top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | April 14, 2023


Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng PAO, aming nakita kung gaano kayaman sa kakayahan at talento ang nakababatang henerasyon sa ating bayan. Ang kanilang pagkasawi sa gulang na kasibulan sana ng pagpapaunlad ng kanilang mga kakayahan ay malaking kawalan sa yamang tao ng ating bayan. Kasama sa kabataang bahagi ng yamang tao nating ito na maagang nabuwis ang buhay ay si Kyle Sebastian Juan Andaleon.


Ayon sa kanyang ina na si Gng. Grace Juan ng Cavite:


“Mataas ang pangarap ng aking anak. Gusto niyang maging Engineer. Napakatalino niya at madali siyang matuto. Ang hilig niya ay bumuo ng lego at akmang-akma ito sa pangarap niyang gumawa ng mga bahay at buildings. Mahilig din siyang maglaro ng basketball, subalit hindi siya nakuha sa try-out dahil mataba siya at hindi siya masyadong makatakbo. Gayunman, nakuha siyang chess player sa kanilang eskuwelahan.”


Si Kyle Sebastian, 12, namatay noong Disyembre 29, 2019, at ika-152 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015}. Siya ay sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga magulang. Si Kyle Sebastian ay isang beses naturukan ng Dengvaxia noong Nobyembre 24, 2017 sa kanilang paaralan. Sinabi ng kanyang ina sa bahaging ito ng kanyang salaysay ang sumusunod:


“Dahil maraming namamatay sa dengue, pumayag ako na siya ay mabakunahan ng Dengvaxia kahit medyo nagtaka ako kung bakit nagbigay din ng Dengvaxia vaccine sa eskuwelahan nila na isang pribadong paaralan. Hindi na ako nag-usisa dahil alam ko naman na delikadong sakit ang dengue at sa kagustuhan ko na maligtas siya ay pumayag akong mabakunahan siya dahil wala namang sinabi ang mga nagturok noon na maaaring magdulot ng malalang kumplikasyon ang Dengvaxia.”


Halos dalawang buwan matapos maturukan si Kyle Sebastian, palaging masakit ang kanyang ulo, subalit inakala ni Gng. Grace na ito ay dahil mahilig lamang siyang maglaro ng gadgets at pumupunta sa pisonet. Patuloy ang pagsakit ng kanyang ulo sa mga sumunod na buwan at tulad ng dati, binibigyan siya ng paracetamol.


Mula Disyembre 5, 2018 hanggang sa namatay si Kyle Sebastian noong Disyembre 29, 2019, narito ang kaugnay na mga detalye sa nangyari sa kanya:


  • Disyembre 5, 2018 - Nagkaroon siya ng bulutong at nawalan ng ganang kumain dahil madalas na sumasakit ang ulo niya.

  • Disyembre 13, 2018; Enero 3, 2019; Pebrero 19, 2019; Mayo 2019 - Limang araw na siya ay may bulutong. Dinala siya ng kanyang pamilya sa isang ospital dahil nawalan siya ng malay. Na-comatose siya at inilipat ng ospital. Nagkamalay siya sa nasabing ospital noong Enero 3, 2019. Nanatili siya sa nasabing ospital hanggang Pebrero 19, 2019, kung saan siya ay na-discharge na. Subalit makalipas ang apat na araw, ibinalik siya sa ospital. Pabalik-balik sila ru’n, at isang buwan ang bibilangin bago sila makalabas. Naging parang tahanan na nila ang nasabing ospital dahil halos du’n na sila nakatira hanggang matapos ang Mayo 2019.

  • Hunyo 2019 - Hindi na na-confine si Kyle Sebastian, subalit bed-ridden na siya at hindi na siya nakakausap dahil nagkaroon siya ng Cerebral Palsy Grade 2 nang siya ay magising mula sa pagka-comatose.

  • Oktubre 2019 - Nagsimula siyang mag-therapy para sa Cerebral Palsy. Lumilingon lamang siya kung tinatawag ang kanyang pangalan. Du’n na lamang sila sa bahay nanatili at dinadala na lamang nila sa ospital para sa kanyang therapy.

  • Disyembre 13 at 21, 2019 - Dinala siya sa ospital dahil siya ay nag-seizure. Kumonsulta ang kanyang pamilya sa nutritionist at nalaman nila na nagkaroon siya ng ulcer, kaya pina-admit siya sa ospital. Nanatili sila ru’n hanggang Disyembre 21, 2019.

  • Disyembre 24, 2019 - Nagtae at nagsuka si Kyle Sebastian, kaya ibinalik siya sa ospital, at nakita na siya ay sobra nang dehydrated. Sinalinan muli siya ng dugo. Sa laboratory examination niya, normal naman lahat, subalit namamaga na ang kanyang mga paa.

  • Disyembre 27, 2019 - Namaga ang kanyang mukha at hirap na hirap na siyang huminga at madalas niyang titigan si Gng. Grace. Siya ay umiiyak na para bang sinasabi niya sa kanyang ina na hindi na niya kaya. Sinasabihan siya ng kanyang ina na kaya niya ‘yun at labanan niya, subalit si Kyle Sebastian ay hirap na hirap nang huminga.

  • Disyembre 29, 2019 - Napansin ni Gng. Grace na wala na siyang hininga, kaya tumawag siya ng mga nurse at doktor, subalit kahit ano’ng gawin nila ay hindi na nila na-revive si Kyle Sebastian hanggang sa siya ay tuluyang pumanaw.


Ani Gng. Grace, “Napakalaking palaisipan para sa akin na magkasakit nang malala si Kyle Sebastian. Mula sa pagiging mataba at malusog na bata, pumanaw siyang buto at balat na lang.


Napakadali lamang naglaho ang lahat ng pangarap ng aking anak at dahil dito, humingi kami ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO) para isailalim siya sa Forensic Examination para malaman ko ang tunay na dahilan ng biglaang pagkamatay niya. Kasama sa aking hiling sa PAO ay ang mabigyan ako ng tulong legal para maipaglaban ko ang kamatayan ni Kyle Sebastian.”


Ang palaisipan na inihahanap ng kasagutan at ang katarungang inihahanap ng katuparan ng pamilya ni Kyle Sebastian ay aming tinutugunan sa abot ng aming makakaya. Sa bawat papel na aming isinusumite sa mga kinauukulan para maisampa sa hukuman ang kanilang mga hinaing ay pinag-aaralang mabuti para maipaintindi ang naging epekto ng Dengvaxia sa katawan ng mga naturukan nito. May limitasyon ang kakayahan ng tao, kaya kasabay ng aktuwal na pagsulong ng mga kaso ni Kyle Sebastian at tulad niyang mga biktima, kami ay patuloy ding nagsusumamo sa Maykapal na sa dulo ng labang ito, tamuhin nila Kyle Sebastian ang nararapat na hustisya para sa kanila.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 13, 2023



Dear Chief Acosta,


Mula nang isinilang ko ang aking anak, ako na ang mag-isang tumayong magulang, nag-aruga at sumuporta sa lahat ng mga pangangailangan niya. Kaugnay nito, ako ay nakatatanggap ng mga benepisyo sa ilalim ng Solo Parents Welfare Act. Bagama’t 19-anyos na ang aking anak, siya lubos na umaasa pa rin sa akin dahil tinatapos pa niya ang kanyang pag-aaral. Nang ako ay magre-renew ng aking Solo Parent ID card, tinanggihan ako sa kadahilanang nasa hustong edad na ang aking anak. Tama ba ang pagtangging ito? –Shing


Dear Shing,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 11861, o mas kilala bilang “Expanded Solo Parents Welfare Act,” kung saan nakasaad ang mga sumusunod:


“SEC. 3. Definition of Terms – As used in this Act:


(b) Children or dependents refer to those living with and dependent upon the solo parent for support who are unmarried, unemployed and twenty-two (22) years old or below, or those over twenty-two (22) years old but who are unable to fully take care or protect themselves from abuse, neglect, cruelty, exploitation, or discrimination because of a physical or mental disability or condition: Provided, That this definition shall only apply for purposes of availing the benefits under this Act;


SEC. 4. Categories of Solo Parent. – A solo parent refers to any individual who falls under any of the following categories:


A parent who provides sole parental care and support of the child or children due to–”


Ang solo parent ay may karapatan sa mga benepisyong itinatadhana ng nasabing batas. Ayon sa mga depenisyon sa itaas, ang solo parent ay isang magulang na nagbibigay ng tanging pag-aalaga at suporta sa anak. Kaugnay nito, ang child/dependent o bata/anak na sakop ng batas ay ang nakatira at umaasa sa solong magulang para sa suporta – at ang nasabing bata/dependent ay walang asawa, walang trabaho at 22-anyos pababa.


Alinsunod dito, sa iyong sitwasyon, bilang solo parent, ikaw ay may karapatan pa ring makatanggap ng benepisyo na ibinibigay sa ilalim ng nasabing batas kung iyong mapatutunayan na ang 19 taong gulang mong anak ay pasok sa nabanggit na mga kondisyon at umaasa pa rin sa iyo para sa suporta. Sa madaling salita, dapat ang iyong anak ay napapailalim pa rin sa mga kondisyon na itinatadhana ng batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 11, 2023



Dear Chief Acosta,


Mayroon akong dalawang pinsan na magkapatid. Ang isa ay 10 taong gulang at ang panganay ay 13. Namayapa na ang kanilang ina dahil sa isang aksidente. Mayroon nang karelasyon ang kanilang ama at sa pakiwari ng aming pamilya ay magpapakasal na rin sila.


Kung sakali bang matuloy ang pag-iisang dibdib ng ama nila sa ibang babae, mayroon pa rin ba siyang awtoridad sa mga pinsan ko? Maaari ba na mapunta sa lolo at lola namin ang pangangalaga sa kanila? –Charity


Dear Charity,


Ang awtoridad ng mga magulang sa kanilang mga anak na wala pa sa hustong gulang o wala pang legal na kapasidad para pangalagaan ang kanilang mga sarili ay pinapagtibay sa ilalim ng ating Batas Sibil. Ang nasabing awtoridad ng mga magulang ay patuloy na kikilalanin kahit magpakasal nang muli ang isa sa kanila, maliban na lamang kung ipagkaloob ng hukuman ang naturang awtoridad sa ibang tao na tatayong tagapag-alaga ng mga nasabing anak. Malinaw na nakasaad sa Artikulo 209 at 212 ng Executive Order No. 202, as amended, o higit na kilala bilang Family Code of the Philippines na:


“Art. 209. Pursuant to the natural right and duty of parents over the person and property of their unemancipated children, parental authority and responsibility shall include the caring for and rearing them for civic consciousness and efficiency and the development of their moral, mental and physical character and well-being.


“Art. 212. In case of absence or death of either parent, the parent present shall continue exercising parental authority. The remarriage of the surviving parent shall not affect the parental authority over the children, unless the court appoints another person to be the guardian of the person or property of the children.”


Sa sitwasyon na nabanggit mo, dahil pumanaw na ang asawa ng iyong tiyuhin, at tila wala namang ibang legal na balakid, maaari siyang magpakasal muli at kung sakali man na mangyari ang nasabing pagpapakasal, sa kanya pa rin mananatili ang parental authority sa iyong mga pinsan, alinsunod sa nabanggit na probisyon ng ating Batas Sibil.


Kaugnay nito, bilang ama ng iyong mga pinsan, siya pa rin ang patuloy na mangangalaga sa kanila kahit magpakasal siya ng panibago, maliban na lamang kung ipag-uutos ng hukuman na mapunta ang kanilang pangangalaga sa ibang tao. Kaugnay nito, maaaring patunayan sa hukuman na hindi karapat-dapat manatili sa ama ng iyong mga pinsan ang pangangalaga sa kanila upang maipagkaloob ang substitute parental authority sa iyong lolo at lola. Alinsunod sa Artikulo 214 ng ating Family Code:


“Art. 214. In case of death, absence or unsuitability of the parents, substitute parental authority shall be exercised by the surviving grandparent. In case several survive, the one designated by the court, taking into account the same consideration mentioned in the preceding article, shall exercise the authority.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page