top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | March 26, 2026



Boses by Ryan Sison


Mag-isip ng tama bago basta maniwala sa mga “ayuda” na dumarating sa pamamagitan ng text—lalo na kung ito’y may kasamang link at pangakong mabilisang pera. 


Sa panahong gipit ang marami, mas madaling kumagat sa ganitong patibong, kaya naman dito rin mas nagiging aktibo ang mga manloloko na sinasamantala ang desperasyon ng taumbayan.


Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development laban sa kumakalat na pekeng online applications para sa fuel assistance. 


Sa advisory nito, nilinaw ng ahensya na hindi totoo ang mga text message na nag-aalok ng cash aid o e-fuel vouchers gamit ang kanilang pangalan.


Ayon sa DSWD, walang ipinapadalang anumang link o online application para sa financial assistance, at ang ganitong mga mensahe ay bahagi ng panlilinlang upang makakuha ng personal na impormasyon.


Lumabas ang babala kasabay ng aktuwal na pamamahagi ng cash relief sa mga public transport drivers, dahilan upang samantalahin ng mga scammer ang sitwasyon. 


Sa ilang kumakalat na mensahe, sinasabing kwalipikado ang recipient sa P3,000 e-fuel voucher at hinihikayat itong i-click ang link upang makuha ang ayuda. Ngunit sa likod nito ay malinaw na modus—phishing na naglalayong makuha ang sensitibong datos ng biktima.


Binigyang-diin ng ahensya na ang tunay na pamamahagi ng ayuda ay ginagawa nang personal at sistematiko. 


Nakabatay ito sa listahang isinumite at beripikado ng mga local government units, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at transport network companies. Dahil sa ganitong paraan, masisiguro na ang tulong ay mapupunta sa tamang benepisyaryo at maiwasan ang anumang iregularidad.


Mahigpit din ang paalala ng ahensya sa publiko na huwag i-click ang anumang kahina-hinalang link at huwag magbahagi ng personal na impormasyon. 


Sa panahon ngayon, hindi na lang pisikal na krimen ang dapat bantayan, dahil pati digital na panlilinlang ay lumalawak at mas nagiging mapanlinlang.

Ipinapakita nito kung gaano kadaling manipulahin ang impormasyon at kung gaano kahalaga ang pagiging mapanuri. 


Habang sinusubukan ng gobyerno na tumulong sa pamamagitan ng ayuda, may mga indibidwal namang handang sirain ito para sa pansariling interes.


Kung tutuusin, ang laban kontra-scam ay hindi lamang responsibilidad ng gobyerno kundi ng bawat mamamayan. 


Ang simpleng pag-iingat at tamang pag-iisip ay maaaring maging sandata laban sa panlilinlang. 


Sa mundong puno ng digital traps, ang pagiging mapagmatyag ang tunay na proteksyon ng taumbayan.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | March 26, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Nitong mga nakaraang linggo, hindi natin maikakaila ang bigat na dala ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Dahil sa tensyon sa Middle East, apektado ang pandaigdigang suplay ng langis at tayo sa Pilipinas ay direktang tinatamaan nito.


Bilang inyong lingkod na nakatuon sa aking health reforms crusade, alam ko na ang bawat pisong dagdag sa krudo ay may epekto sa kalusugan at nutrisyon ng pamilyang Pilipino dahil sa pagmahal ng mga bilihin.


Sa gitna ng krisis na ito, nananawagan ako ng mabilis at konkretong aksyon. Sabi ko nga noon pa, domino effect talaga ito. Kaya naman kaming mga mambabatas sa Senado ay handang tumulong. Kung kailangan nating i-suspend ang excise tax kapag umabot na sa $100 ang bawat bariles ng langis sa world market, dapat natin itong gawin upang maibsan ang hirap ng ating mga kababayan.


Ang aking layunin ay simple: dapat lang ibalik sa taumbayan ang pera nila ngayong panahon ng krisis. Pondo naman ng Pilipino ‘yan, kaya nararapat lang na ito ay mapakinabangan nila nang direkta. Hindi katanggap-tanggap ang mga ulat na maraming tsuper, halimbawa, ang hindi pa rin nabibigyan ng kanilang fuel subsidy dahil sa bagal ng proseso o dahil wala sila sa listahan.


Umaapela ako sa mga ahensya ng gobyerno, lalo na sa DOE, DA, at DOTr, na bilisan at ayusin ang inyong mga fuel discounts at subsidy programs. Unahin po ninyo ang mga mahihirap nating kababayan—iyung mga driver na “isang kahig, isang tuka” na siyang pinakaapektado sa bawat paggalaw ng presyo ng langis. Hindi puwedeng nakabinbin ang tulong habang patuloy na tumataas ang presyo ng petrolyo.


Bilang inyong senador, kasama ng mga kapwa ko mambabatas, patuloy kong isusulong ang mga hakbang na layuning magpapagaan sa pasanin ng pamilyang Pilipino. Ang bawat polisiya at tulong ay dapat magresulta sa mas maayos na buhay at kalusugan para sa lahat.


Patuloy akong magseserbisyo at tutulong nang may malasakit sa kapwa sa abot ng aking makakaya dahil ang kapakanan ng bawat Pilipino ang aking prayoridad.


Samantala, patuloy ang ating suporta sa mga kababayan nating Pilipino. Noong March 20, kasabay ng pagdiriwang natin ng Women’s Month at bilang Chairperson ng Senate Committee on Sports, dumalo tayo sa All-Women Sports Awards sa Philippine International Convention Center, Pasay City, kung saan binigyang-pugay natin ang dedikasyon at kahusayan ng mga atletang Pilipina na patuloy na nagbibigay ng inspirasyon sa ating mga kababayan.


Binisita rin natin ang 228 biktima ng sunog sa Agdao, Davao City. Kasabay ng Fire Prevention Month ngayong March, patuloy ang ating paalala na ang gamit, nabibili. Ang pera, kikitain. Subalit ‘yung pera na kikitain, hindi po nabibili ang buhay. A lost life is a lost life forever. Ang importante ay buhay tayo. Magtulungan lang po tayo. 


Kahapon naman ay dumalo ako sa Vice Mayors' League of the Philippines CARAGA Regional Chapter Legislative Congress 2026 fellowship night, kung saan nakasama ko ang mga local officials mula sa CARAGA. 


Samantala, nakiisa rin ang aking team sa Liga ng mga Barangay - Masbate Provincial Chapter Annual Congress 2026. Patuloy din ang ating pagtulong sa mga nangangailangan, tulad ng mga nasunugan sa Antipolo City; Bacoor City, Cavite; Cebu City; Orani, Bataan; Bacolod City; Pasay City; Puerto Princesa City, Palawan; at Loboc, Bohol. 


Nabigyan din ng tulong ang mga TESDA scholars mula sa Makati City. Tumulong din tayo sa mga mahihirap na kababayan natin sa Calauan, Laguna.


Bilang Mr. Malasakit, pahahalagahan ko ang tiwalang ibinigay ninyo sa akin. Magseserbisyo ako sa ating mga kapwa Pilipino sa abot ng aking makakaya, dail bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.



Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | March 26, 2026



Chloe San Jose IG

Photo: File / Chloe San Jose IG



“I can almost smell the love and the fun,” ang pahayag ng mahusay na King of Talk na si Boy Abunda sa programang Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) nang mag-guest ang two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo at ang kanyang girlfriend na si Chloe San Jose.


Sa panayam ay napag-usapan ang tungkol sa mga netizens na kumakalaban sa kanilang dalawa.


Tanong ni Boy, “Sa lahat ng sinabi laban sa inyo, saan kayo napikon?”

Saad nina Carlos at Chloe, “Wala po.”


Dagdag pa ni Chloe, “Wala po, Tito Boy. I guess, yeah, like Caloy (Carlos) said, we're both very secure sa isa’t isa.”


Tanong ni Boy kay Carlos, “Paano mo sinusuportahan ang mga kapatid mo as athletes, maliban sa emosyonal, do you support them financially?”


Saad ni Carlos, “Especially mga competition, ‘di po talaga. Part po kami ng national team at ‘di ko po responsibility to do that.


“Pero sa akin po, gusto ko may iba’t iba po kaming journey at ‘yun po ang gusto kong ipaalam sa kanila na ‘di porke’t na-experience ko ang mga bagay na ganu’n ay mae-experience rin nila.”


Tanong ni Boy kay Chloe, “How proud are you?”


Sey ni Chloe, “Sobrang proud po, Tito Boy. We always just talk about it kasi every night, everyday, lunch, dinner or anytime that we’re always together, we talk talaga. And I’ve always expressed naman how proud I am.”


Tanong ni Boy, “Kanina, we started to talk about getting married. Gaano kahalagang consideration ang basbas ng inyong mga pamilya?”

Saad nina Carlos at Chloe, “Hindi po.”


Dagdag pa ni Carlos habang nakatingin kay Chloe na punumpuno ng pagmamahal, “As long as tayong dalawa, nagkakaintindihan.”


Sey naman ni Chloe, “I feel like it would get complicated ‘pag there are too many people getting involved. And I feel like if you have the right circle, they wouldn’t make you feel that way na you have to consider them. It’s a safe space kasi. And I feel like that’s what we have now. Kaya parang sa amin, not really, kasi none in our circle makes us feel that way.”


Hirit na tanong ni Boy kay Chloe, “Hypothetical lang. If today, right at this very moment, he proposes, he says, ‘Will you marry me?’”


Masayang sagot ni Chloe, “Yes. ‘Di pa tapos ang tanong. Of course.”

Well, nasa edad naman na talaga sina Carlos at Chloe. Kung gusto nilang magpakasal ay puwedeng-puwede naman.


Samantala, sa huling bahagi ng programang FTWBA ay nagpaalala si Boy na maging mabuti at magpasalamat sa magulang.


Saad ni Boy, “Be kind, make your nanay proud and say thank you.”

Korek ka r’yan, Kuya Boy.





SUPER proud ang aktres na si Yasmien Kurdi sa nakuhang parangal sa paaralan ng kanyang anak na si Ayesha Zara.


Saad ni Yasmien sa social media post niya, “Rated A Exemplary Conduct Third Honors (First Term), Third Honors (Second Term).


“There are stories I don’t share, especially the ones that once tried to break my child.

“Ayesha Zara has always been a kind soul, gentle, understanding, the type of child who chooses to stay soft even when the world is not. 


“But there was a time when that kindness was tested. She was hurt and instead of being protected, people chose to question her, twist stories and place blame where it never belonged just to protect their own reputation. As a parent, that kind of pain cuts deeper than anything.


“But here she is. Still kind. Still standing. Still choosing to be kind to everyone.

“A lot to be celebrated today. Kaya binilhan ni Pangga Rey Soldevilla si Ayesha ng favorite chocolates n’ya pero si Raya ang kumain.


“Super-proud of you, worth it ang pag-aaral mo araw-araw. ‘Di lang talino ang ipinapakita mo kundi puso. And that matters more than anything.

“Nakaka-proud ka sobra. Mahal na mahal ka namin.


“And to those who once tried to ruin her name, you will not succeed because her truth, her character and her light will always speak louder than lies.


“Keep shining, Ayesha Zara. The world needs more hearts like yours. ‘He guides the humble in what is right and teaches them his way - Psalm 25:9’”

Congratulations, Ayesha.


‘Yun lang, and I thank you.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page