ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 27, 2025

Dear Chief Acosta,
Tatlong taon na akong nagtatrabaho sa kumpanya. Ipinatawag ako kahapon ng kinatawan ng HR dahil hindi ko diumano sinabi o inilagay sa aking dokumento ang impormasyon patungkol sa dati kong trabaho. Nagpaliwanag ako na hindi ko intensyong hindi ipaalam sa kanila ito. Nangangamba ako na tatanggalin ako sa trabaho dahil dito. Maaari ba itong gawin ng kumpanya? – Bernand
Dear Bernand,
Alinsunod sa ating Saligang Batas, pinagtitibay ng Estado ang paggawa bilang pangunahing puwersang panlipunang pang-ekonomiya. Dapat nitong protektahan ang mga karapatan ng mga manggagawa at itaguyod ang kanilang kapakanan.
Kaugnay nito, sa kasong Nancy Claire Pit Celis vs. Bank of Makati (A Savings Bank), Inc., G.R. No. 250776, 15 June 2022, sa panulat ni Honorable Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, kung saan nahaharap sa iba’t ibang interpretasyon ng probisyon ng batas, pinagtibay ng ating Korte Suprema ang interpretasyong pumapabor sa paggawa sang-ayon sa patakaran ng ating Konstitusyon ng nagbibigay ng proteksyon sa paggawa:
“In line with the Constitutional policy of giving protection to labor, the Civil Code and the Labor Code provide that doubts in the interpretation of labor legislation and contracts shall be construed in favor of labor. Likewise, the Court has consistently held that doubts in the appreciation of evidence in labor cases shall work to the advantage of labor.
To be liable under the subject infraction, i.e., "knowingly giving false or misleading information in applications for employment as a result of which employment is secured," the employee must have performed an overt or positive act, i.e., giving false information in the application for employment. Considering that petitioner did not actually state any false information in her job application but merely omitted to reflect her past employment with the Bank of Placer, she could not have committed the alleged infraction.
From the foregoing, the labor tribunals aptly held that this is merely a case of an omission to disclose former employment in a job application, a fault which does not justify petitioner's suspension and eventual termination from employment. It is well settled that ‘there must be a reasonable proportionality between the offense and the penalty. The penalty must be commensurate to the offense involved and to the degree of the infraction.’ To dismiss petitioner on account of her omission to disclose former employment is just too harsh a penalty.”
Sa iyong sitwasyon, mainam na siyasatin ang patakaran ng inyong kumpanya ukol sa pagbibigay ng mali o hindi tamang impormasyon kaugnay ng aplikasyon sa trabaho. Kung may parehong patakaran ang iyong employer, kagaya ng sa nabanggit na kaso, hindi maaaring gamitin laban sa iyo ang hindi pagbanggit ng impormasyon ukol sa iyong dating trabaho.
Gayundin, kung sakaling mayroon talagang paglabag sa patakaran ng inyong kumpanya, ang pagtanggal ng empleyado sa ganitong sitwasyon ay napakabigat na parusa. Maaaring suriin kung ang parusa ay makatarungan sa anumang paglabag na nagawa.
Nawa ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




