ni Ryan Sison @Boses | November 9, 2023
Babala sa publiko matapos ang lumabas na report na may nakatakas na detainees mula sa kulungan sa Maynila.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), bandang ala-1:30 ng madaling-araw nitong Miyerkules, siyam na detenido na nasa ilalim ng kustodiya ng pulisya ang nakapuga mula sa custodial facility ng Police Station 1 sa Tondo, ng naturang lungsod.
Sinabi ng NCRPO public information office na tatlo sa siyam na jailbreaker ang muli namang naaresto sa follow-up operations ng pulisya, subalit anim na iba pa ang nananatiling nakalaya o at large.
Sa naging pahayag ni Manila Police District (MPD) Police Colonel Arnold Thomas Ibay, winasak umano ng mga detenido ang mga bakal ng jail facility kaya sila nakatakas.
Gayunman, patuloy ang manhunt operations ng mga awtoridad para madakip ang anim na natitirang jailbreaker at ayon kay Ibay, inalis na sa puwesto ang concerned desk officer at jailer ng MDP Station 1 habang nakabinbin ang resulta ng imbestigasyon sa naganap na jailbreak.
Dapat na mag-ingat ang ating mga kababayan dahil hindi biro ang mga nakatakas na indibidwal na maaaring nagtatago na sa ilang barangay.
Hindi naman kasi natin batid kung bakit ang mga ito nakulong at ano ang kanilang naging kaso. Posibleng nasangkot ang mga ito sa krimen o kaya naman sa droga.
Ayaw sana nating isipin na may kapabayaan sa ating kapulisan, at tila natutulog na naman sila sa pansitan, subalit dahil sa nangyari ay magdudulot ito ng takot sa taumbayan.
Panawagan natin sa kinauukulan na aksyunan agad ang problema, hanapin ang mga nakatakas na detenido at ibalik sila sa kulungan nang hindi na sila makapaghasik pa ng anumang kaguluhan at karahasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com