top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 8, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ang aking asawa ay pumanaw noong Abril 2014 dahil sa isang aksidente.  Naganap ang insidente sa Quezon City nang ang isang pampasaherong sasakyan (PUV) na pag-aari ng ABC Transit, na noon ay mapanganib at walang-ingat na binabagtas ang Commonwealth Avenue — biglang lumiko ito, at bumangga sa motorsiklo na sinasakyan ng aking asawa, na naging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.


Nagdaan ang mahabang panahon ay walang nakipag-ugnayan sa amin mula sa operator ng bus o drayber, kaya noong Agosto 2025 ay nagpasya kaming magsampa ng magkahiwalay na kaso laban sa drayber at/o operator ng naturang PUV — isa para sa reckless imprudence resulting in homicide, at isa pa para sa danyos (damages). Sinabihan ako na hindi ko na diumano maaaring ituloy ang mga kasong ito. Tama ba iyon? – Peter



Dear Peter,


Ang magkahiwalay na mga kasong isinampa mo ay nag-prescribe na o hindi na maaaring ituloy dahil sa paglipas ng panahon ayon sa batas.

Ang kasong kriminal na Reckless Imprudence Resulting in Homicide ay saklaw ng Artikulo 365 ng Revised Penal Code (RPC) na tumatalakay sa mga gawaing nagawa dahil sa kapabayaan o kawalang-ingat, at hindi dahil sa sinadyang layunin. Ang mga parusa sa ilalim ng probisyong ito ay nag-iiba batay sa kabigatan ng resulta ng kapabayaan o kawalang pag-iingat. Sa ilalim ng nasabing probisyon, ang pinakamataas na parusang ipinapataw para sa ganitong paglabag ay prisión correccional sa minimum period:


“Art. 365. Imprudence and negligence. — Any person who, by reckless imprudence, shall commit any act which, had it been intentional, would constitute a grave felony, shall suffer the penalty of arresto mayor in its maximum period to prision correccional in its medium period;”


Ayon din sa Artikulo 90 ng RPC, ang mga krimen na may kaakibat na parusa na correctional ay maaaring ituloy o isampang kaso sa loob ng 10 taon:

“Art. 90. Prescription of crime. — Crimes punishable by death, reclusion perpetua or reclusion temporal shall prescribe in twenty years. 


Those punishable by a correctional penalty shall prescribe in ten years; with the exception of those punishable by arresto mayor, which shall prescribe in five years.” 


Sa kadahilanang ang naging resulta ng krimen ay homicide, na itinuturing na isang mabigat na krimen (grave felony) kung ito ay sinadya, ang parusang maaaring ipataw ay prisión correccional sa minimum period.  Kaya naman, ang pagsasampa ng kaso para sa Reckless Imprudence Resulting in Homicide, na pinarurusahan ng correctional penalty, ay nagpe-prescribe makalipas ang 10 taon.


Sa iyong kaso, dahil noong Agosto 2025 mo lamang naisampa ang kasong kriminal para sa reckless imprudence resulting in homicide, samantalang ang insidente ay nangyari pa noong Abril 2014 o mahigit 11 taon na ang lumipas, itinuturing na nag-prescribe na o huli na ang pagsasampa ng naturang kasong kriminal.


Hinggil naman sa kasong sibil na Damages base sa quasi-delict na nais ninyong isampa, ito ay hindi na rin puwedeng ituloy o isampa dahil mayroon ka lamang apat na taon mula nang mangyari ang insidente upang isampa ito.  Ito ay base sa Artikulo 1146 ng New Civil Code (NCC) na may kaugnayan sa Artikulo 2176 ng NCC, kung saan nakasaad na:


“Article 1146. The following actions must be instituted within four years:

(1) Upon an injury to the rights of the plaintiff;

(2) Upon a quasi-delict;”

Art. 2176 of the New Civil Code defines quasi-delict as:

“Whoever by act or omission causes damage to another, there being fault or negligence, is obliged to pay for the damage done. Such fault or negligence, if there is no pre-existing contractual relation between the parties, is called a quasi-delict and is governed by the provisions of this Chapter.”

Ayon din sa kasong ERNESTO KRAMER vs. HON. COURT OF APPEALS and TRANS-ASIA SHIPPING LINES, INC., G.R. No. 83524, October 13, 1989, sa pagresolba hinggil sa apat na taong prescriptive period, ay pinagtibay ng Korte Suprema, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Emilio A. Gancayco


“Under Article 1146 of the Civil Code, an action based upon a quasi-delict must be instituted within four years. The prescriptive period begins from the day the quasi-delict is committed. In Paulan v. Sarabia, this Court ruled that in an action for damages arising from the collision of two trucks, the action being based on a quasi-delict, the four year prescriptive period must be counted from the day of the collision.”


Base sa nasabing probisyon at kaso, hindi mo na puwedeng isampa ang nasabing kasong sibil dahil lagpas apat na taon na ang lumipas magmula nang mangyari ang aksidente noong Abril 2014.  


Nawa ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | January 8, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Mas pinabilis na pagpapatayo ng mas maraming mga silid-aralan, mas pinalawak na School-Based Feeding Program, at kumpletong mga aklat para sa ating mga mag-aaral. Ilan lamang ito sa mga pagsisikapan nating makamit gamit ang makasaysayang P1.3 trilyong pondong inilaan natin para sektor ng edukasyon ngayong 2026. Maliban sa mga malinaw na prayoridad na ito, tiniyak din nating magpapatuloy ang suporta sa mga mag-aaral natin sa Alternative Learning System (ALS).


Kung ating babalikan, binibigyan ng ALS ng pangalawang pagkakataon sa edukasyon ang mga mag-aaral nating hindi nakapagtapos ng kanilang pag-aaral. Sa ilalim ng Alternative Learning System Act (Republic Act No. 11510) na iniakda at isinulong ng inyong lingkod, pinatatag at ginawa nating institutionalized ang ALS upang palawakin ang mga oportunidad para sa tuloy-tuloy na pag-aaral ng mga out-of-school children in special cases at mga nakatatandang mga mag-aaral, kabilang ang mga indigenous peoples.


Ang mga out-of-school children in special cases ay mga kabataang nasa tamang gulang para pumasok sa paaralan ngunit hindi makapag-aral dahil sa iba’t ibang mga hadlang sa kanilang patuloy na edukasyon. Kabilang sa mga maituturing na out-of-school children in special cases ang mga learners with disabilities o mag-aaral na may kapansanan, indigenous peoples, children in conflict with the law, mga mag-aaral na nasa gitna ng sakuna, at iba pang mga mag-aaral mula sa mga marginalized sectors. Layunin ng ALS na mabigyan ang mga mag-aaral na ito ng basic at functional literacy at mabigyan ng pagkakataon na matapos nila ang basic education.


Isa rin sa mga mandato ng batas ang pagpapatayo ng hindi bababa sa isang ALS Community Learning Center (CLC) sa bawat lungsod at munisipalidad. Bilang pagtupad sa mandatong ito, naglaan ang 2026 budget ng P56 milyon para sa pagpapatayo ng mga ALS CLC. Bibigyang prayoridad natin ang mga lugar kung saan maraming mga out-of-school children in special cases at mga nakatatandang mga mag-aaral na hindi nakapagtapos o kaya naman ay walang functional literacy.


May P4.9 bilyon ding nakalaan para sa flexible learning options upang suportahan ang pagpapatupad ng ALS, ng alternative delivery modes o ibang paraan ng pagtuturo, at ang mga inisyatibo ng Department of Education para sa Education in Emergencies o edukasyon sa gitna ng mga sakuna.


Para sa taong 2026, layon nating umabot sa 639,872 ang bilang ng mga mag-aaral na naka-enroll sa ALS. Bagama’t may nakalaang pondo para sa ALS at sa mga mag-aaral nito, mahalagang tiyakin din natin na magagastos ang mga ito nang maayos at ayon sa batas. Makakaasa ang ating mga kababayan na patuloy nating tututukan ang pagpapatupad ng 2026 budget upang matiyak na bawat sentimo ng buwis na kanilang ibinabayad ay pakikinabangan din nila.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Leonida Sison @Boses | January 8, 2026



Boses by Ryan Sison


Karapatan ng ating mga guro ang makatanggap ng tamang atensyon sa kanilang kalusugan. Sa mahabang panahon, tila ito ang isa sa mga pinakakalimutang aspeto ng sistema ng edukasyon.


Sa gitna ng mabibigat na tungkulin, siksikan na klase, at responsibilidad sa paghubog ng kabataan, madalas na hindi nabibigyan ng pansin ang kalusugan ng mga pampublikong guro.


Kaya’t ang paghahain ng isang senador ng Senate Bill No. 1585 o Public School Teachers’ Hospital Benefits Act ay hindi lamang simpleng panukala—ito ay paninindigan para sa dignidad ng mga guro.


Layunin ng panukala na gawing institusyonal, garantisado, abot-kaya, at accessible ang serbisyong pang-ospital para sa lahat ng public school teachers at kanilang mga dependents.


Sa ilalim nito, obligadong magbigay ang lahat ng pampublikong ospital ng preventive, promotive, diagnostic, curative, at rehabilitative health care. Kasama rin ang hindi bababa sa 10% diskuwento sa konsultasyon at pagpapa-ospital, pati na rin ang pagtatatag ng fast-lane facilities para sa mga guro.


Hindi kathang-isip ang pinanggagalingan ng panukalang ito. Batay sa isang pag-aaral noong 2023 na inilathala sa Acta Medica Philippina, mataas ang kaso ng stress-related disorders, altapresyon, at musculoskeletal problems sa hanay ng mga guro. Kinilala rin ng World Health Organization (WHO) ang matinding panganib ng burnout at chronic fatigue ng mga educators kapag kulang ang suporta sa healthcare.


Sa kabila nito, nananatiling pira-piraso at limitado ang benepisyong medikal na natatanggap nila. Sa kasalukuyan, may P7,000 medical allowance mula sa DepEd ang mga guro, ngunit hindi ito sapat para sa laboratory tests, confinement, at gastusing medikal ng kanilang pamilya. Mas lalong kitang-kita ang agwat kung ihahambing sa ibang sektor ng gobyerno tulad ng PNP at AFP, na may sariling ospital at prayoridad para sa kanilang mga tauhan.


Ang isyung ito ay hindi lamang para sa mga guro. Kapag may sakit ang guro, apektado ang klase. Kapag pagod at problemado ang guro, apektado ang mag-aaral. Kapag

pinabayaan ang guro, buong komunidad ang nadadala.


Ang panukalang batas na ito ay pagkilala na ang kalidad ng edukasyon ay nagsisimula sa kalusugan ng mga nagtuturo.


Ang Public School Teachers’ Hospital Benefits Act ay paalala na ang malasakit sa guro ay malasakit sa kinabukasan ng bayan. Ang pag-aalaga sa kanilang kalusugan ay nararapat lamang, dahil ito ang pundasyon ng isang makatao at makatarungang lipunan—lalo na para sa kinabukasan ng ating mga kabataan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page