top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 15, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Totoo ba na kapag nahulihan ka ng mahabang baril na walang kaukulang rehistro o lisensya ay awtomatikong maituturing na illegal possession of firearms?

-- Caseykalamdag



Dear Caseykalamdag,


Para sa iyong kaalaman, ang pagdadala ng mahabang baril na walang kaukulang rehistro o lisensya ay kalimitang maituturing na Illegal Possession of Firearms. Ito ay labag sa probisyon ng Seksyon 28, Artikulo IV ng Republic Act No. 10591, na nag-amyenda sa Presidential Decree 1866 at nagsasaad na: 


“The unlawful acquisition, possession of firearms and ammunition shall be penalized as follows: xxx

  1. The penalty of reclusion temporal to reclusion perpetua shall be imposed if three (3) or more small arms or Class-A light weapons are unlawfully acquired or possessed by any person;

  2. The penalty of prision mayor in its maximum period shall be imposed upon any person who shall unlawfully acquire or possess a Class-A light weapon;

  3. The penalty of reclusion perpetua shall be imposed upon any person who shall, unlawfully acquire or possess a Class-B light weapon;


May dalawang elemento ang Illegal Possession of Firearms at ang mga ito ay nabanggit sa kasong Togado vs. People of the Philippines, G.R. No. 260973, Agosto 6, 2024, sa panulat ni Kagalang-galang na Mahistrado Marvic M.V. F. Leonen:


“(a) the existence of the subject firearm; and 

(b) the fact that the accused who possessed or owned the same does not have the corresponding license for it.”


Sa unang tingin, ang kawalan ng lisensya ng baril ay agad na magreresulta sa krimeng Illegal Possession of Firearm. Gayon pa man, sa kasong Untalan vs. People of the Philippines, G.R. No. 263099, February 17, 2025, ipinaliwanag ng Korte Suprema, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Mahistrado Amy C. Lazaro-Javier, na mayroon pa ring depensa na maaaring gamitin ang isang taong inakusahan ng Illegal Possession of Firearm:


“In the present case, a distinction should he made between criminal intent and intent to possess. While mere possession without criminal intent is sufficient to convict a person for illegal possession of a firearm, it must still be shown that there was animus possidendi or an intent to possess on the part of the accused. x x x Hence, the kind of possession punishable under P.D. No. 1866 is one where the accused possessed a firearm either physically or constructively with animus possidendi or intention to possess the same”.


Para sagutin ang iyong katanungan, kinakailangan pa rin na mapatunayan ang animus possidendi (intent to possess) sa parte ng akusado sa kasong Illegal Possession of Firearm. Ang animus possidendi ay ang intensyon ng akusado na magmay-ari, magdala, o magkaroon ng mahabang baril. Ito ay sa kadahilanang ang possession na pinarurusahan sa Presidential Decree No. 1866 ay ang pisikal at konstraktibong pagmamay-ari, pagdadala o pagkakaroon ng baril na may kasamang hangarin o intensyon (animus possidendi o intent to possess) na magdala o magmay-ari nito.


Samakatuwid, hindi awtomatikong may paglabag sa Republic Act No. 10591 (illegal possession) kung hindi mapatunayan na ang akusado ay may intensyon na magdala o magmay-ari ng baril na hindi rehistrado o lisensyado.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 15, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MATATAPOS NA ANG MARCOS ADMIN, KAPAG NAKAPAGLABAS SI ZALDY CO NG MGA RESIBO NA ANG MAGPINSANG PBBM AT ROMUALDEZ ANG ‘MASTERMINDS’ SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Sa inilabas niyang video, isinangkot ni former Cong. Zaldy Co sina Pres. Bongbong Marcos at Rep. Martin Romualdez sa flood control projects scam, na aniya ay may mga ebidensya at resibo raw siyang pinanghahawakan laban sa magpinsang ito.


Naku, kapag may nailabas ngang mga ebidensya at resibo si Zaldy Co laban sa magpinsang PBBM at Romualdez, malamang diyan na matatapos at babagsak ang Marcos administration, abangan!


XXX


MALAMANG SAKIT-ULO NA SI SEN. ESCUDERO, DAHIL KAPAG NAPATUNAYANG GUILTY SA MGA ALEGASYON, TANGGAL NA SA PAGKA-SENADOR, KULONG PA SIYA -- Tatlong sakit-ulo ang inabot kahapon ni Sen. Chiz Escudero. Una, sa Senate Blue Ribbon Committee ay dinikdik siya nang husto ni former Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo sa pagtanggap ng 20% kickback sa mga flood control projects. Pangalawa, sinampahan siya ni Atty. Marvin Aceron ng mga kasong graft, malversation, falsification of public documents at gross misconduct noong gobernador pa siya ng Sorsogon; at pangatlo, sinampahan din siya ng grupo ni Atty. Jesus Falcis sa Comelec ng paglabag niya sa Omnibus Election Code kaugnay sa pagtanggap niya ng P30 million campaign fund sa kontraktor na si Lawrence Lubiano.


Sakit-ulo talaga ang abutin ni Sen. Escudero dahil kapag napatunayan na guilty siya sa lahat ng alegasyon na iyan laban sa kanya, tanggal na siya sa pagka-senador, kulong pa siya, period!


XXX


GRACE POE IDINAWIT NA RIN SA FLOOD CONTROL KICKBACK KAYA KUNG NAGKATAONG BUHAY PA SINA FPJ AT SUSAN ROCES MALAMANG SERMON ANG ABUTIN SA THE KING AT THE QUEEN -- Sa nakaraang hearing ng Senate Blue Ribbon Committee ay idinawit na nina former DPWH Usec. Bernardo, former DPWH-Bulacan 1st District Officials Henry Alcantara, Brice Hernandez at JP Mendoza sa flood control projects sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, Sen. Escudero, former Sen. Nancy Binay at former Sen. Bong Revilla, pero kahapon ay idinagdag na ni Usec. Bernardo si former Sen. Grace Poe sa kickback sa flood control scandal.


Kung totoo nga na dawit sa anomalyang ito at nagkataong buhay pa ang parents niya na sina Fernando Poe, Jr. at Susan Roces, malamang sermon abutin niya sa The King and Queen ng Philippine cinema, boom!


XXX


DAHIL AYAW MAGLUBAY SA PAGPU-PROMOTE NG ONLINE GAMBLING, MALAMANG MGA VLOGGERS MAKULONG NG 6-TAON HANGGANG 20-TAON SA BILIBID -- Inirekomenda na ng Cybercrime Investigation and Coordinating Council (CICC) sa PNP-Anti-Cybercrime Group (ACG) na imbestigahan at kasuhan ang mga vloggers na kinabibilangan nina Whamos Cruz, Toni Fowler, Christian Grey at Nica Llamelo dahil ayaw maglubay ng mga ito sa pagpu-promote ng mga illegal online gambling sa social media.


Binalaan na noon ng CICC ang mga vloggers na tigilan na nila ang pagpu-promote ng mga online illegal gambling pero dahil sa ‘pagkagahaman’ sa perang kikitain ay hindi sila nagsipaglubay, at dahil isinumite na ng CICC ang mga nakalap nilang ebidensya sa PNP-ACG, at kapag napatunayan ng korte na sila (Cruz, Fowler, Grey at Llamelo) ay guilty, kulong sila mula 6-taon hanggang 20-taon sa Bilibid, period!

 
 

ni Leonida Sison @Boses | November 15, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa panahong puno na ng tensyon at ingay ang lansangan, walang mas mahalaga kaysa sa paninigurong ligtas at payapa ang paggalaw ng mamamayan. 


Kaya habang naghahanda ang Iglesia ni Cristo (INC), United People’s Initiative (UPI), at iba pang grupo para sa kanilang tatlong araw na pagtitipon mula Nobyembre 16 hanggang 18, 2025, mas pinaigting ng estado ang papel nitong bantayan ang kapayapaan. 


Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na nasa full alert status na ang National Capital Region Police Office (NCRPO). Ibig sabihin nito, walang bakasyon, walang leave, at lahat ng pulis ay handang magresponde anumang oras. 


Mula ngayong araw, Nobyembre 15, magsisimula ang paunang deployment, habang ang buong puwersa ay tuluyang ikakalat sa unang araw ng programa. Aabot sa 16,664 na mga pulis ang ipakakalat sa Metro Manila, mas mataas sa naunang bilang. Ito ay bilang paghahanda sa tinatayang 300,000 katao bawat araw sa People Power Monument at EDSA Shrine para sa UPI rally, at humigit-kumulang 100,000 naman sa Quirino Grandstand para sa INC gathering. Hindi lamang sentro ng lugar ang tututukan, ipupuwesto rin ang mga pulis sa Liwasang Bonifacio, US Embassy, Ayala Bridge, Senate, House of Representatives, Independent Commission for Infrastructure Grounds, at mga pangunahing kalsada ng Manila, Pasay, at Quezon City. 


Kasama rin sa operasyon ang intelligence units, logistics teams, emergency responders, at maging seaborne patrols para sa higit pang proteksyon. 


Ayon kay PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., handang-handa ang pulisya dahil malawak ang pagkilos at maraming lugar ang dapat bantayan. 

Para sa kanila, malinaw na dapat panatilihin ang kaayusan at tiyaking walang kababayang mapapahamak. 


Sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nananatiling positibo si AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr. na magiging mapayapa ang mga pagtitipon. Gayunman, nagbabala siya tungkol sa posibleng infiltrators, mga elementong maaaring manamantala sa malaking bilang ng taong dadalo. Hiling niya sa mga organizers na bantayan ang kanilang hanay habang tiniyak ng AFP na handa silang umalalay sa anumang emergency. 


Sa rami ng inaasahang lalahok, malinaw na magiging malaking pagsubok ang tatlong araw na protesta at religious gatherings. Subalit, kung may sapat na paghahanda, respeto, at koordinasyon, maaabot ang mithiin ng lahat para sa ligtas, tahimik, at maayos na pampublikong espasyo kung saan malayang naipapahayag ang paniniwala at saloobin, nang walang takot at kaguluhan. 


Ang seguridad ang pinakamahalagang unahin sa oras ng mga pagtitipon pero disiplina at malasakit ang dapat manaig. 


Kung magkasabay na kikilos ang dalawang ito, ang anumang rally, gaya ng inaasahang libu-libong dadalo sa mga susunod na araw ay magiging patunay na gumagana pa rin ang demokrasya, at kaakibat nito ang kapayapaan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page