ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | March 3, 2026

Pagdating sa kalusugan, nagsisilbing unang takbuhan ng ating mga kababayan ang mga Barangay Health Workers (BHW). Tumatayo sila bilang ating “first line of defense” o frontliners na nagbibigay ng bakuna, nagsasagawa ng screening para sa blood pressure, diabetes, malnutrisyon, at iba pa. Katuwang din sila sa pagtuturo ng basic hygiene at sanitation sa lokal na komunidad.
Bilang pagkilala sa mahalaga nilang papel sa ating mga komunidad, isinusulong ng inyong lingkod ang Magna Carta of Barangay Health Workers dahil nararapat lamang na mabigyan sila ng tamang benepisyo at proteksyon para sa kanilang serbisyo sa ating mga komunidad.
Layon ng Senate Bill No. 1905 o ang Magna Carta of Barangay Health Workers na bigyan ng kaukulang benepisyo ang ating mga medical frontliners. Sa datos ng Department of Health (DOH) noong 2025, umabot sa 277, 767 ang bilang ng mga BHW sa bansa. Subalit, 72% lamang sa kanila ang accredited at rehistrado.
Lumabas din sa isang survey ng National BHW Confederation na umaabot sa 89% ng mga BHW ang nakakaranas ng kakulangan sa kita para matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Bukod sa mababang sahod, iniulat din ng karamihan sa kanila ang pangambang hindi sila ligtas sa lugar ng kanilang trabaho.
Nakapaloob sa Magna Carta ang pagbibigay ng honorarium na hindi bababa sa P3,000 kada buwan, pati na rin ang transportation, subsistence, at hazard allowance sa ating mga BHWs. Tinitiyak din nito na hindi sila mawawalan ng proteksyon sa oras ng pangangailangan dahil kasama dito ang GSIS insurance coverage at libreng serbisyong legal para sa mga usaping may kaugnayan sa kanilang tungkulin bilang BHW.
Layon din ng panukalang batas na ito ang professionalization ng mga BHW. Sa pagtutulungan ng DOH at ng iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Education, Commission on Higher Education, Technical Education and Skills Development Authority, Civil Service Commission, at iba pang mga ahensya ng pamahalaan, mabibigyan ang mga BHW ng pagkakataon na palalimin ang kanilang edukasyon at pagsasanay para sa kanilang career advancement. Mabibigyan din ng scholarship ang isang anak ng aktibong BHW.
Hindi lamang kinikilala ng panukalang ito ang kanilang mahalagang papel bilang health care workers dahil gagawin ding opisyal ang kanilang tungkulin na may maayos na sistema ng recruitment at retention. Mabibigyan ng Civil Service eligibility ang mga BHW na nakapagsilbi na ng limang taon.
Sa kabila ng bigat at kahalagahan ng tungkulin ng mga BHW, kasalukuyang nananatiling kulang ang suporta at proteksyong natatanggap nila mula sa pamahalaan. Kaya naman, layon nating itama ang mga kakulangang ito sa pagsasabatas ng Magna Carta of Barangay Health Workers upang mabigyan sila ng sapat na suportang pinansyal at seguridad sa trabaho. Nararapat lamang na ang mga taong nag-aalaga sa ating kalusugan ay naaalagaan din.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
