top of page
Pokwang.jpg
Search

ni Mylene Alfonso @News | October 7, 2026



Baste Duterte - Senate PH

Photo: Baste Duterte - Senate PH



Pinapauwi na si Vice President Sara Duterte ng kanyang ina na si Elizabeth Zimmerman para bumalik na lamang siya sa local politics sa Davao sa halip na tumakbo sa national position sa 2028 elections.


Ayon kay Duterte, iminungkahi rin umano ng kanyang ina na ang kanyang kapatid na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte ang tumakbo sa national elections.

“

Nagsabi talaga ‘yung nanay ko na pinapauwi niya ako ng Davao at si Baste na lang ang patakbuhin sa national elections,” sabi ni VP Sara.


Ito ang tugon ng Bise Presidente nang tanungin kung isinasaalang-alang niyang itulak si Baste na tumakbo sa national position bilang alternatibo sa kanyang kandidatura matapos ang pagtestigo ng kanyang kapatid sa Senate impeachment court.


Paglilinaw ng Vice President, wala pa umanong napag-uusapan sa kanilang pamilya kung sino ang partikular na kandidato para sa national elections.


“Sa pamilya namin ‘yun lang ang napag-usapan… Hindi napag-usapan… Sinabi ng nanay ko, sabi niya, umuwi ka dito sa Davao tapos bahala na si Baste diyan sa national,” paliwanag ni VP Sara.


Iginiit din niya na wala pa siyang iniisip na partikular na tao na kanyang hihikayatin na tumakbo sa halalan.


“Wala pa akong iniisip na tao na sasabihin ko na tumakbo ka. Sa tingin ko sa ugali ko naman, wala akong sasabihan na tumakbo ka,” wika ni VP Sara.

Dagdag pa niya, ang pagtakbo sa halalan ay dapat manggaling mismo sa desisyon ng isang tao.


“Kasi para sa akin, and personal experience ko ito, ang pagtakbo talaga dapat personal na desisyon,” saad pa ng Bise Presidente.


Samantala, sinabi naman ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na dapat munang pagtuunan ng pansin ng mga opisyal ang kanilang trabaho para sa mga Pilipino bago isipin ang pangangampanya para sa 2028 elections.


“Trabaho muna para sa mga kababayan natin ang unahin hindi puro pangangampanya para maiangat ang mga sarili,” punto ni Castro 


“Wala na ngang naitutulong sa bayan, nakakabigat pa sa ekonomiya ang mga taong puro paninira lang ang alam. Ang totoong public servant… masipag umaksyon para sa bayan… hindi puwedeng walang alam ang laging panangga sa ibinabatong anomalya sa kanya,” hirit ng Palace official.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 30, 2026



Dumating sa Senado nitong Martes, Setyembre 29, si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte matapos siyang patawan ng subpoena upang humarap sa impeachment court sa paglilitis sa kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte. (Mylene Alfonso)

Photo: Dumating sa Senado nitong Martes, Setyembre 29, si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte matapos siyang patawan ng subpoena upang humarap sa impeachment court sa paglilitis sa kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte. (Mylene Alfonso)



Nilinaw ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa Senate impeachment court na wala siyang alam sa idineklarang business interest ni Vice President Sara Duterte sa GenCorp Industries Inc.


Sinabi ni Baste na una lamang niyang narinig ang GenCorp nang mabanggit ito sa impeachment proceedings. 


Nang tanungin kung alam niyang idineklara ni VP Sara ang kumpanya sa kanyang 2024 at 2025 SALN, sagot niya: “No.”


“We simply do not discuss these. It's her privacy. It's not my responsibility to know this,” paliwanag niya.


Ayon kay Baste, 19 na kontrata ang nakuha ng GenCorp mula sa Davao City government at dumaan ang mga ito sa procurement process. 

Sinabi rin niyang Bids and Awards Committee (BAC), at hindi siya, ang nagsuri sa mga transaksyon ng kumpanya.



 
 

by BRO @News | September 28, 2026



Baste Duterte, ipapatawag sa impeachment trial

Photo: File / Baste at Sara Duterte / Senate PH / FB



Posibleng humarap bilang testigo si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa impeachment trial ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte, habang tinututukan ng House prosecution ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman nito.


Inaasahang tatawagin si Mayor Duterte matapos ang cross-examination kay Philippine Government Electronic Procurement System official Rendell Sopeña.


Ayon kay Sopeña, 49 food service contracts na nagkakahalaga ng P35 milyon ang iginawad sa Gencorp Industries Inc. ng mga tanggapan ng pamahalaan sa Davao Region.


Nakalista ang Gencorp sa business interests ni Sara Duterte sa kanyang SALNs mula 2016 hanggang 2025.


Samantala, sinabi ni Baste na wala siyang kaalaman sa umano’y interes ng kanyang kapatid sa kumpanya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page