top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 26, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong mga nakaraang araw ay muling napabalita kung gaano kalawak ang krisis na kinakaharap ng ating bansa pagdating sa edukasyon. Kasunod ito ng mga pahayag ni UNICEF Education Chief Akihiro Fushimi, kung saan binigyang-diin niyang 90 porsyento o siyam sa 10 mag-aaral sa Grade 5 ang hindi nakakabasa sa antas na inaasahan para sa kanilang grade level. Samantala, 83 porsyento naman o walo sa 10 mag-aaral sa Grade 5 ang patuloy na nahihirapan pagdating sa basic mathematics.


Ayon din sa UNICEF, ang ating mga mag-aaral sa Grade 4 ay meron lamang literacy at numeracy na taglay ng mga mag-aaral sa Grade 1 o 2.


Laganap na ang krisis sa edukasyon dito sa bansa bago pa tumama ang pandemya ng COVID-19. Noong sumiklab ang pandemya, halos dalawang taong hindi nagsagawa ng face-to-face classes ang mga mag-aaral. Dahil dito, lalong lumala ang kinakaharap na krisis ng bansa pagdating sa edukasyon.


Isa mga naging hakbang upang tugunan ang mga pinsalang dulot ng pandemya ay ang pagsulong natin sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Republic Act No. 12028). Mandato ng naturang batas ang pagsasagawa ng mga libreng tutorial sessions para sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 10, lalo na iyong mga hindi nakakamit ang minimum proficiency levels na inaasahan sa reading, mathematics, at science. 


Tututukan ng ARAL Program ang reading at mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at science para sa Grade 3 hanggang Grade 10. Para sa mga mag-aaral sa Kindergarten, tututukan naman ang pagpapatatag ng foundational skills kagaya ng literacy at numeracy.


Kasabay ng pagpapatupad ng ARAL Program, kailangan din nating magsagawa ng iba pang mga hakbang upang masugpo ang krisis sa edukasyon. Kailangan nating bigyang ang mga kabataan ng matatag na pundasyon upang magtagumpay sila sa kanilang pag-aaral.


Isa rito ang pagpapatatag sa mga programa at serbisyo na may kinalaman sa Early Childhood Care and Development (ECCD) para sa mga batang wala pang limang taong gulang. Makakamit natin ito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 12199). Sa ilalim ng naturang batas, magiging saklaw ng ECCD System ang kabuuan ng mga programang may kinalaman sa kalusugan, nutrition, early childhood education, at social services development.


Nakasaad din sa naturang batas na mangunguna ang ating mga local government unit (LGU) sa pagtiyak na maihahatid natin sa mga batang wala pang limang taong gulang ang mga programa at serbisyong pang-ECCD.


Nauugnay din sa mga programa at serbisyong pang-ECCD ang pagtugon natin sa kakulangan sa nutrisyon ng mga kabataan. Ayon sa World Food Programme, hindi bababa sa 1.7 milyong mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ang itinuturing na malnourished, bagay na nagdudulot din ng mahinang performance ng ating mga mag-aaral.


Kailangan nating tiyakin na nakakamit na ng mga mag-aaral ang literacy at numeracy sa pagtatapos ng Grade 3. Kung mapapatatag natin ang pundasyon ng ating mga kabataan, masusugpo natin ang krisis sa edukasyon. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 24, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa pagbubukas ng 20th Congress, maghahain ang inyong lingkod ng isang panukalang batas upang mapaikli ang bilang ng mga taong kinakailangang gugulin ng ating mga mag-aaral sa kolehiyo. Panahon na upang tuparin natin ang ipinangako ng gobyerno noong nagdagdag tayo ng dalawang taon sa high school: iikli ang panahong kailangang ilaan ng ating mga mag-aaral sa mga kursong nais nilang kunin.


Nagiging usap-usapan kamakailan ang mga panukala kung nararapat na bang buwagin ang senior high school. Matatandaan na ipinangako ng dagdag na dalawang taon sa high school na magiging handa ang ating mga mag-aaral sa kolehiyo o sa trabaho.


Ngunit marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi kontento sa senior high school.

Sa isang Pulse Asia Survey na isinagawa noong March 23-29, lumalabas na 40% o 4 sa 10 sa ating mga kababayan ang hindi contented sa senior high school. Noong tinanong ang ating mga kababayan kung bakit hindi sila kontento sa naturang programa, lumalabas na pangunahing dahilan ang dagdag-gastos. Sa kabila nito, wala pa ring katiyakang makakakuha ang ating mga senior high school graduates ng trabaho.


Dahil dito, may mga nagsusulong na alisin na lamang ang senior high school. Ngunit maaari ring magdulot ng pinsala ang ganitong hakbang. Isa sa ating mga pinangangambahan ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.


Para sa inyong lingkod, mas mahalagang patatagin natin ang senior high school upang maramdaman ng ating mga kababayan ang benepisyo nito. Upang ihanda ang ating mga senior high school graduates sa trabaho, mahalagang ituro natin sa kanila ang mga soft skills tulad ng critical thinking, communication, creativity, socio-emotional skills at iba pa.


Kasabay nito, kailangang tuparin na natin ang ipinangakong mas maikling panahong kailangang gugulin sa kolehiyo. Isa sa mga paraan para magawa ito ay ang pagtuturo ng mga kurso ng General Education (GE) sa senior high school. Lumabas sa mga pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education na halos 42% ng mga programa sa kolehiyo ay nakatutok sa GE. Samantala, hindi naman sapat ang panahong inilalaan ng ating mga mag-aaral sa internship o on-the-job training kung ihahambing sa mga programa sa mga karatig-bansa sa Timog Silangang Asya, Australia, at Europa.


Bagama’t ipapatupad ngayong school year ang pilot ng bagong senior high school curriculum, itutuloy pa rin natin ang paghahain ng panukalang reporma sa kolehiyo. Patuloy din nating tututukan ang bagong programa ng senior high school upang masuri kung nakakatulong ba ang mga ito sa ating mga mag-aaral. Kung kaya nating tapusin ang mga programa sa panahong mas maikli sa apat na taon, magiging malaking tulong ito sa ating mga kababayan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 19, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Kasunod ng pagsisimula ng klase ngayong School Year 2025-2026, muling binigyang pansin ang kakulangan ng mga classroom sa buong bansa. 


Ayon sa Department of Education (DepEd), umaabot sa mahigit 165,000 ang bilang ng mga kulang na silid-aralan sa bansa. Aabot ng humigit-kumulang P413.6 bilyon ang kakailanganin nating pondo upang maipatayo ang lahat ng classrooms na ito. 


Ayon sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), ang hindi mabisang paggamit ng Basic Education Facilities Fund ang isa sa mga dahilan kung bakit naaantala ang pagpapatayo ng mga silid-aralan. Hamon din ang mga delay sa procurement at ang kakulangan sa maayos na ugnayan sa pagitan ng DepEd at Department of Public Works and Highways (DPWH).


Kung mananatili ang mabagal na pagpapatayo ng mga classroom, aabutin ng 55 taon bago mapunan ang kakulangan sa mga classroom. Mahalagang matugunan natin ang suliraning ito dahil ang ating mga mag-aaral ang lubos na naaapektuhan kung wala silang sapat na espasyo para sa kanilang pag-aaral. Hindi maaaring dating gawi o business-as-usual na lang tayo pagdating sa pagpapatayo ng mga sapat na silid-aralan. Kailangan nating magpatupad ng iba’t ibang paraan upang mapunan natin ang kakulangan ng classrooms sa bansa. 


Isa sa mga matagal na nating isinusulong ang pagpapatupad ng isang ‘counterpart program.’ Sa naturang programa, pinopondohan ng local government units (LGUs) ang 50% ng halagang kinakailangan para sa pagpapatayo ng mga kinakailangang classroom, samantalang ginagastusan ng national government ang natitira pang 50%. 


Kung maraming LGUs ang makikilahok sa ganitong programa, maraming mga siyudad at munisipalidad ang sabay-sabay na makakapagpatayo ng mga silid-aralan. Mas mabilis nating mapupunan ang kakulangang ito. 


Isinusulong din natin ang paggamit sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) upang mabawasan ang siksikan sa mga pampublikong paaralan. Sa ilalim ng 19th Congress, inihain natin ang Senate Bill No. 2911 na layong amyendahan ang Republic Act No. 6728 o ang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act (GASTPE). 


Sa ilalim ng ating panukala, magiging saklaw na rin ng GASTPE ang lahat ng mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6. Lahat ng tulong pinansyal sa mga benepisyaryong mag-aaral ng pribadong paaralan ay ibibigay bilang voucher katulad ng ginagawa sa Senior High School Voucher Program (SHS-VP). 


Nais nating bigyang prayoridad ang mga lugar kung saan maraming mga pampublikong paaralan na mataas ang populasyon. Sa pamamagitan ng pinalawak na GASTPE, ang mga labis na mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ay maaari nang makapag-aral sa mga pribadong eskwelahan gamit ang mga voucher mula sa pamahalaan.


Isa rin sa mga iminumungkahi natin ang pagkakaroon ng public-private partnerships, kung saan palalawakin ang pakikilahok ng pribadong sektor sa pagpapatayo ng mga classroom. Ilan lamang ito sa mga maaari nating gawin upang matiyak ang sapat na bilang ng classrooms. 


Kung magpapatuloy ang ating bayanihan, naniniwala akong magkakaroon din tayo ng sapat at maayos na espasyo para sa edukasyon.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page