top of page
Search

ni Ryan Sison @Boses | June 30, 2025



Boses by Ryan Sison

Matapos ang dalawang sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel, mukhang magkakaroon din ng kahit kaunting pag-asa para sa mga tsuper, motorista, komyuter, mga mamimili at iba pa ngayong linggo. 


Ayon sa pagtataya ng Unioil para sa Hulyo 1 hanggang 7, 2025, inaasahang bababa ang presyo ng diesel sa P1.70 hanggang P2.00 kada litro at gasolina sa P1.30 hanggang P1.50 kada litro. 


Isa pang kumpanya ng langis ang sinasabing may paggalaw sa presyo — Jetti Petroleum, ay naglabas ng mas agresibong projection, posibleng bumaba pa ang diesel sa P1.90 hanggang P2.10, habang ang gasolina ay maaaring ibaba sa P1.50 hanggang P1.70 kada litro. 


Ang rollback na ito ay iniuugnay sa pagdeklara ni US President Donald Trump ng ceasefire sa pagitan ng Israel at Iran — isang diplomatikong hakbang na agad nagpalamig sa tensyon at nagpababa ng global crude oil prices. 


Bagama’t tila malayo ang kaganapan, ramdam natin sa mismong pump stations ang epekto ng diplomasya. 


Kamakailan lang, ginulantang ang mga Pilipino ng sunud-sunod na pagtaas — P1.75 sa gasolina, P2.60 sa diesel, at P2.40 sa kerosene — na inakyat pa sa dalawang tranches para hindi umano sabay-sabay ang pasakit. Unang tranche noong Hunyo 24, kasunod o ang pangalawa tranche naman noong Hunyo 26. 


Kung susuriin, kahit pa bumaba ang presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo, hindi nito nabubura ang naunang dagdag-presyo. 


Sa totoo lang, parang sinabihan lang tayong bawas-presyo ngayon pero sa kabuuan, talo pa rin dito ang masa. Tulad ng gasolinang papatak-patak, ganoon din ang ginhawang nararamdaman — saglit lang, at hindi sapat. 


Ang mga global events, kahit gaano kalayo, ay may direktang tama sa ating mga bulsa. At habang ang presyo ng langis ay laging tumataas dahil sa pandaigdigang kaganapan, dapat na ring seryosohin ng pamahalaan ang mga alternatibong pagkukunan, local reserves, at mas agresibong mass transport programs para hindi tayo laging bihag ng ganitong nakakahilong taas-baba ng presyo ng langis.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | June 29, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa panahon ngayon, hindi lang text scam o phishing ang dapat bantayan. Pati ang mga dating lehitimong transaksyon gaya ng “assume balance” ay ginagawang modus ng mga sindikato. 


Nitong Hunyo 24, siyam na katao — anim na Indian nationals at tatlong Pilipino ang naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation sa isang casino hotel sa Parañaque. Kinasuhan sila ng carnapping at syndicated estafa kaugnay sa lumalaganap na “assume balance-talon” scheme. 


Sa modus na ito, ang may-ari ng sasakyan na hindi na makabayad sa monthly amortization ay inaalok nila ng “pasalo”, isang kasunduan kung saan ibang tao o sila na ang magpapatuloy sa hulog ng sasakyan. Subalit sa halip na tuparin ang kasunduan, ang sasakyan ay ibinebenta, isinasangla, o pinapadaan sa iba’t ibang kamay. Habang kalaunan hinahabol na ng bangko ang may-ari ng sasakyan matapos na hindi pa rin nakakapagbayad ng kanyang amortisasyon.


Sa kasong ito, isinangla pa umano ng grupo ang sasakyan sa halagang P120,000 at nang bawiin ito ng orihinal na may-ari, humingi sila ng P450,000 kapalit ng pagbabalik nito. 


Hindi lang ito simpleng panlilinlang, kundi malinaw na pagsasamantala sa mga taong gipit. Ang mas masaklap, may banta pa na i-“chop-chop” o pag-disassemble ng sasakyan kung hindi makabayad sa grupo. 


Kung hindi pa nakapagsumbong ang biktima sa NBI, maaaring tuluyan nang nawala ang sasakyan. 


Sa hiwalay naman na operasyon, siyam na Korean nationals ang nahuli rin sa Parañaque matapos maaktuhang nagpapatakbo ng isang ilegal na online loan scheme. Narekober mula sa kanilang condominium unit ang mga computer workstations na may foreign-language scripts at user interfaces na kaugnay sa online financial transactions — palatandaan na ito ay posibleng loan fraud. 


Ang mga ganitong uri ng panlilinlang ay tila bunga ng mas malawak na krisis -- kakulangan sa kabuhayan, kahinaan ng seguridad, at pagsasamantala ng mga itinuturing na banyagang sindikato sa mga butas ng ating sistema. 


Ang panloloko gamit ang financial schemes ay hindi lang usapin ng krimen. Isa itong desperadong galaw para makapanlinlang ng kapwa, pagpapakita ng kahinaan ng batas, at tila kakulangan sa kaalaman hinggil sa paghawak ng pera na nagiging dahilan para madaling maloko ang mga kababayan. 


Habang patuloy ang pag-unlad ng teknolohiya at mga alternatibong transaksyon, nararapat lang na sabayan ito ng maayos at mahigpit na batas, maingat na mamamayan, at mabilis na aksyon mula sa mga otoridad. 


Karamihan sa ating mga Pilipino, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan, ay kadalasang nahuhulog sa bitag ng mga ganitong uri ng scam dahil na rin sa kagustuhang makaraos at malutas ang problema. Gayunman, hindi kailanman solusyon ang pumasok sa mga alanganing kasunduan. Marahil, dapat na sigurong bigyang-prayoridad ang financial literacy sa bawat komunidad, dahil sa mundong puno ng panlilinlang, tamang kaalaman ang pinakamabisang proteksyon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | June 28, 2025



Boses by Ryan Sison

Habang ang digital age na dapat sana’y nagbubukas ng mas maraming oportunidad, tila ito rin ngayon ang paboritong playground ng mga kriminal. 


Sa datos na inilabas ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), aabot na sa 5,099 ang naaresto mula Enero hanggang kalagitnaan ng Hunyo ngayong 2025 dahil sa mga online scam at maituturing na ring cybercrime. 


Ang mas nakakabahala rito, karamihan sa kanila ay mga lalaking walang trabaho na nasa edad 20 hanggang 30 — panahong dapat ay nasa kasagsagan sila ng productivity o pagiging produktibo. 


Lumalabas din sa report ng kapulisan na ilan sa mga nahuli ay dating empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na napilitang humanap ng kabuhayan at bagong pagkakakitaan matapos ang total ban. Ang iba ay dating security guard na nagsagawa umano ng kanilang racket ng online scam. 


Habang may mga lehitimong nagtatrabaho online, hindi maikakailang lumalaki ang underground digital economy — mabilis, delikado, at madalas walang kaakibat na accountability. 


Ayon kay PNP-ACG acting director Brig. Gen. Bernard Yang, kailangang amyendahan ang SIM Card Registration Law upang limitahan ang bilang ng SIM cards na puwedeng irehistro ng isang tao. Sa kasalukuyan aniya, maaaring magrehistro ng 10 SIM cards, kaya naman pinakikinabangan ito ng mga scammer. 


Itinutulak din ng kagawaran ang mas mahigpit na regulasyon sa mga social media platform sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act, upang ang mga kumpanyang ito ay magkaroon ng mga physical offices sa bansa. 


Isa pang kinakaharap ng PNP-ACG ay ang mga AI-generated video na nagpo-promote ng trading platform at mga halimbawa ng “deepfake” na puwedeng manira ng reputasyon at manlinlang ng publiko. May mga kaso rin ng e-wallet thefts, iba pang katulad nito, na may kinalaman sa online scam.


Sa dami ng mga nahuling online scammer at naitalang cybercrime cases, sa loob lamang ng halos anim na buwan, nagpapatunay lamang ito na may malalim na problema at kinakailangan ng agarang solusyon. 


Kumbaga, namayagpag muna ang mga mandarambong gamit ang digital platform na siguradong marami ang nabiktima bago pa tuluyang nahuli ng pulisya. 

Maraming batas na ang ginawa, pero kulang ito sa implementasyon at mahigpit na panuntunan. 


Sa panahon ng AI at social media, ang pinakamabisang proteksyon pa rin ay edukasyon, oportunidad, at matibay na batas.  Higit sa lahat, kailangan natin ng gobyernong mabilis umaksyon habang ang mga mamamayan ay dapat maging mapanuri.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page