top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 30, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa isinagawang pagdinig sa panukalang pondo ng State Universities at Colleges (SUCs) para sa taong 2026, binigyang diin ng inyong lingkod na titiyakin nating mapupunan ang kakulangan sa pondo para sa libreng kolehiyo.


Una, babayaran natin ang P12.3 bilyong kakulangan sa pondo ng libreng kolehiyo mula 2022 hanggang 2025. Pangalawa, titiyakin nating mapupunan natin ang tinatayang P3.34 bilyon na kulang para sa pagpapatupad ng libreng kolehiyo sa taong 2026. 


Bilang isa sa mga may akda at sponsor ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) o ang batas para sa libreng kolehiyo, taun-taon nating pinagsisikapan na maglaan ng sapat na pondo para sa programang ito, lalo na’t nakasalalay dito ang patuloy na edukasyon at katuparan ng pangarap ng ating mga mag-aaral, pati na ng kanilang mga pamilya.


Para sa taong 2026, P26.15 bilyon ang inilaan sa programa sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) ngunit ayon sa Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC), tinatayang aabot sa P29.11 bilyon ang kinakailangang pondo para sa pagpapatupad ng libreng kolehiyo sa taong 2026. Ang halagang ito ay nakabatay sa tinatawag nating Program of Receipt and Expenditures mula sa PASUC, kung saan nakasaad ang inaasahang gastusin ng mga SUCs para matustusan ang edukasyon ng kanilang mga mag-aaral. Inaasahan namang aabot sa humigit-kumulang 1.98 milyong mag-aaral ang makikinabang sa libreng kolehiyo sa susunod na taon. 

Kung babalikan natin ang budget cycle ng mga nagdaang taon, parating binibigyang diin ng inyong lingkod ang epekto ng kakulangan sa pondo para sa libreng kolehiyo.


Naaapektuhan ng kakulangan sa pondo ang kakayahan ng mga SUCs na magpatayo ng mga bagong laboratory, silid-aralan, at iba pang mga pasilidad na kinakailangan para makapaghatid ng dekalidad na edukasyon para sa ating mga mag-aaral. 


Bagama’t titiyakin na nating mapupunan ang kakulangan sa pondo ng libreng kolehiyo mula sa mga nagdaang taon hanggang sa susunod na taon, mahalagang matiyak nating maiwawasto ang pagkuwenta sa kinakailangang gastusin para sa pagpapatupad ng programa, lalo na’t inaasahang dadami ang bilang ng mga enrollees.   


Ayon sa Department of Budget and Management (DBM) ginagawa nilang batayan ang average growth sa enrollment ng mga nagdaang taon imbes na ang inaasahang bilang ng mga mag-aaral. Kaya naman hinihimok natin ang DBM, mga SUCs at ang Commission on Higher Education na magkaroon ng wastong formula sa pagkuwenta ng kinakailangang pondo para sa libreng kolehiyo. Sa ganitong paraan maiiwasan natin ang pagkakaroon ng kakulangan sa pondo ng naturang programa para sa mga susunod na taon.


Muli naman nating inaanyayahan ang ating mga kababayan na tutukan ang pagtalakay ng panukalang budget para sa taong 2026. Magtungo lamang sa budget transparency portal ng Senado para sa pinakahuling balitang may kinalaman sa panukalang 2026 budget. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 23, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Noong tinalakay natin ang panukalang pondo ng Department of Education (DepEd), pinuna ng inyong lingkod ang isang ulat ng Commission on Audit (COA) kung saan lumabas na nabigo ang ahensya na i-remit ang P5.77 bilyon na employee contributions sa Government Service and Insurance System (GSIS), PhilHealth, at Pag-IBIG para sa taong 2024.


Binigyang pansin ito ng inyong lingkod matapos tayong makatanggap ng ilang mga liham mula sa ating mga guro, kung saan ipinahayag nila ang kanilang pagkabahala pagdating sa access sa kanilang mga benepisyo. Nababahala rin ang inyong lingkod na baka magkaroon sila ng mga penalty o multa dahil sa mga kontribusyong hindi na-remit. 


Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nagpulong na ang DepEd at GSIS upang linawin ang estado ng kanilang mga account. Matapos ang pagpupulong, lumabas na P3 bilyon ang utang ng DepEd na mula sa government counterpart contributions.


Sabi pa ni Secretary Angara, nahihirapan ang ahensya na masunod ang threshold ng GSIS, dahil tatanggapin lang nila ang mga inaasahang bayarin kung katumbas ito ng 95% ng dapat na kontribusyon mula sa mga empleyado. Nahihirapan din ang DepEd na mangolekta ng mga contribution dahil halos 3,000 implementing units at halos isang milyong miyembro ang saklaw nito. 


Upang maayos ang access ng mga guro at punong-guro sa kanilang mga benepisyo, pinag-aaralan ng inyong lingkod ang paglalaan ng P3 bilyon upang mabayaran ang utang ng DepEd mula sa mga kontribusyong hindi pa naipapadala o naire-remit sa GSIS. 


Kasunod ito ng pag-apela ng DepEd sa Committee on Finance na tulungan silang bayaran ang nasabing utang.


Kung matutugunan natin ang mga suliraning may kinalaman sa GSIS at iba pang mga benepisyo, maiaangat natin ang morale ng ating mga guro at punong-guro.


Mahalagang mabigyan natin ito ng solusyon dahil ang ating mga guro at mga punong-guro ang lubos na naaapektuhan. Kung mababayaran natin ang utang ng DepEd, mabibigyan natin sila ng kasiguruhan ng access sa kanilang mga benepisyo. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 23, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Magandang balita para sa ating mga guro at mga punong-guro: pirmado na ang Career Progression System for Public School Teachers and School Leaders Act (Republic Act No. 12288) na isinulong ng inyong lingkod. 


Para sa ating mga guro at punong-guro, hatid nito ang mas maraming mga oportunidad para sa pag-angat ng kanilang karera at professional development. At dahil mas malawak na ang mga oportunidad para sa kanila, mas matitiyak nating wala nang guro ang magreretiro na Teacher I ang posisyon.


Unang na-institutionalize ito noong nilagdaan ang Executive Order No. 174 noong Hunyo 23, 2022. Ngayong naisabatas na rin natin ang naturang polisiya, matitiyak nating patuloy itong maipatutupad ng ating pamahalaan. 


Sa ilalim ng bagong batas, lilikha ang Department of Budget and Management ng mga bagong teaching position titles na Teacher IV, Teacher V, Teacher VI, Teacher VII, Master

Teacher V, Master Teacher VI, at School Principal V. 


Para sa nasa ilalim ng Teaching Career Line, ang kaalaman sa mga paksang itinuturo ang isa sa mga magiging batayan para sa promotion. Para naman sa mga nasa ilalim ng School Administration Line, ang epektibong pamumuno, productivity, at iba pang mga pamantayang itatalaga ng professional standards ang magiging batayan para sa promotion.


Nakasaad din sa naturang batas na magbabalangkas ang Department of Education ng mga malinaw na pamantayan sa promotion ng mga guro at punong-guro. Nakatakda sa batas na ang magiging batayan ng promotion ay kakayahan at kahandaan ng mga guro batay sa mga qualifications at professional standards. Upang maging mas transparent at patas ang sistema ng promotion, ang criteria, point system, at Standard-Based Assessment para sa bawat guro at punong-guro ay ipapaalam sa kanila. 


Pero kinakailangan nilang dumaan sa isang support program kung hindi sila makapasa sa Standards-Based Assessment sa dalawang magkasunod na pagsusuri. Upang maisakatuparan ito, imamandato ang National Educators Academy na bumuo ng naturang programa. 


Mahalaga ang batas na ito upang isulong ang kapakanan ng ating mga guro at punong-guro. Bilang may akda ng naturang batas, titiyakin nating epektibo itong maipapatupad upang tumaas ang morale ng mga guro at punong-gurong nagsisilbing frontliners sa paghahatid ng edukasyon sa ating mga kabataan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page