top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | December 12, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Kinansela na ang pasaporte ni Zaldy Co.

May bago na kasi siyang “passport”.

 

----$$$--


Ipinaprayoridad ang Anti-Dynasty Bill.

Kunwari.

 

----$$$--


HINDI pa rin maka-move on ang mga kritiko sa P60 bilyong ibinalik sa PhilHealth mula sa national treasury.


Idineklara kasi ng Korte Suprema noong Disyembre 5 na ilegal ang paglilipat ng naturang pondo.


Kumbaga, ipinimpong balls ang naturang pondo.

 

----$$$--


SA totoo lang, ang paglipat ng pondo ay alinsunod sa serye ng mga batas kabilang ang

2024 General Appropriations Act (GAA).


Pinagtibay din ito Department of Finance (DOF) batay sa  Circular No. 003-2024 na nilagdaan ni dating Finance Secretary Ralph Recto.

 

-----$$$-- 


BAGAMAT sinabi ng Supreme Court (SC) na labag sa konstitusyon ang Special Provision 1(d), apat na mahistrado ng SC ang nanindigan na hindi kriminal na mananagot si Recto dahil alinsunod  ito sa utos ng Kongreso sa inaprubahang GAA.


Batay kasi ito sa Special Provision 1(d) ng Chapter XLIII, meron itong  eksklusibong “power of the purse.”

 

-----$$$--


SA aktwal, ipinatupad ang naturang hakbang matapos makakuha ng clearance mula sa Office of the Solicitor General (OSG), at Office of the Government Corporate Counsel (OGCC), Governance Commission for GOCCs (GCG).


Sinang-ayunan din ito ng Commission on Audit (COA) at maging ang PhilHealth Board mismo.

 

-----$$$--


NILINAW din na ang P60 bilyon ay hindi rin umano ginamit sa flood mitigation projects.

Bagkus, ginamit ang P46.7 bilyon sa gastusing pangkalusugan.


Ang P13 bilyon naman ay napunta sa government counterpart financing para sa foreign-assisted infrastructure at social development projects. 

 

-----$$$--


DAHIL sa paglilipat ng P60 bilyon mula sa PhilHealth noong 2024, naiwasan ng National Government (NG) ang muling pangungutang na sana’y magdadagdag sa public debt stock ng P60 bilyon.


Nakaiwas ang gobyerno sa potensiyal na interes na  P3.8 bilyon kada taon, batay sa average interest rate na 6.3% noong 2024.

 

----$$$--


NAKAIWAS din na magpataw ng bagong buwis para lamang pondohan ang mga prayoridad na programa.


Gayunman, ang P60 bilyong pondo ng PhilHealth na ibinalik sa Treasury ay hindi galing sa kontribusyon ng miyembro.


Ito ay mula sa subsidies, kabilang ang mga “sin” taxes o buwis mula sa mga tobacco products at alak.

 

-----$$$--


BINIGYANG-DIIN ni Associate Justice Raul Villanueva na sakaling panagutin si Recto sa pag-isyu ng DOF Circular 003-2024 , ito ay maituturing na pagpaparusa sa kanya dahil sa pagganap sa kanyang tungkulin.


Dahil hindi nagalaw ang pondo mula sa kontribusyon ng mga miyembro, napagbuti pa ng PhilHeath ang pagbibigay ng serbisyo.

 

----$$$--


SA ngayon, ang mga pasyente sa breast cancer ay nabibiyaan mula P100,000 tungo sa P1.4 milyon, o 1,300% pagtaas.

Sa dialysis patients: libre ang sessions at medications para sa buong taon.

 

----$$$--


PARA sa Peritoneal Dialysis (PD) patients: mula P270,000, tumaas ng hanggang 370% tungo sa P1.269 milyon.


Sa institutionalized na 156 hemodialysis sessions kada taon, ang halaga ay P6,350 bawat session mula sa dating P4,000—katumbas ng 58.75% pagtaas, o halos P1 milyon na suporta para sa bawat pasyente taun-taon.


-----$$$--


PARA sa kaalaman ng publiko, sa Open heart surgeries, ang ventricular septal defect ay tumaas sa P614,000 (mula sa dating P250,000) ang benepisyo.

Sa total correction of tetralogy of Fallot (P614,000 mula P320,000); at Coronary Artery Bypass Graft (CABG) – hanggang P960,000 mula P550,000.

 

-----$$$--


PINALAKI rin ang benepisyo ng PhilHealth sa Heart Valve Repair, kidney transplant, cataract; at therapy sa mga napaparalisado.

Pinondohan din ang pagbili ng mga health equipments at pagtatayo ng mga dagdag na pasilidad na may kaugnayan sa medical services.

 

-----$$$--


NAGLAAN din ng P13 bilyon para sa mandatory government counterpart financing para sa foreign-assisted infrastructure at social development projects.


Mahalagang maunawaan ng publiko ang tunay ng sitwasyon sa gitna ng kaliwa’t kanang kaduda-dudang impormasyong lumilitaw sa iba’t ibang social media platform.

 

-----$$$--


SA ngayon, kailangang magtulong-tulong ang bawat mamamayan sa pagpapakalat ng mga lehitimong impormasyon.


At umiwas na maging kasangkapan sa kaliwa’t kanang black propaganda ng mga nagtutunggaliang ideolohiya sa ating lipunan.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 12, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SANA NOON PA NAKULONG SINA PARTYLIST REPS. ZALDY CO, EDWIN GARDIOLA AT ERIC YAP – Sinabi ni Task Force Kasanag convenor John Chiong na walang ibang dapat sisihin sa paglala ng korupsiyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kundi si dating Ombudsman Samuel Martires. Ayon kay Chiong, noong Hunyo 2022 ay hiniling nila kay Ombudsman Martires na imbestigahan sina Ako Bicol partylist Rep. Elizaldy Co, CWS partylist Rep. Edwin Gardiola, noo’y ACT-CIS partylist Rep. Eric Yap, at ilang DPWH officials dahil sa umano’y anomalya sa proyekto nilang P50 bilyong landslide slope protection system sa Cordillera Administrative Region (CAR), na sinimulan pa noong 2018.


Ngunit, ayon kay Chiong, wala raw ginawang aksyon ang Office of the Ombudsman. Ani niya, kung inaksyunan lang noon ng Ombudsman ang reklamo ng Task Force Kasanag, at kung noon pa nakasuhan sina Rep. Zaldy Co, Edwin Gardiola, at Eric Yap, sana noon pa nakulong ang tatlong kongresistang ito at hindi sana lumaganap sa buong bansa ang scam sa flood control projects, period!


XXX


FICTITIOUS ANG 'TINDIG KALIKASAN' NA GUMAGAWA RAW  NG MGA FAKE NEWS AT NANINIRA KINA GOV. FERNANDO AT VG CASTRO KASI ANG GRUPONG ITO, WALANG NAGPAPAKILALANG MGA CONVENOR – Ang Task Force Kasanag ay may mga convenors, kabilang si John Chiong. Ngunit ang grupong naninira raw kina Bulacan Gov. Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro na “Tindig Kalikasan” ay walang malinaw na ipinakilalang mga convenor, na nagpapahiwatig na walang opisyal na miyembro ang organisasyong ito.


Wala umanong nagpapakilalang mga convenor ang “Tindig Kalikasan,” at ang tanging ginagawa raw nila ay paulit-ulit na mag-post sa social media ng mga paninira laban kina Gov. Fernando at VG Castro. Alam nilang fake news ang kanilang mga atake at alam din nilang kapag nagpakilala o nakilala sila, maaari silang kasuhan sa ilalim ng cybercrime laws.


Kabilang sa mga fake news na ibinabato ng fictitious group na ito ang pagpapasangkot kina Gov. Fernando at VG Castro sa flood control scandal, gayung malinaw naman sa isinagawang imbestigasyon ng Senado, Kamara, Department of Justice (DOJ), at Independent Commission for Infrastructure (ICI) na ang mga opisyal na sangkot ay mula sa national government, tulad ng mga senador, kongresista, at DPWH. Isa pang paninira ay ang pahayag na umano’y walang bidding sa Bulacan Flood Control and River Restoration Program at basta na lang ibinigay ang proyekto sa TCSC Corporation. Sa katotohanan, wala ngang bidding na naganap dahil wala ring inilabas na pondo ang Bulacan local government, sapagkat ito ay isang PPP o Public-Private Partnership.


Kaya malinaw na ang nasa likod ng fictitious group na “Tindig Kalikasan” ay mga kalaban sa pulitika nina Gov. Fernando at VG Castro. Halos katatapos lang ng nakaraang eleksyon, at bagamat malayo pa ang May 2028 election, masigasig na silang naninira, period!


XXX


KANSELADO NA ANG PASAPORTE NI ZALDY CO KAYA MALAPIT NA SIYANG BITBITIN NG INTERPOL PABALIK NG ‘PINAS – Mismong ang Department of Foreign Affairs (DFA) na ang nag-anunsiyo na kanselado na ang pasaporte ni Zaldy Co.

Dahil d’yan, asahan nang isa sa mga darating na araw, bibitbitin na ng Interpol si Zaldy Co pabalik ng ‘Pinas, abangan!


XXX


LAGANAP NA NAMAN SA SOCIAL MEDIA ANG MGA ILLEGAL ONLINE SABONG – Ipinagbabawal na sa bansa ang mga illegal online gambling, pero sa social media ay laganap na naman ang mga illegal online sabong.


Dapat aksyunan agad ito ng Cybercrime Investigation and Coordinating Council (CICC) para makilala at makasuhan ang mga nagpapalaganap na naman ng online sabong sa social media, boom!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 11, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAG-ASAWANG DISCAYA, WALANG KONSENSYA DAHIL BILYON-BILYONG PERA ANG IN-SCAM NILA SA KABAN NG BAYAN, KAYA FAKE NEWS ANG SINABI NI ATTY. SAMANIEGO NA MALINIS DAW ANG KONSENSYA NI SARAH DISCAYA – Sabi ni Atty. Cornelio Samaniego, abogado ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, malinis daw ang konsensya ng mag-asawang ito at patunay daw na kahit wala pang warrant of arrest sa kasong malversation of public funds at graft patungkol sa flood control projects scam na isinampa ng Ombudsman kay Mrs. Discaya, nagpasya na itong sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI).


Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 18, ipinakita ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson ang data na mula year 2016 hanggang 2025 ay umabot sa P207 billion ang nakopong kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga construction firms ng mag-asawang Discaya, at halos lahat ng kanilang mga flood control projects ay ghost, substandard at unfinished projects. Pagpapatunay ito na wala silang konsensya, kaya 'yung sinabi ni Atty. Samaniego na malinis daw ang konsensya ni Sarah Discaya sa mga kasong kinakaharap, fake news 'yun, boom!


XXX


BUWAGIN NA ANG ICI KASI WALA ITONG 'PALABRA DE HONOR' – Walang "palabra de honor" ang mga taga-Independent Commission for Infrastructure (ICI) kasi ang sabi nila noon sa mga susunod nilang hearing ay isasapubliko na nila ito sa pamamagitan ng live streaming. Pero, napako ang pangako nilang ito dahil ipinagpatuloy nila ang imbestigasyon sa pamamagitan ng closed-door hearing.


Ika nga, ang sinuman na walang isang salita ay hindi dapat pagkatiwalaan, at dahil walang "palabra de honor" ang ICI at kuwestiyonable ang isinasagawa nilang closed-door hearing. Ang dapat sa komisyon na ito ay buwagin na ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. (PBBM) at ipaubaya na lang sa Senado, Kamara, Department of Justice (DOJ) at Ombudsman ang imbestigasyon sa mga sangkot sa flood control scandal, period!


XXX

MGA KURAKOT NA SENADOR, EX-SENATORS AT MGA SUSPECTED KILLERS-KIDNAPPERS NA GRUPO NI ATONG ANG TILA SAMA-SAMANG MAGPA-PASKO SA CITY JAIL – Sa isyung flood control scandal, magkasunod na sinabi nina PBBM at Ombudsman Boying Remulla na bago mag-Pasko ay may mga senador at dating senador na sangkot sa flood control projects scam ang makukulong. Sa isyu naman ng missing sabungeros, inanunsyo ng DOJ na may basehan daw para sampahan nila ng mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention ang grupo ni gambling tycoon Charlie "Atong" Ang.


Tila yata hindi lang mga kurakot na senador, ex-senators ang magpa-Pasko sa city jail, kundi pati ang mga suspected killers-kidnappers na grupo ni Atong Ang, abangan! 


XXX


IPINAGBAWAL NI MAYOR VICO ANG ADVERTISEMENTS NG MGA PASUGALAN SA PASIG CITY, PERO MGA RAKET NA STL-CON JUETENG AT LOTTENG SA LUNGSOD, TULOY PA RIN ANG OPERASYON – Good news! Para hindi raw malulong sa sugal ang kanyang mga kababayan, ipinagbawal ni Mayor Vico Sotto ang paglalagay sa mga billboards ng mga advertisements ng iba't ibang uri ng sugal sa Pasig City.

Bad news! Tuloy pa rin ang raket nina alyas "Kits" at "Egay" na mga sugal-lupa na Small Town Lottery (STL)-con jueteng at "lotteng" sa Pasig City.


Para maging makatotohanan ang kampanya ni Mayor Vico laban sa sugal, sana ipa-stop na rin niya ang mga raket na STL-con jueteng at "lotteng" sa Pasig City, period!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page