulong sa kanya. 


Gayunman, hindi umano alam ni PInsp. Ancheta kung merong abogado na tumulong kay Itik sapagkat siya ay umuwi na. Hindi niya rin umano nakita na isinulat ang ginawang pahayag ni Itik, subalit alam niya na naitala ito ng desk officer sa libro ng blotter.


Sa kabila ng ilang pagtatangka, hindi naiprisinta sa hukuman ng paglilitis si SPO2 Ednaco na noon ay nagsilbing Evidence Custodian ng PNP, Lian, Batangas sa kadahilanang nagretiro na umano ito noong Oktubre 2012 at nanirahan na sa ibang bansa. Hindi rin umano nai-turn over nang maayos ni SPO2 Ednaco ang kutsilyo na sinasabing ebidensya sa pamamaslang kay George.


Para naman sa depensa, si Itik lamang ang tumayo bilang testigo. Diumano, siya ay nasa kanyang bahay bandang-6:00 ng gabi noong ika-30 ng Agosto 2011 kasama ang kanyang asawa. Naroon din umano ang kanyang biyenan. Karelasyon umano ng kanyang biyenan si George, subalit hindi ito ang ama ng kanyang asawa.


Diumano, kagagaling lamang niya sa pagpuputol ng tubo at wala siyang matandaan na hindi pangkaraniwang insidente na naganap sa oras at petsa na iyon. Hindi niya rin umano personal na kilala si Allan, bagaman naalala niya na nagpunta ito sa kanyang bahay at nakipag-inuman sa kanyang biyenan bandang alas-5:00 ng hapon at natapos din ng alas-5:30 ng hapon ding iyon. Hindi umano sabay na dumating sa kanyang bahay sina Allan at George. Bagkus, naunang dumating si Allan at sumunod lamang si George.


Hindi umano alam ni Itik kung bakit pinaslang si George at mariin niyang itinanggi na siya ang sumaksak sa nasabing biktima. Hindi niya rin umano alam kung bakit siya ang itinuturong may-akda sa krimen, lalo na’t wala silang masamang tinapay ng pamilya nito. Diumano, nalaman na lamang niya na pumanaw na si George noong siya ay nakapiit. 


Sa kanyang cross-examination, binigyang-linaw ni Itik na hindi niya personal na kilala si George. Una niya umano itong nakita noong ika-29 ng Agosto 2011. Ang bahay ng kanyang biyenan ay may tatlong kilometro ang layo mula sa kanyang bahay. Diumano, madalang siyang pumunta sa bahay ng kanyang biyenan, at hindi rin umano nakatira doon si George, at bumibisita lamang ito sa kanyang biyenan.

Diumano, noong umalis si Allan sa kanyang bahay, alas-5:30 ng hapon ng naturang insidente, meron nakitang tao si Itik na naglalakad sa daan papunta sa bahay ng kanyang biyenan. 


Hindi umano tiyak si Itik kung nagpunta si Allan sa bahay ng kanyang biyenan. Nakita niya rin umano si George na mag-isa sa kalsada malapit sa daan na papunta sa bahay ng kanyang biyenan. 


Sa paglilinaw, sinabi ni Itik na mali ang kanyang naging tugon sa kanyang naunang testimonya. Humigit-kumulang 20 hanggang 30 metro umano ang pagitan ng kanyang bahay at ng bahay ng kanyang biyenan. Hindi rin umano sa kanyang bahay naganap ang inuman; bagkus, sa bahay ni Allan.


Dagdag pa ni Itik, siya at ang kanyang kapatid na si Berting ay nag-iinuman sa kanyang bahay bandang alas-5:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi noong ika-30 ng Agosto 2011. Ang insidente ng pananaksak ay naganap diumano sa labas ng kanyang bahay, alas-8:30 ng gabi. Natutulog na umano siya noon at ginising lamang siya ng kanyang asawa. Kaya bandang alas-10:00 ng gabi, diumano, pumunta siya sa bahay ng kaibigang si Emiliano at doon natulog. Inaresto umano siya ng pulis noong ika-31 ng Agosto 2011. Diumano, sumuko lamang siya sa Kapitan ng barangay matapos ang utos ng pag-aresto. Sa palagay umano ni Itik, inudyukan lamang si Allan ng pamilya ng biktima na tumestigo laban sa kanya.


Matapos ang halos siyam na taon mula nang mabasahan ng sakdal si Itik, naglabas ng desisyon ang RTC Nasugbu, Batangas. Binigyang-linaw ng hukuman na maaaring maging sapat ang testimonya ng nag-iisang saksi sa krimen upang mahatulan ang akusado. Gayunpaman, kinakailangan na ang naturang testimonya ay malinaw, hindi pabagu-bago, at mapagkakatiwalaan. Ang testimonya ay dapat magmula sa kapani-paniwalang saksi. Sa pagitan ng sinumpaang salaysay at testimonya sa hukuman, higit na mananaig ang huli.


Sapagkat merong malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng naging pahayag ni Allan sa himpilan ng pulisya at sa kanyang naging testimonya sa hukuman, higit na binigyang-halaga ng hukuman ng paglilitis ang kanyang testimonya, na hindi nakita ni Allan ang mismong akto ng pananalakay at pananaksak kay George.


Hindi rin nakaiwas sa mapanuring pagsisiyasat ng RTC Nasugbu ang mga pahayag ni PInsp. Ancheta, na may ilang pagkakasalungat. Sa kanyang testimonya, sinabi nito na sumuko si Itik at inamin ang pananaksak, gayung nakasaad sa Booking Sheet at Arrest Report na siya ay inaresto. Isang palaisipan sa hukuman kung bakit hindi ipinasulat kay Itik ang sinasabing pag-amin sa tulong ng abogado. Hindi rin malinaw kung ano ang naging basehan ng pagkakapiit kay Itik noong panahon na wala pang inihahain na reklamo laban sa kanya.


Ipinaalala ng RTC Nasugbu na ang paghahatol ng pagkakasala ay nakasalalay sa lakas ng ebidensya ng tagausig, hindi sa kahinaan ng depensa ng akusado. Hindi responsibilidad ng akusado na patunayan ang kanyang kawalan ng kasalanan; pasanin ng taga-usig ang pagpapatunay ng pagkakasala nang lampas sa makatuwirang pagdududa.


Sapagkat hindi napatunayan ng ebidensya ng tagausig ang pagkakasala ni Itik nang may moral na katiyakan, minarapat ng RTC Nasugbu na siya ay ipawalang-sala. Ang desisyon, na iprinoklama noong ika-10 ng Hunyo 2020, ay hindi na kinuwestyon pa sa pamamagitan ng petition for review on certiorari.


Ang bawat biktima ay nararapat lamang na makamit ang hustisya. Subalit, hindi maipagkakaloob ng hukuman ang paghahatol ng pagkakasala kung kulang ang ebidensya laban sa akusado.


Kaya’t mahalaga na ang bawat pag-uusig ay maayos na pinaghahandaan upang sa huli, matagal man ang laban sa hukuman, makamit pa rin ng biktima o ng kanyang mga naulila ang inaasam na katarungan. Ang daing mula sa hukay ng biktimang nakahimlay ay mabibigyan ng kawakasan, bagama’t matagal na hinintay.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Jan. 19, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #380


Walang katumbas ang pagmamahal ng mga ina para sa kanilang anak. Bawat sakripisyo at pagod sa pagkayod, maging sa pag-aalaga, ang mga iyan ay hindi nila alintana, sapagkat para sa kanila, ang mabigyan ng maayos at kumportable na buhay ang kanilang anak at pamilya ang pinakamahalaga. 


Gayunpaman, sadyang hindi nila hawak ang magiging desisyon sa buhay ng kanilang anak. Madalas, taimtim na dasal lamang ang kanilang sandigan upang ang kanilang anak ay hindi mapunta sa kasamaan o kapariwaraan.


Nakalulungkot na merong mga pagkakataon na, sa kabila ng pagmamahal at sakripisyo ng mga ina, maging sila ay napapahamak dahil sa mga maling gawain ng kanilang anak. Ito ang kinahinatnan ng isang ina na nagngangalang Nelia, sa kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito, hango sa kasong kriminal na merong pamagat na People of the Philippines vs. Cesar Tinamisan y Granados (Criminal Case No. 1029, June 14, 2021), sa panulat ni Honorable Wilhelmina B. Go-Santiago (Presiding Judge, Branch 14, Regional Trial Court, Nasugbu, Batangas). 


Sama-sama nating tunghayan ang mga naganap na pangyayari sa kaso na ito at nawa ay kapulutan ng aral lalo na ng mga anak na makababasa nito. 


Isang karumal-dumal na insidente ang naganap bandang alas-5:00 ng umaaga, noong ika-11 ng Nobyembre 1995, sa isang barangay sa Nasugbu, Batangas. Ikinapanghilakbot ng mga residente roon ang diumano’y pananalakay na ginawa ni Cesar sa kanyang ina na si Nelia. Gamit ang bitbit nitong bolo at "taktak," pinagsasaksak ni Cesar si Nelia nang walang makatuwirang dahilan. Ang mga tinamong sugat sa katawan si Nelia ang direkta na naging sanhi ng kanyang kagyat na kamatayan. Sinampahan ng kasong Parricide si Cesar sa Regional Trial Court ng Nasugbu, Batangas (RTC Nasugbu, Batangas).


Itinakda ang pagbabasa ng sakdal noong ika-23 ng Enero 1996, subalit hindi ito natuloy sapagkat naging kapuna-puna sa hukuman ng paglilitis na wala sa maayos na kondisyon ng pag-iisip si Cesar. Alinsunod sa Section 12 (a), Rule 116 ng 1995 Rules on Criminal Procedure, ipinag-utos ng hukuman ng paglilitis na dalhin si Cesar sa National Center for Mental Health (NCMH) sa siyudad ng Mandaluyong upang siya ay masuri. 


Batay sa medikal na nilagdaan ni Dr. Norma M. Lazaro (Dr. Lazaro), Chief, Forensic Psychiatry Service, NCMH, noong ika-21 ng Mayo 1996, si Cesar ay merong Insanity o Psychosis, o pagkasira sa pag-iisip, na inuri bilang Schizophrenia. Ito ay inilalarawan bilang pagkakaroon ng guni-guni, maling akala, kapansanan sa paghuhusga, walang kaugnayan na pananalita, kahinaan sa pagtitimpi, at kabalisahan. Bagaman nakitaan ng pag-igi ng kondisyon ni Cesar, hindi pa umano nito sapat na makakayanan ang hirap ng paglilitis. Inirekomenda ang kanyang patuloy na pananatili at pagpapagamot sa NCMH. Dahil dito, ipinag-utos ng hukuman na i-archive ang kaso laban kay Cesar.


Ika-13 ng Pebrero 1997, natanggap ng hukuman ng paglilitis ang Endorsement na nilagdaan ni Dr. Lazaro na naglalaman ng Psychiatric Evaluation Results ni Cesar. Nakitaan diumano siya ng makabuluhan na pagbuti sa kondisyon at na meron nang kakayahan na humarap sa paglilitis. 


Sa bisa ng kautusan ng hukuman ng paglilitis, ipinakuha mula sa archives ang tala ng kaso ni Cesar, siya ay pinalabas mula sa NCMH at inilipat sa Batangas Provincial Jail. Naganap ang pagbabasa ng sakdal ni Cesar noong ika-10 ng Hunyo 1997. Tinalagaan siya ng counsel de officio, at nagsumamo ng kawalan ng kasalanan.


Itinakda ang pre-trial noong ika-28 ng Oktubre 1997, ngunit ipinahayag ng Depensa na hindi na sasailalim sa pre-trial ang akusado. Ika-26 ng Nobyembre 1997, ipag-utos ng hukuman ang pagsuspinde ng paglilitis, sapagkat sa pagmamasid ng hukuman, meron pa rin diperensya sa pag-iisip ang akusado. Ipinag-utos din na siya ay dalhin sa NCMH upang maipagamot at ang muling pag-archive ng kaso laban sa kaniya.


Ika-10 ng Hunyo 1998 nang makatanggap ang hukuman ng paglilitis ng Endorsement

na nilagdaan ni Dr. Lazaro na inirerekomenda ang paglipat kay Cesar sa piitan para sa pagpapatuloy ng pagdinig ng kanyang kaso. Batid diumano ni Cesar ang kasong Parricide laban sa kanya. Isinalaysay umano ni Cesar na noong naganap ang krimen ay meron siyang narinig na guni-guni na sinabing aswang ang kanyang ina. Sinabi rin ni Cesar na siya ay gumamit ng ipinagbabawal na gamot. Itinanggi niya na meron siyang pangkasalukuyan na kaguluhan sa pang-unawa o masasamang pag-iisip, at ipinabatid na handa na siyang humarap sa paglilitis at na tatanggapin ang anumang kahihinatnan ng kanyang kaso. Kaugnay nito, ipinag-utos ng hukuman ng paglilitis na maibalik sa piitan si Cesar at ang pagpapatuloy ng paglilitis ng kanyang kaso.


Ipinrisinta ng panig ng tagausig bilang saksi si Carmen, kapatid ni Cesar. Batay sa kanyang testimonya, nakatira siya at ang kanilang ina na si Nelia sa iisang bahay.

Bandang alas-5:00 ng umaga, noong ika-11 ng Nobyembre 1995, nagising diumano siya dahil sa narinig na sigaw na nanggaling sa kanilang kusina.


Agad siyang pumunta roon at nakita umano si Cesar na nakatayo sa likod ni Nelia, merong hawak na bolo at akto na tatagain si Nelia. Pinigilan niya umano si Cesar, subalit sinabihan siya na hindi iyon ang kanilang ina, bagkus isa itong aswang. Lumingon sa kanya si Cesar at akmang tatagain siya, kung kaya’t agad siyang naghanap ng maaaring ipamalo sa kapatid.


Nang makabalik siya sa kusina ay tinataga na umano ni Cesar ang kanilang ina. Humingi ng saklolo si Carmen, ngunit wala umanong tumugon at pagbalik niya ng bahay ay nakahandusay na ang walang buhay na katawan ni Nelia habang si Cesar ay nakatayo lamang hawak ang bolo na tila wala umanong nangyari. Noong makarating ang barangay tanod, sinabi umano ni Cesar: "Susuko na ako at napatay ko na ang aswang, pero may kasama pa ‘yan dalawa.” 


Dagdag pa ni Carmen, Oktubre 1995 pa lamang ay napansin na umano niya ang kakaibang ikinikilos ni Cesar. Pinaslang din umano ni Cesar ang baboy ng kanilang ina na sinabi nito na isa ring aswang. 

Para umano kay Carmen, hindi papaslangin ni Cesar ang kanilang ina kung nasa matino lamang itong pag-iisip.


Noong ika-8 ng Oktubre 1998 ay nakatanggap ang hukuman ng paglilitis ng liham mula kay Col. Eusebio A. Faltado (Col. Faltado), Officer-in-Charge ng Batangas Provincial Jail, na hinihiling ang pagdala kay Cesar sa NCMH para sa agarang pagpapagamot. Hindi umano natutulog si Cesar, nanggugulo at nagbibitaw ng mga salitang pananakot na nagdulot ng takot sa ibang mga nakapiit doon.


Nakatanggap ang hukuman ng paglilitis noong ika-29 ng Hunyo 1999 ng Indorsement na nilagdaan ni Dr. Isagani S. Gonzales (Dr. Gonzales), Chief, Forensic Psychiatric Service, NCMH, kaugnay sa pagbuti ng kondisyon ni Cesar at ang pagiging handa nito sa pagharap sa paglilitis. Ibinalik si Cesar sa piitan noong ika-16 ng Hulyo 1999. Subalit, noong ika-21 ng Oktubre 1999, nakatanggap ng liham ang hukuman ng paglilitis mula kay Col. Faltado na hinihiling ang muling pagdala at pagpapagamot kay Cesar sa NCMH, sapagkat siya ay nakitaan ng mga palatandaan ng paulit-ulit na pagkasira ng pag-iisip. Ito umano ang dahilan kung bakit makailang-ulit na hindi nadala sa hukuman si Cesar para sa paglilitis ng kanyang kaso at na kinailangan siyang ilagay sa hiwalay na selda upang maiwasan ang pinsala sa mga kasamahan nito. 


Sa bisa ng kautusan ng RTC Nasugbu, Batangas noong ika-21 ng Oktubre 1999, muling ipinasok si Cesar sa NCMH.


Ika-11 ng Oktubre 2000 nang ipinadala ni Dr. Gonzales sa hukuman ng paglilitis ang ulat medikal ni Cesar. Ipinahayag diumano ni Cesar na wala siya sa kanyang sarili noong paslangin niya ang kanyang ina. Ganu’n pa man, nakita ang pagbuti ng kondisyon ni Cesar at itinuturing na siyang handa na humarap sa paglilitis. Muling nakatanggap ang hukuman ng paglilitis noong ika-6 ng Abril 2001 ng ulat medikal ni Cesar mula kay Dr. Gonzales na handa na itong humarap sa paglilitis. Kung kaya’t noong ika-4 ng Mayo 2001 ay ibinalik si Cesar sa Batangas Provincial Jail. Humiling si Cesar na siya ay mailipat sa Municipal Jail ng Nasugbu, Batangas, na ipinagkaloob ng hukuman. Subalit, noong ika-16 ng Mayo 2003, ipinag-utos ng hukuman ng paglilitis na muling ilipat si Cesar sa Provincial Jail ng Batangas bunsod ng kahilingan ng Municipal Jail Warden ng Nasugbu, Batangas. Ika-29 ng Marso 2005 ay muling ibinalik si Cesar sa BJMP Nasugbu, Batangas bunsod ng kanyang kahilingan.


Nabinbin ng ilang taon ang pagpiprisinta ng ebidensya ng tagausig bunsod ng ilang kadahilanan katulad ng kawalan ng saksi, tagausig, abogado para sa depensa, at ang pagliban ng hukom. Ika-27 ng Setyembre 2010 nang pormal na maihayag ng tagausig ang kanilang ebidensya. 


Sa tulong at representasyon naman ni Manananggol Pambayan A.L.S. Bearneza ng PAO- Nasugbu, Batangas District Office, ipinrisinta si Cesar sa pagdinig noong ika-12 ng Setyembre 2014, bilang unang saksi para sa depensa. Subalit, dahil hindi tumutugon si Cesar, tila hindi niya nauunawaan ang mga tanong sa kanya, hiniling ni Mananaggol Pambayan Bearneza na pansamantalang masuspinde ang pagdinig.


Ika-25 ng Setyembre 2014 nang ihain ni Mananaggol Pambayan Bearneza ang Manifestation (With Motion to Order the Mental Examination of the Accused). Dalangin ng Depensa na masuri si Cesar sa NCMH, at kung kinakailangan, manatili at maipagamot siya roon hanggang sa ganap na ang kanyang paggaling bago ipagpatuloy ang pagpiprisinta ng kanilang ebidensya. Ito ay upang hindi umano makompromiso ang mga karapatan ni Cesar mula sa kanyang sariling mga deklarasyon habang siya ay maaaring nagdurusa pa sa pagkasira ng pag-iisip. Nakitaan ng merito ng hukuman ang naturang hiling ng Depensa. Kung kaya’t ipinag-utos ang pagpapasuri at pagpapagamot kay Cesar sa NCMH at ang pagsusumite ng kaukulang ulat sa kalagayang pangkaisipan ng nasabing akusado.


Ika-7 ng Disyembre 2016 nang matanggap ng hukuman ng paglilitis ang nilagdaan na Endorsement ni Dr. Edison С. Galindez (Dr. Galindez), Chief, Forensic Psychiatry Section, NCMH. Handa na umano si Cesar na humarap sa paglilitis. Kung ipag-uutos din diumano, maaari silang magsumite ng karagdagang ulat para sa pagpapasya o pagtatatag ng kriminal na pananagutan ni Cesar at ng iba pang psychiatric-legal na mga paksa na maaaring makatulong sa mabilis na disposisyon o resolusyon ng kanyang kaso. 


Naghain si Mananaggol Pambayan Bearneza ng Urgent Motion to Order the Submission of Supplemental Report, na ipinagkaloob ng RTC Nasugbu, Batangas.

Ika-13 ng Pebrero 2020, nang matanggap ng nasabing hukuman ang nilagdaan na Endorsement ni Dr. Galindez, kalakip ang ulat medikal na nilagdaan nina Medical Officer IV Carlo Luigi C. dela Cruz (Dr. Dela Cruz), Medical Specialist III Neil Michael Apollo S. Santos (Dr. Santos), Medical Specialist III Wesley Peter A. Quimbo (Dr. Quimbo), at Medical Specialist IV Dr. Galindez. Nakasaad sa naturang ulat na merong sakit sa pag-iisip si Cesar na inuri bilang Schizophrenia. Diumano, noong maganap ang pamamaslang, nakaririnig si Cesar ng mga guni-guni na sinabing masama ang kanyang ina, na isa itong aswang, at na magbabago ang anyo nito kung mapapaslang niya ito.


Matapos ang krimen at habang nakapiit si Cesar ay patuloy niyang naranasan ang mga sintomas na naging dahilan upang muli siyang ibalik sa NCMH. Ang mga aktibong sintomas ng kanyang diperensya sa pag-iisip ang dahilan upang hindi niya mapahalagahan ang kalikasan at mga katangian ng kanyang mga gawa o na malaman na moral at legal na mali ang kanyang mga akto sa panahon na nagawa niya ang krimen. Kung kaya’t, sa kanilang opinyon, si Cesar ay insane o merong sira sa pag-iisip bago, habang at matapos niyang gawin ang krimen.


Sa pagdinig noong ika-24 ng Pebrero 2020, hiniling ni Mananaggol Pambayan Bearneza ang pagpapalabas ng subpoena duces tecum at ad testificandum na naglalayong ipag-utos kina Dr. Dela Cruz, Dr. Santos, Dr. Quimbo, at Dr. Galindez, ng NCMH, na dalhin sa hukuman ang medikal na tala ni Cesar.


Dahil sa pandemia na dulot ng sakit na COVID-19, na nagresulta sa pagkakaroon ng mga lockdowns at community quarantines, pansamantalang natigil ang pagdinig sa mga hukuman. Nang unti-unting muling nagbukas ang mga hukuman ay pinahintulutan na ang videoconferencing. Sa videoconferencing noong ika-17 ng Marso 2021 ay ipinrisinta ng Depensa ang kanilang huling saksi na si Dr. Dela Cruz at minarkahan ang isinumite nilang mga ebidensya. 


Hiniling din ni Mananaggol Pambayan Bearneza ang pormal na paghahain ng kanilang ebidensya, na natanggap ng hukuman ng paglilitis noong ika-29 ng Marso 2021. Ipinabatid ng tagausig na wala itong pagtutol sa pagtanggap ng ebidensya ng Depensa. Hindi naging madali para sa RTC Nasugbu, Batangas ang pagdesisyunan ang kaso na ito lalo na at inamin ng akusado na ginawa niya ang krimen, bagaman iginigiit niya ang pagkasira ng kanyang pag-iisip bilang depensa.


Para sa kaalaman ng lahat, ang justifying circumstance na insanity ay nakasaad sa ating Revised Penal Code, partikular: 

“Art. 12. Circumstances which exempt from criminal liability. - The following are exempt from criminal liability: 

  1. An imbecile or an insane person, unless the latter has acted during a lucid interval.”

Ipinaalala ng hukuman ng paglilitis na, sa ganitong uri ng sirkumstansya, ang pasanin ng pagpapatunay (burden of proof) ay lumilipat sa panig ng depensa. Ang bigat ng ebidensya na kailangang maitaguyod ay ‘yung magpapakita nang malinaw at nakakukumbinsing dagling umiral ang pagkasira ng pag-iisip ng akusado bago o

kasabay ng paggawa niya ng krimen.


Matapos ang maingat na pagsusuri sa bawat ebidensya na isinumite ng parehong panig, naabot ng hukuman ng paglilitis ang konklusyon na ganap na walang kapangyarihan si Cesar na mabatid ang mga pangyayari at wala siyang angkop na dahilan at malayang pagpapasya bunsod ng kondisyon ng kanyang pag-iisip. Naging kapuna-puna sa hukuman ng paglilitis na maging sa testimonya ni Carmen ay naitaguyod ang pagkasira ng pag-iisip ng kanyang akusadong kapatid bago, habang at matapos na maganap ang krimen. 


Malinaw na naitaguyod din ng testimonya ng eksperto na saksi na si Dr. Dela Cruz, suportado ng kanilang Supplemental Report na kanya mismong kinumpirma at pinagtibay, na merong pagkasira sa pag-iisip si Cesar bago, habang at matapos na maganap ang pamamaslang sa kanyang ina. 


Dahil sa mga nabanggit, iginawad kay Cesar ang hatol ng pagpapawalang-sala. Ganu’n pa man, alinsunod na rin sa rekomendasyon na nakasaad sa lahat ng ulat medikal patungkol kay Cesar, ipinag-utos ng hukuman ng paglilitis na siya ay dalhin sa NCMH upang angkop na masuri, magamot at maihanda para sa muling pagsasama sa kanya sa komunidad. 


Ang nasabing Kautusan ng RTC Nasugbu, Batangas, na ipinroklama noong ika-28 ng Hunyo 2021, ay hindi na kinuwestyon pa sa pamamagitan ng petition for review on certiorari. 


Malaking dagok para sa pamilya ni Cesar ang malagim na insidente. Dalawang miyembro ng kanilang pamilya ang nawalay sa kanila. Hindi na nila kailan pa man makakapiling si Nelia. Si Cesar, bagaman napawalang-sala, ay patuloy namang mananatili sa pagamutan sa pag-asa na siya ay muling bubuti pa. 


Nawa ang bawat tao na makababasa ng kuwento na ito, lalo na para sa mga anak, huwag kayong magpapadala sa tukso, lalo na ‘yung mula sa masasamang bisyo. Sadyang walang maidudulot na mabuti ito sa inyo. Maging sa inyong mga mahal sa buhay, kapahamakan lamang ang tiyak na naghihintay.


Marahil ay hirap at hinagpis pa rin ang nadarama ni Nelia kahit siya ay nasa kabilang buhay na. Hindi dahil sa napawalang-sala si Cesar, na pumaslang sa kanya. Subalit dahil bilang ina, napakasakit ang mawalay sa anak lalo na kung meron itong malalang kondisyon sa pag-iisip na nangangailangan ng tulong, pag-aaruga at pagmamahal. Marahil din, sa kabila ng naranasan na mga hirap at pananakit ni Nelia, pipiliin pa rin niya ang buhay na patuloy na kapiling ang anak niyang sininta.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Jan. 12, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #379



Sa katahimikan ng umagang hindi pa lubusang nagigising ang lungsod ng Koronadal, isang putok ng baril ang umalingawngaw sa loob ng isang tahanan — hindi sa lansangan, hindi sa madilim na eskinita, kundi sa mismong lugar na inakalang ligtas. 


Sa isang iglap, isang kabataang lalaki ang bumagsak, at sa likod ng putok na iyon, isang pangalan ang mabilis na ibinulong sa mga ulat, si alyas Marti.


Ngunit sa harap ng hukuman, hindi sapat ang bulong, hinala, o salaysay na ikinabit lamang sa pangyayari. Sa pagitan ng pagkawala ng isang buhay at ng pag-usig sa isang akusado, muling itinanong ng batas: Sapat ba ang ebidensya upang wasakin ang presumption of innocence na ipinagkakaloob sa sinumang akusado tulad ni alyas Marti?


Sa kasong People of the Philippines v. Mandang (Criminal Case No. 8748-xx), na dininig ng Regional Trial Court, Branch 24, City of Koronadal, sa panulat ni Honorable Jose C. Blanza, Jr., Acting Presiding Judge, at pinasya noong 7 Marso 2025, sinuri ng hukuman kung napatunayan ba ng tagausig ang pagkakasala ng akusado sa kasong Homicide sa ilalim ng Article 249 ng Revised Penal Code (RPC).


Ayon sa impormasyon, noong Disyembre 21, 2013, bandang alas-10:30 ng umaga, sa Purok Tambling, Barangay GPS, Koronadal City, South Cotabato, ang akusadong si alyas Marti, na armado umano ng isang baril, ay sinadyang barilin si alyas Boy Romni, na nagtamo ng fatal gunshot wound na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Dahil dito, kinasuhan ang akusado ng homicide. Sa kanyang arraignment, siya ay nagpasok ng plea na “Not Guilty,” kaya’t tumuloy ang kaso sa ganap na paglilitis.

Sa paglilitis, iprinisinta ng tagausig ang mga pulis na sina PO3 Parreño at PO3 Garces, gayundin ang ama ng biktima, na itago natin sa pangalang Papa Bingley.


Ayon kina PO3 Parreño at PO3 Garces, nakatanggap sila ng ulat ng pamamaril sa Brgy. GPS at agad na nagtungo sa ospital, kung saan dinala ang biktima. Ru’n umano nila nakita ang ama ng akusado, si Tatay Fabian, na may kargang walang malay na binatilyo na kalauna’y nakilalang si Boy Romni. Sinabi umano ni Tatay Fabian sa mga pulis na ang kanyang anak ang bumaril sa biktima.


Kasama ang akusado at ang kanyang ama, nagtungo ang mga pulis sa lugar ng insidente — ang tahanan ng mga magulang ng akusado, kung saan umano’y may nakitang baril na nakatago sa likod ng telebisyon at mga bahid ng dugo sa loob ng bahay.


Samantala, si Papa Bingley ay nagpatunay na una niyang inakalang aksidente sa sasakyan ang sinapit ng kanyang anak. Ngunit nang makita niya ang bangkay sa ospital, doon lamang niya nalaman na ito ay tinamaan ng bala. Isinalaysay rin niya na isang linggo bago ang insidente, sinabi umano ng kanyang anak na ang akusado ay karibal nito sa isang babae.


Sa kabilang banda, ang akusado ay ipinagtanggol ng Public Attorney’s Office (PAO), sa katauhan ni Public Attorney Ferdinand S. Mortejo, bilang counsel de oficio.

Matapos isara ng tagausig ang presentasyon ng ebidensya nito, nagpasya ang depensa na huwag nang magprisinta ng sariling ebidensya—isang estratehiyang hayagang inihayag sa hukuman. Ang hakbang na ito ay malinaw na nakaangkla sa paniniwalang nabigo ang tagausig na patunayan ang lahat ng elemento ng krimen sa kinakailangang antas ng katiyakan.


Matapos ang paglilitis at sa masusing pagsusuri ng hukuman, lumitaw ang mga kritikal na kakulangan sa kaso ng tagausig.


Una, ang sinasabing pahayag ni Tatay Fabian na ang kanyang anak ang bumaril sa biktima ay hindi kailanman napatunayan sa pamamagitan ng personal na testimonya. Hindi humarap si Tatay Fabian sa hukuman upang patunayan ang nasabing pahayag. Dahil dito, ang salaysay ng mga pulis hinggil dito ay itinuring ng hukuman bilang hearsay, at sa ilalim ng batas, hindi ito katanggap-tanggap bilang ebidensya.


Ikalawa, walang eyewitness na direktang nakakita sa aktong pamamaril. Ang mga pulis ay dumating lamang matapos ang insidente, at ang mga nakita nila ang baril at ang dugo ay pawang circumstantial lamang.


Sa pagtalakay ng hukuman, ipinaalala nito na bagama’t kinikilala ng batas na maaaring magresulta sa hatol ang circumstantial evidence, kinakailangang matugunan ang mga rekisito ng Section 4, Rule 133 ng Rules of Court, na sumusunod:

  1. higit sa isang sirkumstansiya, 

  2. napatunayang mga batayang pangyayari,  

  3. at isang buo at hindi napuputol na hanay ng mga pangyayari na magtuturo sa akusado bilang salarin, at wala nang iba pa.


Sa kasong ito, mariing sinabi ng hukuman na ang mga sirkumstansyang iniharap ng tagausig ay hindi nagtataglay ng moral certainty. Ang pagkakaroon ng baril sa loob ng bahay at ang hearsay na pahayag ni Tatay Fabian ay hindi sapat upang matukoy nang may katiyakan ang salarin.


Binigyang-diin ng hukuman ang doktrina na kung walang moral certainty sa

pagkakasala, ang akusado ay dapat mapawalang-sala, kahit pa may mga hinalang bumabalot sa kanya.


Dahil sa kabiguan ng tagausig na patunayan ang pagkakasala ng akusado nang higit sa makatuwirang pagdududa (proof beyond reasonable doubt), pinawalang-sala si alyas Marti sa kasong Homicide. Pinahayag din ng hukuman na walang pananagutang sibil, sapagkat ang aktong pinaghanguan nito ay hindi napatunayang naganap sa paraang itinakda ng batas.


Ang kasong ito ay muling nagpapaalala na sa ating sistema ng hustisya, hindi sapat ang hinala, bulong, o salaysay na hindi tumayo sa witness stand. Ang hustisyang kriminal ay hindi nakabatay sa kung sino ang pinaghihinalaan, kundi sa kung ano ang napatunayan sa loob ng hukuman.


Sa huli, ang daing na umalingawngaw ay hindi lamang mula sa pagkawala ni alyas Boy Romni, kundi mula rin sa mismong proseso ng katarungan—isang paalala na kapag ang ebidensya ay kulang, ang batas mismo ang nag-uutos ng pagpapawalang-sala, sapagkat ang kalayaan ng isang mamamayan ay hindi maaaring ipagpalit sa haka-haka.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page