ni Leonida Sison @Boses | May 5, 2026

Sa gitna ng pagtaas ng presyo ng krudo at hirap ng buhay, lumalabas ngayon na libu-libong TNVS drivers at motorcycle taxi riders ang walang prangkisa o “colorum,” ngunit kabilang sa mga humihingi ng ayuda mula sa gobyerno. Dito pa lang, malinaw na may malaking butas sa sistema at ang tanong ng taumbayan: sino ang tunay na mananagot?
Sa datos ng Department of Transportation (DOTr), may itinakdang 54,000 na lehitimong TNVS drivers. Ngunit sa listahan ng mga humihingi ng ayuda, umabot ito sa halos 100,000. Ibig sabihin, may libu-libong indibidwal na posibleng ilegal ang operasyon ngunit nakapasok pa rin sa listahan ng benepisyaryo.
Mas matindi pa sa sektor ng motorcycle taxi—mula sa cap na 78,000 riders, tinatayang lumobo ito sa mahigit 200,000 sa kalsada. Hindi na ito simpleng paglabag, dahil malinaw na ito ay indikasyon ng sistematikong kapabayaan.
Dahil dito, ipinag-utos ng DOTr ang pagpapatigil ng onboarding ng mga bagong driver at rider, pati na ang on-the-spot na pagre-recruit ng ilang platform. Bagamat hakbang ito tungo sa pag-aayos, tila huli na ang aksyon kung iisipin kung gaano kalaki na ang lumabis. Aminado rin ang pamunuan na may pagkukulang ang mga opisyal.
Ang isyung ito ay hindi lang usapin ng prangkisa o regulasyon. Ito ay tungkol sa patas na oportunidad at tamang distribusyon ng tulong. Habang may mga legal na driver na sumusunod sa batas, may mga “colorum” na nakikinabang din sa ayuda—kawalan ng hustisya. Para sa pasahero, may dagdag pang panganib sa kaligtasan dahil hindi sigurado kung ang sinasakyang sasakyan ay rehistrado at sumusunod sa pamantayan.
Ang problemang ito ay sumasalamin sa kahinaan ng monitoring at enforcement. Hindi sapat ang paglalagay ng cap kung wala namang mahigpit na pagpapatupad. Hindi rin sapat ang pag-amin ng pagkukulang kung walang konkretong pananagutan at reporma.
Ang tunay na hamon ay kung paano maibabalik ang tiwala ng publiko. Kailangang maging malinaw ang proseso, patas ang implementasyon, at may tunay na accountability. Kung hindi ito matutugunan, mananatiling paulit-ulit ang ganitong problema—at ang laging talo ay ang ordinaryong mga Pinoy na umaasa lamang sa maayos, ligtas, at patas na sistema ng transportasyon.


