top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 18, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PANUKALANG ANTI-DYNASTY NINA CONG. SANDRO AT SPEAKER BOJIE PABOR SA POLITICAL DYNASTY KAYA DAPAT I-REJECT ITO NI PBBM – Sa mga lawmakers na nagsulong ng anti-political dynasty, malamang na 'yung panukala nina Presidential Son, Ilocos Rep. Sandro Marcos at Speaker Bojie Dy ang ipasa ng Senado at Kamara, kasi ang ipinagbabawalan lang ay magkaroon ng magkakapamilyang senador at magpalit-palitan sa puwesto ang magkakamag-anak, pero pinapayagan naman ang mga political family na magkaroon ng tig-iisang posisyon, puwedeng senador si tatay, governor si nanay,  kongresista sa district 1 si kuya, sa district 2 si ate, at district 3 si bunso, mayor sa iba't ibang city at municipality sina lolo, lola, tito, tita, pinsan.


Kaya kung sakali na ito ang ipasa at kung seryoso si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) na tuldukan na ang political dynasty, dapat i-veto o i-reject niya ang anti-political dynasty version nina Cong. Sandro at Speaker Bojie. Period!


XXX


DAHIL NAGPABAYA SA TUNGKULIN, DAPAT SAMPAHAN NG KASONG DERELICTION OF DUTY SI RET. OMBUDSMAN MARTIRES PARA MAKULONG SIYA AT MATANGGALAN NG PENSYON – Itinalaga ng noo'y Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) si Ret. SC (Supreme Court) Associate Justice bilang Ombudsman noong Agosto 2018 para magsagawa ng imbestigasyon at sampahan ng kaso ang mga tiwaling pulitiko at mga opisyal ng pamahalaan, pero hindi niya ginampanan ang iniatang na tungkulin sa kanya na nagdulot upang lumala ang korupsiyon sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan, lalo na ang kurakutan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na kinasasangkutan ng mga kurakot na senador, kongresista at mga contractor.


Ubod nang laking pera ng bayan ang na-scam mula 2026 hanggang 2025, pumalo ito sa higit P1.3 trillion kaya hindi dapat palampasin ng Marcos admin ang pagpapabaya sa tungkulin ni Ret. Ombudsman Martires, dapat siyang sampahan ng kasong kriminal at administratibo na dereliction of duty para makulong siya ng mula 6 months hanggang 6 years at matanggalan ng kanyang pensyon. Boom!


XXX


ZALDY CO AT MAG-ASAWANG DISCAYA, WALANG PLANONG ISOLI SA KABAN NG BAYAN ANG KANILANG MGA NINAKAW KASI NI-SINGKO, WALA RAW SILANG KINUHA AT MALINIS DAW KANILANG MGA KONSENSYA – Ilang DPWH officials na ang umamin na nagnakaw sila sa kaban ng bayan, kaya isinasauli na nila sa pamahalaan ang mga ninakaw sa pera. Pero sina former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co at mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya ay tila walang planong umamin na sila ay mga kurakot, walang plano na isoli sa gobyerno ang mga ninakaw nila sa kaban ng bayan.


Sa kabila kasi na may mga ebidensyang nagnakaw sila ay patuloy silang nagmamalinis, ika ni Zaldy Co ay taga-deliber lang daw siya ng kickback kina PBBM at Leyte Rep., former Speaker Martin Romualdez na kesyo ni-singko raw ay wala siyang ninakaw sa pera ng bayan, at sa parte naman ng mag-asawang Discaya, malinis daw ang kanilang konsensya, na kesyo nadamay lang daw sila sa mga ikinakaso sa kanila. Buset!


XXX


ANG TOTOONG DAHILAN KAYA DUMAMI ANG JOBLESS AY DAHIL SA TALAMAK NA KORUPSIYON AT HINDI DAHIL SA MGA BAGYO – Pang-uunggoy lang sa publiko ang sinabi ni Sec. Bienvenido Laguesma na kaya raw dumami ang mga Pinoy na walang trabaho sa ‘Pinas ay dahil sa sunud-sunod na bagyong tumama sa bansa.


Ang totoo kasing dahilan kaya dumami ang jobless ay dahil umatras na ang mga foreign investors na magtayo ng negosyo sa ‘Pinas dahil sa talamak na korupsiyon sa gobyerno. Period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 17, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAPAT MAG-PUBLIC APOLOGY SI PBBM KAPAG HINDI NATUPAD ANG PROMISE NIYANG MAY MGA KURAKOT NA PULITIKO ANG MAGPA-PASKO SA CITY JAIL – Napakaraming pulitiko ang sangkot sa scam sa mga flood control projects, ngunit isa pa lamang ang sinampahan ng kaso ng Ombudsman at nilabasan ng warrant of arrest mula sa Sandiganbayan—si former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co.


Si Zaldy Co ay kasalukuyang nagtatago sa ibang bansa, kaya’t hindi pa siya nadakip ng mga otoridad. Samantala, ang ibang pulitiko na sangkot sa flood control scandal ay hindi pa nasasampahan ng kaso, kaya wala pa silang warrant of arrest.


Dahil dito, kung darating ang Pasko nang wala pang pulitikong nakulong, dapat magbigay ng public apology sa mamamayan si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM). Ito ay dahil pinaasa-asa niya ang taumbayan na may mga pulitiko na makukulong ngayong Kapaskuhan. Ngayon na halos isang linggo na lang ay Pasko na, tila wala pa ring pulitikong kurakot ang mapapadala sa city jail. Boom!


XXX


MARAMING KURAKOT NA DPWH OFFICIALS SA ‘PINAS ANG MAKAKALUSOT SA KASO, KASI ANG MGA TAGA-ICI ANG MAKUPAD MAG-IMBESTIGA – Mula nang itatag ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) noong Setyembre 11, 2025, at sa halos tatlong buwang imbestigasyon nito sa mga flood control projects, mga opisyal pa lamang ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa tatlong lalawigan—Bulacan, Oriental Mindoro, at Davao Occidental—ang sinampahan ng kasong malversation of public funds at graft.


Mantakin n’yo, halos lahat ng tanggapan ng DPWH sa mga probinsya sa bansa ay sangkot sa flood control projects scam, ngunit dahil sa kupad na imbestigasyon ng ICI, tanging mga DPWH officials sa tatlong probinsya lamang ang nairekomenda nilang kasuhan.


Dahil sa ganitong makupad na imbestigasyon, parang nakikita rin nating matatapos ang termino ni PBBM bilang presidente dahil maraming kurakot na DPWH officials sa ibang lalawigan ang makakalusot sa kaso. Mananatili pa rin sila sa kanilang mga puwesto para ipagpatuloy ang pangurakot sa kaban ng bayan. Period!


XXX


BILYONES NA PANG-PROJECTS NG MGA CONG. TULOY PA RIN?!! – Nang mapatalsik sa puwesto sina Leyte Rep. Martin Romualdez bilang Speaker at noo’y Ako Bicol Rep. Zaldy Co bilang chairman ng House Appropriations Committee, at napalitan nina Isabela Rep. Bojie Dy bilang House Speaker at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing bilang pinuno ng House Appropriations Committee, inakala ng publiko na matitigil na ang bigayan ng bilyun-bilyong pondo para sa mga kongresista.


Ngunit base sa ibinulgar at nakalap na dokumento ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), bilyones pa rin daw ang inilaan na pang-projects ng mga kongresista. At ang una sa talaan ng may pinakamalalaking pang-projects ay sina mismo Speaker Bojie Dy at House Appropriations Committee Chairperson Mikaela Suansing umano. Boom!


XXX


NANG MAKATIKIM NG KASO SA CIDG, CONG. KIKO BARZAGA, NAG-LIE LOW SA PAGPO-POST NG MGA ATAKE SA GOBYERNO – Matapos sampahan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng mga kasong inciting to sedition at rebellion si 4th District Rep. Kiko Barzaga, nag-lie low na sa social media ang kongresista laban sa pamahalaan.


Akala ng publiko na totoong palaban si Cong. Kiko laban sa Marcos administration, eh hindi pala—mistulang natakot nang makatikim ng kaso, he-he-he!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 16, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SINUPALPAL NI ROWENA GUANZON SI SEN. RISA HONTIVEROS SA PAG-EPAL NITO SA DESISYON NG SC NA IBALIK SA PHILHEALTH ANG PONDO NITO NA NAPUNTA SA BTr – Sinupalpal ni dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon ang pahayag ni Sen. Risa Hontiveros na ikinatuwa niya ang utos ng Supreme Court (SC) sa administrasyong Marcos na ibalik sa PhilHealth ang P60 bilyong pondo na nailipat noon sa Bureau of Treasury (BTr) ni dating Finance Secretary at ngayo’y Executive Secretary Ralph Recto.


Ayon kay Guanzon, wala raw “K” o karapatan si Sen. Risa na angkinin ang kredito o umepal sa desisyon ng Korte Suprema, dahil isa rin siya sa lumagda sa Bicameral Report noong 2024 General Appropriations Act (GAA) na nag-utos na ilipat ang reserve funds ng PhilHealth sa BoT.


Ano kaya ang magiging sagot ni Sen. Risa sa panunupalpal na ito ni Guanzon? Abangan!


XXX


KUNG INAAKALA NINA ZALDY CO AT SARAH DISCAYA NA MAKAKALUSOT SILA SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM, NAGKAKAMALI SILA – Sinabi noon ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na ni-“singko” raw siya at wala siyang kinuha sa mga alegadong kickback na idini-deliver niya sa magpinsang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) at Leyte Rep. at dating Speaker Martin Romualdez. Kamakailan naman, iginiit ng kontratistang si Sarah Discaya na malinis ang konsensya niya at ng asawa niyang si Curlee dahil wala raw silang ginawang anomalya sa kanilang mga flood control projects.


Ngunit kung inaakala nina Zaldy Co at Sarah Discaya na makakalusot sila sa mga kasong malversation of public funds, graft, at bribery sa pamamagitan ng palusot na wala silang kasalanan, nagkakamali sila. Marami raw kasing ebidensya na nagpapakita ng kanilang pagkakasangkot sa flood control projects scam. Period!


XXX


HINDI DAPAT PATULAN NI CONG. LEILA DE LIMA ANG PAGHINGI NG TULONG SA KANYA NI RAMIL MADRIAGA – Inanunsyo ni ML Partylist Rep. Leila De Lima na humihingi raw ng tulong sa kanya si Ramil Madriaga, ang presong nagpakilalang kidnaper at sinasabing bagman ni Vice President Sara Duterte sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at illegal drugs. Ayon kay Madriaga, biktima raw siya ng sabwatang ginawa ni VP Sara at ng dating presidential spokesman na si Harry Roque, kaya daw siya nakasuhan ng kidnapping.


Ngunit hindi dapat patulan ni Cong. Leila ang hinihinging tulong ni Madriaga, dahil kung tutulungan niya ito, puwede itong ipakahulugan ng publiko na gusto lang niyang maka-resbak kay VP Sara. Lalo na’t ang administrasyon ng ama nito, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang nagpakulong sa kanya noon sa kasong may kinalaman sa illegal drugs. Boom!


XXX


PINUTAKTE NG BATIKOS SI SEC. VINCE DIZON DAHIL SA LABAN-BAWI NIYA SA PONDO NG DPWH – Pinutakte ng batikos si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon dahil sa laban-bawi niyang hakbang sa 2026 budget ng DPWH.

Nu’ng una, nagpabida si Sec. Dizon sa publiko nang sabihing dapat bawasan ang budget ng DPWH para maiwasan ang korupsiyon. Ayon sa kanya, kung maliit ang budget, mas madali niyang mababantayan ang kaban ng bayan sa kanyang kagawaran. Dahil dito, binawasan ng Senado at Kamara ang budget ng DPWH.


Ngunit sa Bicameral Conference, binaliktad ni Dizon ang kanyang dating pahayag. Ngayon, panawagan niya ay ibalik ang tinapyas na budget at magtiwala na lang daw ang Kongreso at taumbayan sa DPWH na kanyang pinamumunuan. Period!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page