top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 2, 2023


Dear Chief Acosta,


Ang aking tiya ay namatay nang walang asawa at anak, at siya ay walang iniwan na Last Will and Testament. Siya ay may dalawang kapatid, ang aking ina na naunang yumao sa kanya, at ang isa pa niyang kapatid na lalaki. Ang kanilang mga magulang ay matagal na ring pumanaw. Ayon sa aking tiyo, siya lamang ang tagapagmana dahil naunang namatay ang aking ina sa aking tiya. May karapatan ba kami ng aking isa pang kapatid sa mga naiwang ari-arian ng aming tiya kahit nauna sa kanyang pumanaw ang aming ina? –Nilda


Dear Nilda,


Ang batas na sasaklaw tungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 386 o mas kilala bilang New Civil Code of the Philippines. Nakasaad sa Articles 1003 at 1005 ng nasabing batas:

“Article 1003. If there are no descendants, ascendants, illegitimate children, or a surviving spouse, the collateral relatives shall succeed to the entire estate of the deceased in accordance with the following articles.


Article 1005. Should brothers and sisters survive together with nephews and nieces, who are the children of the descendant’s brothers and sisters of the full blood, the former shall inherit per capita, and the latter per stirpes.”


Kaugnay nito, inilahad ng Korte Suprema sa kaso ng Antonia Armas v. Marieta Calisterio, G.R. No. 136467, 06 April 2000, Ponente: Retired Honorable Associate Justice Jose C. Vitug, na:

“Nephews and nieces, however, can only succeed by right of representation in the presence of uncles and aunts; alone, upon the other hand, nephews and nieces can succeed in their own right which is to say that brothers or sisters exclude nephews and nieces except only in representation by the latter of their parents who predecease or are incapacitated to succeed.”


Ayon sa mga nabanggit na probisyon ng batas at desisyon ng Korte Suprema, kung ang namatay ay walang asawa, anak, at mga magulang na siyang magmamana sa kanyang mga naiwanang ari-arian, at kung ang naiwan lamang ay ang kanyang mga kapatid, sila ang mga magiging tagapagmana. Kung sakaling may naunang namatay na kapatid ang yumao, ang mga anak ng nauna ay hahalili sa kanya.


Gaya ng iyong sitwasyon, dahil ang mga naiwan ng iyong tiya ay ang dalawa niyang kapatid lamang, ang mga ito ang magiging tagapagmana. Sa kadahilanang naunang pumanaw ang iyong ina kaysa sa iyong tiya, hahalili kayong magkapatid sa kanya bilang tagapagmana. Nakasaad din sa nabanggit na batas na ang iyong tiyo, bilang kapatid ng yumao, ay magmamana “per capita” at kayong dalawang magkapatid ay magmamana “per stirpes” o bilang kinatawan ng inyong ina na naunang yumao. Samakatuwid, ang iyong tiyo ay may karapatan sa kalahati ng ari-arian ng inyong tiya, at kayong magkapatid ay maghahati sa natitirang kalahati.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 30, 2023


Para sa mga pasaherong gumagamit ng sasakyang pandagat, marapat nilang malaman na obligasyon ng bawat nagmamay-ari ng barko, bilang isang uri ng pampublikong transportasyon, na dalhin ang mga pasahero at kanilang mga bagahe sa kanilang destinasyon nang may ibayong pag-iingat, tulad ng mabuting ama ng isang pamilya at may pagsasaalang-alang sa lahat ng sitwasyon ng kapaligiran.


Kaugnay nito, kapag ang isang pasahero at/o bagahe ay hindi nakarating sa kanilang patutunguhan ay mananagot ang may-ari ng pampublikong transportasyon o pamunuan ng barko para sa mga natamong pinsala ng pasahero o kanyang pamilya kung sakaling hahantong ito sa kanyang pagkamatay.


Kapag ang isang barko ay lumubog o sa anumang dahilan ay hindi nito naihatid ang kanyang mga pasahero sa kanilang pupuntahan ay mananagot ang pamunuan nito sa kamatayan at sa anumang kapinsalaan ng mga pasahero. Kapag ang dahilan ng hindi pagtupad ng pamunuan ng barko sa kanyang obligasyon ay sadya, o sa kadahilanang nagpabaya ang kanyang mga empleyado o kumilos ang mga ito nang higit sa kung ano ang kanilang tungkulin, kahit sila man ay lumabag sa mga utos at regulasyon ng kanilang kumpanya, ang may-ari ng barko ay inaatasan pa rin ng batas na magbayad sa mga kapinsalaang madudulot sa mga pasahero.


Ang pananagutang ito ng may-ari ng barko ay hindi mapapawalan ng halaga, maliban na lamang kung mapatunayan nito na gumamit siya ng ibayong pag-iingat sa pagpili at pamamahala sa kanyang mga empleyado. Gayundin, ang pananagutan ng pamunuan ng isang barko ay hindi maaaring alisin o bigyan ng limitasyon sa pamamagitan ng istipulasyon, babala, o pahayag sa ticket.


Ang karapatan ng bawat pasahero ng barko na makarating sa kanyang pupuntahan nang ligtas ay ang pangunahing obligasyon ng pamunuan ng barko. Kapag ang isang pasahero ay nasugatan o namatay habang siya ay patungo sa kanyang destinasyon, ipinagpapalagay ng batas na ang nasabing barko, bilang isang pampublikong transportasyon, ay nagkulang sa pag-iingat o nakagawa ng kapabayaan. Sa pagkakataong ito, ang nasabing pasahero ay may karapatang humingi ng bayad-pinsala (damages) mula sa nasabing pamunuan ng barko at sa mga nagmamay-ari nito. Bukod sa bayad-pinsala ay maaari ring maghain ng kasong kriminal ang mga pasaherong nasugatan o ang kanyang pamilya kung sakaling masawi siya.


Ang karagdagang kapabayaan ng isang pasahero sa insidenteng kinasangkutan ng isang pampublikong transportasyon tulad ng isang barko ay hindi nangangahulugan ng pagkawala ng karapatan niya o kanyang kaanak na makakuha ng angkop na bayad-pinsala. Sa halip ay magiging rason lamang ito upang mapababa ang bayad-pinsala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 29, 2023



Dear Chief Acosta,


Ang aking asawa ay isang seafarer para sa isang international shipping company.


Nitong kanyang huling sakay, makailang-ulit siyang hinimatay sa barko kaya siya ay pinatingnan sa kanilang company-accredited na doktor. Ayon sa doktor, ang aking asawa ay kinakailangan lamang uminom ng gamot at inisyuhan siya ng ‘fit to work’ na sertipikasyon. Ang aking asawa ay patuloy pa ring nakararanas ng pagkahilo, kaya kami ay kumonsulta sa aming sariling doktor at sinabi ng huli na ang aking asawa ay may erratic na blood pressure at siya ay hindi ‘fit to work’ bilang isang seafarer. Dahil dito, kami ay nag-claim ng Permanent Total Disability ngunit ito ay tinanggihan ng kanyang employer, sapagkat pinapanigan nila ang kanilang accredited na doktor.


Tama ba ito? –Mae


Dear Mae,


Ang iyong katanungan ay sinagot ng Korte Suprema sa kasong Philippine Transmarine Carriers, Inc. et al. v. Almario C. San Juan, G.R. No. 207511, October 5, 2020, Ponente: Honorable Associate Justice Ramon Paul L. Hernando, kung saan binigyang- linaw kung ano ang dapat gawin kung sakaling ang company-accredited na doktor at personal na doktor ng isang seafarer ay mayroong salungat na opinyon. Ayon sa Korte Suprema:


“Settled is the rule that when a seafarer sustains a work-related illness or injury while on board the vessel, his fitness or unfitness for work shall be determined by the company-designated physician, and that "in case of conflicting medical assessments [between the company-designated physician and the seafarer's own physician], referral to a third doctor is mandatory; and that in the absence of a third doctor's opinion, it is the medical assessment of the company-designated physician that should prevail." Relevant to this rule is Section 20(B)(3) of the 2000 POEA-SEC, which similarly states that "[i]f a doctor appointed by the seafarer disagrees with the assessment [of the company-designated physician], a third doctor may be agreed jointly between the Employer and the seafarer. The third doctor's decision shall be final and binding on both parties."


In Marlow Navigation Philippines, Inc. v. Osias (Marlow), this Court held that ‘the referral to a third doctor is mandatory when: (1) there is a valid and timely assessment by the company-designated physician[;] and (2) the appointed doctor of the seafarer refuted such assessment.’


Notably, both these circumstances are present in this case.”


Gaya sa kaso ng iyong asawa, ang magkaibang opinyon ng company-accredited na doktor at inyong personal na doktor ay dapat isinangguni sa third party na doktor na mapagkakasunduan ng iyong asawa at international shipping company na kanyang pinapasukan. Ang third party na doktor ang siyang magbibigay ng pinal na opinyon ukol sa medikal na kalalagayan ng iyong asawa. Base sa iyong salaysay, mukhang hindi nagawa ang prosesong ito. Dahil dito, ang opinyon ng company-accredited na doktor ang siyang mananaig.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page