top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 14, 2023



Dear Chief Acosta,


Ang aking korporasyon ay nais magbigay ng donasyon sa isang kandidato sa susunod na halalan dahil kami ay tunay na naniniwala sa kanyang kakayahan at nais naming ipakita ang aming suporta sa kanya. Gusto kong malaman kung maaari ba naming gawin ‘yun, at kami ba ay marapat na magbayad ng donor’s tax? – Ericson


Dear Ericson,


Ang batas na sasaklaw tungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 11232 o mas kilala bilang Revised Corporation Code of the Philippines. Nakasaad sa Section 35 ng nasabing batas na:


“SEC. 35. Corporate Powers and Capacity. – Every corporation incorporated under this Code has the power and capacity:


To make reasonable donations, including those for the public welfare or for hospital, charitable, cultural, scientific, civic, or similar purposes: Provided, that no foreign corporation shall give donations in aid of any political party or candidate or for purposes of partisan political activity;”


Kaugnay nito, nakasaad sa Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 22-2022 ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na:


“VI. DONOR'S TAX


Both Section 94 (a) of Batas Pambansa Bilang 881, otherwise known as the Omnibus Election Code of the Philippines, and the final paragraph of Section 13 of Republic Act No. 7166 provide that contributions in cash or in kind to any candidates, political parties or party list groups, duly reported to COMELEC, are exempt from the imposition of Donor's Tax.


It is hereby emphasized that only those donations/contributions that have been utilized spent during the campaign period as set by the COMELEC are exempt from donor's tax...”


Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, ang isang korporasyon ay maaaring magbigay ng donasyon bilang suporta sa mga layuning kultural, siyentipiko o mga katulad na layunin na may kinalaman sa kawanggawa. Nakasaad din sa nasabing probisyon na walang foreign corporation na maaaring magbigay ng donasyon bilang tulong sa anumang political party o sinumang kandidato. Malinaw na ang pinagbabawalan na magbigay ng donasyon sa nasabing layunin ay ang foreign corporations lamang, at hindi ang isang local corporation.


Kaugnay nito, malinaw na nakasaad sa RMC No. 22-2022, na ang anumang donasyon ng isang korporasyon sa isang kandidato ay hindi papatawan ng donor’s tax kung ang donasyon o kontribusyon ay idineklara sa Comelec, at ang nasabing donasyon o kontribusyon ay ginamit sa panahon ng kampanya na itinalaga ng komisyon.


Kaya naman, ang iyong korporasyon ay malayang magbigay ng donasyon sa kandidatong nais n’yong suportahan sa susunod na eleksyon. Tandaan lamang na para ma-exempt sa donor’s tax ang iyong donasyon, kailangan itong magamit sa loob ng panahon ng kampanya na itinalaga ng Comelec.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 13, 2023



Dear Chief Acosta,


Kamakailan, ako ay nagsimulang magtrabaho bilang waiter/server sa isang restaurant. Ang totoo, ito ang unang pagkakataon na pumasok ako sa ganitong trabaho. May nakapagsabi sa akin na diumano ay may maaari pa akong matanggap, bukod sa aking sahod mula sa service charges na kinokolekta ng restaurant. May katotohanan ba ito? – Bianca

Dear Bianca,


Ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 11360, o “An Act Providing that Service Charges Collected by Hotels, Restaurants and Other Similar Establishments Be Distributed in Full to All Covered Employees, Amending for the Purpose Presidential Decree No. 442, as Amended, Otherwise Known as the ‘Labor Code of the Philippines” na nagsasaad ng mga sumusunod:


“SECTION 1. Article 96 of the Labor Code is amended to read as follows:

ART. 96. Service Charges. – All service charges collected by hotels, restaurants and similar establishments shall be distributed completely and equally among the covered workers except managerial employees.


In the event that the minimum wage is increased by law or wage order, service charges paid to the covered employees shall not be considered in determining the employer’s compliance with the increased minimum wage.”


Gayundin, ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nag-isyu ng Department Order No. 206, Series of 2019 o ang Implementing Rules and Regulations of Republic Act No. 11360, noong ika-19 ng Nobyembre 2019, na nagsasaad ng mga sumusunod:


“Section 3. Distribution of service charges. – All service charges actually collected by covered establishments shall be distributed completely and equally, based on actual hours or days of work or service rendered, among the covered employees, including those already receiving the benefit of sharing in the service charges.


Section 4. Frequency of distribution. – The shares referred to herein shall be distributed and paid to the covered employees not less than once every two (2) weeks or twice a month at intervals not exceeding sixteen (16) days.”


Ang nabanggit na batas ay nag-uutos sa lahat ng mga establisimyento na nangongolekta ng service charge, tulad ng mga hotel at restaurant, na ipamahagi ang service charges ng kumpleto at pantay sa lahat ng empleyado batay sa aktuwal na oras o araw ng trabaho o serbisyong ibinigay. Hindi kasama rito ang mga nasa managerial na posisyon.


Kaya ang lahat ng manggagawang direktang nagtatrabaho sa nasabing establisimyento, anuman ang posisyon, pagtatalaga o katayuan sa pagtatrabaho ay dapat makatanggap ng bahagi mula sa pinagsama-samang service charges. Ang pagbibigay ng service charge ay hindi bababa sa isang beses bawat dalawang linggo o dalawang beses sa isang buwan na may pagitan na hindi hihigit sa 16 na araw.


Sa iyong kaso, kung ang restaurant na pinapasukan mo ay nangongolekta ng service charge mula sa kanilang customers, ikaw at ang iyong mga kasamahan ay nararapat na makatanggap ng parte sa nakolektang service charges.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 12, 2023



Sa lahat ng paglilitis ng kasong kriminal, ang isang batang nakagawa ng isang krimen na sumasailalim sa paglilitis ay may mga karapatang katulad ng mga sumusunod:


1. Karapatang ipinapalagay na inosente sa salang inihain laban sa kanya maliban kung napatunayang nagkasala siya nang walang pag-aalinlangan;


2. Karapatang maipaalam sa bata ang uri at dahilan ng sakdal sa kanya at, kung angkop, ay sa pamamagitan ng kanyang mga magulang at ng kanyang legal na tagapangalaga;

3. Karapatang dumalo sa bawat pagdinig ng kanyang kaso mula sa pagbasa ng sakdal (arraignment) hanggang sa pagbasa ng hatol (promulgation of judgment). Subalit maaaring iurong ng bata ang kanyang karapatang dumalo sa mga nasabing pagdinig, ayon sa istipulasyong nakapaloob sa kanyang piyansa, maliban kung ipinag-uutos ng husgado ang kanyang presensya. Ang pagliban ng nasabing bata sa pagdinig ng kanyang kaso nang walang dahilan ay itinuturing na pagtalikod sa karapatang dumalo sa nasabing pagdinig;

4. Karapatang magkaroon ng ukol na tulong o pagtangkilik sa paghahanda at pagprisenta ng kanyang mga depensa. Kung ang isang bata ay naaresto dahil sa armadong labanan, siya ay may karapatang mabigyan ng agarang libreng tulong legal;

5. Kapag ang bata ay nakakulong, siya ay may karapatang mapalaya sa pangangalaga ng kanyang mga magulang, kung sila ay pumapayag, o sa legal nitong tagapangalaga. May karapatan din siyang makapagpiyansa o mailagay sa isang youth detention home o youth rehabilitation center;

6. Karapatang hindi maikulong o mailipat mula sa kulungan ng mga may sapat na gulang habang nililitis o dinidinig ang kanyang kaso, maliban lamang kung ang pagkukulong dito ay ang huling paraan at hangga’t maaari ay sa loob lamang ng maikling panahon alinsunod sa utos ng husgado;

7. Kung ang isang bata ay nahuli bilang kasapi ng isang labanang armas, siya ay may karapatang maihiwalay ng kulungan ng mga may sapat na gulang maliban kung kasama nito ang kanyang pamilya at mabigyan ng libreng tulong legal sa kawalan niya ng pribadong abogado. May karapatan din itong mabigay sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) o sa sinumang responsableng mamamayan na itinalaga ng husgado sa loob ng 24 oras;

8. Karapatang tumestigo ng pabor sa sarili, subalit ang pananahimik ng isang bata ay hindi makapipinsala sa kanyang sarili at mga karapatan;

9. Karapatang harapin ang mga testigong iprinesinta laban sa kanya;


10. Karapatang hilingin sa husgado na maglabas ng mga compulsory processes upang utusan ang isang testigo na dumalo sa pagdinig at dalhin nito ang mga dokumentong may kinalaman sa depensa nito;


11. Karapatang magkaroon ng mabilis, malinis, at makatarungang pagdinig ng kanyang kaso;


12. Karapatang mabigyan ng lahat ng karapatan sa ilalim ng Rule on Examination of a Child witness;


13. Karapatang maprotektahan ang kanyang privacy sa lahat ng hakbang ng paglilitis; at

14. Karapatang umapila sa ilalim ng batas.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page