top of page
Search

ni MC @Sports | September 26, 2025



World Jiu Jitsu Championship

Photo: Ang Deftac Six Blades Jiu-jitsu kids matapos pagwagian ang overall championships sa Chiba, Japan. (deftacpix) 



Malakas na ipinakita ng Filipino jiu jitsu artists ang kanilang kakayahan sa international scene nang magwagi ng 3 gold medals sa Sports Jiu-Jitsu International Federation (SJJIF) World Jiu Jitsu Championship 2025 at No-Gi Championship sa Chiba, Japan.


Namayani sina Joson Tessa at Jeon Dela Cruz sa hanay ng Pinoy athlete sa torneo, kung saan ang una ay naka-2 ginto at may isa ang huli.


Dinaig ni Tessa si Aina Fugisawa ng Evox BJJ sa ilang puntos para sa gold ng Gi Female Gray Kid 5 Light Feather. Sinundan pa niya sa Nogi Female Gray Kid 5 Light Feather nang daigin si Sawka Lilly ng Hi Grade Jiujitsu para sa twin-kill.


Ang double gold ni Tessa ay sinundan agad ni De La Cruz na tumalo kay Tomura Eishin ng Carpe Diem Yokohoma para sa ginto sa  Gi Male Gray Kid 3 Rooster.


Bumida rin si Callum Roberts sa pinakamalaki niyang torneo sa Jiujitsu sa Asya nang manalo sa 3 kategorya na pinalakas pa ang Pinoy Jiu-jitsu.


Ginapi ni Roberts si Nakamura Goki ng Infight Japan sa bisa ng straight arm lock sa  Gi Ultra Heavyweight Male Blue (Adults 18) class.


Ipinamalas ni Roberts ang giting sa mat nang gapiin si Nakahara Gustavo ng Carlos Toyota BJJ sa bisa ng Colla Choke sa Gi Open Weight Male Blue (Adults).


“We are thrilled to announce our monumental achievement as we emerged as the overall champions in both GI and NO GI categories at the largest Jiujitsu tournament ever held in Asia!,” ani Alvin Aguilar ng Deftac sa facebook post.


Overall champions ang Deftac-Six Blades Jiujitsu Kids Team sa  2025 ASJJF World Championships sa bisa ng 10 gold medals, 10 silvers at 13 bronze medals habang ang Impacto BJJ ay 2nd sa 10 golds, 5 silvers at 8 bronze medals.                                                  

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 22, 2025



Bryan Baginas

Photo : Nalusutan ni opposite hitter Yuri Romano ng Italya ang blockings nina #17 Luciano Vicentin at #4 Joaquin Gallego ng Argentina sa yugtong ito ng laban kahapon sa playoffs ng FIVB MWCH sa MOA Arena. (fivbpix)



Laro ngayong Lunes - MOA 

3:30 PM Bulgaria vs. Portugal 

8 PM USA vs. Slovenia 


Madaling iniligpit ng defending champion Italya ang hamon ng Argentina sa tatlong set sa pagpapatuloy ng 2025 FIVB Volleyball Men's World Championship Philippines 2025 knockout playoffs kahapon sa MOA Arena.  


Itinatak ng mga kampeon ang kanilang kalidad - 25-23, 25-20 at 25-22. Namuno sa Italya si Alessandro Michieletto na may 15 puntos buhat sa 12 atake.  Sumuporta sina Yurin Romano na may 14 at Mattia Bottelo na may 13 mula 12 atake. Tanging si Luciano Vicentin ang gumawa sa Argentina na may 15.  


Ito ang kanilang unang talo sa torneo matapos walisin ang Pool C laban sa Finland at Pransiya at Timog Korea. Hihintayin na lang ng Italya ang manananalo sa pagitan ng Finland at Belgium.  Ang laro ay nakatakda para sa Miyerkules. Tatangkain ng Bulgaria na mapabilang sa quarterfinals sa pagharap sa Portugal ngayong Lunes.  


Sumasakay ang Bulgarians sa pagwalis ng kanilang tatlong laban sa Pool E kontra Slovenia, Alemanya at Chile. Sa tampok na laro, haharapin ng paborito ng mga tagahanga Estados Unidos ang hamon ng Slovenia.  Malinis ang mga Amerikano sa Pool D kung saan tinalo ang Portugal, Cuba at Colombia. 


Samantala, nakamit ng FIVB numero uno Poland ang upuan sa quarterfinals sa pagbigo sa Canada - 25-18, 23-25, 25-20 at 25-14.  Haharapin na nila ang Turkiye na pinauwi ang The Netherlands - 27-29, 25-23, 25-16 at 25-19.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 21, 2025



Bryan Baginas

Photo : Nagtulungan sa mahigpit na depensa sina  #1 Siebe Korenblek at #10 Tom Koops ng Netherlands kontra sa matinding pag-atake ng katunggaling si Murat Yenipazar ng Turkey sa kasagsagan ng kanilang aksyon sa round-of-16 ng FIVB Volleyball Men's World Championship 2025 sa MOA Arena, Pasay City kahapon. (Reymundo Nillama)



Laro ngayong Linggo– MOA

3:30 PM Argentina vs. Italya

8:00 PM Belgium vs. Finland 

      

Patuloy ang milagrong lakbay ng Turkiye sa FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippine 2025 kahapon sa MOA Arena.  Naging unang nakapasok sa quarterfinals ang mga Turko matapos pauwiin ang The Netherlands sa apat na set – 27-29, 25-23, 25-16 at 25-19 – sa pambungad na laro ng Round of 16.

     

Ipinagpag ng Turkiye ang mabagal na simula at kinuha ang pagkakataon sa tila pagod na Dutch.  Sumandal ang mga Dutch kay Michiel Ahyi at depensa ni Cornelis van Der Ent upang makuha ang unang set subalit ang Turkiye ang nagdikta ang agos mula roon.

     

Namayagpag si 6’11” Adis Lagumdzija na may 28 puntos mula sa 25 atake para sa mga Turko.  Malaki rin ang ambag nina Ramazan Efe Mandiraci na may 15, Mirza Lagumdzija na may 13 at Bedirhan Bulbul na may 12.

     

Nagtapos si Ahyi na may 21 mula 20 atake.  Tanging si Tom Koops ang may higit 10 na may 14. 

      

Hihintayin na ng mga Turko ang mananalo sa pagitan ng Canada at numero uno sa FIVB Ranking Poland na tinatapos kagabi.  Ang laro ay nakatakda sa Miyerkules. 

       

Ito ang unang pagkakataon na nakapasok ang Turkiye sa quarterfinals.  Bago nito, ika-11 ang pinakamataas nilang naabot noong huling edisyon noong 2022 na ginanap sa Poland at Slovenia. 

      

Sisimulan ng Italya ang pormal na pagdepensa sa kanilang korona kontra Argentina.  Maliban sa pag-ulit hahanapin nila ang ika-limang kampeonato na hinigitan ng anim ng nabuwag na Soviet Union. 

       

Pumangalawa ang Italya sa Pool F kung saan dinaig nila ang Ukraine at Algeria pero nadapa sa Belgium.  Malinis ang Argentina sa Pool C laban sa Finland, Pransiya at Timog Korea.

       

Sa tampok na laro, magsusubukan ang Belgium at Finland.  Ang mananaig ang haharapin ang Italya o Argentina sa quarterfinals ngayong Miyerkules sa parehong palaruan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page