top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Jan. 12, 2026



ISSUE #379



Sa katahimikan ng umagang hindi pa lubusang nagigising ang lungsod ng Koronadal, isang putok ng baril ang umalingawngaw sa loob ng isang tahanan — hindi sa lansangan, hindi sa madilim na eskinita, kundi sa mismong lugar na inakalang ligtas. 


Sa isang iglap, isang kabataang lalaki ang bumagsak, at sa likod ng putok na iyon, isang pangalan ang mabilis na ibinulong sa mga ulat, si alyas Marti.


Ngunit sa harap ng hukuman, hindi sapat ang bulong, hinala, o salaysay na ikinabit lamang sa pangyayari. Sa pagitan ng pagkawala ng isang buhay at ng pag-usig sa isang akusado, muling itinanong ng batas: Sapat ba ang ebidensya upang wasakin ang presumption of innocence na ipinagkakaloob sa sinumang akusado tulad ni alyas Marti?


Sa kasong People of the Philippines v. Mandang (Criminal Case No. 8748-xx), na dininig ng Regional Trial Court, Branch 24, City of Koronadal, sa panulat ni Honorable Jose C. Blanza, Jr., Acting Presiding Judge, at pinasya noong 7 Marso 2025, sinuri ng hukuman kung napatunayan ba ng tagausig ang pagkakasala ng akusado sa kasong Homicide sa ilalim ng Article 249 ng Revised Penal Code (RPC).


Ayon sa impormasyon, noong Disyembre 21, 2013, bandang alas-10:30 ng umaga, sa Purok Tambling, Barangay GPS, Koronadal City, South Cotabato, ang akusadong si alyas Marti, na armado umano ng isang baril, ay sinadyang barilin si alyas Boy Romni, na nagtamo ng fatal gunshot wound na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Dahil dito, kinasuhan ang akusado ng homicide. Sa kanyang arraignment, siya ay nagpasok ng plea na “Not Guilty,” kaya’t tumuloy ang kaso sa ganap na paglilitis.

Sa paglilitis, iprinisinta ng tagausig ang mga pulis na sina PO3 Parreño at PO3 Garces, gayundin ang ama ng biktima, na itago natin sa pangalang Papa Bingley.


Ayon kina PO3 Parreño at PO3 Garces, nakatanggap sila ng ulat ng pamamaril sa Brgy. GPS at agad na nagtungo sa ospital, kung saan dinala ang biktima. Ru’n umano nila nakita ang ama ng akusado, si Tatay Fabian, na may kargang walang malay na binatilyo na kalauna’y nakilalang si Boy Romni. Sinabi umano ni Tatay Fabian sa mga pulis na ang kanyang anak ang bumaril sa biktima.


Kasama ang akusado at ang kanyang ama, nagtungo ang mga pulis sa lugar ng insidente — ang tahanan ng mga magulang ng akusado, kung saan umano’y may nakitang baril na nakatago sa likod ng telebisyon at mga bahid ng dugo sa loob ng bahay.


Samantala, si Papa Bingley ay nagpatunay na una niyang inakalang aksidente sa sasakyan ang sinapit ng kanyang anak. Ngunit nang makita niya ang bangkay sa ospital, doon lamang niya nalaman na ito ay tinamaan ng bala. Isinalaysay rin niya na isang linggo bago ang insidente, sinabi umano ng kanyang anak na ang akusado ay karibal nito sa isang babae.


Sa kabilang banda, ang akusado ay ipinagtanggol ng Public Attorney’s Office (PAO), sa katauhan ni Public Attorney Ferdinand S. Mortejo, bilang counsel de oficio.

Matapos isara ng tagausig ang presentasyon ng ebidensya nito, nagpasya ang depensa na huwag nang magprisinta ng sariling ebidensya—isang estratehiyang hayagang inihayag sa hukuman. Ang hakbang na ito ay malinaw na nakaangkla sa paniniwalang nabigo ang tagausig na patunayan ang lahat ng elemento ng krimen sa kinakailangang antas ng katiyakan.


Matapos ang paglilitis at sa masusing pagsusuri ng hukuman, lumitaw ang mga kritikal na kakulangan sa kaso ng tagausig.


Una, ang sinasabing pahayag ni Tatay Fabian na ang kanyang anak ang bumaril sa biktima ay hindi kailanman napatunayan sa pamamagitan ng personal na testimonya. Hindi humarap si Tatay Fabian sa hukuman upang patunayan ang nasabing pahayag. Dahil dito, ang salaysay ng mga pulis hinggil dito ay itinuring ng hukuman bilang hearsay, at sa ilalim ng batas, hindi ito katanggap-tanggap bilang ebidensya.


Ikalawa, walang eyewitness na direktang nakakita sa aktong pamamaril. Ang mga pulis ay dumating lamang matapos ang insidente, at ang mga nakita nila ang baril at ang dugo ay pawang circumstantial lamang.


Sa pagtalakay ng hukuman, ipinaalala nito na bagama’t kinikilala ng batas na maaaring magresulta sa hatol ang circumstantial evidence, kinakailangang matugunan ang mga rekisito ng Section 4, Rule 133 ng Rules of Court, na sumusunod:

  1. higit sa isang sirkumstansiya, 

  2. napatunayang mga batayang pangyayari,  

  3. at isang buo at hindi napuputol na hanay ng mga pangyayari na magtuturo sa akusado bilang salarin, at wala nang iba pa.


Sa kasong ito, mariing sinabi ng hukuman na ang mga sirkumstansyang iniharap ng tagausig ay hindi nagtataglay ng moral certainty. Ang pagkakaroon ng baril sa loob ng bahay at ang hearsay na pahayag ni Tatay Fabian ay hindi sapat upang matukoy nang may katiyakan ang salarin.


Binigyang-diin ng hukuman ang doktrina na kung walang moral certainty sa

pagkakasala, ang akusado ay dapat mapawalang-sala, kahit pa may mga hinalang bumabalot sa kanya.


Dahil sa kabiguan ng tagausig na patunayan ang pagkakasala ng akusado nang higit sa makatuwirang pagdududa (proof beyond reasonable doubt), pinawalang-sala si alyas Marti sa kasong Homicide. Pinahayag din ng hukuman na walang pananagutang sibil, sapagkat ang aktong pinaghanguan nito ay hindi napatunayang naganap sa paraang itinakda ng batas.


Ang kasong ito ay muling nagpapaalala na sa ating sistema ng hustisya, hindi sapat ang hinala, bulong, o salaysay na hindi tumayo sa witness stand. Ang hustisyang kriminal ay hindi nakabatay sa kung sino ang pinaghihinalaan, kundi sa kung ano ang napatunayan sa loob ng hukuman.


Sa huli, ang daing na umalingawngaw ay hindi lamang mula sa pagkawala ni alyas Boy Romni, kundi mula rin sa mismong proseso ng katarungan—isang paalala na kapag ang ebidensya ay kulang, ang batas mismo ang nag-uutos ng pagpapawalang-sala, sapagkat ang kalayaan ng isang mamamayan ay hindi maaaring ipagpalit sa haka-haka.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page