top of page
Search

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Dec. 14, 2024



Photo: Anthony Jennings at Maris Racal - Instagram


Hindi pa rin humuhupa ang usaping Maris Racal at Anthony Jennings kahit pareho nang nagpaliwanag at humingi na ng ‘sorry’ ang bawat isa sa mga taong nasaktan nila.


Sa Showbiz Now Na (SNN) online show nina Nanay Cristy Fermin, Wendell Alvarez at Romel Chika ay napag-usapan nila ang dalawa dahil naging viral daw ang pagbaklas sa mga billboards ng ilang produktong ineendorso ni Maris (sabay pakita ng larawan ng mga taong nagbabaklas).


Simula ni ‘Nay Cristy, “‘Yun pong napanood natin sa social media, ‘yung may naka-post na binabaklas ang billboard ni Maris na SMB (San Miguel Beer), may isang kaibigan po ako na nagsabi na, ‘No, it didn’t come from SMB.’


“Maaaring ‘yung mga nagbaklas, may mga tao ‘yan, eh, na may taga-lagay, may taga-ano na ‘pag bumabagyo, may taga-tiklop ng mga tarpaulin. 


“Hindi po sa kanila (SMB) galing ‘yun at hindi nila babastusin ang kanilang endorser. Pero maliwanag pa po sa sikat ng araw sa tanghaling tapat na ang dami nilang nawalang negosyo (endorsements sabay pakita ng larawan).”


Singit naman ni Romel Chika, “Oo, ang daming nagsabi na isasalba na lang nila ang sarili nilang produkto.”


Sang-ayon din itong malakas talaga ang impluwensiya ng mga artista bilang endorser dahil kapag nakita ng mga ordinaryong tao ay kaagad nilang sinusubukan ang mga ito.

Nasambit din ni ‘Nay Cristy na gumastos ang mga nasabing kumpanya ng promo, billboards at iba pang promo materials.


“Alam mo kung bakit nagkakatanggal-tanggal ang mga endorsements? Siyempre, may kontrata ‘yan. Meron d’yang kontrata na naka-stipulate na bawal masangkot sa anumang iskandalo at bawal kontrahin ang nakasulat doon sa kontrata. 


“At kung nagamit na nila ‘yung kontrata halimbawa 6 months at P5M ang kontrata, ‘yung P2.5M, ibabalik nila ‘yun.


“Kaya ‘pag may iskandalo ang mga endorser, hindi muna inilalabas ‘yan kasi ina-avoid nila na dapat matapos muna ang kontrata para wala na silang isoling pera sa kumpanya,” paliwanag ni ‘Nay Cristy.


At kaya hindi napigilan itong kina Anthony at Maris na pumutok ang isyu ay dahil naglabas daw ng ebidensiya si Jam Villanueva na ex-girlfriend ng aktor.


“Natulala silang lahat, hindi nila sukat-akalain na si Jam Villanueva na inyong nilalait-lait, hayan (naglabas ng ebidensiya) para mailigtas na ang kanyang sarili,” sabi pa ni ‘Nay Cristy.


 

Nang huli naming makausap ang premyadong aktor na si Allen Dizon ay inamin niyang mas gusto niya ang award bilang artista, kasunod lang ang box office success bilang producer.


Kaya nga raw medyo mapili siya sa mga roles na ginagampanan dahil gusto niya ay naiiba sa mga dati na niyang nagawa, na totoo naman dahil hindi na mabilang sa mga daliri sa kamay at paa kung ilan na ang tropeong naka-display ngayon sa bahay niya from international to local award-giving bodies.


At heto, may bago na naman siyang tinanggap na pelikula, ang Unconditional Love (UL) at ang role niya ay transman o babae na naging lalaki.


Sa story conference ng UL ay aminado si Allen na wala siyang ideya sa gagampanan niyang karakter, kaya marami siyang tinanungan tungkol dito at para lubos na maintindihan ay nakipag-ugnayan ang produksiyon ng manager niyang si Dennis Evangelista kay Nil Nodalo, presidente ng Transman Pilipinas, kung saan ipinaliwanag nito ang lahat ng proseso.


Si Rhian Ramos kasi ang gaganap na girlfriend ni Allen na natatakot siyang sabihin kung sino talaga siya dahil baka magbago ang pagtingin sa kanya, lalo na kapag nagkaroon na sila ng eksenang kakailanganin ng intimacy.


Nang makatsikahan namin si Allen ay hindi pa sila nag-shoot, kaya wala pa siya gaanong maibahagi sa mga eksena at kaya kabado pa rin siya.


Si Jerry Gracio ang sumulat ng script mula sa direksiyon ni Adolfo Alix, Jr. at kasama rin sa pelikula sina Lotlot de Leon, Elizabeth Oropesa, Paolo Gumabao, Rico Barrera, Brandon Ramirez, at Joel Lamangan.



 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Dec. 7, 2024



Photo: Julia Montes sa TOPAKK - Instagram


Noong isinu-shoot pa lang ang pelikulang Topakk ay naikuwento na sa amin na   si Julia Montes dahil matitindi ang mga eksenang habulan at nadadapa siya kaya natusok ng pako ang tuhod niya.


Ang bidang si Arjo Atayde ay nasugatan din at dumugo ang kamay na tila wala lang sa kanya.


Kami bilang nakuwentuhan ay nag-aalala rin dahil siyempre, hindi namin alam kung ano ba talaga ang nangyari lalo’t parehong malapit sa amin sina Arjo at Julia.


Panic mode kami kahit wala naman kami sa set, “Okay naman na, may medics, nabigyan naman ng lunas,” sabi sa amin.


Matitindi raw kasi ang mga eksenang barilan, may mga sumasabog pa, kaya walang patid na barilan at takbuhan at nakita naman iyon sa full trailer ng Topakk na idinirek ni Richard Somes for Nathan Studios, Inc. at entry sa 50th Metro Manila Film Festival na mapapanood simula sa December 25.


Nang malaman naming si Richard Somes ang direktor ng Topakk ay alam na naming matitinding aksiyon ito at sabi nga namin ay manalangin ka na hindi ka maaksidente o masugatan dahil iba ang istilo nitong director.


Nang makausap namin si Julia pagkatapos ng mediacon ay dito na niya naibahagi ang experience niya sa Topakk.


“Actually, more than fears, mas excited ako kasi maganda ‘yung kuwento, ‘yung film, ‘yung purpose and advocacy ng film and siyempre, excited ako to work with Arjo.


“‘Yung na-experience naman na nasaktan, hindi na namin na-feel ‘yun kasi nasa moment na kami ng eksena. Sa action, napansin namin, hindi ka puwedeng naka-steady lang or lutang ka. Magkamali ka lang ng move, mamamali mo rin ‘yung co-actor mo,” kuwento ni Julia.


At dito nabanggit ng aktres na napako na siya.


“Kasi ‘yung eksena na ‘yun, nagko-confrontation na ‘yung mga characters. ‘Yun ‘yung first meet-up namin ni Arjo, so medyo intense na ‘yung mga bagay-bagay.


“Eh, nahiya naman akong i-cut (ang eksena) para sabihin na ‘Teka lang, napako ako!’, so, ang ginawa ko, dahil intense ‘yung eksena, wala sa akin ‘yung camera, doon ko hinugot ‘yung pako,” aniya.


Hindi naman naiwasang tanungin kay Julia kung ano ang naging reaksiyon ni Coco Martin sa nangyari sa kanya sa Topakk.


Natawa si Julia, “‘Yung original manager ko (Coco), proud, ha? Siyempre, proud s’ya sa ‘kin kasi s’ya naman talaga ‘yung nagturo kung paano gumalaw or hindi lang gumalaw, kundi kung paano umiwas, pero siyempre, hindi naman maiiwasan kung nandu’n ka na at ‘yung mga safety tips ang itinuro n’ya na nagamit naming lahat.


“Siyempre, ‘pag may baril, automatic ‘yan, mag-iingat kasi may mga sparks na lalabas d’yan. ‘Pag action, ‘wag masyadong in the zone. Kasi kaming mga artista, ‘pag nag-e-enjoy kami, gusto namin, kami na ang gagawa para kuha na ‘yung shot. Ganu’n namin kamahal ‘yung trabaho. Minsan, nakakalimutan namin na teka lang, are we ready or equipped to jump, kasi hindi natin maiiwasan ‘yung accident. Ang sarap n’yang katrabaho, kasi titingin ka lang, sasabay ka na, eh. Doon ko sinasabi na masarap gawin ‘yung eksena kung ganito kagaling ‘yung katrabaho mo.”


Dagdag pa, “Kung may isang project akong gusto ko pang gawin ay ito (Topakk) at kahit paulit-ulit ko pang gawin, kahit abutin pa ng 2, 3, 4, or 5 (sequel or prequel).”



Naisip din namin na sana, magkaroon ng part 2, pero paano? Dahil kung may sequel ito, bagong cast na, kasi nawala na ‘yung karamihang kasama sa pelikula at kung may prequel naman, wala naman si Julia. Kaya malamang, may bagong journey sina Arjo at Julia siguro.


Anyway, iisa ang kuwento ng mga vloggers at influencers na nakapanood na ng Topakk bago ang mediacon nu'ng Disyembre 4 na matitindi raw ang mga eksena nito at parang hinahabol ang hininga mo dahil sunud-sunod na putukan at patayan ang mapapanood.


Ang sabi ng mga nakausap namin, “Arjo for Best Actor and Julia for Best Actress.”

Pinuri rin ang editing kaya posibleng Best Editing.


Pero ang narinig namin kay Sylvia ay gusto rin niyang manalo ng Best Float kaya lagi niyang binibiro si Bryan Diamante na producer ng Uninvited na siya ang mananalo sa nasabing kategorya.


Posible kayang magkaroon ng tie sa Best Float?


Bukod kina Arjo at Julia ay kasama rin sina Sid Lucero, Kokoy de Santos, Levy Ignacio, Bernard Palanca, Paolo Paraiso, Vin Abrenica, Cholo Barretto, Julio De Leon, Ivan Carapiet, Jeffrey Tam, Gerard Acao, Michael Roy, Maureen Mauricio, Elora Espano, Claire Ruiz, Anne Feo, Bong Cabrera, Manu Respall, Rosh Barman, Victor Medina, Ivan Rivera, Ian Lee, Nico Dans, Yian Gabriel, Raquel Pareno, Precious Laingo, Kayley Carrigan, Geli Bulaong at Enchong Dee.


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Dec. 4, 2024



Photo: Vic Sotto at Piolo Pascual sa The Kingdom - IG


Inamin ni Bossing Vic Sotto nu’ng ialok sa kanya ang pelikulang The Kingdom (TK) ay hindi kaagad siya sumagot dahil nga serious drama ito at sanay ang publiko na nagpapatawa siya.


Naisip din niya kung bagay ba sa kanya ang karakter na gagampanan, pero dahil maganda ang kuwento nu’ng i-pitch sa kanya ni Direk Mike Tuviera, ang tanong niya ay sino ang makakasama.


At nang malaman niyang si Piolo Pascual, umoo raw agad siya.


“It’s not every movie kasi, we belong to different stations. We never had the chance to be together. So, this is one pagkakataon na hindi ko palalagpasin,” pag-amin ng Eat…Bulaga! (EB!) host sa nakaraang mediacon ng TK sa Novotel nu'ng Nobyembre 29.


Ang bonding moments kaagad nina Bossing Vic at Piolo ang tinanong sa una habang nasa set sila ng TK na entry ng MQuest Ventures Inc., M-ZET TV Productions at APT Entertainment Inc. ngayong 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) na mapapanood simula December 25.


Kuwento ni Vic, hindi sila nag-bonding ni Piolo nu'ng simula dahil hindi magkakilala ang kanilang role sa movie. Pero sa huli, grabe na raw ang bonding nila.


“I heard things about him before and napatunayan ko na he’s a good actor. And as a matter of fact, in some of our sequences together, pinapanood ko s’ya and medyo nag-fan boy moment ako.


“Ang galing! Ang hahaba ng dialogues pero ‘di s’ya nagkakamali. Ako, ang ikli lang, pero nagba-buckle pa. At ‘yun, napatunayan ko na he’s a seriously good actor. Not just good actor but good person. Working with a professional like Piolo is a very good experience,” seryosong kuwento ni Bossing Vic.


Bumawi rin naman si Piolo at sinabing fan na fan din siya ni Bossing Vic.

“I’ve always been a fan. ‘Pag nakikita ko s’ya, para akong nangangarap. It was like living my dreams, you know, ang makasama ko ang isang Vic Sotto. Wow!” kuwento ng Kapamilya actor.


Hanga raw si Piolo sa pagmamahal ni Vic sa kanyang craft. Kahit komedyante ito, dahil seryoso ang kanyang role sa The Kingdom, hindi ito humihiwalay sa kanyang character.


“Once na naka-costume s’ya, hindi ko s’ya makakausap. Nasa isang tabi, studying his lines.


He’s really a pro. So, you have to give your best as well," sabi pa ni Piolo.

Sa The Kingdom, gaganap si Vic bilang si Lakan Makisig, ang hari na naiipit sa isang matinding desisyon habang nahaharap ang kanyang kaharian sa kaguluhan. 


Kasama niya si Sulo (Piolo), isang magsasakang itinatwa ng lipunan ngunit magiging bayani sa pagnanais ng pagbabago sa kaharian.


Bahagi rin ng powerhouse cast sina Cristine Reyes at Sue Ramirez bilang sina Dayang Matimyas at Dayang Lualhati, ang matatapang na mga prinsesang may kani-kanyang mga hinaharap na hamon sa buhay. 


Si Sid Lucero naman ay si Magat Bagwis, ang kapatid nilang prinsipe na pilit na ipinaglalaban ang adhikain na magdadala ng tensyon sa pamilya. 


Si Ruby Ruiz naman ay gaganap bilang Babaylan, ang ispiritwal na lider ng kaharian, habang si Cedrick Juan ang gaganap na batang Lakan. 


Kasama rin si Zion Cruz bilang apo ni Lakan Makisig.


Tampok din sa TK ang espesyal na partisipasyon nina Iza Calzado, Art Acuña, Giovanni

Baldisseri, at Nico Antonio, na maghahatid ng makabuluhang pagganap sa alternatibong mundong ito.


Palabas na ito sa Dec. 25 sa lahat ng sinehan sa buong 'Pinas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page