top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 30, 2023



ree

Lumuhod ang Manila Chooks ng dalawang beses upang maagang magpaalam sa 2023 FIBA3x3 World Tour Abu Dhabi Masters Linggo ng madaling araw (oras sa Pilipinas). Lumaban pa rin ng sabayan sa mga bigatin ang mga Pinoy sa harap ng maraming kababayan na dumayo sa Abu Dhabi Corniche.

Naiwasan ng #4 Beijing ng Tsina na masilat sa #12 Manila, 20-19, sa likod ng two-points ni Liu Lipeng na may 5 segundong nalalabi. May pagkakataon ang Manila subalit nagmintis si Dennis Santos sabay tunog ng busina.

Hawak ng Manila ang 19-18 lamang sa shoot ni Tosh Sesay na may 36 segundo sa orasan at nabawi agad ang bola subalit nagmintis ang mga 2-points nina Santos at Marcus Hammonds upang matapos agad ang laban. Biglang nakuha ni Nauris Miezis ang rebound at napunta ang bola kay Liu para sa nagpapanalong puntos.

Gumawa ng 7 puntos si Hammonds. Tig-anim sina Santos at Sesay na humakot din ng 17 rebound. Tinalo ng #5 Partizan ng Serbia ang Beijing sa pangalawang laro sa Grupo D, 22-19, at dahil dito ay kinailangan ng Manila na talunin ang mga Serbian upang manatiling buhay ang pag-asa. Hindi nakisama ang tadhana at inukit ng Partizan ang 21-13 tagumpay sa huling laro ng araw.

Bumanat ng tatlong magkasunod na puntos si Hammonds para sa 8-7 lamang subalit sinagot ito ng pitong sunod ng Partizan para sa 14-8 bentahe na hindi na nila binitawan. Nag-ambag ng tig-apat na puntos sina Hammonds, Santos at Paul Desiderio at nalimitahan sa isa lang si Sesay.

Bigong makapasok sa quarterfinals ang Manila at nagtapos sa ika-11 puwesto sa 14 kalahok. Wala pang linaw kung ano ang susunod na torneo ng koponan sa mga nalalabing yugto ng Masters at Challengers ngayong taon.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 30, 2023



ree

Mga laro sa Sabado - MOA

9 a.m. UE vs. AdU (W)

11 a.m. FEU vs. DLSU (W)

2 p.m. AdU vs. UST (M)

4 p.m. NU vs. ADMU (M)


Binuhay ng Adamson University ang kanilang pag-asa sa 86th UAAP Final 4 matapos ang pinaghirapang 63-54 panalo sa Far Eastern University Linggo sa Araneta Coliseum. Isang 11-0 na simula ang sapat para wakasan ng Soaring Falcons ang kanilang tatlong magkasunod na talo at umangat sa 4-5.


Inabot ng mahigit 7 minuto bago nakapuntos ang Tamaraws sa shoot ni Jorick Bautista. Lamang ang Adamson sa first quarter, 18-7 at lalong lumayo sa halftime, 40-25.


Biglang nag-iba ang ihip ng hangin at hindi maka-shoot ang Adamson sa fourth quarter at unti-unting dumikit ang FEU. Dalawang free throw lang ang napasok nila bago ang buslo ni John Arthur Calisay na may 51 segundo sa orasan, 60-48.

Nanguna sa Falcons sina Joshua Yerro na may 11 at Joem Sabandal na may 10 puntos. Inilatag ng tambalan ang pundasyon ng panalo sa tig-siyam na puntos sa first half.


Nagtala si Bautista ng 13 sa first half subalit hindi na pumuntos mula roon. Bumaba ang Tamaraws sa 3-6.

Sa mga laro sa Women's Division, tinambakan ng University of Santo Tomas ang De La Salle University, 93-67. Wagi rin ang Ateneo de Manila University sa host at wala pa ring panalong University of the East, 81-66.


Sa gitna ng pagdiwang ng Adamson, pormal na inihayag ng paaralan sa pamamagitan ng kanilang kinatawan sa UAAP Fr. Aldrin Suan CM na hindi na maglalaro si Jerom Lastimosa. Kinumpirma ang resulta ng pagsusuri sa tuhod ng gwardiya at kailangan na siyang operahan na wakas ng kanyang karera sa kolehiyo.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 30, 2023



ree

Sumosyo ang New Orleans Pelicans at Indiana Pacers sa maagang liderato ng NBA sa kanilang ikalawang mga panalo kahapon. Wagi ang Pelicans sa New York Knicks, 96-87, habang nanaig ang Pacers sa Cleveland Cavaliers, 125-113.


Naglabas ng husay sina Brandon Ingram na may 26 puntos at Zion Williamson na may 24. Nakasalalay ang tagumpay ng Pelicans sa kalusugan ni Williamson na tinamaan ng sari-saring pilay sa nakalipas na dalawang tao.


Tatlong Pacers ang nagsumite na 20 o higit sa pangunguna ni Aaron Nesmith na may 26 puntos. Sumuporta sina Tyrese Haliburton na may 21 at 13 assist at Myles Turner na may 20 at 12 rebound.


Samantala, pinaalala ni Joel Embiid na siya pa rin ang nakaupong MVP ng liga at kasama si Tyrese Maxey ay binuhat ang Philadelphia 76ers sa 114-107 panalo sa Toronto Raptors. Parehong nagsumite ng tig-34 puntos sina Embiid at Maxey kaya pumantay ang kanilang kartada sa 1-1.


Sinunog din ng Phoenix Suns ang Utah Jazz, 126-114. Mainit si Kevin Durant na may 26 at Eric Gordon na may 21 puntos.


Pinalamig ng Minnesota Timberwolves ang Miami Heat, 106-90. Nagbagsak ng 25 si Naz Reid kasabay ng 19 puntos ni Anthony Edwards.


Sa ibang laro, wagi ang Detroit Pistons sa Chicago Bulls, 108-102. Itinulak ng Washington Wizards ang Memphis Grizzlies sa kanilang ikatlong sunod na talo, 113-106.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page