top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 12, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Opisyal nang nagbukas ang School Year 2025-2026 at milyung-milyong mga mag-aaral ang muling nagbabalik sa ating mga pampublikong paaralan. Hindi magiging posible ang matagumpay na pagbubukas ng panibagong school year kung wala ang ating mga guro, pati na rin ang ating mga non-teaching staff at mga school heads. Kaya naman sa pagkakataong ito, nais ko silang pasalamatan at bigyang pugay.


Ngayong school year, patuloy nating isinasagawa ang mga sinimulang reporma upang iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Unti-unti ang pagpapatupad ng MATATAG curriculum. Sa school year na ito, uumpisahan ang bagong curriculum sa Grades 2, 3, 5, at 8. Nakatakda ring gawin ngayong school year 2025-2026 ang pilot rollout ng Strengthened Senior High School (SHS) Program sa mahigit 800 na mga paaralan sa bansa.


Sa gitna ng pagpapatupad ng mga repormang ito, nais kong bigyang-diin na kailangan ng ating mga guro ang patuloy na suporta upang magampanan nila nang mas mabuti ang kanilang tungkulin: ang matiyak na natututo ang ating mga mag-aaral. Isa sa mga hakbang na maaari nating gawin ay ang pagtiyak na hindi napapagod ang ating mga guro sa paggawa ng mga non-teaching tasks at focus sila sa pagtuturo. 


Matatandaan na inilabas ng Department of Education (DepEd) ang DepEd Order No. 002 s. 2024, kung saan ipinagbawal na ang pagpapagawa ng mga non-teaching tasks sa mga guro. Ibinaba rin ng kagawaran ang DepEd Order No. 005 s. 2024, kung saan nilinaw ang saklaw ng workload na ibinibigay sa mga guro. 


Ngunit ayon sa mga pag-aaral, marami pa ring mga guro ang naglalaan ng oras sa mga non-teaching tasks. Kung babalikan natin ang pag-aaral na ginawa ng Second Congressional Commission (EDCOM II) on Education at IDinsight, lumalabas na humigit-kumulang 52 oras pa rin ang karaniwang inilalaan ng mga guro para sa kanilang mga tungkulin. 


Lumabas din sa naturang pag-aaral na isa sa apat na guro ang nagsabing inaabot sa 60 oras ang inilalaan nila para sa kanilang trabaho, lalo na’t ginagampanan din nila ang karagdagang tungkulin, tulad ng pagiging school clinician, librarian, at canteen managers dahil sa kakulangan ng mga kawani.


May ilang mga hakbang tayong maaaring gawin upang matulungan ang mga guro. Kung matatandaan natin, nakatakdang mag-hire ang DepEd ng 10,000 non-teaching staff. Mahalagang masiguro nating mapapabilis ang hiring process upang mapunan agad ang mga nilikhang posisyon. Sa ganitong paraan, matitiyak nating may mga kawani na tayong gagawa sa mga non-teaching tasks.


Mahalaga ring palawakin natin ang paggamit sa digital technology upang mas mapadali at maging magaan ang trabaho ng mga guro. Kaya naman patuloy nating isinusulong ang digital transformation ng DepEd upang matulungan hindi lamang ang mga mag-aaral kundi pati na rin ang ating mga guro.


Tuluy-tuloy din nating isusulong ang Revised Magna Carta for Public School Teachers, kung saan iminumungkahi nating maisabatas na ang polisiyang nagbabawal sa pagpapagawa ng mga non-teaching tasks sa mga guro. Patuloy nating pagsisikapang itaguyod ang kapakanan ng ating mga guro.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 12, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Naghain ang inyong lingkod ng isang resolusyon na layong repasuhin ang pagkakapareho ng mga kursong itinuturo sa senior high school at sa General Education (GE) curriculum sa kolehiyo. Sa inihain nating Proposed Senate Resolution No. 1369, layunin nating magrekomenda ng mga polisiya at panukalang batas upang mapaikli pa lalo ang panahong kailangang gugulin ng mga mag-aaral sa kolehiyo.


Naniniwala ang inyong lingkod na kailangan na nating tuparin ang isa sa mga pangako ng K to 12 program: kasunod ng pagdagdag ng dalawang taon sa high school, mababawasan ang mga taong kailangang gugulin ng mga mag-aaral sa kolehiyo.


Mahalagang tiyakin nating hindi nauulit ang mga kursong kinukuha ng ating mga mag-aaral upang matutukan nila ang kanilang specialization at hindi na umabot sa apat na taon ang kolehiyo. Para sa inyong lingkod, hindi dapat maging pasanin para sa ating mga mag-aaral at kanilang mga pamilya ang mga dagdag na semestre dahil nabigo tayong tuparin ang mga pangako ng programang K to 12, lalo na’t 12 taon na ang lumipas simula nang ipatupad ito. Panahon na upang tuparin natin ang mga dating ipinangako sa ating mga mag-aaral at sa kanilang mga pamilya.


Ayon sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), masyadong binibigyang-diin ng mga programa sa kolehiyo ang mga kurso sa GE, samantalang kulang naman ang internship at hands-on training. Batay din sa mga inisyal na resulta ng isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), mas maraming required courses sa ilalim ng mga programa sa Pilipinas kung ihahambing sa mga programa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), European Union (EU), at Australia.


Noong nagsagawa tayo ng pagdinig ukol sa pagpapatupad ng bagong curriculum ng senior high school, naghain ang inyong lingkod ng mga rekomendasyon upang mabawasan ang mga taong kailangang gugulin ng mga mag-aaral sa kolehiyo.

Isa sa ating mga panukala ang pagbabawas pa ng mga GE courses.


Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 36 units ng GE ang kinukuha ng mga mag-aaral, ngunit hindi pa rin ito sapat upang mabawasan ang panahong kailangang ilaan ng ating mga mag-aaral sa kolehiyo. Iminungkahi rin natin na tiyaking ang mga paksang tinatalakay sa GE courses ay maituturo pa rin sa senior high school.


Kaya naman sa pagbubukas ng 20th Congress, ihahain ng inyong lingkod ang isang

panukalang batas upang mabawasan ang mga taon sa kolehiyo. Patuloy din nating tututukan ang pagpapatupad ng Department of Education (DepEd) ng bagong curriculum sa senior high school.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 10, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Magandang balita para sa ating mga guro at mga school leaders: pasado na sa huli at ikatlong pagbasa sa Senado ang ating panukalang batas para i-institutionalize ang Career Progression System for Public School Teachers.


Matatandaang sa ilalim ng Executive Order No. 174 na nilagdaan noong Hunyo 23, 2022, itinatag ang Expanded Career Progression System upang magkaroon ng mas maraming oportunidad para sa ating mga guro. Alinsunod sa pagpapalawak ng mga oportunidad na ito, nilikha ng naturang executive order ang mga posisyong Teacher IV, V, VI, at VII at Master Teacher V.


Mahalagang hakbang ito, lalo na’t nais nating bigyang pagkakataon ang ating mga guro na mas umangat sa kanilang mga karera. Kaya naman naghain tayo ng panukalang batas upang matiyak nating magpapatuloy at mapapatatag pa natin ang ganitong polisiya.


Sa ilalim ng Career Progression System for Public School Teachers and School Leaders Act (Senate Bill Number 3000) na isinulong ng inyong lingkod, palalawakin ang mga oportunidad para sa mga guro at mga school leaders pagdating sa pagtuturo at school administration at supervision. Ang mga posisyong Teacher I at Master Teacher I ang magsisilbing base positions para sa pinalawig na career progression system.


Nakasaad din sa panukalang batas na lilikha ang Department of Budget and Management ng mga bagong teaching position titles na Teacher IV, Teacher V, Teacher VI, Teacher VII, Master Teacher V, Master Teacher VI, School Principal V, Education Supervisor III, Education Supervisor IV, at Education Supervisor V. Ang mga naturang posisyon ay isasali sa Index of Occupational Services, Occupational Groups, Classes, and Salary Grades.


Sa ating panukalang batas, tiniyak nating ang kakayahan ng ating mga public school teachers at school leaders, alinsunod sa mga qualifications at professional standards, ang magiging batayan ng mga promotion. Para sa isang Master Teacher I, maaari niyang pasukin ang career line sa pagtuturo, school administration, o supervision.


Sa ilalim ng ating panukalang batas, imamandato sa Department of Education (DepEd) na magkaroon ng malinaw na mga pamantayan sa pagsusuri sa kakayahan ng mga guro at mga school leaders. Kailangan ding isapubliko ang proseso ng assessment, mga criteria, point system, pati na rin ang Standards-Based Assessment para sa mga guro at school leaders. Ito ay para tiyakin na magiging patas ang pagsusuri sa kakayahan ng mga guro at mga school leader na naghahangad ng promotion.


Ang subject area at pedagogical knowledge, pati na rin ang iba pang mga requirements ng professional standards ang magiging batayan sa promotion sa Teaching Career Line.


Ang professional standards pa rin ang magiging batayan ng promotion sa ilalim ng School Administration at Supervision Career Line, kung saan susuriin ang organizational and managerial effectiveness o epektibong pamumuno pagdating sa productivity, performance, efficiency, at iba pa.


Umaasa ang inyong lingkod na ganap na maisasabatas ang panukala nating ito. Kung maisasabatas natin ito, maituturing itong isang mahalagang tagumpay para sa ating mga guro.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page