top of page
TALKIES - JOEY KAY ALLAN DU’N KA NA SA IT’S SHOWTIME-IG _angpoetnyo & _allan_klownz.jpg
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 20, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nais ko lamang itanong kung maaari bang managot nang personal ang isang opisyal o direktor ng korporasyon sa ilegal na pagtanggal ng empleyado? Maaari bang sila ay mapanagot kasama ng mismong korporasyon?Emma





Dear Emma,  


Ang sagot sa iyong mga katanungan ay matatagpuan sa ating mga umiiral na batas, at kaugnay na mga kaso. Hinggil dito, ang sagot sa iyong katanungan ay nakasalalay sa kung ang opisyal o direktor ng korporasyon ay sadyang pumayag o sangkot sa ilegal na pagtanggal sa empleyado, o kung siya ay kumilos nang may masamang loob o matinding kapabayaan sa pamamahala ng korporasyon.


Bilang pangkalahatang tuntunin, ang isang korporasyon ay may hiwalay at natatanging personalidad na naiiba sa mga direktor, opisyal, at empleyado nito. Dahil dito, ang mga obligasyon ng korporasyon ay karaniwang pananagutan lamang ng mismong korporasyon at hindi ng mga taong kumikilos para rito.


Gayunman, may mga pagkakataon na maaaring managot nang personal at solidaryo ang mga opisyal o direktor, kasama ng korporasyon. Ito ay nakasaad sa Section 30 ng Republic Act (R.A.) No. 11232 o ang “Revised Corporation Code of the Philippines,” na nagsasaad:


 “Section 30. Liability of Directors, Trustees or Officers. – Directors or trustees who willfully and knowingly vote for or assent to patently unlawful acts of the corporation or who are guilty of gross negligence or bad faith in directing the affairs of the corporation or acquire any personal or pecuniary interest in conflict with their duty as such directors or trustees shall be liable jointly and severally for all damages resulting therefrom suffered by the corporation, its stockholders or members and other persons.” 


Kaugnay nito, ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Kho vs. Magbanua, (G.R. No. 237246, 24 July 2019), sa panulat ni Honorable Associate Justice Estela M. Perlas-Bernabe, ang sumusunod:


However, it bears emphasis that a finding of personal liability against a director, trustee, or a corporate officer requires the concurrence of these two (2) requisites, namely: (a) a clear allegation in the complaint of gross negligence, bad faith or malice, fraud, or any of the enumerated exceptional instances; and (b) clear and convincing proof of said grounds relied upon in the complaint sufficient to overcome the burden of proof borne by the complainant.


Gayunman, binigyang-diin din ng Korte Suprema na hindi sapat ang simpleng pagbibintang lamang laban sa opisyal o direktor kasama ng korporasyon. Kinakailangan na may malinaw na alegasyon at sapat na ebidensya na siya ay kumilos nang may bad faith, pandaraya, o matinding kapabayaan upang siya ay personal na mapanagot.


Samakatuwid, hindi awtomatikong mananagot ang isang opisyal o direktor sa lahat ng ilegal na pagtanggal ng empleyado laban sa korporasyon. Kinakailangan munang mapatunayan na siya ay direktang sangkot sa ilegal na gawain at kumilos nang may bad faith, matinding kapabayaan, o may sadyang pagpayag sa malinaw na ilegal na hakbang ng korporasyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 19, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Limang taon na ang lumipas nang iwanan ng dati naming kapitbahay sa aming pangangalaga ang kanilang anak na babae, na noon ay bagong silang pa lamang. Mula nang siya ay iwanan sa amin ay itinuring at minahal namin siya na parang sarili naming anak. Nagpasya kaming mag-asawa na siya ay legal na ampunin. Nais naming malaman kung kinakailangan pa bang kunin ang pahintulot ng kanyang mga tunay na magulang sa pag-aampon, sa kabila ng katotohanang iniwan na nila ang bata sa aming pangangalaga mula noong bagong silang pa siya. Nais ko po sanang maliwanagan. Maraming salamat po.


— Melai C 





Dear Melai C,


Mandato ng pamahalaan na tiyakin na ang isang batang walang pangangalaga ng magulang, o nanganganib na mawalan nito, ay mabibigyan ng mga alternatibong paraan ng pangangalaga tulad ng pag-aampon at foster care. Kaya naman, naipasa ang Republic Act (R.A.)  No. 11642, na kilala rin bilang “Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act.” Ayon sa Seksyon 23(b) ng nasabing batas:


“Section 23. Whose Consent is Necessary to the Adoption. – After being properly counseled and informed of the right to give or withhold approval of the adoption, the written consent of the following to the adoption are hereby required:

(a) The adoptee, if ten (10) years of age or over;

(b) The biological parents of the child, if known, or the legal guardian, or the proper government instrumentality which has legal custody of the child, except in the case of a Filipino of legal age if, prior to the adoption, said person has been consistently considered and treated as their own child by the adopters for at least three (3) years;

(c) The legitimate and adopted children, ten (10) years of age or over, of the adopters, if any;

(d) The illegitimate children, ten (10) years of age or over, of the adopter if living with said adopter or over whom the adopter exercises parental authority and the latter’s spouse, if any; and

(e) The spouse, if any, of the person adopting or to be adopted.

Provided, That children under ten (10) years of age shall be counseled and consulted, but shall not be required to execute within consent.”


Sa pag-aampon ng isang bata, kinakailangan ang nakasulat na pahintulot ng kanyang mga biyolohikal na magulang, kung sila ay kilala, matapos silang mabigyan ng tamang pagpapayo at maipaliwanag sa kanila ang kanilang karapatang sumang-ayon o tumanggi sa pag-ampon. 

Batay sa nabanggit na batas, kahit na iniwan na ng mga biyolohikal na mga magulang ang kanilang anak sa inyong pangangalaga, kinakailangan pa rin na kunin ang kanilang nakasulat na pahintulot bago ninyo maproseso ang pag-ampon sa bata.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 18, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Matagal nang hiwalay at hindi nagsasama ang kapatid ko at ang kanyang asawa. May isa silang anak at may kani-kanya na silang buhay. Sa kasamaang palad ay namatay ang kapatid ko sa sakit. May naiwan siyang bahay at lupa. May habol pa po kaya ang kanyang asawa sa mga ito? — Arturo




Dear Arturo,


Ang mga karapatan ng paghalili (rights of succession) sa namatay na tao ay inililipat sa mga tagapagmana mula sa sandali ng kamatayan ng taong panggagalingan ng mana.


Kaugnay nito, sa kasong Jose Baritua and Edgar Bitancor vs. Honorable Court of Appeals, Nicolas Nacario and Victoria Ronda Nacario, G.R. No. 82233, 22 Marso 1990, sa panulat ni Kagalang-galang na Associate Justice Abraham F. Sarmiento, Sr., pinasiyahan ng ating Korte Suprema na ang paghihiwalay o hindi pagsasama ng mag-asawa ay hindi legal na batayan para sa diskwalipikasyon ng nabubuhay na asawa bilang tagapagmana ng namatay niyang asawa:


“Mere estrangement is not a legal ground for the disqualification of a surviving spouse as an heir of the deceased spouse.”


Muli itong pinagtibay ng ating Korte Suprema sa kasong Spouses Iluminada Capitle and Cirilo Capitle vs. Fortunata Elbambuena and Rosalinda C. Olar, G.R. No. 169193, 30 Nobyembre 2006, sa panulat ni Kagalang-galang na Associate Justice Conchita Carpio-Morales:


“Although estranged from Olar, respondent Fortunata remained his wife and legal heir, mere estrangement not being a legal ground for the disqualification of a surviving spouse as an heir of the deceased spouse.”


Alinsunod dito, kahit matagal nang hiwalay ang yumao mong kapatid at ang kanyang asawa, maituturing pa rin ang huli na tagapagmana ng iyong kapatid.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page