top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | August 30, 2025



Kid Pedro General Taduran Jr.  - FB

Photo: Kid Pedro General Taduran Jr. - FB



Nilinaw ni reigning International Boxing Federation (IBF) minimumweight champion Pedro “Kid Pedro Heneral” Taduran na tuluyan na itong hindi mapapabilang sa pinakamalaking boxing event sa bansa na Manny Pacquiao: Blow-by-Blow Presents “Thrilla in Manila” 50th anniversary sa Oktubre 29 sa Smart Araneta Coliseum.


Ibinulgar ng two-time world champion sa Bulgar Sports kahapon na may ibang plano para sa kanya ang kampo ng MP Promotions at Elorde Promotions para sa hiwalay na world title fight na mas mapapa-aga ang laban sa darating ding Oktubre.


Inamin ni Taduran na inaasahan niyang magiging parte siya ng prestihiyosong boxing event na katatampukan ng mga pinakamahuhusay na boksingero ng bansa na nabibilang sa MP Promotions ng nag-iisang Filipino boxing legend at eight-division World champion Manny “Pacman” Pacquiao.


Ngunit sa hindi malamang kadahilanan ay mawawala ito sa naunang plano kasama sina World Boxing Council (WBC) mini-flyweight champion Melvin “El Gringo” Jerusalem at dating WBC featherweight titlist Mark “Magnifico” Magsayo. “Tinangal po ako doon. Diko din po alam kung bakit ako doon tinanggal.


Pero po nung sinasabi dati lalaban ako kasama sina Magsayo at Jerusalem,” pahayag ni Taduran sa panayam ng Bulgar Sports sa telepono. “Parang ang sabi nila hindi daw pwede pagsamahin yung parehong world title namin. (Jerusalem),” dagdag ni Taduran, kung saan idedepensa ni Jerusalem ang kanyang korona kontra South African Siyakhowa Kuse.


Nakatakdang idepensa ng 28-anyos na tubong Libon, Albay ang kanyang 105-pound world title belt kontra No.3 contender at undefeated Filipino boxer Christian Balunan, na may tangang 12-0 rekord at may pitong panalo galing sa knockouts, kung saan hinahanapan ng lugar sa bansa ang bakbakan, na isang inaasinta ang Rizal Memorial Coliseum.


“Sinabihan lang ako nila sir Sean (Gibbons) na nakahiwalay daw yung laban ko dito sa bansa. Parang free admission ata siya para sa lahat,” paliwanag ng Pinoy southpaw.


Sa huling panayam rito ng Bulgar Sports sa laban ni Kenneth “The Lover Boy” Llover at Luis “El Nica” Concepcion nung Agosto 17 sa Winford Hotel Resort and Casino sa Maynila, kinumpirma nitong naghahanda na para sa nasabing bigating produksyon na gaganapin sa tinaguriang “Mecca of Philippine Sports.”


Nagawa na ring makipag-ugnayan ni Pacquiao, kasama si MP Promotions President at leading advisor Gibbons kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang masuportahan ng gobyerno ang pagdiwang ng anibersaryo ng matinding bakbakan sa pagitan nina boxing legend Muhammad Ali at Joe Frazier na ginanap nung Oktubre 1, 1975 sa The Big Dome, kung saan nagtapos sa pagpapanatili ng undisputed heavyweight title kay Ali dulot ng retirement (RTD) matapos ang bugbugang 14th round.


Matagumpay na nadepensahan ni Taduran ang kanyang korona laban sa dating kampeon na si Ginjiro Shigeoka sa pamamagitan ng 12-round split decision nitong Mayo 24 sa Intex, Osaka, Japan, habang nakalikha ito ng four-fight winning streak upang makabangon sa pagkakawala ng IBF korona sa kababayang si Rene Mark “Mighty Mouse” Cuarto nung Pebrero, 2021 matapos mapagwagian ang korona kay Pinoy boxer Samuel Salva sa fourth round stoppage nung Setyembre 2019 sa Taguig City.


 
 

ni VA @Sports | August 26, 2025



Melvin Jerusalem - FB

Photo: Melvin Jerusalem - FB



Masusing hinahanapan ng karapat-dapat na makakatapat si reigning World Boxing Council (WBC) minimumweight champion Melvin “El Gringo” Jerusalem sa world title defense na gaganapin sa 50th anniversary ng “Thrilla in Manila” sa huling linggo ng Oktubre sa makasaysayang Smart Araneta Coliseum.


Kasalukuyang nagsasanay ang 2-time world champion sa Japan para sa kanyang strength and conditioning training kasama ang Japanese coaches bilang preparasyon sa itinutulak na boxing match sa bansa, kung saan parte rin sina reigning International Boxing Federation (IBF) mini-flyweight titlist Pedro “Kid Pedro Heneral” Taduran at mga dating world champions na sina Mark “Magnifico” Magsayo at dating unified super-bantamweight titlist Marlon “Nightmare” Tapales.


Ayon kay head trainer Michael Domingo, nauna nang sinipat ng Zip-Sanman Promotions na makatapat ni Jerusalem sa pinakamalaking boxing event sa bansa ang dating IBF 105-pound champion na si Daniel “Cejitas” Valladares ng Mexico, subalit nagkaroon ng pagbabago sa naturang plano at hinahanapan pa ng mas matinding katapat ang 31-anyos mula Manolo Fortich, Bukidnon.


Una na talagang puntirya itong si Valladares, pero may pagbabago. Hinahanapan siya ng bagong kalaban na southpaw naman na pwedeng itapat para sa Thrilla in Manila,” pahayag ni Domingo sa panayam sa telepono ng Bulgar Sports, na nais ang mas matinding katapat din para sa prize-fighter “Ang gusto ko nga sana yung tipong Mexican ulit para matapang at hindi umaatras.”


Galing sa matagumpay na ikalawang pagdepensa sa korona ang 5-foot-2 boxer na dinomina ang dating kampeon na si Yudai Shigeoka ng Japan nitong nakaraang Marso 30 sa Aichi Sky Expo sa Tokoname, Japan sa pamamagitan ng 12-round unanimous decision. Ito ang ikalaawang pagkakataon na tinalo ni Jerusalem si Shiegeoka matapos maitakas ang 12-round split decision nung Marso 31, 2024 na ginanap naman sa Nagoya, Japan.


 
 

ni Gerard Arce @Sports News | August 21, 2025



Nesthy Petecio

Photo: Nesthy Petecio



Tila nakabinbin muna ang pangarap na “Walang hinto, hangga’t walang ginto” na mantra ni two-time Olympian boxer Nesthy Petecio matapos muling pagmuni-munihan ang mga susunod na hakbang at plano sa kanyang matagumpay na karera sa pampalakasan.


Matapos maging kauna-unahang Pinoy boxer na nagbulsa ng ikalawang medalya sa Summer Olympic Games sa tansong medalya sa 2024 Paris Games, at ang makasaysayang silver medal finish noong 2020+1 Tokyo Olympics, bilang unang boksingera na nagwagi ng medalya, humiling ang Davaoena na magkaroon pansamantala ng panahon upang muling makapag-isip sa landas na tatahakin dahil 33-anyos na siya.


She’s still contemplating whether she will continue with boxing,” pahayag ni Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) secretary-general Marcus Jarwin Manalo sa panayam ng Bulgar Sports. “Actually, she went back to training in Baguio, then nag-ask lang uli ng break.”


Inamin ni Manalo na patuloy na nasa line-up ng national team ang tubong Santa Cruz, Davao del Sur boxer, ngunit nakatakda pang pag-usapan ang sitwasyon na wala pa umanong eksaktong rason na hiniling sa national sports association (NSA).


She's in the lineup, but we're giving her the space for now and that's what we will discuss soon,” sambit ni Manalo, na tanggap ang anumang magiging desisyon ng 2-time SEA Games at 2019 World Champion. “Wala namang nabanggit na reasons, but she has served the national team na din for more than a decade. May personal plans na din sya, I'm sure. Normal naman for an athlete her age, lalo na she has accomplished a lot already.”


Naghahanda ngayon ang national squad para sa  2025 SEA Games sa Bangkok, Thailand, kung saan nasa training camp sina Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam, Paris Games bronze medalist Aira Villegas, Jay Bryan Baricuatro Junmilardo Ogayre, 2025 Asian Youth bronze medal winner Mark Ashley Fajardo, Ronald Chavez Jr., Ofelia Magno at beteranong si Riza Pasuit. 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page