ni Ryan Sison @Boses | November 6, 2023
Walang inaasahang pagtaas sa presyo ng mga produktong pang-agrikultura na in-demand ngayong holiday seasons.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, bukod sa patuloy ang pag-import, matatag din umano ang lokal na produksyon ng Pilipinas.
Aniya, hindi nila ine-expect na magtataas ang presyo ng agricultural products dahil maganda ang supply natin at dahil sa stability ng ating local production habang tuluy-tuloy ang karagdagang imports na pumasok na at papasok sa bansa.
Sinabi pa ni De Mesa na maganda rin ang produksyon ng karne partikular na rito ang baboy at manok na in-demand lalo na’t papalapit na ang Kapaskuhan.
Para sa karne ng baboy, may karagdagang 300,000 metric tons ang inaasahang mapo-produce ngayong huling quarter pa lamang. Maging sa karne ng manok, walang magiging problema dahil sa mataas na lokal na produksyon nito.
Binigyang-diin din ng DA official na stable na ang presyo ng bigas simula nang alisin ang price ceiling o price cap sa well-milled at regular milled rice nito lamang nakaraang buwan.
Mainam kung talagang walang magiging pagtaas sa ating mga produktong pang-agrikultura lalo na’t kabi-kabila na ang mga handaan.
Nagsisimula na rin kasi ang mga reunion, parties at iba’t ibang pagdiriwang na siyempre in-demand ang mga karne ng baboy at manok, kung saan paboritong lutuin nating mga Pinoy.
Mabuti rin at nanatiling stable ang presyo ng bigas sa ating mga pamilihan.
Hiling lang natin sa kinauukulan na tuluy-tuloy na sana ang ganitong presyo ng ating agricultural products hanggang sa katapusan ng taon na malaking kaginhawahan sa taumbayan. Gayundin, para naman maging masaya at masagana ang pagdiriwang ng ating mga kababayan ngayong Kapaskuhan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com