- BULGAR
- Nov 27, 2023
ni Anthony E. Servinio @Sports | November 27, 2023

Mga laro sa Miyerkules – MOA Arena
2 PM NU vs. UST (W)
4 PM UP vs. DLSU (M)
Haharapin na ng rumaragasang De La Salle University ang numero unong University of the Philippines para sa 86th UAAP Men’s Basketball kampeonato. Balik-finals na ang Green Archers matapos durugin ang National University, 97-73, sa Final 4 Sabado ng gabi sa Araneta Coliseum.
Mula sa 20-14 lamang matapos ang first quarter ay unti-unting dinagdagan ng DLSU ang agwat. Ang huling iskor ay siya ring pinakamalaking lamang sa buong laro na 24.
Bumanat ng 20 puntos si Mark Nonoy sa bihirang pagkakataon na hindi nanguna si Kevin Quiambao sa atake ng Green Archers. Hindi malayo si Quiambao sa kanyang 17 puntos at patatagin ang kaso para maging MVP ngayong taon.
Nagsara ng kampanya ang Bulldogs sa tatlong sunod na talo, malaking pagkakaiba sa koponang minsan na nagbanta na mauwi ang pagiging numero uno ng liga. Nanguna muli si Jake Figueroa na may 19 subalit naging matimbang pagkaroon ng walang puntos nina Steve Nash Enriquez at Omar John.
Lumaki sa siyam na sunod na tagumpay ang DLSU. Nagkataon na ang huling tumalo sa kanila ay ang Fighting Maroons, 64-67, noong Oktubre 18.

Sinelyuhan ng UP ang kanilang ikatlong sunod na paglahok sa finals matapos alisin sa trono ang defending champion Ateneo de Manila University, 57-46. Bumida sina kasalukuyang MVP Malick Diouf at kapitan CJ Cansino na parehong may 12 puntos.
Pabor sa UP ang kasaysayan. Buhat noong ginamit ng UAAP ang Final 4 at nagharap ang #1 at #2 para sa korona, ang #1 ang naging kampeon 11 sa 17 pagkakataon.
Ang Game One ng seryeng best-of-three ay nakatakda para sa Nobyembre 29 sa MOA Arena. Babalik sa Araneta Coliseum para sa Game Two sa Disyembre 3 at kung kailangan, Game Three sa Disyembre 6.






