ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 29, 2026

Dear Chief Acosta,
Bagong may-ari ako ng bahay sa isang subdivision. Alinsunod dito, nagparehistro na rin ako bilang miyembro ng umiiral na homeowners association at nagbayad ng lahat ng kaukulang mga bayarin. Nais ko lamang malaman kung maaari na ba akong makilahok sa regular na buwanang pulong ng samahan kahit hindi pa ako nakatatanggap ng pormal na imbitasyon upang dumalo rito? Nais ko po sanang maliwanagan. Maraming salamat po. — Ayen
Dear Ayen,
Sinusuportahan ng pamahalahan ang mga samahan ng mamamayan at kinikilala ang karapatan ng mga tao na bumuo ng asosasyon. Kinikilala rin nito ang mahalagang papel ng mga homeowners sa komunidad.
Ayon sa Seksyon 13(d) ng 2024 Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act (R.A.) No. 9904, na kilala rin bilang “The Magna Carta for Homeowners and Homeowners Associations”:
“Section 13. Rights of a Member. – A member shall have the following rights:
Avail of and enjoy all basic community services and use of common areas and facilities; Provided, that the member is in good standing;
Inspect association books and records during office hours and to be provided, upon request, with a copy of annual reports, including financial statements, at the member’s own expense;
Participate, vote and be eligible for any elective or appointive office of the association subject to the qualifications as provided in the Bylaw, and in the Rules;
Participate in association meetings, elections and referenda, Provided, that the member is in good standing, unless otherwise provided in the Bylaws, and existing rules and regulations of DHSUD, or ordered in final decisions of the Regional Director, Office of the Secretary, HLURB or the Human Settlements Adjudication Commission (HSAC) or ordered by DHSUD when acting as a special Election Committee under special circumstances;”
Batay sa nabanggit na seksyon, malinaw na ang isang miyembrong homeowner na nasa mabuting katayuan o good standing sa kanilang homeowners association ay karaniwang may karapatang dumalo at makilahok sa lahat ng pulong ng samahan, halalan, at mga reperendum.
Kaya naman, dahil ikaw ay rehistradong miyembro ng inyong homeowners association at nakapagbayad ng lahat ng kaukulang mga bayarin, maaari kang maituring na miyembrong nasa mabuting katayuan. Alinsunod dito, may karapatan kang makilahok sa mga pulong ng nabanggit na asosasyon kahit hindi ka pa nakatatanggap ng pormal na imbitasyon upang dumalo rito, maliban kung ang iyong sitwasyon ay kabilang sa mga eksepsiyon sa nakasaad sa nabanggit na seksyon.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

