top of page
FRANKLY - ELLEN, UMAMING 1 YR. NANG WALANG SEX-G _maria.elena.adarna.jpg
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 15, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nais po naming malaman kung paano po ba natutukoy o napapatunayan ang pagkakaroon ng relasyong empleyado-employer? Halimbawa po, kung ang kontrata ay nagsasaad na, “You are not an employee,” ngunit ang tunay na uri ng trabahong ginagawa ay tila nagpapakita ng nasabing relasyon, alin po ba ang mas mananaig? Ang nakasulat sa kontrata o ang aktuwal na uri ng trabahong ginagampanan? — Kiels





Dear Kiels, 


Para sa iyong kaalaman, ang pagkakaroon ng relasyong empleyado-employer ay itinatakda ng batas at hindi lamang ng kasunduan o kontrata ng mga partido. Ibig sabihin, hindi sapat na nakasaad sa isang kontrata na ang isang tao ay “hindi empleyado” upang tuluyang maalis ang posibilidad na siya ay ituring na empleyado sa ilalim ng batas.


Sa kasong Paguio vs. National Labor Relations Commission (G.R. No. 147816, ika-09 ng Mayo 2003, isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Jose C. Vitug), tinalakay ng Korte Suprema ang isang kasunduang nagsasaad na ang isang manggagawa ay hindi empleyado ng kumpanya. Nakasaad sa nasabing kasunduan ang sumusunod:


“You are not an employee of the Corporation nor does the company have any obligations towards anyone you may employ, nor any responsibility for your operating expenses or for any liability you may incur. The only rights and obligations between us are those set forth in this agreement.” 


Gayunman, hindi pinaboran ng Korte Suprema ang ganitong uri ng pagdadahilan. Ayon sa Kataas-taasang Hukuman:


“Respondent company cannot seek refuge under the terms of the agreement it has entered into with petitioner. The law, in defining their contractual relationship, does so, not necessarily or exclusively upon the terms of their written or oral contract, but also on the basis of the nature of the work petitioner has been called upon to perform. The law affords protection to an employee, and it will not countenance any attempt to subvert its spirit and intent. A stipulation in an agreement can be ignored as and when it is utilized to deprive the employee of his security of tenure.” 


Batay sa mga nabanggit, malinaw na hindi lamang ang nakasulat sa kontrata ang batayan upang malaman kung may umiiral na relasyong empleyado-employer. Higit na mahalagang suriin ang tunay na katangian ng trabaho, ang paraan ng pagtatrabaho, at ang aktuwal na ugnayan ng mga partido. Ang batas ang magtatakda ng pagkakaroon ng relasyong empleyado-employer, at hindi ang katawagan o pahayag lamang na nakasaad sa kontrata.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. 


Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | June 15, 2026



ISSUE #399



Sa maliliit na baryo kung saan ang kaarawan ay hindi lamang selebrasyon ng isang pamilya, kundi pagtitipon ng magkakamag-anak, kapitbahay, at kaibigan, karaniwan ang ingay ng kasiyahan. 


May pagkain sa mesa, may tawanan, kuwentuhan, at may mga basong paulit-ulit na pinupuno habang lumalalim ang gabi. Ngunit may mga pagkakataong ang isang gabing puno ng saya ay biglang napapalitan ng sindak. Ang dating salu-salo ay nagiging sigawan, ang dating tawanan ay nagiging takbuhan, at ang dating pagtitipon ng magkakaibigan ay nauuwi sa kamatayang hindi inaasahan.


Sa ganitong mga pagkakataon, ang unang tanong ng lahat ay: “Bakit may taong biglang nanaga?”, “Bakit isang kaibigan ang tinamaan?”, “Bakit walang alitan, walang selos, at walang dating galit, ngunit may buhay na biglang nawala?”


Sa ilalim ng batas, hindi laging sapat na malaman kung sino ang gumawa ng isang marahas na kilos. Mahalaga rin na malaman kung ang gumawa nito ay may sapat at tamang pag-iisip, malayang kalooban, at kakayahang maunawaan ang bigat ng kanyang ginawa.


Ito ang maselang usapin ng insanity bilang depensa sa kasong kriminal. Hindi ito basta palusot. Hindi ito simpleng kakaibang kilos, lungkot, galit, pagkalasing, o pagkalito. 

Sa ilalim ng ating batas, ang insanity ay maaaring mag-alis ng criminal liability kung mapapatunayan na sa mismong sandali ng krimen, ang akusado ay walang ganap na kakayahang umunawa o kumilos nang may malayang kalooban dahil sa sakit sa pag-iisip.


Sa araw na ito, ang prinsipyong ito ay sinuri ng hukuman sa kasong People of the Philippines v. Bausa, Criminal Case No. 2016-9926, na dininig ng Regional Trial Court, Branch 53, Sorsogon City, sa panulat ni Hon. Judge Rofebar F. Gerona, na may petsang 21 Disyembre 2019. 


Batay sa Information, noong ika-2 ng Hulyo 2016, bandang alas-8:00 ng gabi, sa Purok 4, Barangay XXX, Bayan ng XXX, Lalawigan ng Sorsogon, ang akusadong tatawagin nating “Alyas Dante” ay inakusahan ng krimeng Murder dahil sa pagkamatay ng biktimang tatawagin nating “Alyas Ramon.”


Ayon sa paratang, si “Alyas Dante,” armado ng bolo, ay biglang umatake at nanaga kay “Alyas Ramon,” na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay. 


Matapos makahanap ng probable cause, naglabas ang hukuman ng warrant of arrest noong ika-23 ng Agosto 2016. 


Kinabukasan, ipinaalam sa hukuman na kusang sumuko si “Alyas Dante.” Noong ika-26 ng Setyembre 2016, siya ay iniharap sa hukuman at hindi umamin sa kasalanan. 

Sa panig ng depensa, inihayag nilang gagamitin nila ang insanity bilang depensa. Dahil dito, nagkaroon ng reverse trial, kung saan naunang maglatag ng ebidensya ang depensa bago ang tagausig.


Sa paglilitis, unang tumestigo ang depensa sa kapatid ng akusado na si “Alyas Renato,” isang barangay kagawad. 


Ayon sa kanya, noong gabi ng insidente ay kaarawan ng kanilang ama. Maraming kamag-anak, kapitbahay, at kaibigan ang dumalo. May pagkain at kalaunan ay nagkaroon din ng inuman.


Dumalo rin si “Alyas Ramon,” ang biktima, na matagal nang kaibigan ng pamilya. At

naroon din si “Alyas Dante.”


Napansin din niya na tuwing inaalok ng inumin si “Alyas Dante,” isinasalin nito ang alak sa isang nakabaliktad na baso. Hindi rin umano nagsasalita si “Alyas Dante” at tila walang kamalayan sa nangyayari sa paligid. Ilang sandali pa, nagkaroon ng kaguluhan.


Hindi nakita ni “Alyas Renato” ang aktuwal na pananaga, ngunit nakita niya si “Alyas Dante” na pinipigilan ng isang pinsan. Sinabi sa kanya na nasaksak o nataga ni “Alyas Dante” si “Alyas Ramon.”


Nang komprontahin niya ang kanyang kapatid at tanungin kung ano ang nangyari, dumating ang asawa ni “Alyas Dante” at sinampal ito. Sa halip na magpaliwanag, natanong lamang ni “Alyas Dante,” “Bakit, ano ang nangyari?” Nang sabihin sa kanya na napatay niya si “Alyas Ramon,” lumuhod umano si “Alyas Dante” habang umiyak, at hiniling na dalhin siya sa pulisya.


Isinalaysay pa ni “Alyas Renato,” na bago pa ang insidente ay may kakaiba ng kilos ang kanyang kapatid. Minsan umano, habang tumatakbo ito, bigla umano itong na-trap sa palikuran ng bahay ng isang barangay tanod, at takot na takot. Gayunpaman, sinabi niyang hindi naman marahas si “Alyas Dante.” 


Kalaunan, matapos ang insidente, dinala si “Alyas Dante” sa medical center sa Cadlan, Pili, Camarines Sur, matapos mapansin ng kanyang pamilya na hindi siya natutulog at palagi lamang nasa loob ng silid. Doon siya nasuri at na-diagnose na may schizophrenia.

Sumunod na tumestigo si “Alyas Lorna,” asawa ng akusado. Ayon sa kanya, noong gabi ng insidente ay nasa bahay siya ng kapatid ng kanyang asawa, na malapit lamang sa bahay ng kanyang mga biyenan. Habang kumakain sila, may nagsabi na may nasaksak. Agad siyang tumakbo patungo sa lugar ng insidente at nakita niya si “Alyas Ramon” na nakaluhod at umiiyak. Tinanong niya si “Alyas Dante” kung ano ang nangyari at sinabi sa kanya na may nasaktan siyang tao.


Nang sabihin na nasaksak niya si “Alyas Ramon,” sinabi umano ni “Alyas Dante” na susuko siya sa pulisya. Ayon kay “Alyas Lorna,” magkaibigan sina “Alyas Dante” at “Alyas Ramon” mula pagkabata, at malapit ang kanilang mga pamilya. Wala siyang alam na anumang alitan o komprontasyon sa pagitan nila bago ang insidente. Ilang buwan bago ang pangyayari, napansin na rin umano niya ang kakaibang kilos ng kanyang asawa.


May mga pagkakataon din umano na sinasabi nitong may nakikita siyang mga bagay na hindi naman nakikita ng iba.


Mahalaga rin ang naging testimonya ni Dr. Marzan, isang psychiatrist sa Don Susano Rodriguez Memorial Hospital sa Cadlan, Pili, Camarines Sur. Ayon sa kanya, siya ang doktor na sumuri kay “Alyas Dante” nang dalhin ito ng kanyang asawa at kapatid noong Agosto 5, 2016.


Sa isinagawang panayam, napansin niyang si “Alyas Dante” ay nagsasalita nang hindi naaayon sa usapan at wala sa kanyang karaniwang kondisyon. Dahil dito, ipinasok at na-confine siya sa institusyon sa loob ng dalawang linggo. Sumailalim siya sa serye ng interviews, laboratory tests, at psychological tests. Nang simulan ang gamot, bumuti ang kanyang kondisyon hanggang sa siya ay ma-discharge.


Ayon kay Dr. Marzan, na-diagnose si “Alyas Dante” na may schizophrenia. Ipinaliwanag niya na ang schizophrenia ay maaaring magpakita ng visual at auditory hallucinations, delusions, disorganized speech, kakaibang kilos, at impaired judgment. Sa panahon umano ng schizophrenic episode o paglala ng kondisyon, maaaring humiwalay ang pasyente sa realidad.


Ayon pa sa psychiatrist, posibleng si “Alyas Dante” ay kumilos nang walang sapat na intelligence at intent nang mangyari ang krimen. Bagama’t maaaring nakainom siya noong gabi ng insidente, sinabi ng doktor na ang alak ay posibleng na-trigger lamang ng schizophrenic attack, ngunit ang pangunahing dahilan ng pangyayari ay maaaring ang paranoia o hallucinations ng akusado.


Sa kabilang banda, iniharap naman ng tagausig ang kanilang mga saksi. Ayon kay “Alyas Manuel,” isa sa mga kainuman noong gabing iyon. Dumalo siya sa kaarawan ng ama ni “Alyas Dante” at nakipag-inuman kasama sina “Alyas Dante,” “Alyas Ramon,” at iba pang mga bisita.


Ayon sa kanya, magkatapat na nakaupo sina “Alyas Dante” at “Alyas Ramon.” Habang nag-iinuman, nang biglang tumayo si “Alyas Dante” at pumasok sa bahay ng kanyang ama. Nang bumalik umano ito, may hawak na itong bolo, na tinatayang 25 pulgada ang haba. Humarap umano ito sa biktima, at bigla siyang tinaga. Nakita umano ni “Alyas Manuel” na dalawang beses tinaga si “Alyas Ramon.” Dahil sa takot, dali-dali siyang umalis.


Tumestigo rin si “Alyas Marina,” asawa ng biktima. Kinilala niya ang necropsy report at death certificate ng kanyang asawa. Sinabi rin niya na kilala niya si “Alyas Dante” dahil kaibigan ito ng kanyang yumaong asawa. Mahalaga sa kanyang testimonya na pinagtibay niya na sa kanyang pagkakaalam, walang alitan sina “Alyas Dante” at “Alyas Ramon.”


Sa pagresolba ng kaso, sinuri ng hukuman kung sapat ang ebidensya upang tanggapin ang insanity bilang depensa. Ipinaliwanag ng hukuman na sa ilalim ng batas, ang isang insane person ay exempt from criminal liability, maliban kung kumilos siya sa panahon ng lucid interval, alinsunod sa Article 12(1) ng Revised Penal Code. 


Ayon sa Hukuman, ang insanity ay isang ground for exemption from punishment dahil nawawala sa akusado ang mga kondisyong nagpapakita na ang kanyang kilos ay voluntary o negligent. Ang exemption ay nakabatay sa complete absence of intelligence, freedom of action, o absence of negligence. Sa madaling salita, maaaring may nagawang kilos na nagdulot ng kamatayan, ngunit kung sa sandaling iyon ay wala ang free will, intelligence, o voluntariness ng act, walang criminal liability na maaaring ipataw.


Gayunpaman, ipinaalala ng hukuman na ang sinumang gumagamit ng insanity bilang depensa ang may pasaning patunayan ito sa pamamagitan ng clear and convincing evidence. Ang batas ay nagpapalagay na ang bawat tao ay nasa wastong pag-iisip, maliban na lamang kung may ebidensyang nagpapakita ng kabaligtaran. Kaya kailangang mapagtagumpayan ng akusado ang presumption na siya ay may free will at intelligence, at ang kanyang ginawa ay may deliberate intent o sadya at malinaw na intensyon.


Hindi rin sapat ang simpleng abnormality ng mental faculties. Kailangang maipakita na ang akusado ay completely deprived of freedom and intelligence. Ang patunay ng insanity ay dapat tumukoy sa panahon kaagad bago ang krimen o kasabay mismo ng paggawa nito.


Sa kasong ito, pinahalagahan ng hukuman ang magkakaugnay na testimonya nina “Alyas Renato,” “Alyas Lorna,” at Dr. “Alyas Marzan.” Bago ang insidente, may mga pagkakataong nagpapakita na si “Alyas Dante” ng kakaibang kilos. Noon mismong gabi ng insidente, siya ay tahimik, tila walang kamalayan sa paligid, naglilipat ng baso mula sa isang mesa patungo sa iba, at nagsasalin ng alak sa nakabaliktad na baso.


Pagkatapos ng insidente, nang sabihin sa kanya na napatay niya si “Alyas Ramon,” hindi siya kumilos na tila taong nagtangkang umiwas sa pananagutan. Sa halip, tinanong niya kung ano ang nangyari, lumuhod, umiyak, at hiniling na dalhin siya sa pulisya. Lalo pang pinagtibay ito ng testimonya ng psychiatrist na nagsabing si “Alyas Dante” ay may schizophrenia, isang chronic mental illness na may sintomas tulad ng hallucinations, delusions, disorganized speech, bizarre behavior, at impaired judgment.


Ayon sa hukuman, ang mga pangyayaring ito ay nagpakita na kaagad bago at kasabay ng krimen, ang akusado ay may kakaibang kilos na hindi natural at hindi madaling ipaliwanag sa pamamagitan lamang ng galit o pagkalasing. Mahalaga rin sa hukuman na walang napatunayang selos, galit, o alitan sa pagitan nina “Alyas Dante” at “Alyas Ramon.” Sa katunayan, ayon mismo sa asawa ng biktima, magkaibigan ang dalawa at walang anumang hidwaan sa pagitan nila.


Sa kasong ito, nakita ng hukuman na walang provocation. Walang alam na dahilan upang biglang patayin ng akusado ang kanyang malapit na kaibigan. Ang kawalan ng malinaw na motibo, ang kakaibang kilos bago ang insidente, ang psychiatric diagnosis, at ang kawalan ng salungat na medical evidence mula sa tagausig ay magkakasamang nagpatibay sa depensa ng insanity.


Dahil dito, napagpasyahan ng hukuman na napatunayan ng depensa sa pamamagitan ng clear and convincing evidence na si “Alyas Dante” ay insane o wala sa tamang pag-iisip sa panahon na ginawa ang krimen, at natalo nito ang legal presumption na siya ay nasa wastong pag-iisip.


Sa huli, pinawalang-sala ng hukuman si “Alyas Dante” sa kasong Murder dahil sa insanity. Gayunpaman, nilinaw ng hukuman na ang insanity, bagama’t nag-aalis ng criminal liability, ay hindi awtomatikong nag-aalis ng civil liability. Dahil may buhay na nawala, inatasan pa rin si “Alyas Dante” na magbayad sa mga naulila ni “Alyas Ramon” ng civil indemnity, moral damages, temperate damages, at actual damages.


Iniutos din ng hukuman na si “Alyas Dante” ay ilipat mula sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) patungo sa ospital. Doon siya dapat i-confine hanggang matukoy ng direktor ng pasilidad na hindi na siya banta sa lipunan. Kinailangan din ang pagtitiyak mula sa kanyang asawa na ang kanyang patuloy na outpatient medication at treatment ay aalagaan ng pamilya.


Sa huli, ang kasong ito ay nag-iwan ng dalawang daing. Una, ang daing ng isang inosenteng biktima. Si “Alyas Ramon” ay dumalo lamang sa isang pagdiriwang. Siya ay kaibigan, asawa, at mahal sa buhay na walang dalang gulo at walang kilalang kaalitan.


Ngunit sa isang iglap, ang gabing puno ng salu-salo ay naging huling gabi ng kanyang buhay. May daing ang kanyang pamilya sapagkat ang buhay na nawala ay hindi na maibabalik ng anumang hatol.


Ngunit may isa pang daing. Ang daing ng isang taong ang isip ay nauna nang nabilanggo bago pa man siya dalhin sa kulungan. 


Si “Alyas Dante” ay hindi pinawalang-sala dahil walang namatay. Hindi rin siya pinawalang-sala dahil walang nangyaring pananaga. Pinawalang-sala siya sa aspetong kriminal dahil napatunayan ng hukuman na sa mismong sandali ng krimen, ang kanyang isip ay bihag ng malubhang karamdaman.


Dito pinakamahirap ang katarungan, sapagkat kailangang marinig ng batas ang iyak ng pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, ngunit hindi rin nito maaaring ipikit ang mata sa isang akusadong nilamon ng sariling sakit sa pag-iisip.


May mga daing na humihingi ng parusa. May mga daing na humihingi ng lunas. May mga kasong gaya nito kung saan ang hukuman ay kailangang timbangin ang parehong iyak, ang daing ng biktimang walang kalaban-laban, at ang daing ng taong ang tunay na bilangguan ay matagal nang nasa loob ng kanyang sariling isipan.

 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 14, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Alinsunod sa likas na karapatan at tungkulin o parental authority ng mga magulang sa pagkatao at ari-arian ng kanilang mga anak, kabilang sa kanilang otoridad at responsibilidad ang pangangalaga at pagpapalaki sa mga ito na magkaroon ng kamalayan at kahusayang sibiko, gayundin ang pagpapaunlad  ng kanilang moral, mental, at pisikal na katangian at kagalingan.


Ayon sa Family Code, ang ama at ina ay dapat magkatuwang na gumamit ng parental authority sa pagkatao ng kanilang mga anak. Sa kaso ng hindi pagkakasundo, ang desisyon ng ama ang mananaig, maliban kung mayroong utos ang hukuman na salungat dito.


Bilang pagtugon, ang mga anak naman ay inaasahang dapat palaging may paggalang sa kanilang mga magulang at obligadong sundin ang mga ito hangga't ang mga bata ay nasa ilalim ng otoridad ng kanilang mga magulang. Sa kaso ng pagliban o pagkamatay ng alinman sa mga magulang, ang magulang na naroroon ay magpapatuloy. Ang muling pag-aasawa ng nabubuhay na magulang ay hindi makakaapekto sa parental authority sa mga bata, maliban kung ang hukuman ay humirang ng ibang tao upang maging tagapangalaga sa bata o sa kanyang mga pag-aari.


Kaakibat ng otoridad ng mga magulang sa kanilang mga anak ay ang alituntuning mananaig kung kanino mapupunta ang parental authority ng mga magulang sa mga pagkakataong hindi nila matutupad ang kanilang tungkulin at karapatang pangalagaan ang pagkatao at ari-arian ng kanilang mga anak. Sa kaso ng pagliban (absence) o pagkamatay ng alinman sa mga magulang, ang magulang na naroroon ay magpapatuloy sa pagkakaroon ng parental authority bilang magulang. Ang muling pag-aasawa ng nabubuhay na magulang ay hindi makakaapekto sa parental authority sa mga bata, maliban kung ang hukuman ay humirang ng ibang tao upang maging tagapag-alaga sa katauhan at pag-aari ng mga bata.


Kapag hindi maiwasan ang paghihiwalay ng mga magulang, ang parental authority ay dapat manatili sa magulang na itinalaga ng hukuman. Subalit dapat ding isaalang-alang ng husgado ang lahat ng nauugnay na konsiderasyon, lalo na ang pagpili ng bata na may higit sa pitong taong gulang na, maliban na lamang kung ang magulang na pinili ng nasabing bata ay hindi karapat-dapat. Sa kaso ng pagkamatay, kawalan o kawalang kapasidad ng mga magulang, ang nabubuhay na lolo at lola ang magkakaroon ng parental authority sa kanilang mga apo. Ang tawag sa sitwasyong ito ay substitute parental authority. 


Ang substitute parental authority ay ang kapangyarihan ng mga lolo at lola na maging magulang ng mga apo kapag namatay o nawalan ng kapasidad ang mga magulang ng kanilang mga apo. Ang probisyon ng Family Code na tumutukoy rito ay Artikulo 216 kung saan nakasaad na:


Art. 216. In default of parents or a judicially appointed guardian, the following person shall exercise substitute parental authority over the child in the order indicated:


    (1) The surviving grandparent, as provided in Art. 214;

    (2) The oldest brother or sister, over twenty-one years of age, unless unfit or disqualified; and

    (3) The child's actual custodian, over twenty-one years of age, unless unfit or disqualified.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page