ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 15, 2026

SA BAGONG RULING NG SC SA IMPEACHMENT, 'SUNTOK SA BUWAN' NA MA-IMPEACH SINA PBBM AT VP SARA – Sa bagong ruling ng Supreme Court (SC) kaugnay ng impeachment, tila “suntok sa buwan” na ang ma-impeach sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) at Vice President Sara Duterte, dahil kapwa sila may matitibay na kaalyado sa Kamara.
Noong Hulyo 25, 2025, ipinatigil ng SC ang impeachment proceedings laban kay VP Sara matapos umanong labagin ng House of Representatives (HOR) ang tinatawag na one-year bar rule, na nagsasaad na isang impeachment case lamang ang maaaring tanggapin ng Kamara laban sa isang opisyal sa loob ng isang taon.
Batay sa desisyon ng Korte Suprema, may ilang civil society groups na nagsampa ng impeachment complaints laban sa bise presidente noong Disyembre 2, 4, at 19, 2024. Pagkaraan nito, nagsumite rin ang mayorya ng mga kongresista ng Articles of Impeachment noong Pebrero 5, 2025.
Iginiit ng Kamara na hindi nila inaksyunan ang mga reklamong inihain noong Disyembre at iisa lamang ang opisyal na impeachment case—ang Articles of Impeachment na isinumite noong Pebrero 5, 2025—na ipinadala sa Senado bilang impeachment court. Gayunman, pinabulaanan ito ng SC at sinabi na kahit hindi inaksyunan ang mga naunang reklamo, kabilang pa rin ang mga ito sa bilang ng impeachment cases dahil tinanggap ang mga ito ng HOR.
Ang punto rito: kung may magsampa ng impeachment complaints laban kina PBBM at VP Sara sa mga susunod na buwan, at muling may ihain na impeachment cases sa Marso 2026 na tatanggapin ng Kamara, wala ring mangyayaring impeachment proceedings. Muli lamang igigiit ng SC na nilabag ang one-year bar rule.
Sa madaling sabi—“tapos ang boksing.” Boom!
XXX
KUNG HINDI SANA BINIGYAN NG NOO'Y SPEAKER ROMUALDEZ NG TRAVEL AUTHORITY SI ZALDY CO, DAPAT NAKAKULONG NA ITO NGAYON SA CITY JAIL – Nahihirapan ang Marcos administration na dakpin ang puganteng si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa Portugal dahil walang extradition treaty ang Pilipinas sa nasabing bansa.
Kung hindi sana binigyan noon ni dating Speaker Martin Romualdez ng travel authority si Zaldy Co, malamang ay nakakulong na ito ngayon sa city jail. Period!
XXX
KUNG WALANG AAWAT, MALAMANG NON-STOP ANG BANGAYAN NINA SEN. LACSON AT SEN. IMEE KASI PAREHO SILANG TAKLESA – Tuloy ang bangayan nina Senate President Pro Tempore Ping Lacson at Minority Sen. Imee Marcos hinggil sa pork
barrel at allocable insertions sa 2026 national budget.
Kung walang papagitnang aawat, malamang ay magtuloy-tuloy ang kanilang patutsadahan, lalo’t kapwa taklesa sina Sen. Lacson at Sen. Imee. Boom!
XXX
DAPAT BUWAGIN NA ANG ICI KASI WALA NA PALA ITONG SILBI – Inamin ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na mabagal ang usad ng imbestigasyon sa umano’y flood control scandal dahil sa kakulangan ng mga komisyoner, matapos magbitiw sa puwesto sina Engr. Rogelio Singson at Accountant Rosanna Fajardo.
Kung ganito ang kalagayan, tila wala nang silbi ang ICI kaya’t nararapat nang buwagin ito agad ni PBBM. Period!




