top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 12, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


NEXT MONTH, HINDI LANG SI VP SARA ANG SASAMPAHAN NG IMPEACHMENT, KUNDI PATI RIN DAW SI PBBM IPAPA-IMPEACH DIN – Sinabi ni Caloocan City 2nd District Rep. Egay Erice na kung may magsasampa ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio sa susunod na buwan, maaaring may kasunod na impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM).


Ayon kay Erice, ang mga reklamo laban kay VP Sara ay kahalintulad ng mga nilalaman ng kanyang Articles of Impeachment noong nakaraang taon, kabilang ang diumano’y pagkakasangkot sa confidential funds scam, pagbabanta sa buhay nina PBBM, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Leyte Rep. at dating Speaker Martin Romualdez, pati na rin ang bribery. Bagama’t hindi tinukoy ni Erice ang detalye ng posibleng impeachment complaint laban kay PBBM, maaaring may kaugnayan ito sa P151 billion unprogrammed funds na nakapaloob sa 2026 national budget.


Ipinapakita nito ang kaguluhan sa pulitika sa Pilipinas, kung saan may mga nagnanais na ma-impeach si VP Sara, at mayroon ding nagnanais na ma-impeach si PBBM. Boom! 


XXX


PANGKARANIWAN NA SA MAG-ASAWA ANG MAY JOINT ACCOUNT SA BANGKO, PERO NGAYON, PATI MGA CORRUPT POLITICIANS MAY JOINT BANK ACCOUNTS NA RIN —- Karaniwan na sa mag-asawa ang may joint account sa bangko, pero ngayon ay nauuso na rin ito sa ilang pulitiko kahit hindi magkamag-anak, gaya ng ibinulgar ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) tungkol sa joint account nina CWS partylist Rep. Edwin Gardiola at Surigao del Sur 1st District Rep. Romeo Momo.


Kung walang isyu ng korupsiyon, wala namang problema sa joint account nila. Ngunit pareho silang nasangkot sa flood control scandal, kaya’t natural na iniisip ng publiko na ang laman ng kanilang bank account ay posibleng nagmula sa pera ng bayan na kanilang sinamantala. Period!


XXX


KAYA MARAMING MAHIRAP, KASI ANG PONDONG NAKALAAN SA KANILA AY INI-SCAM NG MGA BUWAYANG PULITIKO – Ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS), 51% ng mga pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap.

Hindi nakapagtataka ang sitwasyong ito, dahil maraming pondo para sa mga mahihirap ang nauuwi sa mga kurakot sa pamahalaan. Period!


XXX


HINDI LAHAT NG PINOY SA THE NETHERLANDS AY SUPORTADO PANANATILI NI HARRY ROQUE, MERON DIN NA ISINUSUKA SIYA – Isang Pilipino sa The Netherlands ang humiling sa Dutch government na i-deport si dating Presidential Spokesman Harry Roque pabalik sa Pilipinas. Bukod sa wala na siyang pasaporte, may warrant of arrest si Roque sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Porac, Pampanga.


Ipinapakita nito na hindi lahat ng Pilipino sa Netherlands ay sumusuporta kay Roque; may ilan na nais na siya’y ma-deport pabalik sa bansa. Boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 11, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MALAMANG NA MAITATALA ANG ‘PINAS NA PINAKA-KORUP NA BANSA SA MUNDO KUNG HINDI MAPIPIGILAN ANG TALAMAK NA KATIWALIAN – Ayon sa isinapublikong survey ng Pulse Asia, 94% ng mga Pilipino ang nagsabing masyadong talamak na ang korupsiyon sa gobyerno.


Kung hindi mapipigilan ang ganitong talamak na katiwalian sa bansa, hindi na nakapagtataka kung dumating ang panahon na maitala ang Pilipinas sa Guinness World Records bilang pinaka-korup na bansa sa buong mundo. Boom!


XXX


GOBYERNO ANG 'BIGGEST CRIMINAL SYNDICATE' SA ‘PINAS? – Hindi na nakapagtataka na 94% ng mga Pilipino ang naniniwalang malala na ang katiwalian sa pamahalaan. Halos lahat ng nagpapakilalang “lingkod-bayan” ay nasasangkot sa iba't ibang anomalya. May ilan pa nga na nagsasabing korup ang presidente, ang bise presidente, ilang senador at kongresista, ilang miyembro ng Cabinet, at iba pang opisyal ng gobyerno — mula sa local governments at barangay officials hanggang sa ilan sa mga mahistrado at hurado ng korte sa bansa.


Sa totoo lang, sa dami ng mga korap sa ehekutibo, lehislatura, at hudikatura, maituturing na ang gobyerno ang “biggest criminal syndicate” sa Pilipinas, na nambibiktima sa mga Pilipinong taxpayers. Tsk!


XXX


MGA KAMAG-ANAK INC., MGA TRAPO AT MGA CONG-TRACTOR IBASURA SA 2028 ELECTION – Nasaksihan ng publiko sa mga nakaraang imbestigasyon hinggil sa flood control scandal na ang mga sangkot sa pang-i-scam sa kaban ng bayan ay mga nagpapanggap na “lingkod-bayan”: magkakamag-anak na pulitiko o political dynasty, mga trapo, at mga cong-tractor o kongresistang kontraktor.


Kabilang ang mga ito sa mga dahilan kung bakit marami sa ating mga kababayan ang nananatiling mahirap, dahil ang pondo ng bayan na dapat nakalaan para sa serbisyo sa mamamayan ay ini-scam ng mga “Kamag-anak Inc.”, mga trapo, at cong-tractor.


Kaya sana, matuto na ang mga botante: busisiin ang pagkatao at track record ng mga kandidato sa 2028 elections, at ibasura sa halalan ang mga “Kamag-anak Inc.”, mga trapo, at cong-tractor. Period!


XXX


MAY PAG-ASA PA ANG ‘PINAS KUNG ANG ILULUKLOK AY WALANG BAHID NG KORUPSIYON AT GOOD GOVERNANCE ANG ISUSULONG – Hindi naman lahat ng pulitiko at opisyal ng gobyerno ay korup; mayroon ding mga matitino na isinusulong ang good governance.


Ang nais nating ipunto rito ay may pag-asa pa ang Pilipinas—kung hindi man tuluyang mawala, ay maibsan man lang ang korupsiyon sa bansa. At makakamtan ito kung matututo ang mga botante sa tamang pagboto. Sa 2028 elections, lalo na sa presidential election, mahalagang iluklok ang mga pulitikong walang bahid ng korupsiyon at tunay na magsusulong ng good governance. Period!



 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 10, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


CONG. LEVISTE, SINUPALPAL NI OMBUDSMAN REMULLA KASI PANAY PABIDA AT PASIKAT LANG PERO AYAW NAMAN KASUHAN ANG MGA LAWMAKERS NA NASA 'CABRAL FILES' – Sinupalpal ni Ombudsman Boying Remulla si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste kaugnay ng tinatawag nitong “Cabral Files,” o mga dokumento na umano’y nagmula sa yumaong DPWH for Planning Usec. Ma. Catalina Cabral. Ayon kay Remulla, panay ang pagpapasikat ni Leviste sa social media at sa mga panayam sa mainstream media, ngunit hindi naman ito humaharap sa Office of the Ombudsman upang pormal na ireklamo ang mga mambabatas na inaakusahan niyang may project insertions sa DPWH na nakapaloob sa 2025 national budget.


May punto si Ombudsman Remulla sa kanyang pagsupalpal kay Cong. Leviste. Kung tunay na may ebidensya ng katiwalian ang mga dokumentong hawak nito, nararapat lamang na ihain ang mga reklamo sa tamang institusyon. Sa halip, tila ginagamit lamang ang “Cabral Files” para magpasikat at magparatang sa publiko, nang walang lakas ng loob na dumaan sa pormal at legal na proseso. Period!


XXX


P33B BUDGET SA FARM-TO-MARKET ROAD, DAPAT I–VETO NI PBBM, KASI ANG PONDONG INILALAGAY D’YAN AY KINUKURAKOT LANG – Dapat ding vineto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ang P33 bilyong pondo para sa mga “Farm-to-Market Road” na inaprubahan ng Senado at Kamara at isinama sa 2026 national budget.


Batay sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, hindi lamang pondo para sa flood control projects ang ginawang gatasan ng mga tiwaling pulitiko, opisyal ng DPWH, at mga kontratista, kundi pati na rin ang pondo para sa “Farm-to-Market Road.” Sa kabila nito, hindi ito vineto ni PBBM at sa halip ay isinama pa sa mga proyektong kanyang nilagdaan at inaprubahan sa 2026 national budget. Tsk!


XXX


NAGSINUNGALING DAW SI CONG. PULONG DUTERTE NANG SABIHING WALANG SUBSTANDARD AT INCOMPLETE FLOOD CONTROL PROJECTS SA DAVAO CITY, KASI MISMONG NBI ANG NAGSABING MERON – Nadiskubre ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagkakaroon ng mga substandard at incomplete na flood control projects sa Davao City. Dahil dito, inihahanda na ng ahensya ang pagsasampa ng kaso laban sa ilang tiwaling opisyal ng DPWH sa lungsod.


Ibig sabihin, mali ang naging pahayag ni Davao City Rep. Paolo Duterte na wala umanong substandard at incomplete na flood control projects sa kanilang lugar. Mismong NBI na ang nagsabing may mga depektibong proyekto—kaya malinaw kung sino ang nagsasabi ng totoo. Period!


XXX


PBBM, 'HAPPY' SA PALPAK NA SERBISYO SA TAUMBAYAN NG KANYANG MGA CABINET MEMBERS? – Pinabulaanan ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Usec. Claire Castro ang kumakalat sa social media na magsasagawa umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ng balasahan sa mga miyembro ng kanyang Gabinete.


Sa totoo lang, marami sa mga Cabinet members ni PBBM ang pumapalpak sa pagbibigay-serbisyo sa mamamayan. Kung totoo ngang walang magaganap na balasahan, gaya ng pahayag ni Usec. Castro, lumalabas na kuntento ang Pangulo sa kapalpakan ng ilang miyembro ng kanyang Gabinete. Boom!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page