top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 13, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG ITINULOY NI SEN. BONG GO ANG PAGTAKBONG PRESIDENTE NOONG 2022 AT NAGWAGI, ‘DI SANA NA-SCAM ANG P1.3T UMANONG FLOOD CONTROL PROJECTS, AT NAGAMIT ANG PERA NG BAYAN SA SERBISYO PARA SA MAMAMAYAN -- Sa kuwentada ni Sen. Bong Go, ang na-scam ay P1.3 trillion flood control projects sa panahon ng Marcos administration mula year 2022 hanggang 2025, na ang halagang ito (P1.3T daw) ay puwede na sanang makapagpatayo ng 300K hanggang 600K classrooms, 60K evacuation centers, 80K health centers at 800 tertiary hospitals.


Sayang, kung itinuloy lang sana ni Sen. Bong Go ang pagtakbo niya noong 2022 election matapos na iendorso ni former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) ang kanyang kandidatura for president at siya ang pinalad na nagwagi at naging pangulo ng Pilipinas, hindi sana na-scam ng mga kurakot na politician, Dept. of Public Works and Highways (DPWH) officials at mga kontraktor ang umano’y P1.3T pera ng bayan, na sana ay napunta ito sa mga pangangailangang serbisyo ng mamamayan. 


Ang problem lang noon, naobliga siyang (Bong Go) umatras sa laban sa 2022 presidential election dahil nga ayaw ng noo’y Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na kumalas sa pakikipag-tandem sa private citizen noon na si Bongbong Marcos, kaya nang manalo ito (PBBM) sa pagka-presidente, sa nakalipas lang na tatlong taon ng Marcos administration, ang kaban na ito ng bayan (P1.3T daw) ay napunta sa bulsa ng mga “buwaya” sa pamahalaan, kasabwat ang mga “sindikatong” construction firms, tsk!


XXX


MATIGAS ANG ULO NI VP SARA, AYAW SUMUNOD SA AMA, AT ANG KATIGASAN NA ‘YAN ANG NAGING DAHILAN KAYA NAGING PRESIDENTE SI PBBM -- Kung hindi lang naging matigas ang ulo ng noo’y Davao City Mayor Sara Duterte at sinunod niya ang kagustuhan ng ama (FPRRD) na huwag makipag-tandem kay PBBM, at pagka-presidente ang takbuhan niya (Sara) at gawing ka-tandem sa pagka-VP si Sen. Bong Go noong 2022 election, hindi sana nakulong sa International Criminal Court (ICC) jail ang ex-president, hindi sana nabibiktima ng political persecutions ang pamilya Duterte, at wala rin sanang naganap na flood control projects scam.


Ang nais nating ipunto rito ay walang iba na puwedeng sisihin kung bakit naging presidente si PBBM kundi si VP Sara, period!


XXX


‘WEAK LEADER’ SI PBBM KAYA MAY NAGANAP NA P1.3T DAW NA PANG-I-SCAM SA FLOOD CONTROL PROJECTS -- Kung totoo man ang sinasabi ni Presidential Communications Office (PCO) Usec., spokesperson Claire Castro na walang kinalaman si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa naganap na malawakang flood control projects scam sa bansa, lumalabas ngayon na true ang sinabi ni FPRRD na weak leader umano si PBBM.


Kasi kung hindi ‘weak leader’ si PBBM at may political will siya, sana ang P1.3T umanong kaban ng bayan na inilaan sa flood control projects ay hindi na-scam, boom!


XXX


KUNG TUTULARAN NI EX-DPWH SEC. BONOAN SI EX-CONG. ZALDY CO NA HINDI NA UUWI NG ‘PINAS, MALAMANG KABILANG SILA SA ‘MASTERMIND’ SA FLOOD CONTROL SCAM -- Matapos hilingin ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) noong Nov. 4, 2025 kay Ombudsman Boying Remulla na isama na sa imbestigahan at sampahan ng kaso si former DPWH Sec. Manuel Bonoan, kamakalawa (Nov. 11, 2025) ay lumabas ito ng bansa patungong Amerika.


Kaya kapag si Bonoan ay ginaya na si former Cong. Zaldy Co na ayaw nang umuwi sa ‘Pinas, ibig sabihin niyan na silang dalawa ay kabilang sa mga arkitekto o ‘masterminds’ sa naganap na P1.3T umanong flood control projects scam sa bansa, period!


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 13, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Mula noong nagpalit ang management sa kumpanyang aking pinapasukan ay naging mahirap na ang sitwasyon ko sa trabaho dahil sa mga bagong patakaran na ipinatupad. Ngayon ay pinag-iisipan ko na mag-resign na upang magnegosyo na lamang. Naikuwento ko ito sa aking kapatid at nasabi niya na maaaring may constructive dismissal diumano sa sitwasyon ko dahil naging mahirap na ang trabaho ko mula nang ipatupad ng bagong namamahala ang mga bago nilang patakaran. Ano ba ang pagkakaiba ng constructive dismissal at resignation? -- Brezille



Dear Brezille,


Malayang magbitiw ang isang empleyado sa kanyang trabaho. Kinakailangan lamang na ito ay boluntaryo at naaayon sa Artikulo 300 (a) ng Presidential Decree No. 442 o ang Labor Code of the Philippines, as amended and renumbered:


“An employee may terminate without just cause the employee-employer relationship by serving a written notice on the employer at least one (1) month in advance. The employer upon whom no such notice was served may hold the employee liable for damages” xxx”.


Ang pagbibitiw sa trabaho na hindi boluntaryo at sa kadahilanan na mayroong diskriminasyon laban sa empleyado o may mapang-aping pag-uugali ang employer kung kaya wala nang ibang remedyo ang empleyado kung hindi ang magbitiw sa trabaho ay maaaring maituring na constructive dismissal. 


May pagkakaiba ang constructive dismissal at resignation. Ito ay malinaw na naipaliwanag sa kasong Tacis, et al. vs. Shields Security Services, Inc, et al., G.R. No. 234575, July 7, 2021, kung saan sinabi ng Korte Suprema, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Mahistrado Ramon Paul L. Hernando, na:


Constructive dismissal is an involuntary resignation resorted to when continued employment is rendered impossible, unreasonable or unlikely; or when there is a demotion in rank and/or a diminution in pay. It exists when there is a clear act of discrimination, insensibility or disdain by an employer, which makes it unbearable for the employee to continue his/her employment. In cases of constructive dismissal, the impossibility, unreasonableness, or unlikelihood of continued employment leaves an employee with no other viable recourse but to terminate his or her employment.


The test of constructive dismissal is whether a reasonable person in the employee's position would have felt compelled to give up his position under the circumstances. It is an act amounting to dismissal but made to appear as if it were not. It must be noted, however, that bare allegations of constructive dismissal, when uncorroborated by the evidence on record, cannot be given credence.48


In contrast:

Resignation is the formal pronouncement or relinquishment of a position or office. It is the voluntary act of an employee who is in a situation where he believes that personal reasons cannot be sacrificed in favor of the exigency of the service, and he has then no other choice but to disassociate himself from employment. The intent to relinquish must concur with the overt act of relinquishment; hence, the acts of the employee before and after the alleged resignation must be considered in determining whether he in fact intended to terminate his employment. In illegal dismissal cases, it is a fundamental rule that when an employer interposes the defense of resignation, on him necessarily rests the burden to prove that the employee indeed voluntarily resigned.


Sa iyong sitwasyon, maaari kang magbitiw sa iyong trabaho ng boluntaryo kung ito ay sarili mong desisyon at kagustuhan. Kinakailangan lamang na magsumite ka ng iyong resignation letter isang buwan bago maging epektibo ang nais mong petsa ng pagre-resign. Sa kabilang banda, maituturing na constructive dismissal ang iyong pagbibitiw sa trabaho kung mayroong diskriminasyon, kawalan ng malasakit o pang-unawa, o may paghamak sa iyo ang iyong employer na hindi mo na masikmura o matiis, at ikaw ay wala nang ibang pagpipilian pa kung hindi ang magbitiw sa trabaho. Sa maikling salita, kung ang sanhi ng resignation ay dulot ng mga panlabas na impluwensya na ginawa o nasa kontrol ng employer at hindi boluntaryong pagpapasya ng empleyado, ito ay itinuturing na constructive dismissal.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 13, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nakatakbo ngayong linggo sa plenaryo ng Senado ang pagsisimula ng talakayan hinggil sa panukalang budget ng bansa para sa 2026. Binigyang-diin ng inyong lingkod na ang P1.38 trilyong inilaan sa sektor ng edukasyon ang pinakamataas sa kasaysayan, katumbas ng 4.5% ng Gross Domestic Product (GDP) o 20% ng kabuuang P6.793 trilyong panukalang budget para sa susunod na taon. Mahalaga ito, lalo na’t kinakaharap ng naturang sektor ang isang malawakang krisis. 


Matatandaang iniulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na 24.8 milyon sa ating mga kababayan ang functionally illiterate. Ang pangkaraniwang mag-aaral ay natatapos ng Grade 3 nang hindi nakakamit ang literacy at numeracy.


Lumalabas din sa mga pag-aaral na isa sa apat na batang wala pang limang taong gulang ang maituturing na stunted o maliit para sa kanilang edad. Ito ay resulta ng kakulangan sa nutrisyon sa unang 1,000 araw ng buhay ng isang bata mula sa sinapupunan hanggang sa kanyang ikalawang kaarawan.


Ang lahat ng ito ay mga seryosong hamong kailangan nating harapin, bagay na binibigyan natin ng prayoridad sa ilalim ng 2026 national budget. Sa bersyon ng budget na tinatalakay ng Senado sa kasalukuyan, P992.7 bilyon ang inilaan para sa Department of Education (DepEd), P48.2 bilyon ang inilaan para sa Commission on Higher Education (CHED), samantalang P25.3 bilyon ang inilaan para sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). May P140.3 bilyon namang nakalaan para sa ating mga State Universities and Colleges (SUCs).


Sa pagkakataong ito, tatalakayin natin ang inilaan nating pondo upang mapatatag ang pundasyon ng mga mag-aaral. Dinagdagan natin halimbawa ng P3 bilyon ang pondo para sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, ang ating programa para sa learning recovery na layong bigyan ng libreng tutorial ang mga mag-aaral nating nahihirapan sa kanilang mga aralin. Ang dagdag na pondong ito ang gagamitin para bayaran ang mahigit 440,000 na tutors na tutulong sa 6.7 milyong mga mag-aaral na kailangang makahabol sa Reading at Math. 


Dinagdagan din natin ang P18.08 bilyon na budget para sa mga textbooks. Kung isasama natin ang idinagdag ng Kamara na P11 bilyon para sa mga textbooks, aabot na sa P29 bilyon ang pondo para sa mga aklat. Mapopondohan nito ang 82 textbook titles para sa mahigit 20 milyong mga mag-aaral. 


Nagdagdag din tayo ng pondo upang tugunan ang pangangailangan ng ating mga mag-aaral sa nutrisyon. Para sa School-Based Feeding Program, dinagdagan natin ang P13.61 bilyon na inilaan ng House of Representatives at ginawa na itong P15.06 bilyon. Mabibigyan natin ng masustansyang pagkain ang lahat ng mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1 sa loob ng 200 araw, habang patuloy na sinusuportahan ang mga tinatawag na ‘wasted’ at ‘severely wasted’ na mga mag-aaral mula Grade 2 hanggang 6.


Ilan lamang ito sa binigyan natin ng prayoridad para sa pagpapatatag sa sektor ng edukasyon. Patuloy nating tutukan ang magiging talakayan sa mga susunod na araw upang matiyak na mailalaan natin sa mga tamang programa ang binabayad na buwis ng ating mga kababayan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page