top of page
BIDA - JANELLA KAY KLEA I LOVE YOU SO MUCH, MY BABY, MY LOVE, MY SWEET BABY BOO!-IG _kleap
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 16, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong nakaraang Lunes, nagsagawa muli ng pagdinig ang Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee, kung saan tinalakay natin ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan upang protektahan ang ating mga kababayan mula sa pinsalang dulot ng krisis sa Gitnang Silangan. 

 

Isa sa mga iminungkahi natin sa nakaraang pagdinig ang pagpapamahagi ng P2,500 ayuda para sa mga pamilyang ‘near-poor.’ Iminumungkahi din nating magbigay ng P1,500 sa ating mga benepisyaryo sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

 

Iminumungkahi natin ang mga polisiyang ito upang protektahan ang mga kababayan nating umaaray dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihIn. Noong nakaraang buwan, matatandaang umabot sa 4.1% ang headline inflation sa buong bansa. Tuwing tumataas ang presyo ng bilihin, mas nararamdaman ito ng mga kababayan nating nangangailangan, lalo na ang mga itinuturing na bahagi ng bottom 30%.

 

Para sa 30% ng mga kababayan nating higit na nangangailangan, umabot sa 4.23% ang naranasan nilang inflation nitong Marso. Kung ating susuriin, ang mga pangunahing dahilan nito ay ang pagtaas ng presyo ng pagkain at ng mga utilities kagaya ng tubig at kuryente. Ngunit ang pangunahing sanhi ay ang transportasyon dahil sa pagtaas ng presyo ng langis.

 

Isa rin sa mga nagiging epekto ng inflation ang pagbaba ng purchasing power ng ating mga kababayan. Para sa ating mga poor households na umaabot sa halos tatlong milyong sambahayan, P638 hanggang P762 ang mawawala sa kanila buwan-buwan sa sitwasyong umabot sa 4.6% hanggang 5.5% ang inflation. Batay ito sa pag-aaral na ginawa ng Senate Economic Planning Office.

 

Sa mga ‘near-poor’ naman, lumalabas na P638 hanggang P1,526 ang mawawala sa kanila kasunod ng pagbaba ng kanilang purchasing power.

 

Isinusulong natin ang pagbibigay ng ayuda sa mga poor at ‘near-poor’ households upang mapunan ang pagbaba ng kanilang purchasing power. Mahalagang tulungan natin ang mga kababayan nating nasa ilalim ng kategoryang “near-poor” upang hindi na sila mapasama sa mga tinaguriang pinakamahihirap na pamilya. 


Habang ipinapanalangin natin ang tuluyang pagwawakas ng krisis sa Gitnang Silangan, patuloy naman nating pagsisikapan ang pagbibigay ng suporta sa ating mga kababayang nangangailangan ng tulong dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. 

 

Makakaasa ang ating mga kababayan na patuloy na isusulong ng PROTECT Committee ang mga polisiya at programa upang tulungan ang ating mga kababayang makabangon mula sa krisis na ating kinakaharap. 



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 9, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Tuwing panahon ng tag-init, nakaugalian na ng ating mga pamilya ang mamasyal o mag-outing. Kabilang sa mga paboritong aktibidad ng ating mga kababayan ang dumayo sa mga pampublikong swimming pool o mga tabing-dagat upang magpalamig sa gitna ng mainit na panahon.


Ngunit sa panahon din ng tag-init tayo nakakasaksi ng ilang mga trahedyang maaari sana nating maiwasan – ang mga kaso ng pagkalunod. Kamakailan ay naglabas ng ulat ang Philippine National Police (PNP) ng bilang ng mga nalunod nating mga kababayan nitong mga nakaraang linggo.


Noong Marso 29 hanggang Abril 5, may naitalang 59 na mga insidente ng pagkalunod. Mas mataas ito ng 136% sa 25 na naitala noong Marso 21 hanggang Marso 28, ang linggo bago ang Semana Santa.


Nabalitaan din natin na noong nakaraang Sabado de Gloria, tatlong mga kabataan ang naiulat na binawian ng buhay matapos malunod. Dalawa sa kanila ay nalunod sa Morong, Bataan at ang isa ay limang taong gulang na batang babae na taga Negros Occidental.


Nakakalungkot at nakakabahala na patuloy na nangyayari ang mga ito, lalo na’t maaari tayong magpatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang mga insidente ng pagkalunod. Kaya naman patuloy nating isinusulong ang Lifeguard Act (Senate Bill No. 1517) upang mapigilan natin ang mga trahedyang ito na maaari nating maiwasan.


Dati na nating inihain ang panukalang batas na ito at patuloy natin itong isinusulong sa ilalim ng 20th Congress. Ayon sa panukalang batas, imamandato ang mga pampublikong swimming pool na magkaroon ng isang certified lifeguard sa kanilang mga operasyon. Kakailanganin namang magdagdag ng isang lifeguard sa bawat karagdagang 250 square meters ng swimming pool.


Kailangang may sertipikasyon ang lifeguard mula sa isang nationally recognized organization na may accreditation mula sa Department of Health. Kailangan ding meron silang Basic Life Support Certification.


Magiging tungkulin naman ng mga local government unit na tiyaking sumusunod ang mga pool operators sa pagtatalaga ng mga kwalipikadong lifeguards. Maaari ring magsagawa ang mga local health officer ng mga inspeksyon ng public swimming pools upang tiyaking ligtas ang mga ito.


Ngunit habang hindi pa naisasabatas ang panukala nating ito, patuloy sana tayong mag-ingat kasama ang ating mga pamilya tuwing tayo ay pupunta sa mga public swimming pool o mga resort. Huwag nating hayaang mauwi sa trahedya ang masasaya sanang okasyon kasama ang ating mga pamilya. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 7, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong nakaraang linggo, inilabas ang preliminary report ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee, kung saan nagbigay tayo ng mga rekomendasyon sa pagtugon sa kasalukuyang mga problemang dulot ng krisis sa Gitnang Silangan.Isa sa mga isinusulong natin ang pagpapatatag ng repatriation program para sa ating mga Overseas Filipino Workers, kabilang ang mga programa para sa upskilling at reskilling.


Hinihimok din natin ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na palawakin pa ang kanilang mga programa para sa upskilling at reskilling ng mga manggagawang nawalan ng trabaho.


Kung babalikan natin ang 2026 national budget, P8 bilyon ang inilaan para sa Training for Work Scholarship sa ilalim ng TESDA. May P3.7 bilyon ding nakalaan para sa Special Training for Employment Program. Layunin nito na matulungan ang ating mga OFWs na makahanap ng trabaho o iba pang mga oportunidad para sa kanilang reintegration.


Mahalagang tiyakin nating handa ang ating OFWs sa mga bagong oportunidad sa bansa upang mabigyan sila ng mas matibay na pag-asa sa buhay.Pinangangambahan natin na kung sakaling magtagal pa ng 90 araw ang alitan sa Gitnang Silangan, maaaring dumami ang bilang ng mga kababayan nating walang trabaho.


Batay sa ating pagsusuri, ang mga kababayan nating nagtatrabaho sa Saudi Arabia, Qatar, at United Arab Emirates ang nakikita nating lubos na maaapektuhan, lalo na’t sa mga bansang ito may pinakamaraming bilang ng mga land-based OFWs, batay sa datos ng nakaraang taon.


Sa ilalim naman ng ating panukala, magiging bahagi ng reintegration framework ang mapping ng mga skills at sa domestic labor market demands, mga targeted na programa para sa job placement, at access sa abot-kayang pinansya upang tulungan silang makapagsimula muli.


Patuloy nating tututukan ang krisis sa Gitnang Silangan at ang epekto nito sa ating mga kababayan sa loob at labas ng bansa. Makakaasa ang ating mga kababayan na patuloy na maghahain ng mga panukalang aksyon ang PROTECT Committee upang matulungan ang mga kababayan nating nangangailangan ng tulong. 



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page