top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | March 24, 2023


Sadyang napakatibay ng koneksyon na nag-uugnay sa mag-ina, maging sa buhay na ito o sa kabilang buhay. Ang kawalan ng kapanatagan ng yumaong si Reymarc Rabutazo, 18, na dating estudyante at pinaniniwalaang namatay dahil sa hazing ay ramdam na ramdam ng kanyang ina na si Gng. Marycarh Rabutazo ng Laguna, sa tila pinagsasaluhan nilang mag-ina ang damdamin na parehong bumabaon nang hindi mapantayang hapdi sa kanilang mga dibdib.


Napakasakit para sa isang ina na mawalan ng anak, sapagkat inalagaan at minahal niya ito nang lubos. Ang hangarin ng isang ina ay palaging nasa maayos na kalagayan ang kanyang anak. Ito ang laman ng kanyang mga dasal sa araw-araw na dumaraan. Kaya ang pagkawala ng isang anak ay nagbibigay ng labis na kalungkutan para sa isang ina, tulad ni Gng. Marycarh Rabutazo. Aniya, “Sobrang sakit, nagsosolo naming anak iyon. Humantong sa time na gusto ko nang magpakamatay.


Dinadaan ko na lang sa pagdadasal at pagsisimba-simba. Dumaan ang COVID-19, hindi man lang siya nagkasipon, hindi nagkasakit, tapos ito ang mararanasan niya.”

Nang makita niya si Reymarc sa isang ospital sa Pakil, Laguna, diumano ito ay isa nang malamig na bangkay. Ang trahedyang sinapit ni Reymarc ay nagsimula noong Marso 19, 2022. Nang araw na ‘yun, bandang alas-4:00 ng hapon, nagpaalam si Reymarc na pupunta siya sa kanyang lola na si Nanay Abet. Napag-alaman mula sa mga testigo na sa kaparehong petsa ng Marso 19, 2022 ang unang araw ng hazing rites ng isang fraternity na sasalihan diumano ni Reymarc.


Kinabukasan, Marso 20, 2022, alas-5:00 ng hapon, marami nang missed calls at chats si Gng. Rabutazo, na isinugod sa ospital sa Pakil, Laguna si Reymarc, mas kilala sa palayaw na “RR”. Pagdating ni Gng. Rabutazo sa nasabing ospital, patay na ang pinakamamahal niyang anak.


Ayon sa medico-legal report ang cause of death ay subdural hemorrhage secondary to blunt head trauma.


Kaugnay sa nangyari kay Reymarc, nakasampa na sa Regional Trial Court, Branch 91 ng Sta. Cruz Laguna, ang kaso na violation ng Anti-Hazing Act. laban sa mga pinaghihinalaang sangkot sa hazing. Labing-dalawa na ang nakakulong, samantalang may inihahabol pa na tatlong sasampahan ng kaso batay sa karagdagdang testimonya ng mga testigo. Sila ang mga opisyales ng nasabing fraternity. Samantala, ang cellphone ni Reymarc ay nawawala at hindi na naibalik. Ang gadget na ito sana ay mapagkukunan ng mga impormasyon na magbibigay-linaw, magsisilbing matibay na ebidensya, at magiging isa sa mga susi na makapagbubukas ng pinto tungo sa katarungang ipinaglalaban para kay Reymarc.


Matibay ang paninindigan ni Gng. Rabutazo na nararapat managot ang mga sangkot sa kamatayang sinapit ng kanyang anak. Kaya nagpasaklolo siya sa inyong lingkod at sa Public Attorney’s Office (PAO) na agad naming tinugunan, at patuloy na tinutulungan si Gng. Rabutazo at kanyang pamilya. Sarado na ang pintuan ng aming Tanggapan sa mga nais singilin ni Gng. Rabutazo – mula sa amin ay walang tulong na maaasahan ang mga nambugbog, pumaslang, gumawa ng krimen laban kay Reymarc. Ito ay ayon sa first come-first served basis na polisiya ng PAO. Bilang Punong Manananggol Pambayan ay kailangan kong ipatupad ang mandato ng aming tanggapan na hawakan ang mga criminal cases kahit na ‘yung may malakas na ebidensya ng pagkakasala sa batas. Kung may sala, tamang parusa lamang ang dapat na maibigay sa kanila, at kung wala naman, dapat na sila ay lumaya.


Ngunit sa kaso ni Reymarc at iba pang tulad nito na mga kaso ng pambubugbog at pananakit na sadyang nakamamatay, aaminin ko na bilang isang ina rin, ako ay nagpapasalamat na ang aming tanggapan ay may first come-first served basis policy na ngayon ay legal na dahilan upang ang mga kaso ng sangkot sa hazing ay huwag na naming mahawakan. Puso sa puso – ina sa ina, ang aking masasabi, “Paano kung anak mo iyong pinatay sa hazing? Hindi napatay iyan, pinatay!”


Abangan dito sa Daing Mula Sa Hukay ng BULGAR ang marami pang mga magulang at kamag-anak na naglalakas-loob na humanap na hustisya laban sa kamatayan sa hazing.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 24, 2023


Dear Chief Acosta,


Ang mga magulang ko ay ikinasal noong 1980, at ang aking ina naman ay namatay noong 2020. Noong nakaraang buwan, napag-alaman ko na ipagbibili na ng aking ama ang isang lote na kanilang pagmamay-ari nang walang pahintulot mula sa aming magkapatid. Sinabi ng aking ama na bagama’t nabili niya ang nasabing lote noong 2002, eksklusibo itong nakapangalan sa kanya, sapagkat sariling pera niya diumano ang ginamit niya upang bilhin ito. Gusto kong malaman kung may karapatan ba kaming magkapatid sa nasabing lote? – Kaye


Dear Kaye,


Ang batas na sasaklaw tungkol sa inyong katanungan ay ang Executive Order No. 209, s. 1987 o mas kilala bilang The Family Code of the Philippines. Nakasaad sa Article 105 na:


“Art. 105. In case the future spouses agree in the marriage settlements that the regime of conjugal partnership gains shall govern their property relations during marriage, the provisions in this Chapter shall be of supplementary application.


The provisions of this Chapter shall also apply to conjugal partnerships of gains already established between spouses before the effectivity of this Code, without prejudice to vested rights already acquired in accordance with the Civil Code or other laws, as provided in Article 256.”


Kaugnay nito, inilahad ng Korte Suprema sa kaso ng Philippine National Bank vs. Jose Garcia, et al., (G.R. No. 182839, 02 June 2014, Ponente: Retired Honorable Associate Justice Arturo D. Brion), na:


“Registration of a property alone in the name of one spouse does not destroy its conjugal nature. What is material is the time when the property was acquired. The registration of the property is not conclusive evidence of the exclusive ownership of the husband or the wife. Although the property appears to be registered in the name of the husband, it has the inherent character of conjugal property if it was acquired for valuable consideration during marriage.


It retains its conjugal nature.


In order to rebut the presumptive conjugal nature of the property, the petitioner must present strong, clear and convincing evidence of exclusive ownership of one of the spouses. The burden of proving that the property belongs exclusively to the wife or to the husband rests upon the party asserting it.


Upon the death of Ligaya on January 21, 1987, the conjugal partnership was automatically dissolved and terminated pursuant to Article 175(1) of the Civil Code, and the successional rights of her heirs vest, as provided under Article 777 of the Civil Code, which states that"[t]he rights to the succession are transmitted from the moment of the death of the decedent.”


Alinsunod sa nabanggit na probisyon ng batas, at sa kadahilanang ang inyong mga magulang ay ikinasal bago naging epektibo ang Family Code, ang lahat ng ari-arian na kanilang naipundar habang sila ay kasal, maliban kung sila ay may ibang kasunduan bago sila ikasal, ay maituturing na conjugal property.


Kaugnay nito, isinaad ng Korte Suprema sa nabanggit na kaso na ang pagrehistro ng ari-arian sa pangalan ng isa sa mag-asawa ay hindi nangangahulugan na ito ay kanyang eksklusibong pagmamay-ari kung ang nasabing ari-arian ay kanyang naipundar habang siya ay kasal.


Sa iyong sitwasyon, ipinagpapalagay ng batas na ang mga ari-arian na naipundar ng iyong mga magulang habang sila ay kasal, ay kabilang sa kanilang conjugal property, maliban kung mapatutunayan na sila ay may ibang kasunduan bago sila ikasal. Kung walang matibay na ebidensya ang iyong ama na ang lupang ‘yun ay kanyang eksklusibong ari-arian, mananaig ang presumption na ang nasabing lupa ay parte ng conjugal property ng iyong mga magulang. Sa pagpanaw ng iyong ina, kayong magkapatid ay nagkaroon ng karapatan sa bahagi sa mga naiwan niyang ari-arian, kasama rito ang kanyang parte sa conjugal property.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 22, 2023


Dear Chief Acosta,


Bago lang ako sa trabaho, kaya wala pa akong naipong leave credits. Ilang araw akong hindi nakapasok sa trabaho dahil nagkasakit ako at nangyari ito noong araw bago at noong mismong regular holiday. Hiningi ko ang holiday pay pagbalik ko sa trabaho, ngunit tumanggi ang aking amo dahil sa hindi ko pagpasok sa trabaho bago o sa naturang araw na regular holiday. Tama ba ang hindi pagbibigay sa akin ng holiday pay? – Carmelina


Dear Carmelina,


Nakasaad sa Article 94 (a), Chapter III, ng Labor Code of the Philippines, kung kailan ang isang empleyado ay karapat-dapat para sa holiday pay:


“Article 94. Right to Holiday Pay – (a) Every worker shall be paid his regular daily wage during regular holidays, except in retail and service establishments regularly employing less than ten (10) workers.”


Kaugnay nito, sa Section 6 (a), Rule IV, Book 3 ng Omnibus Rules Implementing the Labor Code, makikita ang mga tuntunin kung ang isang empleyado ay wala (absent) bago ang regular holiday:


“Section 6. Absences – (a) All covered employees shall be entitled to the benefit provided herein when they are on leave of absence with pay. Employees who are on leave of absence without pay on the day immediately preceding a regular holiday may not be paid the required holiday pay if he has not worked on such regular holiday.”


Malinaw na nakasaad sa nabanggit na probisyon ng batas na ang mga empleyado na naka-leave of absence nang walang bayad sa araw bago ang regular holiday ay maaaring hindi mabayaran ng holiday pay kung hindi siya nagtrabaho sa naturang araw na regular holiday.


Batay sa iyong salaysay, wala ka pang naiipong leave credits dahil bago ka pa lang sa trabaho nang hindi ka makapasok nang araw bago at sa regular holiday. Samakatuwid, tama ang hindi pagbigay sa iyo ng holiday pay dahil nabigo kang magtrabaho sa araw bago ang naturang regular holiday at sa mismong araw ng holiday.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page