top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 21, 2023


Dear Chief Acosta,


Ako ay nagmamaneho ng aking sasakyan nang bigla akong pinahinto sa tapat ng eskuwelahan. Nang aking tanungin ang guard, sinabi niyang magsisimula na ang flag raising ceremony, kaya dapat akong huminto. Tama ba ang ginawa niyang pagpapahinto sa akin kahit hindi naman ako kasali sa kanilang flag raising ceremony?


Maraming salamat sa iyong pagsagot. —Jorel


Dear Jorel,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Section 21 ng Republic Act No. 8491, na mas kilala bilang “An Act Prescribing the Code of the National Flag, Anthem, Motto, Coat-of-Arms and other Heraldic Items and Devices of the Philippines,” kung saan nakasaad na:


“Section 21. During the flag-raising ceremony, the assembly shall stand in formation facing the flag. At the moment the first note of the anthem is heard, everyone in the premises shall come to attention; moving vehicles shall stop. All persons present shall place their right palms over their chests, those with hats shall uncover; while those in military, scouting, security guard, and citizens military training uniforms shall give the salute prescribed by their regulations, which salute shall be completed upon the last note of the anthem.


The assembly shall sing the Philippine national anthem, accompanied by a band, if available, and at the first note, the flag shall be raised briskly.


The same procedure shall be observed when the flag is passing in review or in parade.”


Ayon sa nasabing batas, kapag sinimulan nang awitin ang ating pambansang awit, kinakailangang magbigay-atensyon ang mga tao sa paligid bilang paggalang dito. Lahat ng makaririnig nito ay dapat tumalima. Gayundin, kailangang tumigil ang mga sasakyan na dumadaan para bigyang-galang ang ating pambansang awit at watawat. Kaya naman, naaayon sa batas ang ginawa ng guard ng eskuwelahan na pagpapatigil sa iyong sasakyan nang magsimula ang kanilang flag raising ceremony.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 20, 2023


Dear Chief Acosta,


Noong isang araw, habang nag-aayos ako ng aking mga alahas, napansin kong nawawala ang isang pares ng hikaw at isang singsing ko. Hindi ko lubos maisip na mawawalan ako ng gamit, sapagkat mga kapamilya ko lamang ang kasama ko sa bahay. Ang nakakalungkot pa, hindi ito ang unang beses na naganap ang ganitong pangyayari. Alam kong mahirap magparatang nang walang ebidensya o basehan.


Kaya, matapos ang unang insidente, naglagay ako ng CCTV sa kuwarto. Nang suriin ko ang footage, nakumpirma ko na ang kumuha ng aking mga alahas ay ang hipag ko na kasama ko rin sa bahay. Nang kumprontahin ko siya, siya pa ang galit sa akin. Ano ang maaaring maisampa kong kaso laban sa kanya? Maraming salamat. – Kath


Dear Kath,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Article 332 ng Revised Penal Code, kung saan nakasaad ang mga sumusunod:


“ART. 332. Persons exempt from criminal liability. – No criminal, but only civil liability shall result from the commission of the crime of theft, swindling, or malicious mischief committed or caused mutually by the following persons:Spouses, ascendants and descendants, or relatives by affinity in the same line;


  1. The widowed spouse with respect to the property which belonged to the deceased spouse before the same shall have passed into the possession of another; and

  2. Brothers and sisters and brothers-in-law and sisters-in-law, if living together.


The exemption established by this article shall not be applicable to strangers participating in the commission of the crime.”


Ayon sa nabanggit na batas, walang kriminal – ngunit tanging sibil – na pananagutan ang magreresulta mula sa pagnanakaw, kung ang nakagawa nito ay alinman sa mga nabanggit na kamag-anak tulad ng iyong hipag na kasama mong naninirahan sa iisang bahay.


Ang pangunahing layunin ng nasabing batas ay upang mapanatili ang pagkakasundo ng pamilya.


Kaya, nililimitahan ng nasabing probisyon ang responsibilidad ng nagkasala sa pananagutang sibil at tinatanggalan siya ng pananagutang kriminal sa bisa ng kanyang kaugnayan sa nasaktang partido. Tandaan na ang mga kasong theft, swindling, at malicious mischief lamang ang sakop ng nasabing probisyon ng batas. Kung ang krimen na ginawa ay robbery, magkakaroon pa rin ng kriminal na pananagutan ang nagkasala.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 19, 2023


Ang easement ay isang uri ng pasanin ng isang immovable, karaniwan ay sa lupa, para sa kapakanan ng isa pang immovable na pag-aari ng ibang tao. Ang isang easement ay maaaring para sa kapakinabangan ng publiko o nakararami, o pribadong tao. Ang immovable kung saan ang easement ay itatatag ay tinatawag na servient estate.


Dominant estate naman ang tawag sa immovable kung saan magiging pabor ang easement na itatatag.


Ang karapatan na mabigyan ng road right of way ay nakapaloob sa Article 649 ng New Civil Code kung saan nakasaad ang mga sumusunod:


“The owner, or any person who by virtue of a real right may cultivate or use any immovable, which is surrounded by other immovables pertaining to other persons and without adequate outlet to a public highway, is entitled to demand a right of way through the neighboring estates, after payment of the proper indemnity.”


Ayon sa nasabing batas, ang sinuman na ang pag-aaring immovable ay pinaiikutan ng ibang immovable na pag-aari ng ibang tao at walang madaanan patungo sa highway ay may karapatang humingi ng right of way pagkatapos magbayad ng kaukulang bayad-pinsala. Ang bayad-pinsala ay nangangahulugan na babayaran ng nangangailangan ng right of way ang halaga ng parte ng lupa na kanyang gagamitin at kapinsalaan na magiging dulot sa paggamit nito kung tuloy-tuloy ang paggamit at permanente ang ilalagay na daanan. Gayunman, ang right of way ay dapat na panatilihin sa isang punto na pinakakaunti ang pinsala sa servient estate.


Sa kabilang banda, kung ang isang kapiraso ng lupa na nakamtan sa pamamagitan ng pagbili, pakikipagpalit o pagbabahagi ay napapaligiran ng ibang lupain ng nagbenta, nagpalit o ng kabahagi, siya ay inoobliga ng batas na magbigay ng right of way nang walang bayad-pinsala.


Sa kaso ng Quintanilla v. Abangan (G.R. No. 160613, February 12, 2008, Ponente: Honorable Former Associate Justice Antonio Eduardo B. Nachura), sinabi ng Korte Suprema na;

“To be entitled to an easement of right of way, the following requisites should be met:

  1. The dominant estate is surrounded by other immovables and has no adequate outlet to a public highway;

  2. There is payment of proper indemnity;

  3. The isolation is not due to the acts of the proprietor of the dominant estate; and

  4. The right of way claimed is at the point least prejudicial to the servient estate; and insofar as consistent with this rule, where the distance from the dominant estate to a public highway may be the shortest.”


Kaya naman, kapag ang isang tao ay nagsampa ng petisyon para sa Easement of Right of Way, kinakailangan niyang patunayan sa hukuman ang apat na rekisitong ito para siya ay mabigyan ng right of way. Marapat din na ang maibibigay na road right of way ay ang magdudulot ng pinakamaliit ang abala sa may-ari ng lupang hinihingan ng right of way.


Kailangang hilingin ang karapatan sa road right of way. Gayunman, mas maigi na pag-usapan nang maayos ang usaping ito ng mga may-ari ng lupang maaapektuhan. Kung sakaling hindi magkasundo ang mga partido, ang pagsasampa ng petisyon sa husgado ang paraan upang magamit ang karapatang ito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page