ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 27, 2023
Dear Chief Acosta,
Isa akong kasambahay sa loob ng dalawang taon. Noong nakaraang linggo, nakagawa ako ng isang maliit na pagkakasala sa aking amo dahil nakabasag ako ng isang pinggan at baso.
Dahil dito, sinabihan niya ako na tatanggalan niya ako ng pagkain sa tanghalian bilang parusa at hindi hahayaan na matulog sa maid’s quarter sa loob ng isang linggo.
Ang parusa bang ito ay naaayon sa batas? Salamat sa inyong tugon. –Pining
Dear Pining,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 6 ng Republic Act (R.A.) No. 10361, kilala bilang “Domestic Workers Act” o “Batas Kasambahay,” na nagsasaad na:
“Section 6. Board, Lodging and Medical Attendance. – The employer shall provide for the basic necessities of the domestic worker to include at least three (3) adequate meals a day and humane sleeping arrangements that ensure safety.
At no instance shall the employer withdraw or hold in abeyance the provision of these basic necessities as punishment or disciplinary action to the domestic worker.”
Ayon sa nasabing probisyon na batas, inaatasan ang mga amo na magbigay ng mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga kasambahay tulad ng tatlong sapat na pagkain sa isang araw at makatao na pagsasaayos ng tulugan upang masigurado ang kanilang kaligtasan. Ipinagbabawal ng batas, sa kahit anong pangyayari na tanggalin o ihinto ang pagbibigay ng nasabing benepisyo sa kanilang mga kasambahay bilang parusa o pagpapataw ng disiplina sa nagawang pagkakasala. Sa iyong nabanggit na sitwasyon, isang paglabag sa batas ang ginawang pagtanggal ng pagkain sa tanghalian at hindi pagpapatulog sa maid’s quarter sa loob ng isang linggo bilang parusa sa nagawa mong pagkakamali. Para sa iyong kaalaman, ang paglabag sa R.A. No. 10361 ay may karampatang parusa na nasasaad sa Seksyon 40 nito, kung saan maaaring magbayad ng multa na nagkakahalaga ngP10,000 hanggang P14,000 ang nagkasala.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

